Press Release Pagpapawalangsala kay Gen. Durante, patunay ng kabulukan ng AFP
Kinukundena ng Communist Party of the Philippines ang pagwawalangsala ng Special General Court Martial (SGCM) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Jesus Durante III, dating brigade commander ng 1001st Brigade at kumander ng Presidential Security Group, na inaakusahang mastermind sa pagpatay kay Yvonne Chua Plaza.
“Isa na namang mamamatay-tao ang pinawalang-sala ng bulok-sa-kaibuturan na AFP,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP. “Malinaw na palabas lamang ang ginawang paglilitis sa kanya. Walang balak ang AFP na parusahan ang isa sa pinakabrutal na berdugo sa kanilang hanay.”
“Si Durante ay isang pasistang mamamatay-tao,” ani Valbuena. “Sangkot din siya sa kahindik-hindik na pagpatay noong taong 2022 kay Teacher Chad Booc at apat pang sibilyan sa New Bataan, at pagtortyur at pagpatay kay Menardo Villanueva, pinuno ng PKP sa Southern Mindanao.”
“Sa pagpapawalang-sala kay Durante, lalong pinalakas ng AFP ang loob ng mga berdugong upisyal at tauhan nito sa walang pakundangang pagkitil sa buhay at pagyurak sa karapatang-tao ng mamamayang naninindigan at nakikibaka para sa interes ng bayan,” sabi ni Valbuena.
“Mananagot at mananagot sa bayan ang mga pasistang kriminal ng AFP at PNP. Gagawin at gagawin ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat sa abot ng kakayahan nito upang maipataw ang kaparusahan angkop sa kanilang mga krimen at kasalanan,” ani Valbuena.