Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan
Preambulo
Ang Bagong Hukbong Bayan ay nasa ilalim ng kataastaasang pamamatnugot ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at Partido Komunista ng Pilipinas. Ito ang rebolusyonaryong hukbo ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismong Amerikano, malalaking burgesiang komprador, uring panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista.
Ang Bagong Hukbong Bayan ang prinsipal na organisasyon sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas na tumatahak sa landas ng sandatahang rebolusyon alinsunod sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ito ang kasangkapan sa pagtupad sa sentral na tungkulin ng Partido na mang-agaw at magpatatag ng kapangyarihang pampulitika. Ito ang kasangkapan sa pagbabagsak sa kasalukuyang reaksyonaryong papet na pamahalaang burges at sa ikapagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ito ang kasangkapang tumutulong nang malaki upang maipatupad ang Programa sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Ang Bagong Hukbong Bayan ay lubusang naglilingkod sa demokratikong interes ng bayan at siyang pangunahing sandigan ng demokratikong diktadura ng bayan. Ito’y nagtatanggol sa sambayanan laban sa masasamang pwersa ng pang-aapi at pagsasamantalang imperyalista at peudal at laging nagsisikap na tulungan sila sa lahat ng paraan sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Namumuhi ito kahit sa pinakabahagyang pagpinsala sa masa ng sambayanan at nagkikintal sa mga pinuno at kawal ng disiplinang bakal na pumipigil sa kanilang gumawa ng kahit pinakabahagyang pinsala sa masa ng sambayanan.
Ang Bagong Hukbong Bayan na nasasandatahan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay lumitaw pagkaraan nitong itakwil ang mga kontrarebolusyonaryong rebisyonistang kamalian ng mga Lava at mga Taruc at iba pang bukal ng makabagong rebisyonismo at oportunismo, “Kaliwa” man o Kanan. Binabaka nito sa sariling hanay ang pananaw na lantay militar, labis na demokrasya, pagsuway sa disiplina sa organisasyon, kaisipang absolutong pagpapantay, subhetibismo, indibidwalismo at ideolohiya ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag at putsismo. Ang Bagong Hukbong Bayan ngayon ay kinabibilangan ng pinakamahuhusay na mandirigmang naggugumiit sa sandatahang pakikibaka at sa pagpapalaganap ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Patuloy nitong isinasanib ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, ang rurok ng rebolusyonaryong ideolohiyang proletaryo sa kasalukuyan, sa praktika ng mgatagalang digmang bayan sa Pilipinas.
Samantalang sumusunod sa ganap na liderato ng uring manggagawa at Partido Komunista ng Pilipinas, pangunahing isinasanib ng Bagong Hukbong Bayan sa sarili ang mga sandatahang magsasakang nakikibaka para sa rebolusyong agraryo na siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa katuturang ito, ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa esensya ay isang digmang magsasaka na pinamumunuan ng uring manggagawa. Sa kanayunan, ang Bagong Hukbong Bayan ay masigasig na gumagawa at nakikibaka upang baguhin ang mga di-maunlad na nayon tungo sa pagiging pinakamauunlad na muog sa pulitika, militar, ekonomia at kultura ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Upang matupad ang dakilang tungkuling ito, ang Bagong Hukbong Bayan ay pangunahing umaasa sa masa ng maralitang magsasaka at manggagawang bukid at saka nito hinihikayat ang mga panggitnang magsasaka upang neutralisahin ang mayayamang magsasaka. Ito ang rebolusyonaryong makauring linyang antipeudal sa kanayunan.
Ang Bagong Hukbong Bayan ang tumitiyak sa kasarinlan, inisyatiba at liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas at uring manggagawa sa pambansang nagkakaisang prente sa pamamagitan ng sandatahang pakikibaka at sa gayo’y mahigpit na pinagbubuklod ang uring manggagawa at uring magsasaka bilang tunay na saligan ng isang malawak na pambansang demokratikong pagkakaisa. Sa buong panahon ng matagalang digmang bayan, ang Bagong Hukbong Bayan ay pangunahing aasa sa masa ng mga manggagawa at magsasaka subalit ito ay laging handang makipagtulungan sa iba pang makabayan at progresibong uri, organisasyon o indibidwal na may malasakit sa sandatahang pagbabagsak sa imperyalismong Amerikano, peudalismo at burukratang kapitalismo.
Ang Bagong Hukbong Bayan ay lubusang naglilingkod sa demokratikong interes ng bayan at siyang pangunahing sandigan ng demokratikong diktadura ng bayan. Ito’y nagtatanggol sa sambayanan laban sa masasamang pwersa ng pang-aapi at pagsasamantalang imperyalista at peudal at laging nagsisikap na tulungan sila sa lahat ng paraan sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Namumuhi ito kahit sa pinakabahagyang pagpinsala sa masa ng sambayanan at nagkikintal sa mga pinuno at kawal ng disiplinang bakal na pumipigil sa kanilang gumawa ng kahit pinakabahagyang pinsala sa masa ng sambayanan.
