Kundenahin at itigil ang lockdown sa mga komunidad!

Mariing kinukondena ng NPA-Northern Samar (Rodante Urtal Command) ang ipinapatupad na lockdown sa ibat-ibang barangay sa buong prubinsya ng Northern Samar. Ayon sa pinakahuling ulat, kasalukuyang hindi pinapayagang pumunta sa kanilang mga koprasan at sakahan ang mga magsasaka ng Barangay Hitapian at Barangay San Vicente na parehong saklaw ng bayan ng Catubig simula pa noong July 19. May kinalaman sa lockdown ang tuluy-tuloy na focused military operation ng 20th IB simula pa noong kalagitnaan ng Mayo 2024.

Isa lamang ang Hitapian sa maraming mga barangay sa bayan ng Catubig na nakaranas ng maraming beses na lockdown sa ilalim ng RCSP cluster CO na kinamumuhian ng masa na si Lieutenant Martires ng 20th IB. Kung babalikan, noong Nobyembre 2023 ay ipinailalim ang baryo sa lockdown kasabay ng walang habas na pagpapaputok ng howitzer sa mga koprasan at magubat na bahagi ng nasabing barangay at katabi nitong Barangay Anongo at Barangay San Vicente.

Naulit ang lockdown noong nakaraang Pebrero kung saan kasabay nito ay ang pagpapaputok ng mortar ni Martires mula sa loob mismo ng baryo papuntang koprasan ng magsasaka sa pagitan ng Hitapian at Anongo. Isang bala ng mortar ang bumagsak sa loob ng baryo na bagamat hindi pumutok ay nagdulot ng pangamba sa mga tao. Pinagbawalan naman ni Martires ang mga tao at konseho na magreklamo kaugnay nito. Nitong nagdaang Hunyo ay ipinailalim muli ang Hitapian sa lockdown.

Matagal nang inirereklamo ng mamamayan ng Northern Samar kabilang na ang Barangay Hitapian sa ipinapataw na lockdown ng AFP. Dahil sa lockdown, apektado ang malayang pagkilos at kabuhayan ng mga magsasaka. Ang dati nang hikahos na kalagayan sa pamumuhay ay mas pinatindi pa ng limitadong oras na inilalaan ng magsasaka sa kanilang pagtrabaho. Dati nang nakasanayan ng mga magsasaka ang “pagbanti” o pagtanim ng palay, gulay at rootcrops sa mga sakahan nila sa bukiring bahagi ng baryo bilang alternatibong pinagmumulan ng pagkain at kita.

Nabago ito nang pumakat ang RCSP unit na nagpatupad ng maraming restriksyon sa mga magsasaka. Ramdam din ng mga mamamayan ng Hitapian ang hindi na masiglang partisipasyon ng taga-ibang baryo sa panahon ng pagtatanim ng palay sa patag at pag-aani na dating natural na kaayusan sa kanilang baryo. Apektado din ang dating nakasanayan na pagbebenta nila ng bigas sa Barangay San Jose, Mapanas bilang pagtulong nila sa magsasaka roon sa akses sa mura at dekalidad na bigas at bilang ambag sa kanilang kita para sa iba’t ibang gastusin. Pinapag-logbook, sinisita at pinagduduhan ang mga magsasaka sa kanilang mga byahe papuntang San Jose lalo kung may dalang bigas at inaakusahan silang tumutulong sa NPA.

Tuwing may lockdown ay problemado ang mga magsasaka kung saan kukuha ng pagkain, uling para sa konsumo sa bahay, paglilipat ng hayop sa mga sakahan, araw-araw na gastusin ng mga estudyante, mga binabayarang arawang utang at iba pa.

Hindi lamang ang mga barangay sa Catubig ang nakaranas ng lockdown. Sa bayan ng Las Navas, ipinailalim nitong July 9-16 sa lockdown ang mga barangay ng San Francisco at Imelda pagkatapos ang ginawang istraping ng tropa ng 20th IB sa isang sibilyan. Mas matindi ang karanasan ng mamamayan ng Palapag kung saan ilang beses at paulit ulit ang lockdown sa mga barangay ng Bagacay, Capacujan at Osmeña kabilang ang dalawang sityo (Canonghan at Cag-anibong) na ipinailalim sa isang buwang lockdown noong Mayo.

Malinaw na tahasang paglabag sa karapatang pantao at sa barangay bilang isang komunidad ang lockdown sa kanilang malayang pagkilos. Kahit nga mismo sa ilang hanay ng mga sundalong nagpapatupad ng RCSP ay nagkagirian din dahil sa pagpapatupad ng lockdown. Halimbawa nito, ay ang muntik nang sagupaan sa pagitan ng sundalong si Martires at De Guia kung saan tinutulan ni De Guia ang ginawang lockdown at pinayagang pumunta sa sakahan ang mga magsasaka. Sa katabing baryo ay nagkainitan din sina Lieutenant Macayan at Semillano, parehong mga sundalo na may magkaibang pananaw sa lockdown.

Gayunpaman, ipinapakita din ng AFP sa ilalim ng 803rd Brigade at mga saklaw na yunit nito ang paging desperado sa pagkamit ng kanilang deadline na pagdurog sa NPA na ayon sa kanila ay ‘napahina’ na at iilan na lamang. Ngunit, bata-batalyong pwersa ang ginagamit na sumasalanta higit lalo sa mga magsasaka.

Ang mga atake sa masang magsasaka ay bahagi ng taktika ng kaaway na kunin ang “baseng masa” ng BHB at magpalaganap ng samutsaring maitim na propaganda laban sa BHB bilang bahagi ng pagdurog. Ngunit, ang araw-araw na ginagawang harassment at intimidasyon, iligal na pag-aresto, lockdown, pagpapalaganap ng hindi magandang gawi sa loob ng baryo ng RCSP unit tulad ng pagsusugal, pag-iinom, pagsasamantala sa mga kababaihan ay mga katangiang naghihiwalay sa mga bulok at kinamumuhiang sundalo ng AFP. Sa kabilang banda ay higit na naglalarawan at nagpapahigpit ng pagkakaisa sa BHB at masang magsasaka bilang tunay nilang mga sundalo.

Dapat nang itigil ng mga unit sa ilalim ng 803rd ang walang habas na paglabag sa karapatang pantao sa mga magsasaka kabilang na ang lockdown na ipinapatupad sa ibat ibang komunidad sa prubinsya ng Northern Samar.

Gayunpaman, ang mga kahirapang dinaranas ng mga magsasaka sa kamay ng pasistang sundalo ng 803rd ay magsisilbing makatwiran at makatarungang batayan para sa pagpupursige ng digmang bayan at armadong paglaban ng mamamayan.

Kundenahin at itigil ang lockdown sa mga komunidad!