Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Ang Pagpapalaganap ng Maling Linya sa Pambansang Saklaw
Ang linyang kumbinasyon ng armadong insureksyong lunsod at
adbenturismong militar ay hindi napuna, hindi naiwaksi at hindi
naiwasto at sa halip ay lumaganap sa pambansang saklaw at lumikha ng
mga pinsala at kabiguan sa rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa na
wala pang katumbas sa nakaraan.
Ang ika-9 na plenum ng Komite Sentral noong 1985 ay tumanggi
sa balangkas na Pulang Purok (Pakikibakang Militar) - Puting Purok
(Pakikibakang Pulitikal) pero hindi tumukoy doon na isang linyang
insureksyunista, hindi puspusang pumuna doon at hindi rin nag-atas ng
pagwawasto ng organisasyon ng Partido sa Mindanaw. Nangibabaw sa
katunayan ang pagkatangay sa matutunog pero mapatutunayang panandaliang
mga tagumpay sa Mindanaw sa kabila ng naiulat na nakakabahalang laki ng
kaswalti at problema sa bala gayong wala pa ang puspusang
ganting-salakay ng kaaway. Ang katawan at baha-bahagi nito ay dinala at
ikinakalat ng maraming kadreng galing Mindanaw o impluwensyado nila,
bilang mga "abanteng karanasan" o "mas mahusay" na paraan ng pagdadala
ng pakikibaka. Ang mga susing elemento ng maling linya at ang praktika
nito, tulad ng todo-largang pakikidigmang partisano sa kalunsuran at
"regularisasyon" ng hukbong bayan ay binasbasan at ipinaloob sa
programa para sa "estratehikong kontra-opensiba". Ang taktikal na
programang nakatudla sa mapagpasyang tagumpay laban sa diktadurang
US-Marcos sa pamamagitan ng "estratehikong kontra-opensiba" ay
nag-udyok din ng lalong pagkaakit at paglalaro sa ideya ng armadong
insureksyong lunsod.
Mula 1986 ang pagwawaksi ng Partido sa kamaliang boykot ay
kinasangkapan ng mga naglalako ng linya ng armadong insureksyong lunsod
sa pamamagitan ng pagpapalaki sa kamaliang ito kahit pagkatapos ng
pagwawasto (habang pinalalabo naman ang mas malaking kamalian at mas
maagang pagkapinsala ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Mindanaw) at
pagpapalitaw na ang pagwawaksi ng kamaliang boykot ay patunay ng
katumpakan ng linya ng armadong insureksyong lunsod. Sa umpisa ng
paghahari ng papet na rehimeng Aquino, lumitaw ang sari-saring palagay
na labis na nagpapalaki sa demokratikong ispasyo, sa makabayan at
demokratikong posibilidad ni Aquino, at sa lalim ng pinsalang idinulot
ng pag-aalsang Edsa sa reaksyunaryong paghahari at makinarya ng estado,
at nagtulak batay dito ng "seryosong pagkilala sa posibilidad at
paghahanda para sa insureksyon". Inihapag ang sari-saring panukalang
insureksyunista gaya ng plano para sa "fast track" na pagtatagumpay ng
rebolusyon at paggamit ng labanan sa Constitutional Commission,
pag-uusap pangkapayapaan at iba pa para mabilis na lumikha ng
panibagong polarisasyon at malakihang kumprontasyon batay sa mga isyung
pambansa at demokratiko. Sa harap ng mas matinding karahasan at
paksyunal na alitan ng mga reaksyunaryo, ang "pagsunggab sa mga
oportunidad" ang naging paboritong postura at bukang-bibig ng mga
naghahangad ng insureksyong lunsod. Kaya tuwing magkakaroon ng tangkang
kudeta, umaapaw ang insureksyunistang ilusyon at ispekulasyon ng ilang
kadre at yunit ng Partido na nakabase sa syudad.
Kung nagsasarili, ang linya ng armadong insureksyong lunsod ay
nahihiwalay at walang magagawa, pero ito'y nakakapinsala sa Partido at
rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pag-udyok sa mga kadre at
kasapi ng Partido na manatili sa kalunsuran samantalang
kailangang-kailangan sila sa kanayunan, sa pamamagitan ng pambubuyo ng
paghahangad ng lampas sa kaya ng rebolusyonaryong kilusang lunsod at
pag-ulit sa Maynila-Rizal mismo ng kapahamakang "pulitiko-militar" na
dinanas sa Lunsod ng Davao, at mas masahol pa, sa pamamagitan ng
pakikipagkumbina sa mga nagtataguyod ng "regularisasyong" militar.