Matagalang digmang bayan ang pangunahing estratehikong prinsipyo ng Bagong Hukbong Bayan: batay sa sandatahang pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng mga baseng bukid, ang mga sandatahang yunit nito ay patuloy na lumalakas sa kanayunan, at patuloy na kumukubkob sa mga lunsod hanggang sa sumapit ang panahong pagal na pagal na ang pwersa ng kaaway pagkaraang magapi nang baha-bahagi sa kanayunan. Ang Bagong Hukbong Bayan ay may kapasyahang bumuo ng mga baseng bukid, magtatag ng mga lokal na organo ng pamahalaang bayan at sumulong nang paalon hanggang sa mabisa na nitong nalilipol ang nalalabing pwersa ng kaaway na nakatipon sa malalaking lunsod at malalaking kampong militar. Sistematikong lilikhain at pauunlarin nito ang mga sonang gerilya upang maging matatag na base na maaaring lubusang pamahalaan ng mga lokal na pamahalaang bayan. Ang mga matatag na base ay magsisilbing malaking likuran para sa paglitaw at paglawak ng mga sonang gerilya at para sa pagsulong ng lahat ng iba pang pwersa ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
Ang Bagong Hukbong Bayan ay daraan sa tatlong estratehikong yugto sa matagalang digmang bayan. Estratehikong depensiba ang unang yugto kung saan laging pinananatili ang mga taktikal na opensiba at ang inisyatiba laban sa estratehikong kalamangan sa militar ng kaaway. Estratehikong pagkakapatas ang ikalawang yugto kung saan ang mga pwersang panlaban nito humigit-kumulang ay kasinlakas ng pwersa ng kalaban. Estratehikong opensiba ang ikatlo at huling yugto kung saan ang mga regular na pwersang makilos ng Bagong Hukbong Bayan ay nagkaroon na ng sapat na lakas at laki upang makapag-opensiba sa mga nakahiwalay na pwersa ng kaaway sa kanilang mga portipikasyong lunsod at malalaking kampo. Sa buong panahon ng matagalng digmang bayan, taglay ng Bagong Hukbong Bayan ang inisyatiba sa pulitika sapagkat isinasanib nito ang rebolusyonaryong teorya sa rebolusyonaryong praktika, sapagkat mahigpit itong nakaugnay sa masa at sapagkat nagsasagawa ito ng pagpuna sa sarili sa bawat kamalian at kahinaan nito.
Ang Bagong Hukbong Bayan ay lumilikha at gumagamit ng iba’t ibang anyo ng panlabang yunit sa takbo ng matagalang digmang bayan. Ang mga regular na pwersang makilos ay nagtatanggol sa mga baseng bukid at malakihang lumilipol ng pwersa ng kaaway. Ang mga pwersang gerilya ay nagtatanggol sa mga sonang gerilya, naghahanda sa paglitaw o pagsulong ng regular na pwersang makilos o kaya’y lumilikha ng mga bagong sonang gerilya. Ang milisya at ang mga unit ng pagtatanggol sa sarili ay nagtatanggol sa masa sa mga lokalidad nang hindi humihiwalay sa pang-araw-araw na gawaing pangkabuhayan. Ang mga sandatahang partisanong lunsod ay tumutupad ng espesyal na tungkuling guluhin ang kaaway at parusahan ang mga taksil sa lunsod. Ang lahat ng panlabang yunit na ito ng Bagong Hukbong Bayan ay pag-uugnay-ugnayin at gagamit ng lahat ng pamamaraan sa pakikidigma na kanilang malilikha at iniluluwal ng mga pangyayari at ng masa ng sambayanan.
Lubos na nauunawaan ng Bagong Hukbong Bayan na sa pagganap nito sa rebolusyonaryong tungkuling ibagsak ang imperyalismong Amerikano, malalaking burgesiang komprador, uring panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista sa Pilipinas ay ginagampanan nito ang dakila at marangal na tungkulin alang-alang sa malawak na masang manggagawa at magsasaka, lalung-lalo na sa pinagsasamantalahang masa ng manggagawa at magsasaka, gayundin sa aping mamamayan ng daigdig. Kapwa makabayan tungkulin at kilos ng proletaryong internasyonalismo ng Bagong Hukbong Bayan ang makibaka para sa demokratikong rebolusyon ng bayan bilang yugto ng pagbabago tungo sa sosyalismo. Ang sandatahang pakikibaka sa Pilipinas ay nagpapahina at tumutulong sa pagdurog sa imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyonismo at lahat ng reaksyon sa kanayunan ng daigdig at sa buong daigdig, kung paanong ang sandatahang pakikibakang inilulunsad ng lahat ng iba pang mamamayang api ay nagpapahina at tumutulong sa pagdurog sa mga ito sa Pilipinas. Ang Bagong Hukbong Bayan ay may internasyonalistang tungkuling ipaglaban ang ganap na pagbagsak ng imperyalismong pinangungunahan ng imperyalismong Amerikano at ang pandaigdigang tagumpay ng sosyalismo sa panahong ito.TOP
I. Ang Bagong Hukbong Bayan at ang Partido Komunista ng Pilipinas
Punto 1. Ang Bagong Hukbong Bayan ay laging susunod sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at kung gayo’y tatalima sa mga kapasyahan, kautusan at direktiba ng Pambansang Kongreso, Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika at Komisyong Militar ng Partido.
