Perseverando Enguerra, huwaran ng kasigasigan at pagpupunyagi sa pakikibaka
Pumanaw na nitong ikalawang linggo ng Enero ang huwaran at dakilang rebolusyonaryo ng pambansa-demokratikong kilusan na si Rosauro Labitag o Ka Lito, Dax, Perse o Tom sa kanyang mga naging kasama at masang nakasalamuha. Siya si Perseverando Enguerra sa panulat ng rebolusyonaryong sining at panitikan.
Isa sa mga mga haligi ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ng Bikol si Ka Perse. Ipinanganak noong Oktubre 7, 1949, tubong Sorsogon at anak ng isang Mason, maagang namulat si Ka Perse sa inhustisya at karalitaan ng mamamayan. Naging ganap ang kanyang pag-unawa sa kabulukan ng lipunan at mga katiwalian ng gubyerno nang siya ay maging kasapi ng Kabataang Makabayan noong 1970.
Sadyang napakalakas ang dagundong at inspirasyon ng First Quarter Storm ng 1970 at ang pakikibaka para sa demokratikong mga kahingian, katarungan at tunay na kalayaan ay maagang nakarating sa kanilang probinsya. Masigasig at aktibo siyang lumahok sa mga pagkilos ng KM. Sa isa sa mga pagkilos nito, nadakip at pinahirapan siya ng kaaway. Matapos makalaya’y nagpasya siyang sumampa sa Hukbo noong 1971.
Nakasabayan niya noon ang magkapatid na Romulo (Ka Che) at Ruben (Ka Benjie) Jallores sa pagpupundar ng rebolusyonaryong lakas sa rehiyon. Isa siya sa mga matapang na humarap sa mabibigat na sakripisyo, masigasig na bumalikat sa pagbangon at pagmantini ng lakas nito sa panahon ng katindihan ng atake ng kaaway at matapos masawi o mawala ang mga susing kadre sa panahon ng Martial Law. Siya si Kumander Lito na naging bantog sa masa at kinatakutan ng kaaway. Pinamunuan niya ang pagpapalaki at pagpapalakas ng Hukbo, paglulunsad ng malakihang pagsasanay-militar at matutunog na taktikal na opensiba noong huling bahagi ng dekada sitenta at buong dekada otsenta.
Nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, isa si Ka Perse sa mga matapat na tumalima at nanguna sa pagpapalaganap ng mga aral nito. Buong lugod niyang tinanggap ang mga kahinaan at kamalian ng wala-sa-panahong regularisasyon ng Hukbo. Siya, bilang si Ka Dax ay buong pagpapakumbabang nagpuna sa sarili sa harap ng masa at mga kasama. Aktibo siyang namuno at lumahok sa pagpapalakas ng rehiyon sa ideolohiya sa pamamagitan ng paggampan ng gawain sa mga Pampartidong edukasyon.
Nang tamaan si Ka Perse ng malubhang karamdaman at nagkaroon na ng pisikal na limitasyon, pinagpasyahan ng pamunuan na ilipat siya sa ibang gawain. Itinalaga siya sa Palimbagang Sentral ng Partido noong huling bahagi ng dekada nobenta at buong sigasig niyang pinag-aralan at ginampanan ang mga gawain dito. Mula sa pangangasiwa ng opisina, pangangalaga ng mga makinang pang-imprenta, pag-proofread hanggang distribusyon ng mga inililimbag na aklat ay masinop niyang pinamunuan at ginampanan ang mga tungkuling ito. Nang maitalaga naman siya sa Kawanihan sa Kultura, at kalauna’y sa Kawanihan sa Salin sa ilalim ng Pambansang Kagawaran sa Edukasyon ay kinakitaan ng ibayong sigasig si Ka Perse sa gawaing masa at instruksyon. Mula pangmasa hanggang pampartidong edukasyon ay kinagiliwan ng mga mag-aaral ang kanyang malikhain at kaiga-igayang paraan ng pagtuturo. Madalas hilingin ng mga nagmumungkahing yunit o organo ang pagtuturo niya sa mga paksang kasaysayan o armadong pakikibaka. ‘Buhay na buhay’ ang kanyang pagtuturo, anila, na madalas ay sinasaliwan niya ng mga ilustrasyon at pagbabahagi ngkanyang karanasan. Makikilala siya ng marami bilang ang magiliw, mapagkasama at maalalahaning Ka Tom. Matiyaga naman siyang nag-aral at nagpakadalubhasa sa lenggwaheng Pilipino at pinaunlad ang kakayahan sa sining ng pagsasalin sa ilalim ng Kawanihan sa Salin. Mahilig rin siyang kumanta at magkomposo. Siya ang nasa likod ng popular na awiting Martsa kan Bikolandia at Panawagan na nilikha niya noong siya’y nasa Hukbo pa. Ilang beses na lumabas sa Ulos ang kanyang mga ambag na tula, prosa at ilustrasyon. Dalawang beses ring nailathala sa mga isyu nito ang kanyang maikling talambuhay. Siya rin ang maaalalang matipunong lider ng yunit ng Hukbo na lumabas sa bidyo-dokumentaryong Breaking Ground for Freedom noong dekada otsenta.
Payt saná! (laban lang!) – ito ang madalas na bukambibig ni Ka Perse sa alinmang kinakaharap na gawain lalupat nagiging mabigat o kumplikado ito. Nang magkaroon na ng kumplikasyon ang kanyang karamdaman (sakit sa baga), pilit niyang pinangibabawan ang limitasyong pisikal sa pamamagitan ng pagiging produktibo sa ibang gawain. Sa panahong nahihirapan na siya sa pagsasalin ng mahahalagang dokumento at klasikong akdang pampartido, nililibang niya ang sarili sa pakikipagkwentuhan sa kasama, sa pagdrowing at paglilok at pagsisinop ng mga files na kanilang natrabaho. Sa kanyang pakikipagkwentuhan, ayon sa ilang kasamang dati niyang kakolektiba ay mababanaag pa rin ang kanyang kasiglahan at pagpupursigi na pangibabawan ang kahirapan at paghahangad na gumaling sa karamdaman.
Pumanaw si Ka Perse sa edad na pitumpu, ang edad para sa opsyonal na pagreretiro sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas. Batid niya ito pero di kaylanman sumagi sa isip niya ang pamamahinga, minsang ikinwento niya sa isang kakolektiba. “Gagampan at gagampan ako ng pampartidong gawain hanggat kakayanin ko pa,” aniya.
Perseverando Enguerra – ang ngalan niya’y kanyang pinanindigan. Ang alaala ng kanyang huwarang kabayanihan at kasigasiga’y mahigpit nating tatanganan. ###