Ang linya ng mabilisang pagtatayo ng mga kumpanya at batalyon
at pati ng pagpapakapal sa itaas ng mga istap militar at paghatak ng
mga kadre palayo sa gawain ng pagpapalawak at pagpapatatag sa hanay ng
mamamayan ay lumaganap sa umpisa sa pamamagitan ng Pambansang
Kumperensyang Militar noong huling bahagi ng 1984, pagkatapos, ng
programa ng pagkumpleto ng mga rekisitos sa SCO ng sentral na pamunuan,
at nagtuluy-tuloy sa kalaunan sa tulak ng mga kumperensyang militar ng
pambansang istap militar (na ginawang pangkalahatang kumand noong 1987)
ng BHB. Ang mga ito ay naghain ng payak na payak na mga batayang gaya
ng sumusunod: nasaklaw na natin ang lahat ng estratehikong bahagi sa
bayan, sapat na ang bilang ng ating mga larangang gerilya, sapat na ang
lawak ng ating baseng masa, atbp. Ergo, panahon nang palakasin ang BHB
sa paraang bertikal, regularisahin ito, itayo ang organisasyon ng hukbo
nang hiwalay sa Partido, mag-ispesyalisa sa gawaing militar at
paglaban. Mula noong kumperensyang militar noong 1984 nabuo at
lumaganap din ang palagay na nakatalaga na ang mga estratehikong
reserba ng kaaway; hindi na niya kayang malakihang magdagdag ng bilang
ng tropa; at ang pagpapalakas niya ay higit sa kalidad kaysa kantidad.
Noong huling hati ng 1986 at noong 1987, may mulat na
pagsisikap ang Komisyon sa Mindanaw at mga komite ng Partido sa mga
rehiyon sa isla na kontrolin at pangibabawan ang mga mapanalantang
resulta ng Kampanyang AHOS, iwasto ang mga pagkakamali at muling
palakasin ang mga rebolusyonaryong pwersa. Pero noong 1987 din, lalong
nag-ibayo naman ang pagpapalaganap ng linyang "regularisasyon" sa
pambansang saklaw.
Ang pangkalahatang kumand ng BHB ay masugid na nagtulak ng
pagbubuo ng mas malalaking pormasyon at pagtatayo ng mga istap militar.
Dinala nila ang palagay na "nakatalaga na ang mga estratehikong reserba
ng kaaway" at umiiral ang kalagayan para sa mga "lokal na estratehikong
kontra-opensiba". Nag-atas ang pangkalahatang kumand ng isang
"pambansang koordinadong kampanya" na umasa sa malaking subsidyo mula
sa itaas at gumasgas sa mga yunit, sa istak ng bala at lohistika,
nagbunga ng mga banggaan at kiskisan sa pagitan ng mga kumand ng hukbo
at mga teritoryal na organo ng Partido, nagbunsod ng mga aksyong
militar na masama ang epekto sa pulitika, at nakapaglantad sa mga
tauhang-istap at kagamitan sa radyo na nakabase sa Metro Manila,
kapalit ang malaki-laking bilang ng kaswalti ng kaaway at ilang bilang
ng armas na nakumpiska.
Sa mga rehiyon ng Luson at Kabisayaan, lalong pinabilis ang
pagbubuo ng mga kumpanya at pagpapatindi ng mga operasyong kumpanya,
lumaganap ang konsepto ng pagpapaputok ng mga pag-aalsang magbubukid na
inihanay na parang isang karaniwang anyo ng pakikibakang masa, at may
ilang naghanda ng mga "flash points" para sa mga pag-aalsa kapag may
"oportunidad". Isang larangang gerilya sa Hilagang Luson ang halos
lubos na nalansag pagkatapos magsagawa ng serye ng mga
"insureksyunaryong aksyong masa", kampanya ng pangungumpiska ng mga
ari-ariang panginoong maylupa, deklarasyon ng implementasyon ng
maksimum na programa ng reporma sa lupa at iba pang aksyong gaya
diumano sa Pag-aalsa ng Anihang Taglagas (Autumn Harvest Uprising) sa
Hunan at nakatuntong sa pag-aakalang hinog na ang kalagayan para sa mga
"lokal na estratehikong pagkakapatas". Sa panahong ito, labis na
pinatindi ang mga operasyon ng mga armadong pakikidigmang partisano sa
Metro Manila at iba pang lunsod, hanggang sa antas na lumalabag sa
ligal at depensibang katangian ng pakikibaka sa mga sentrong lunsod na
ito.