Punto 2. Ang Komisyong Militar ang pinakamataas na espesyal na organo ng Komite Sentral na tatanggap ng mga regular at espesyal na ulat mula sa pinakabababa hanggang sa pinakamataas na pamatnugutang militar at siyang maglalabas ng mga naaangkop na patakaran, kautusan at direktiba.
Punto 3. Titiyakin ng Komisyong Militar na umiiral sa buong Bagong Hukbong Bayan ang pamumuno ng Partido, organisasyon ng Partido at buhay-Partido. Ang sangay ng Partido, organisasyon ng Partido at buhay Partido. Ang sangay ng Partido ay ibabatay sa antas ng kompanya at grupo ng Partido ang kikilos sa bawat iskwad. Lahat ng di-regular na sandatahang yunit ay mapapailalim sa tuwirang kontrol ng lokal na komite ng Partido.
Punto 4. Ang mga komite ng Partido ay itatatag buhat sa antas ng sangay pataas at mananagot sa pagpapanatili ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at sa pagpapaunlad ng pinakamahusay na ugnayan ng hukbo at mga mamamayan, ng mga pinuno at kawal, ng mga kawal, at ng hukbo at mga lokal na komite ng Partido.
Punto 5. Ang Bagong Hukbong Bayan ay magkakaroon ng sariling kagawarang pampulitika na siyang mananagot sa rebolusyonaryong edukasyong makauri ng lahat ng pinuno at kawal, sa pagpapaunlad ng mga rebolusyonaryong kadreng proletaryo mula sa hukbo at sa pagtatayo ng Partido na magpapakilos sa masa, laluna sa mga bagong lugar ng sandatahang pagkilos.
Punto 6. Itatalaga ang mga pinunong pampulitika sa bawat yunit ng regular na pwersang makilos at pwersang gerilya upang magturo sa lahat ng mandirigma at magpairal sa organisasyon at buhay ng Partido.
Punto 7. Ang mga komander na panteritoryo at pangyunit ang mananagot sa panloob na administrasyong militar at operasyong panlabanan sa kani-kanilang lugar at yunit ngunit papatnubayan sila ng Partido sa bawat antas. Itatakda ng Komisyong Militar ang bilang at mga espesyal na tungkulin ng mga pangalawang komander.
Punto 8. Lahat ng pandistritong komander at lider ng platun pataas ay kailangang magtapos sa Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tsetung.
Punto 9. Lahat ng di-regular na panlabang yunit tulad ng gerilya, milisya, yunit na pananggol sa sarili at sandatahang partisanong lunsod ay tuwirang mapaiilalim sa lokal na komite ng Partido. Gayunman, tuwirang tatanggap ang mga ito ng mga kautusan mula sa Komisyong Militar o sa pamatnugutang militar upang maiugnay sa mga regular na pwersang makilos.
II. Mga Tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan
Punto 1. Ang pangunahing tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan sa kasalukuyan ay maglunsad ng matagalang digmang bayan upang wasakin ang reaksyonaryong kapangyarihang estado at ang mapanghimasok na mga pwersa ng imperyalismong Amerikano, pakilusin at ipagtanggol ang mga mamamayan at isulong ang pambansa at demokratikong interes nila.
Punto 2. Ang Bagong Hukbong Bayan ay tutulong sa pag-organisa ng mga komiteng rebolusyonaryo ng baryo at iba pang rebolusyonaryong organo bilang mga lokal na organo ng pamahalaang bayan.
Punto 3. Ang Bagong Hukbong Bayan ay maglilingkod sa mga mamamayan sa lahat ng maaaring paraan bukod sa pagtupad nito ng mga tungkulin sa labanan.
Punto 4. Ang Bagong Hukbong Bayan ay lalahok sa rebolusyonaryong propaganda at pagpapakilos sa masa.
Punto 5. Ang Bagong Hukbong Bayan ay tutulong sa pag-organisa sa mga lokal na sangay ng Partido, mga lokal na komite ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyong pangmasa.
Punto 6. Ang Bagong Hukbong Bayan ay lalahok sa konstruksyon, gawaing pamproduksyon at pang-ekonomia para sa sarili nitong pangangailangan at para rin sa Partido at mga mamamayan.
Punto 7. Ang Bagong Hukbong Bayan ay tutulong sa pagpapanatili ng kaayusang publiko at mang-aaresto ng masasamang loob na ihaharap nito sa hukumang bayan upang litisin.
