Pahayag

Mensahe sa Ika 50 taong Anibersaryo ng Partido - NPA Partido Area, Camarines Sur

Sa okasyon ng ika 50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas tinatanaw ng Tomas Pilapil Command at ng buong rebolusyonaryong kilusan pinamumunuan nito kabilang ang buong mamamayang aping pinaglilingkuran nito ang higit na pag abante at pagsulong ng digmang bayan sa buong probinsya sabay sa pag-abante ng digmang bayan sa buong kapuluan.

Ginugunita at binibigyan natin ng mataas na pagpupugay sa okasyong ito ang mga martir na kadre at kasapi ng Partido, mga upisyal at kawal ng BHB, mga kasapi ng organisasyong masa at mga masang nagbuwis ng kanilang buhay para sa rebolusyon. Ang kanilang magiting na paglaban ay magsisilbing inspirasyon sa ating hanay para ipagpatuloy ang kanilang nasimulan at naiwang mga gawain. Ang buhay na kanilang inialay ay bahagi nang maningning na kasaysayan ng rebolusyonaryong pakikibaka sa loob ng 50 taong buhay at kamatayang pakikibaka ng Partido at walang sawang paglilingkod sa Sambayanang inaapi at pinag-sasamantalahan.

Mataas na pagkilala at pagsaludo sa okasyong ito sa lahat ng mga kadre at kasapi ng Partido, mga upisyal at kawal ng Bagong Hukbong Bayan, mga kasapi ng mga organisasyong masa sa masigla at walang sawang paggampan sa mga gawain bahagi ng walang humpay na paglaban sa nagpapatuloy na pasistang paghahari ng kasalukuyang rehimen. Tuloy-tuloy nitong ginagampanan ang mahahalagang tungkulin sa digmang bayan habang nagmamartsa tungo sa abanteng yugto ng estratehikong depensiba at inilalatag ang mga rekisitos sa pag abante sa susunod na yugto. Umaani rin ito ng malawak na suporta mula sa mga grupo, indibidwal at iba pang hanay ng mamamayan na nakikiisa at sumusuporta sa pagsulong ng digmang bayan.

Sa ilalim ng paghahari ng mga Imperyalistang bayan at ng lokal na tuta nito na kinatawan ng pasistang Rehimeng Duterte nagpapatuloy ang kaapihan at pagsasamantala sa mamamayan. Laganap ang kahirapan at kawalan ng kasiguruhan sa hanapbuhay at mapagkukunan ng kabuhayan para makatugon sa batayang pangangailangan ng malaking porsyento ng pamilyang Pilipino. Mas pinapalala pa ang kalagayang ito nang nagpapatuloy na pasistang panunupil ng rehimeng US-Duterte . Ang kontra rebolusyonaryong gyera ng Rehimeng US-Duterte sa ilalim ng binuong “National Task Force to End Communist Insurgency” na pinangungunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang pasistang diktador ay hindi lamang nakaumang ang talim nito sa mga kasapi ng PKP, BHB at NDFP kundi maging sa malawak na bilang ng mamamayan. Walang pagtatangi sa target ang kontra rebolusyonaryong gyerang ito ng Rehimeng US-Duterte, aasahan ang malawakang pasistang panunupil, paglabag sa karapatang sibil at pulitikal ng mamamayan, ang pagdagdag sa bilang ng biktima ng EJK sa ilalim lamang ng kasalukuyang rehimen at iba pang mga anyo at porma ng pandarahas sa kalunsuran at kanayunan. Bahagi rin ng pasistang panunupil na ito ay ang panlilinlang sa mamamayan at ang paglalako ng programa ECLIP na layong pasukuin at tuluyang i convert ang mga napa-surrender na iilan lang naman, at para sa ganansyang pera at propaganda ng Rehimeng Duterte at pasistang AFP ay ang gawa gawa o pekeng mga pagpapasurender mula sa hanay ng mamamayan,

Bilang tugon sa pagbulwak nang mas matinding pasistang paghahari ng Rehimeng Duterte sa nalalapit na mga araw napakahalaga ng papel ng Partido na pamunuan ang buong rebolusyonaryong kilusan at mamamayan upang komprehensibong harapin at labanan ito. Ang pagpapalakas ng Partido sa ideolohiya at organisasyon, ang pagsusulong ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagpapalakas ng Hukbo at paglulunsad ng mga batayang taktikal na opensiba upang bigwasan sa ulo at pahinain ang hanay ng kaaway, ang malawakang pagtatayo ng mga Organo ng Kapangyarihang Pampulitika at pag-abot sa malawak na mamamayan sa malaking bahagi sa saklaw na teritoryo, ang masiglang paglulunsad ng mga anti-pyudal at iba pang pakikibaka ng mamamayan na ikinakawing sa anti pasista at anti-imperyalistang paglaban ay mahalaga para mapigilan at malabanan ang kontrarebolusyonaryong gyera ng Rehimeng US-Duterte sa kasalukuyan.

Gawing gabay ang mga aral sa larangan ng Ideolohiya, Pulitika at Organisasyon mula sa mga nalagom na karanasan. Punong puno ng maniningning at dakilang aral ang 50 taon kasaysayan sa pakikibaka ng mamamayang api at pinagsasamantalahan sa pamumuno ng ating Partido mula nang muling maitatag ito noong Diyembre 26, 1968. Aasahan na higit na susulong ang digmang bayan at maiigpawan ang mga natukoy na kahinaan sa iba’t ibang larangan ng gawain at matatag na mahaharap ang mga kahirapan at balakid at tiyak ang pagsulong mula sa kasalukuyang yugto ng digmang bayan tungo sa susunod na yugto.

Mensahe sa Ika 50 taong Anibersaryo ng Partido - NPA Partido Area, Camarines Sur