Press Release Mga bagong traydor sa masa, gamit ng NTF-Elcac sa pekeng "kapayapaan"
“Katawa-tawa na isa sa mga ipinagmamalaki ng NTF-Elcac na ‘armas’ para sa hinahabing ilusyon ng ‘kapayapaan’ ay ang mga ‘dating rebelde’ na nagtraydor sa masa na nagkanulo sa hangarin ng bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya at ngayon ay mga bayarang instrumento ng papet na gubyerno ni Marcos at ng mga pasistang galamay nito.”
Ito ang reaksyon ni Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Communist Party of the Philippines, sa balitang binuo sa pangunguna ng NTF-Elcac ang isang “pambansang pederasyon” ng mga “dating rebelde.”
“Kalunos-lunos na pinulot ng NTF-Elcac itong mga natapong basura ng rebolusyonaryong kilusan,” ani Valbuena. “Sa mata ng masa kanilang tinalikdan, ang mga traydor na ito ay zero ang kredibilidad.”
“Kung ang mga traydor na ito ang magiging tagapamandila ng programang pangkapayapaan ni Marcos, malinaw na walang hangarin ang naghaharing rehimen na lutasin ang tunay na mga ugat ng gerang sibil sa Pilipinas–pangunahin na ang usapin ng lupa, at ang kawalan ng tunay na industriyalisasyon dahil sa pangingibabaw ng mga dayuhan sa ating bansa,” sabi ni Valbuena.
Nakaupo ngayon ang mga traydor ito bilang liderato ng isang “pambansang pederasyon” ng mga “dating rebelde” na nakaasa sa ibinibigay na limos at mga pabor ng militar. Inilalako nila sa NTF-Elcac at AFP ang kanilang pagiging “eksperto sa rebolusyonaryong kilusan.”
Ani Valbuena, “nagpapagamit ang mga traydor na ito sa pasistang rehimeng Marcos kapalit ang komportableng pamumuhay na malayo na sa katayuan ng masang dating kumupkop sa kanila.”
“Pinagaganda pa nila ang tawag nila sa sarili na “former rebels” gayong ang totoo, sila ay simpleng mga traydor sa masang anakpawis, laluna sa mga komunidad ng mga magsasaka at minorya na nagpatuloy sa kanila noong sila’y kaisa pa sa interes at hangarin ng bayan para sa demokrasya at kalayaan.”
“May ilang lider ng mga traydor na ito ang pinapaburan at ginagawang showcase ng NTF-Elcac, habang marami sa mga magsasakang pinaradang mga ‘surenderi’ sa pinangakuan ng maalwang buhay ay nakakulong ngayon sa mga kampong militar at ginagawang alipin ng mga sundalo,” dagdag ng upisyal ng CPP. “Ilan sa kanila ang paulit-ulit na pinasurender para makakubra ang mga kumander ng batalyon at dibisyon. Ilan ang tuluyang ikinulong o pinatay matapos mawalan ng pakinabang sa militar.”
“Hungkag ang binuong pederasyon ng mga traydor, tulad ng buong programang pangkapayapaan ng NTF-Elcac,” ayon kay Valbuena. “Para sa NTF-Elcac, may kapayapaan lamang kung ang masang api ay may busal ang bibig, nakakadena at hindi lumalaban.”
“Ang totoo, kaliwa’t kanan ang paglabag sa karapatang-tao sa pwersahang pagpapasurender sa mga sibilyan at pananaig ng batas militar sa maraming baryong kinokontrol ng AFP sa tabing ng RCSP,” ani Valbuena. “Walang katapusang hirap at pagdurusa ang dala nito sa daan-daan libong magsasaka, minoryang mamamayan at maralita sa kanayunan, minsa’y kasama ang mga sanggol at maliliit na bata, na kinatatakutan ng AFP na sumusuporta sa armadong rebolusyonaryong kilusan.”
“Hanggang ngayon, hawak pa rin ng militar si Baby Marx na kinidnap ng mga sundalo sa Negros para pwersahing sumurender ang kanyang amang Pulang mandirigma. Hindi na siya kailanman nasilayan ng namartir niyang ina na si Ka Jandy,” salaysay ni Valbuena.
“Hindi na bago sa kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino na may ilang nagtraydor at pumanig sa mga mananakop at mga mang-aapi, katulad ng mga nagtraydor sa Katipunan at yumakap sa kolonyalismong Amerikano, at ng mga ‘makapili’ na nakipagtulungan sa mga mananakop na Hapon. Sa lahat ng kabanata ng kasaysayan, isinuka sila ng taumbayan dahil sa pagtalikod nila sa mga pinanumpaang prinsipyo na iaalay ang lahat sa kapakanan ng mamamayan,” sabi ni Valbuena.
“Sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan, kadalasan sila’y mga hindi lubos na nagpanibagong-hubog na elementong petiburges, huminto sa pag-unlad bilang rebolusyonaryo, bumalik sa sariling mga pangarap at tinalikdan ang hangarin ng bayan, natakot sa sakripisyo, tumangging magwasto ng kanilang mga kamalian, at kalaunan ay nagpagamit sa militar bilang bayarang mga ahente,” ani Valbuena.
Dagdag niya, “Hindi tulad ng mga ‘makapili’ na nagsuot ng bayong sa ulo upang itago ang kanilang pagkakakilanlan, ang mga bagong traydor na ito ay garapalang nagpapagamit sa papet at pasistang rehimeng Marcos sa pang-aapi at pagpapahirap sa taumbayan.”