Punto 8. Sa loob ng Bagong Hukbong Bayan, magbubuo ng iba’t ibang seksyon ng gawain katulad ng gawaing opisina, pagsasanay, kaayusan at seguridad na panloob, paniniktik at pagmamanman, panustos, ordnans at pagkukumpuni, serbisyong medikal, komunikasyon at transportasyon, konstruksyon, produksyon at iba pa.
Punto 9. Ilalaan para sa mga regular na pwersang makilos at gerilya ang maikling panahong pahinga sa labanan upang gamitin lamang nila sa ibayong pagsasanay sa ideolohiya, pulitika at paglaban, muling paggrupo, pagpapagaling at pagdaragdag ng lakas at pangganap ng lokal na gawaing pampulitika.
III. Pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan
Punto 1. Sinumang mahusay ang pangangatawan, anuman ang gulang, kasarian, lipi, nasyonalidad o relihiyon, may kakayahang lumaban at handang lumahok sa matagalang sandatahang pakikibaka laban sa reaksyonaryong kapangyarihang estado ay maaaring maging kasapi ng isang panlabang pangkat ng Bagong Hukbong Bayan.
Punto 2. Ang mga nagnanais umanib sa Bagong Hukbong Bayan ay magpapabatid ng kanilang layon sa anumang yunit ng Bagong Hukbong Bayan, komite ng Partido, mga kasapi ng Partido o mga rebolusyonaryong organisasyong pangmasa.
Punto 3. Ang mga lokal na komite ng Partido, mga sandatahang yunit ng Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong pangmasa ay magkukusa sa pagtanggap ng mga indibidwal at kolektibong kahilingan sa pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan o sa tuwirang pangangalap ng mga mandirigma at sa pagbubuo ng mga yunit na panlaban ng Bagong Hukbong Bayan.
Punto 4. Ang pamatnugutang militar at ang lokal na komite ng Partido na kagyat na responsable sa pook na pinangangalapan ng Pulang kawal ang mamamatnugot at mangangasiwa sa pangangalap.
Punto 5. Ang nakatataas na pamatnugutang militar o komite ng Partido ay magkakaroon ng karapatang lansagin o muling buuin ang anumang sandatahang yunit batay sa makatwirang dahilan.
Punto 6. Ang mga mag-isa o maramihang nagsitakas mula sa panig ng kaaway o mga bihag na kawal ay maaaring isanib sa Bagong Hukbong Bayan, sa kondisyong sila ay daraan sa reedukasyon at reorganisasyon. Ang pagpapasanib sa kanila ay patitibayin pagkaraan ng puspusang imbestigasyong isasagawa ng pamatnugutang militar at ng komite ng Partido sa hukbo na hindi bababa sa antas ng lalawigan.
Punto 7. Gagawa ang Bagong Hukbong Bayan ng regular na pagsusuri sa uring pinagmulan, pagtupad sa tungkulin at kaloobang lumaban ng lahat ng mandirigma nito upang patuloy na mapataas ang kanilang rebolusyonaryong katangiang proletaryo.
Punto 8. Ang malawak na nakararami sa mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan sa lahat ng oras ay sandatahang mandirigma, bagamat ang ilang kasapi ay maaaring italaga sa mga tungkuling di-pandigma na tuwirang may kinalaman sa bisang pandigma ng Bagong Hukbong Bayan.
IV. Disiplina
Punto 1. Ang disiplina ng mga pinuno at kawal ng Bagong Hukbong Bayan ay mulat na disiplinang pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng pang-organisasyong prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Titiyakin ng mga komite ng Partido sa hukbo na ang linya, mga patakaran at mga desisyon ng Partido ay ipinatutupad ng pamatnugutang militar sa bawat antas.
Punto 2. Ang Bagong Hukbong Bayan ay mapaiilalim sa mga sumusunod na disiplina:
a. ang indibidwal ay napaiilalim sa buong hukbo;
b. ang minorya ay napaiilalim sa mayorya;
k. ang nakabababang antas ay napaiilalim sa nakatataas na antas; at
d. ang buong kasapian ay napaiilalim sa Komisyong Militar at sa Komite Sentral
Punto 3. Lahat ng pinuno at kawal ay pagbabawalang gumawa ng kahit pinakabahagyang pinsala sa interes ng mga mamamayan at lagi silang mapaiilalim sa Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan ni kasamang Mao Tsetung upang laging mapataas ang kanilang rebolusyonaryong integridad.
a. Ang Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina ay ang mga sumusunod:
1) Sumunod sa mga kautusan sa lahat ng iyong kilos.
2) Huwag kumuha ng kahit na isang karayom o hibla ng sinulid mula sa masa.
3) Mag-entrega ng lahat ng nasamsam.
b. Ang Walong Bagay na Dapat Tandaan ay:
1) Maging magalang sa pananalita.
2) Magbayad ng karampatang halaga sa iyong binibili.
