Pahayag

Press Release Palabas na pagbalasa ni Marcos sa gabinete, malayo sa sikmura ng masa

“Isang malaking palabas ang pagbalasa ni Marcos sa gabinete, pero hindi naman natutuwa ang masa.” Ito ang sinabi ni Marco L. Valbuena, pinunong upisyal sa impormasyon ng Communist Party of the Philippines, bilang reaksyon sa ginawang pagpapabitiw ni Ferdinand Marcos Jr sa lahat ng myembro ng kanyang gabinete, para diumano gawing mas epektibo ang kanyang gubyerno.

“Malayo sa kumakalam na sikmura ng masa ang palabas ni Marcos,” ani Valbuena.

“Hindi mapagtatakpan ng hakbanging ito ni Marcos ang kaliwa’t kanang kapalpakan ng kanyang gubyerno na tugunan ang pinakamabatayang mga pangangailangan ng mamamayan,” ani Valbuena. Inamin ni Marcos na ang mga kahinaan ng kanyang rehimen ay “sinalamin” ng pagkatalo ng marami sa kanyang mga kandidato sa katatapos lamang na eleksyon.

“Kahit kada buwan pang balasahin ni Marcos ang kanyang gabinete, hindi niya mapipigilan ang tuluy-tuloy na pagkahiwalay ng kanyang rehimen sa mamamayan,” dagdag ni Valbuena.

“Walang maaasahan ang masa na makabuluhang pagbabago, laluna sa kanilang kabuhayan,” ani Valbuena. “Ni hindi pinalitan ni Marcos ang mga maka-imperyalistang teknokrata na bumubuo sa kanyang ‘economic team’ na silang salarin sa matataas na presyo ng bigas at mababang bilihan ng lokal na palay.”

Dagdag pa niya, “Ang ‘economic team’ ding ito ang pinakamalalakas kumontra laban sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, at tutol sa pamumuhunan sa lokal na agrikultura at industriya, habang nagkakandarapang bigyan ng insentiba at bentahe ang malalaking burgesya at dayuhang kumpanya.”

“Hind mapagtatakpan ng agaw-atensyon pero mababaw na pagririgodon sa pinakatuktok ng burukrasya ang matinding krisis ibinunga ng sarili niyang mga patakaran.”

Tinukoy ng CPP na walang tunay na programa si Marcos para lutasin ang batayang mga problema ng mamamayan sa pagkain, trabaho, kabuhayan at karapatan. Katunayan, tumatanggi itong itaas ang sahod ng mga manggagawa, itigil ang walang sagkang importasyon ng bigas at mga produktong pagkain, ibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo at mga batayang bilihin, gayundin ang singil sa mga serbisyo at pampublikong yutilidad.

“Tulad ng mga gimik niyang ₱20/kilo na bigas para sa iilan, 4-araw na libreng sakay sa MRT/LRT at iba pang pasiklab para magpasikat sa mga sarbey, lalo lamang mahihiwalay ang rehimen dahil tiyak na masasagad ang panandalian at pakitang-taong mga solusyon na ito,” ayon kay Valbuena.

Ani Valbuena, dapat bantayan ng taumbayan ang ginagawang pagbalasa sa gabinete para sa mga aregluhang pampulitika ni Marcos na utos ng among imperyalistang US.

Palabas na pagbalasa ni Marcos sa gabinete, malayo sa sikmura ng masa