Ang sentral na pamunuan ng Partido ay may malaking bahagi ng
responsabilidad sa mga pagkasira ng tamang balanse at sa programa ng
"regularisasyon" na pangunahing nagdulot ng mga ito. Bukod sa
responsabilidad nito sa kabuuang programa ng SCO, kinumpirma at
pinagtibay nito ang marami sa mga inisyatiba at pananaw mula sa mga
nakabababang yunit na nagtutulak ng "regularisasyon". Pero taun-taon,
idiniin ang pagsalig sa papalawak at papalalim na baseng masa. At mula
sa pahayag sa anibersaryo ng Partido noong 1988, idiniin ang malaganap
at masinsing pakikidigmang gerilya na nakasalig sa malawak at malalim
na baseng masa, nang hindi isinasara ang pinto sa pagtatayo ng mga
kumpanyang gerilya na kayang isustine at nakakalat para sa gawaing masa
kung hindi lumalaban o wala sa pagsasanay. Marami ding komite ng
Partido sa rehiyon ang naghapag ng mga tanong, pagdadalawang-isip at
rekunsiderasyon kaugnay ng sobrang hatak at mga target sa
"regularisasyon". Kaya sa ilang pagkakataon may ginawang mga pagbabawas
sa bilang ng mga kumpanyang binubuo o di kaya'y may ginagawang mga
pagbabago sa disposisyon ng mga ito ayon sa estratehiya at mga taktika
ng pakikidigmang gerilya. Noong maagang bahagi ng 1989, napagpasyahan
ang mga bagong diin at prayoridad sa gawaing masa at mga lokal na
pwersang gerilya at ang pagtigil ng programa ng pagpaparami ng mga
kumpanya. At noong 1990 pormal na binitiwan ang programa para sa SCO.
Gayunman, ang pangkalahatang kumand ng BHB sa panahong ito, bagama't
nagpapahayag ng pagkilala sa absolutong pamumuno ng Partido, ay patuloy
na nagtanggol at nagtulak ng sariling linya ng "regularisasyon" at
sumalungat sa mga pagpuna dito ng Partido.
Malaking pinsala sa rebolusyonaryong kilusan ang bunga ng
"regularisasyon". Mula 1987 hanggang 1990, bumaba nang halos 60
poryento ang kasapian ng mga organisasyong masa, 16 porsyento ang
bilang ng baryong saklaw ng mga larangang gerilya, 15 porsyento ang
kasapian ng Partido. Bagamat patuloy na lumalaki taun-taon ang bilang
ng riple ng hukbong bayan, ang bilang ng nadadagdag bawat taon ay
bumagsak sa tantos na pareho noong 1976 - 1978. Higit pa, bumaba nang
28% ang kabuuang bilang ng tauhan ng hukbong bayan, sa antas na mas
mababa pa kaysa noong 1985. Malaking bilang ng kadre sa antas
probinsya, larangan at distrito ang nawala at marami sa kanila ang
hindi pa napapalitan.
Sa loob ng dalawampung taon, isang bagay na naipagmamalaki ng
muling tatag na Partido ang ideklara taun-taon na lahatang-panig na
nadagdagan ang lakas ng rebolusyonaryong kilusan. Nagagawa ng kaaway na
magkonsentra laban sa ilang lugar o rehiyon at makapaminsala, pero ang
kilusan ay nakakadagdag naman ng lakas sa ibang lugar at sa pambansang
saklaw.
Noong 1971, ang mga pwersang rebolusyonaryo ay nasupil sa
kalakhan sa pangalawang distrito ng Tarlac, kung saan gumamit ang
kaaway ng buong dibisyon (Task Force Lawin), mga pwersang paramilitar
(mga BSDU) at mga "aksyong sibiko" ("civac") mula 1969 hanggang 1971,
sa pagsisikap na tugis-tugisin ang pwersang BHB na may 200 mandirigma
lang. Pero ang rebolusyonaryong gawain sa Isabela, na sinimulan noong
maagang bahagi ng 1969, ay nakalikha na noon ng baseng masang maraming
ulit na mas malaki kaysa niyong nasa Tarlac.