3) Magsauli ng lahat ng iyong hiniram.
4) Magbayad sa lahat ng iyong nasira.
5) Huwag manakit o mang-alimura ng tao.
6) Huwag manira ng mga pananim.
7) Huwag magsamantala sa mga babae.
8) Huwag magmalupit sa mga bihag.
Punto 4. Ang mga pinuno ay mahigpit na pagbabawalang gumamit ng mga burges at peudal na gawi sa kanilang pakikitungo sa kanilang mga kawal at sa mamamayan.
Punto 5. Ang mga pinuno at mga kawal ay mahigpit na pagbabawalang maglasing at magsugal.
Punto 6. Ang komite ng Partido sa hukbo sa nararapat na antas o ang hukumang militar na maaaring likhain ay maglilitis at magpapasya sa mga kaso laban sa mga pinuno o kawal sa antas na pinangyarihan ng sinasabing pagkakamali o krimen at maggagawad ng mga sumusunod na kaparusahan ayon sa bigat ng kasalanang ginawa:
a. mahigpit na pangangaral
b. mahigpit na pangangaral at pagtatalaga sa ibang lugar o gawain
k. demosyon
d. suspensyon
e. pagtitiwalag
g. pagtitiwalag at kamatayan
Punto 7. Sa lahat ng uri ng kaparusahan, maliban sa pagtitiwalag at pagtitiwalag at kamatayan, ang nagkasala o mga nagkasala ay tatanggap ng reedukasyon sa loob ng nararapat na tagal ng panahon at kailangang humingi ng paumanhin sa pinagkasalanan sa harapan ng publiko.
Punto 8. Ang pinakamabigat na kaparusahang pagtitiwalag at kamatayan ay igagawad sa mga napatunayang gumawa ng mga pagkakasalang pagtataksil, pagkakanulo, pagtalilis sa harap ng kalaban, pag-eespia, pananabotahe, pag-aalsa, pambubuyo para mag-alsa, pagpaslang, pagnanakaw, panggagahasa, panununog at malubhang malbersasyon ng pondo ng mamamayan.
Punto 9. Lahat ng kaso ay lubusang sisiyasatin at lahat ng akusado ay bibigyan ng makatarungang paglilitis.
V. Demokrasya
Punto 1. Upang makapagtamasa ng demokrasya at makapagpanatili pa rin ng disiplina at maiwas sa labis na demokrasya sa loob ng Bagong Hukbong Bayan, lahat ng pinuno, mandirigma at kadre ng Partido ay magtatalakayan at magtuturo sa isa’t isa tungkol sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at tungkol sa programa, mga patakaran at mga kapasyahan ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Punto 2. Lahat ng pinuno at kawal ay sama-samang magdaraos ng regular at espesyal na pulong ng pagpuna at pagpuna sa sarili upang mapahusay ang kanilang bisang pampulitika at pandigma. Ang mga kamalian at kahinaan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ay iwawasto sa pamamagitan ng pagpuna at pagpuna sa sarili.
Punto 3. Magkakaroon ng demokrasya sa pulitika na nangangahulugang may laya ang mga pinuno at kawal na magdaos ng mga pulong at magsalita nang malaya kung paano mapatataas ang kanilang rebolusyonaryong kamalayang proletaryo, lalong mapalalapit ang sarili sa mga mamamayan, mapabubuti ang kanilang kakayahang lumaban, maoorganisa ang kanilang mga gawaing di-pandigma at mapabubuti ang kanilang kalagayang materyal.
Punto 4. Magkakaroon ng demokrasya sa ekonomia sa hanay ng mga pinuno at kawaw na nangangahulugang magsasalo sila sa hirap at ginhawa, magtatamasa ng pantay na kalagayang materyal katulad ng pantay sa rasyon at pantay na panggastos, magkakaroon sila ng karapatang sama-samang mamahala sa kanilang panustos at pagkain sa pamamagitan ng mga kinatawang inihalal ng mga kawal na tutulong sa kompanya sa pamamahala, at sinuman ay may karapatang magsuri sa kwenta at panustos sa anumang oras.
Punto 5. Magkakaroon ng demokrasyang militar sa hanay ng mga pinuno at kawal na nangangahulugang magkasama silang magdaraos ng mga pulong bago at pagkatapos ng mga labanan at kampanya at dito’y tuturuan ng mga pinuno ang mga kawal, tuturuan ng mga kawal ang mga pinuno at tuturuan ng mga kawal ang isa’t isa tungkol sa mga planong pang-operasyon, mga paraan at teknika ng paglaban at pagwawagi sa labanan.
VI. Mga Komperensyang Militar
Punto 1. Tatawagin ng Komisyong Militar ang isang pambansang komperensya nang minsan man lamang sa isang taon upang talakayin ang kalagayan sa pulitika at militar at ang mga tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan. Dadalo sa pulong ang Komisyong Militar, ang pambansang pamatnugutan sa operasyon at ang mga panrehiyong pamatnugutan sa operasyon. Ang tagapangulo ng Komisyong Militar ang mangungulo sa komperensya.
