Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Muling Pagtibayin Ang Ating Mga Saligang Prinsipyo At Iwasto Ang Mga Pagkakamali

I. Sa Larangan Ng Organisasyon



Read in EnglishBasahon sa Hiligaynon

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992


Ang Kilusang Pagwawasto

Isang usaping buhay-at-kamatayang para sa buong Partido ngayon ang muling pagtibayin ang mga batayang prinsipyo nito, panindigan ang kanyang wastong linya at punahin, itakwil at iwasto ang mga malaking paglihis at pagkakamaling nanatili sa napakahabang panahon (sumanib sa kalahati ng pag-iral ng Partido at ng armadong rebolusyon) at nagdulot ng wala pang kapantay na mga kabiguan sa Partido, Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong kilusang masa.

Ang mga malaking paglihis at pagkakamaling ito ay maari pa sanang mas nakapaminsala kung hindi sa pagpupunyagi ng higit na nakararaming mayorya ng mga kadre at kasapi ng Partido na nagtataguyod sa mga batayang prinsipyo ng Partido at determinadong isulong ang rebolusyonaryong adhikain. Sa gayon, naniniwala tayong ang Partido ay mayroong mga prinsipyo, rebolusyonaryong tauhan, suportang masa at lahatang-panig na lakas para mapigil at mapangibabawan ang mapanganib na tunguhing likha ng mga malaking paglihis at pagkakamali.

Sa patnubay ng ating mga saligang prinsipyo, natukoy at nataya natin ang mga malaking paglihis at pagkakamali at ang malalalang pinsala sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Dapat nating punahin, itakwil at iwasto ang mga ito. Dapat pataasin ng kampanyang pagwawasto ang antas ng kaalamang teoretikal, kamulatang pampulitika at praktikal na aktibidad ng Partido. Ang kasapian ng Partido ay dapat pakilusin sa paglahok at pagsuporta sa kilusang ito. Tanging ang mga tumututol sa kilusang ito at ang mga ayaw magwasto ang dapat ipailalim sa aksyong pandisiplina, hanggang sa pagtitiwalag sa Partido. May malaki at esensyal na pagkakaiba sa pagitan ng mga ayaw at ng mga gustong magwasto ng kanilang mga pagkakamali.

Mahalaga para sa kinauukulang organo na magbalangkas ng mga pinakamatalas na tanong tungkol sa datos at isyung ihaharap sa mga responsable sa mga pinakamasahol na paglihis, pagkakamali at masasamang resulta. Kailangang indibidwal na sagutin ang mga ito (kung kolektibo ang pagsagot, may mga kahirapang makakaantala sa proseso dahil talagang mahirap tipunin ang partikular na kolektibong responsable sa ilang pagkakamali o di kaya, walang pagnanais sa bahagi ng ilang indibidwal na gumawa ng anumang kolektibong pagtatasa). Kung kinakailangan pa at posible, maaaring tipunin ang mga kolektibo pagkatapos na lamang ng pag-usisa sa mga sangkot na indibidwal.

Bago pa man, alam natin na may mga elementong tututol sa o magtatangkang iligaw ang kampanyang pagwawasto sa pamamagitan ng mga sumusunod na taktika:

  1. Patuloy na pagtutol at pag-atake sa mga batayang prinsipyo mismo ng Partido para dogmatikong maigiit ang maling linya;

  2. Paghihiwalay ng maling linya sa mga seryosong masamang resulta;

  3. Paggulo sa ebalwasyon ng mga paglihis at pagkakamali sa pamamagitan ng pagpapaliit ng mas malalaking pagkakamali at pagpapalaki ng mas maliliit;

  4. Paggulo sa ebalwasyon ng mga kolektibo at indibidwal na responsabilidad;

  5. Paglikha ng mga bago at lumang isyung mas maliit ang halaga at kabuluhan kaysa sa mga malalaking problema at wala pang kapantay na mga pag-atras na ating hinaharap ngayon;

  6. Pagganti sa mga punang may matitibay na batayan sa pamamagitan ng mga pag-atakeng walang batayan; at

  7. Pag-atake sa marami para pagtakpan ang iilang may pagkakamali.

Sa bawat antas ng Partido, sa alinmang organo, ang sentral na pamunuan ay hindi dapat mag-atubiling tanggalin sa Partido ang sinumang responsable sa anumang malaking paglihis o pagkakamali pero sa halip na tumanggap ng responsabilidad ay patuloy na sistematikong umaatake sa linya ng Partido o ayaw magwasto at gumagamit sa alinman sa mga taktikang naunang binanggit para ilihis o biguin ang layunin ng prosesong pagwawasto. Kailangan ring bigyan ng seryosong babala ang mga elementong nagkakanlong sa ultrademokrasya sa pamamagitan ng pangangampanya sa labas ng naaangkop na mga daluyan ng Partido o paglampas sa mga hangganan ng Partido.

Makatwirang tantiyahing iilan lang ang matatanggal sa Partido dahil sa kalubhaan ng pagkakamaling responsable sila o bunga ng pagkawala ng pananalig sa rebolusyonaryong adhikain at sa mga batayang prinsipyo ng Partido. Kaugnay nito, ang islogan ng Partido, kung uulitin sa ibang salita sina Lenin at Mao, ay "Mas maliit nang bahagya, pero ibayong mas mahusay."

Maaaring may mga hindi na nababagay manatili sa Partido dala ng mga dahilang pang-ideolohiya, tulad ng pagkawala ng pananalig sa lahat o aliman sa mga batayang prinsipyo ng Partido. Maaari pa silang ituring na alyado kung pwede pa silang makipagtulungan sa atin sa mga isyu sa pulitika, basta't hindi sila magiging ispesyal na ahente ng kaaway sa pamamagitan ng pag-atake sa Partido at pangangapital sa kanilang dating ugnayan o internal na kaalaman sa Partido.

Ang kilusang pagwawasto, pangunahin at sa esensya, ay isang pagpupunyaging pang-edukasyon upang tukuyin, punahin at itakwil ang mga paglihis, pagkakamali at kahinaan at sa gayo'y higit pang palakasin ang Partido at rebolusyonaryong kilusan. Ang layunin ay likhain sa loob ng Partido ang mas mataas na antas ng rebolusyonaryong kamulatan at militansya at kung gayon, mas mataas na antas din ng pagkakaisa.

Ang malaking mayorya ng mga kasapi ng Partido ay walang alinlangang mabuti at nagnanais na gawin ang abot ng makakaya para isulong ang rebolusyonaryong adhikain. Iilang elemento lamang ang sumasalungat sa kilusang pagwawasto at tumatangging magwasto ng mga pagkakamali nila. Kung mamalagi sa Partido ang mga elementong ito, maaari silang patuloy na makapaminsala sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Tungkulin ng lahat ng kasapi ng Partido ang muling pagtibayin ang mga batayang prinsipyo ng Partido at magwasto ng mga pagkakamali.


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.