Press Release NTF-Elcac, nag-iimbento na naman ng mga numero
Parang kumuha ng bato ang NTF-Elcac at ipinampukpok sa sariling ulo sa inilabas nito kamakailang mga numero kaugnay sa rebolusyonaryong kilusan. Wala na daw NPA, isa na lang daw ang “aktibong larangan,” pero may 64 na “kampo” itong “captured,” halos “500” na “napasunder” at mahigit “400” na nasabat na armas mula Enero hanggang Mayo 22 lamang ngayong taon.
“Maya’t maya ang pag-iimbento ng NTF-Elcac ng mga numero para bigyan-katwiran ang milyun-milyong pondo na kinukurakot at winawaldas ng mga upisyal nito,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP.
Aniya, “ang ipinagmamayabang nitong mga proyekto sa ilalim ng Barangay Development Project ay mga pakitang-taong at palabigasang imprastruktura at hindidi angkop na mga proyektong kabuhayan na malao’y iniiwang nakatiwangwang.”
Tinukoy ng upisyal ng CPP na imbes na baboy, mga bibe ang ipinamamahagi, o mga fingerling sa mga baryong wala namang palaisdaan. Nagtatayo ng tinapayan sa mga komunidad ng magsasakang kulang na kulang ang kita na hirap bumili kahit bigas. May ipinamigay na mga makinang pantahi, na kinakalawang lamang dahil wala namang order. Ilan lamang ito sa mga proyektong iniratsada ng NTF-Elcac para masabing may ginagawa ito sa mga barangay.
“Pero kung ang saligang usapin at kahingian ng mga magsasaka para sa libreng pamamahagi ng lupa ang pag-uusapan, walang nagawa ang NTF-Elcac,” ani Valbuena. “Taliwas sa hinihingi ng masa, ang NTF-Elcac at AFP pa ang nagpapalayas sa mga magsasaka sa lupa para bigyang-daan ang pangangamkam ng mga korporasyong mandarambong ng yaman ng bansa.”
“Kaya ang masa, sa NPA pa rin lumalapit,” sabi ni Valbuena.
“Walang kahiya-hiya ring ginagamit ng NTF-Elcac at AFP ang mga sibilyan na paulit-ulit na nilang pinasurender at mga armas na ilang beses nang “nasabat” para palakihin ang perang pabuya na dumidiretso sa kanilang mga bulsa,” ayon kay Valbuena.
Kaliwa’t kanan ang natatanggap na ulat ng CPP mula sa mga “surenderi” na hindi nakatatanggap ng mga ipingakong pondo at mga nakakulong sa mga kampo at inaalipin ng mga sundalo.
“Hindi sila pinapayagang umuwi sa kanilang mga pamilya at parang mga hayop na “pinakapakain” lamang nang ilang beses kada araw,” ayon kay Valbuena. “Ang pagpapasurender sa kanila at pagtrato bilang preso ay seryosong mga paglabag sa internasyunal na makataong batas.”
Hinihikayat ng CPP ang mga napilitang sumurender na tumangging magpagamit sa mga kampanyang propaganda ng mga sundalo, maggiya sa mga operasyong kombat na nagsasapanganib sa kanilang mga buhay, at igiit ang pag-uwi nila sa kani-kanilang mga barangay.