Punto 2. Tatawagin ng Komisyong Militar ang isang panrehiyong komperensyang militar nang minsan man lamang sa anim na buwan upang talakayin ang kalagayan sa pulitika at militar at ang mga tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan sa loob ng rehiyon. Dadalo sa pulong ang mga kinatawan ng Komisyong Militar, ang panrehiyong pamatnugutan sa operasyon, ang mga panlalawigang pamatnugutan sa operasyon at ang panrehiyong komite ng Partido. Ang punong kinatawan ng Komisyong Militar ang mangungulo sa komperensya.
Punto 3. Tatawagin ng panrehiyong pamatnugutan sa operasyon ang isang panlalawigang komperensyang militar nang minsan man lamang sa apat na buwat upang talakayin ang kalagayan sa pulitika at militar at ang mga tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan sa loob ng lalawigan. Dadalo sa pulong ang mga kinatawan ng panrehiyong pamatnugutan sa operasyon, ang panlalawigang pamatnugutan sa operasyon, ang mga pandistritong pamatnugutan sa operasyon at ang panlalawigang komite ng Partido. Ang punong kinatawan ng panrehiyong pamatnugutan sa operasyon ang mangungulo sa komperensya.
Punto 4. Tatawagin ng panlalawigang pamatnugutan sa operasyon ang isang pandistritong komperensyang militar nang minsan man lamang sa tatlong buwan upang talakayin ang kalagayan sa pulitika at militar at ang mga tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan sa loob ng distrito. Dadalo sa pulong ang mga kinatawan ng panrehiyong pamatnugutan sa operasyon, ang panlalawigang pamatnugutan sa operasyon, ang mga pandistritong pamatnugutan sa operasyon, ang mga pandistritong komite ng Partido, ang mga kalihim ng mga seksyon ng Partido, ang lahat ng komander ng mga yunit at ang lahat ng kalihim ng Partido, ang lahat ng komander ng mga yunit at ang lahat ng kalihim ng Partido sa hukbo. Ang punong kinatawan ng panlalawigang pamatnugutan sa operasyon ang mangungulo sa komperensya. Punto 5. Ang mga nabanggit na komperensyang militar ay maaaring gumawa ng mga rekomendasyong aaksyunan ng Komisyong Militar ng Komite Sentral.
VII. Sistema ng Pamatnugutang Militar
Punto 1. Ang pambansang pamatnugutan sa operasyon ang mananagot sa pagpapatupad ng mga pambansa at inter-rehiyonal na mga patakaran at planong militar na pinagtibay ng Komisyong Militar, Politburo at/o Komite Sentral, namamatnugot sa lahat ng anyo ng sandatahang yunit ng Bagong Hukbong Bayan at gagawa ng mga regular at espesyal na ulat at rekomendasyong militar sa Komisyong Militar. Ang pambansang pamatnugutan sa operasyon ay bubuuin ng punong komander, mga pangalawang komander niya, mga panrehiyong komander at pangalawang komander nila.
Punto 2. Ang panrehiyong pamatnugutan sa operasyon ang mananagot sa pagpapatupad ng mga panrehiyon at interprobinsyal na mga patakaran at planong militar, mamamatnugot sa lahat ng anyo ng sandatahang yunit sa loob ng rehiyon at gagawa ng mga regular at espesyal na ulat at rekomendasyong militar sa Komisyong Militar at sa pambansang pamatnugutan sa operasyon. Ang panrehiyong pamatnugutan sa operasyon ay bubuuin ng panrehiyong komander, mga pangalawang komander niya, mga panlalawigang komander at mga pangalawang kkomander nila.
Punto 3. Ang panlalawigang pamatnugutan sa operasyon ang mananagot sa pagpapatupad ng mga panlalawigan at interdistritong patakaran at planong militar, mamamatnugot sa lahat ng anyo ng sandatahang yunit sa loob ng lalawigan at gagawa ng mga regular at espesyal na ulat at rekomendasyong militar sa panrehiyong pamatnugutan sa operasyon at panlalawigang komite ng Partido. Ang panlalawigang pamatnugutang militar ay bubuuin ng panlalawigang komader, mga pangalawang komander niya, mga pandistritong komander at mga pangalawang komander nila.
Punto 4. Ang pandistritong pamatnugutan sa operasyon ang mananagot sa pagpapatupad ng mga pandistritong patakaran at planong militar, mamamatnugot sa lahat ng anyo ng sandatahang yunit sa loob ng distrito at gagawa ng mga regular at espesyal na ulat at rekomendasyong militar sa panlalawigang pamatnugutan sa operasyon at sa pandistritong komite ng Partido. Ang pandistritong pamatnugutan sa operasyon ay bubuuin ng pandistritong komander, mga pangalawang komander niya, mga komander ng mga yunit ng regular na pwersang makilos, ng gerilya at ng milisya.
Punto 5. Ang pambansang pamatnugutan sa operasyon ay bubuuin ng Komisyong Militar. Lahat ng panrehiyon, panlalawigan at pandistritong komander at pangalawang komander ay hihirangin ng Komisyong Militar mayroon man o walang rekomendasyon ang pambansang pamatnugutan sa operasyon. Ang mga komander para sa mga kampanyang estratehiko o mga espesyal na operasyon na may pambansang kahalagahan ay hihirangin ng Komisyong Militar o ng Komite Sentral.
Punto 6. Ang pagpili sa mga komander na militar ay gagawin batay sa makauring rebolusyonaryong pananaw at kahusayan sa pakikilaban. Gayunman, ang mga komander sa mga di-regular na yunit ay maaaring lumitaw sa mga lokalidad sa panahon ng praktikal na sandatahang pakikibaka.
Punto 7. Ang mga panteritoryong komander ay nakatataas sa mga komander ng yunit at ang kani-kanilang permanenteng lugar na pinamamatnugutan ay karaniwang itatakda ng nakatataas na pamatnugutang militar.
Punto 8. Ang laki at pagkakaiba-iba ng mga sandatahang lakas ng bayan sa ilalim ng anumang panteritoryong pamatnugutan sa operasyon sa anumang antas ay lubusang nakasalig sa pag-unlad ng digmang bayan. Ang mga susunod na disposisyon ng mga ito ay pagpapasyahan ayon sa pangangailangan ng ikapagtatagumpay sa mga labanan, mga kampanya at ng buong digma.
Punto 9. Ang mga komander ng yunit mula sa antas ng batalyon pataas ay hihirangin ng Komisyong Militar sa rekomendasyon ng pambansang pamatnugutan sa operasyon. Ang mga komander ng kompanya ay hihirangin ng pambansang pamatnugutan sa operasyon sa rekomendasyon ng komite ng Partido sa kompanya. Ang mga lider ng platun at iskwad ay hihirangin ng kanilang mga komander ng kompanya sa rekomendasyon ng grupo ng Partido sa iskwad.
Punto 10. Sa anumang pinag-uugnay na operasyon ng lahat ng anyo ng sandatahang yunit, ang regular na pwersang makilos ang gaganap ng sentral na tungkulin sa pagdurog sa kaaway.
Punto 11. Ang sistema ng pamatnugutan ay hindi dapat humadlang sa pagsasagawa ng anumang kagyat na aksyong militar ng anumang sandatahang yunit sa loob ng isang partikular na lugar maliban kung mapatutunayang ito ay makapipinsala sa isang mas malaking operasyong militar na kasalukuyang ginagawa laban sa kaaway.
Punto 12. Ang punong himpilan ng pambansang pamatnugutan sa operasyon ay papasyahan ng Komite Sentral o ng Komisyong Militar at ang himpilan ng isang nakabababang pamatnugutan ay pagpapasyahan ng isang nakatataas na pamatnugutan.
VIII. Mga Anyo ng mga Sandatahang Lakas ng Bayan
Punto 1. Ang Bagong Hukbong Bayan ay sasaklaw sa mga sumusunod na anyo ng mga panlabang yunit:
a. mga regular na pwersang makilos;
b. mga yunit ng gerilya;
k. mga yunit ng milisya at pananggol sa sarili;
d. mga sandatahang partisanong lunsod.
Punto 2. Ang mga regular na pwersang makilos ay bubuuin sa mga sumusunod na paraan:
a. Iskwad: lima hanggang sampung kawal at ang lider ng iskwad.
b. Platun: dalawa hanggang tatlong iskwad at ang lider ng platun.
k. Kompanya: dalawa hanggang tatlong platun at ang komander at mga pangalawang komander.
d. Batalyon: dalawa hanggang tatlong kompanya at ang komander at mga pangalawang komander.
e. Rehimyente: dalawa hanggang tatlong batalyon at ang komander at mga pangalawang komander.
g. Dibisyon: dalawa hanggang tatlong rehimyente at ang komander at mga pangalawang komander.
h. Kor: dalawa hanggang tatlong dibisyon at ang komander at mga pangalawang komander.
i. Hukbo: dalawa hanggang tatlong kor at mga komander at mga pangalawang komander.
Ang mga panteritoryong komander at mga pangyunit na komander ay laging magsisikap na palakihin ang mga nabanggit na regular na yunit sa itinakdang maksimum.
Punto 3. Ang pagbubuo at paglaki ng mga yunit ng gerilya ay laging ibabatay sa kalagayang pampulitika at sa pagkakaroon ng sandata sa isang lugar. Ang pagsasanib ng isang yunit ng gerilya o bahagi nito sa mga regular na pwersang makilos ay pagpapasyahan ng panrehiyong pamatnugutan sa operasyong, ng pambansang patnugutan sa operasyon o ng Komisyong Militar. Gayunman, ang mga yunit ng gerilya ay patuloy na itatatag bilang pwersang pantulong sa regular na pwersang makilos.
Punto 4. Ang mga yunit ng milisya at pananggol sa sarili ay bubuuin ng mga nagpapatuloy sa kanilang pang-araw-araw na produktibong pamumuhay. Sila ay pangunahing gaganap ng depensibong tungkulin ngunit magsisilbing malawak na reserba at suporta sa mga regular na pwersang makilos at mga yunit ng gerilya.
Punto 5. Ang bawat yunit ng sandatahang partisanong lunsod ay bubuuin ng hindi kukulangin sa tatlong mandirigmang kasapi at magpapakahusay sa mga operasyong lunsod, sa paniniktik at pagmamanman, sa panggugulo sa paghahari ng kaaway, sa pagtataas ng kalooban sa pakikibaka ng mga manggagawa at petiburgesiang lunsod at sa paghahanda sa matagalang paraan para sa isang pangkalahatang pag-aalsa sa lunsod ayon sa tagubilin ng Komisyong Militar.
Punto 6. Ang mga komander ng yunit at mga pangalawang komander nila ang bubuo sa pangyunit na pamatnugutan sa operasyon.
Punto 7. Ang mga regular na pwersang makilos ay mamamahagi ng mga armas at bala sa mga gerilya, sa mga yunit ng milisya at pananggol sa sarili at sa mga sandatahang partisanong lunsod upang maitaas ang kanilang kakayahan sa labanan o maisanib sila bilang mga tropang regular o makalikha ng gayunding mga bagong panlabang yunit. Ang mga gerilya ay mamamahagi rin ng mga armas at bala sa mga yunit ng milisya at pananggol sa sarili upang maitaas ang kakayahan ng mga ito sa labanan o malikha ang gayunding mga bagong panlabang yunit o maisulong ang mga ito sa mas mataas na pormasyong panlaban.
Punto 8. Ang mga kadre ng Partido, mga pinuno at kawal sa Bagong Hukbong Bayan ay maaaring italaga sa mga di-regular na sandatahang yunit na nabanggit sa mga punto, 3,4 at 5 sa itaas.
IX. Lohistika
Punto 1. Ang mga regular na pwersang makilos at ang mga yunit gerilya ng Bagong Hukbong Bayan ay tatanggap ng espesyal na presupwesto sa regular na badyet ng mga lokal na pamahalaang bayan, ng mga lokal na organisasyon ng Partido at/o ng mga rebolusyonaryong organisasyong pangmasa.
Punto 2. Ang Bagong Hukbong Bayan ay magkukusang magtatag ng mga yunit na pamproduksyon tulad ng mga sakahan, talyer, transportasyon at iba pang empresa na mapakikinabangan ng mga mamamayan at hukbo at nagtutustos ng produkto o salapi sa huli.
Punto 3. Ang sentral na pamahalaang bayan ay magbibili ng mga bonong pandigma o kaya’y maglalaan ng makatwirang porsiento ng salaping ililimbag nito upang tustusan ang Bagong Hukbong Bayan.
Punto 4. Ang Bagong Hukbong Bayan ay tutulong sa pamahalaang bayan sa paglilikom ng mga buwis sa negosyo at agrikultura, at tuwirang tatanggap ng kompensasyon sa gawaing ito.
Punto 5. Ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan ay magtatrabaho para sa masa kapalit ng mga tulong na materyal na ipinagkaloob sa kanila.
Punto 6. Tatanggapin mula sa mga alyado at simpatisador ang mga kontribusyong materyal o salapi na partikular na inilalaan sa Bagong Hukbong Bayan.
Punto 7. Isang tiyak na porsiento ng kitang nagbuhat sa mga nakumpiskang kalakal, kapital at ari-arian ng mga imperyalistang Amerikano, malaking burgesiang komprador, panginoong maylupa, burukratang kapitalista at mga taksil ang ilalaan bilang panustos ng Bagong Hukbong Bayan.
Punto 8. Ang lohistika ay palagiang tutuusin ng isang komiteng lilikhain para sa layuning ito.
X. Pagsususog
Punto 1. Ang Komite Sentral, Kawanihang Pampulitika o Komisyong Militar ng Partido Komunista ng Pilipinas ay maaaring magkusang gumawa ng anumang pagsususog sa mga Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan.
Punto 2. Ang pambansang pamatnugutan sa operasyon o ang anumang panrehiyong pamatnugutan sa operasyon ay maaaring magrekomenda ng anumang susog na sa palagay nito ay kailangan.
Punto 3. Ang Komisyong Militar at ang pambansang pamatnugutan sa operasyon ay maaaring magpalabas ng mga alituntunin at mga regulasyon bilang karagdagan sa mga Saligang Alituntuning ito.
Inilabas ng pulong ng mga pulang komander at mandirigma; Marso 29,1969
Pinagtibay ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas; Mayo 13, 1969