Pagkatapos, dumating ang panahong ang mga pwersa sa Isabela ay
nakulong ng kaaway sa Forest Region mula 1972 hanggang 1976 bunga ng
katigasan ng ulo at pagkakamali sa pagpapanatili ng tatlong kumpanya at
isang platun sa loob ng kubkob ng kaaway. Pero ang mga pwersang gerilya
at ang baseng masa sa iba pang rehiyon ng bansa ay kapansin-pansing
lumalaki mula 1974 at pagkatapos. Sa kalaunan, hindi lang mababawi ang
teritoryong pansamantalang naiwanan sa Tarlac, kundi ilan pang
probinsya sa Gitnang Luson ang dagdag na masasaklaw mula 1972 at
pagkatapos.
Noon lamang 1988 nag-umpisang magrehistro ang Partido ng
pagliit ng baseng masa sa kanayunan sa pambansang saklaw. Pinalulubag
natin ang ating loob sa pagsasabing hindi naman napakalaki niyon kung
titingnan ang itinindi ng pag-atake ng kaaway at sa katunaya'y lumakas
naman tayo dahil higit tayong napanday sa pakikibaka. Bagamat may
natukoy na ilang panloob na kahinaan at pagkukulang, hindi natin lubos
na natasa ang mga pagkakamali ng sarili nating hanay at sa halip, ang
tendensya'y ibintang sa mga atake ng kaaway ang mga pagkabawas.
Marami sa atin ang nalito sa "gyera ng mabilisang desisyon" at
"gradwal na konstriksyon" ng kaaway at namangha sa laki ng mga
pananalakay ng kaaway at tindi ng epekto ng mga ito sa ating baseng
masa at armadong pakikibaka. Pero ang mga ito, kung tutuusin, ay mga
lumang kataga at lumang estratehiya at taktika ng kaaway, gaya ng dapat
malaman ng sinumang nakapag-aral ng mga turo ni Mao hinggil sa digmang
bayan. Totoong ang "gyera ng mabilisang desisyon" at "gradwal na
konstriksyon", na naharap natin mula 1987 ay may ilang partikularidad
tulad ng sabayang pagpapakat ng mga dibisyon at brigada ng kaaway sa
mga pangunahing larangang gerilya natin sa buong bansa, ang ibayong
determinasyon ng kaaway na ituluy-tuloy ang antas ng konsentrasyon ng
kanyang tropa at mga opensiba sa target na mga larangan sa relatibong
mas matagal na panahon, ang malawakan at sistematikong pagtatayo ng mga
vigilante at mga CAFGU, at ang bentahe ng popularidad ni Aquino noong
mga unang taon niya. Pero napangibabawan na natin ang gayong
estratehiya ng kaaway sa nakaraan. At kahit ngayon, nagagamay,
naaangkupan, at unti-unti natin iyong napapangibabawan sa kabuuan at sa
maraming lugar.
Umaayon sa mga pwersa ng kaaway na lumaban sa gyera ng
mabilisang desisyon o estratehikong opensiba dahil sa kanilang
superyoridad sa militar—sa bilang ng tropa, pananandata, lohistika at
pagsasanay. Pero sa antas ng taktika, kung saan gusto nilang magwagi sa
mga labanan, nabibigo sila dahil wala silang suportang popular. Kaya,
nauuwi sila sa paggamit ng tinatawag nilang "gradwal na konstriksyon" o
pakikidigmang "blockhouse" (mga linya ng mga kampo at portipikasyon
para kubkubin at kontrolin ang saklaw na teritoryo), kakumbina ng mga
"pangkat sa ispesyal na operasyon" (SOT), pag-oorganisa ng mga pwersang
paramilitar at paggamit ng isang palsipikadong tipo ng gawaing masa.
Sa panig ng BHB, ang wastong tugon sa estratehikong opensiba
ng mga pwersa ng kaaway ay ang estratehikong depensiba. Sa kongkreto,
ginagawa natin silang bingi at bulag sa malawak na saklaw sa
pamamagitan ng pagkuha sa partisipasyon at pagsuporta ng mamamayan. Sa
antas ng taktika, naglulunsad tayo ng pakikidigmang gerilya sa
pamamagitan ng pagtitipon ng superyor na pwersa para magsagawa ng mga
opensibang taktikal laban sa mga yunit ng kaaway na kaya nating lipulin
nang biglaan. Ang mga pwersa ng kaaway ay pwede ring magkonsentra
saanmang lugar at makaagaw sa atin ng mga partikular na saklaw pero
mapipilitan naman silang magluwag sa di hamak na mas malawak na saklaw
sa ibang lugar. Makakaya at dapat lagi tayong sumaklaw ng teritoryong
ibayong mas malawak kaysa sa napaliligiran ng kanyang malalaking pwersa
at opensiba habang kinukumbina natin ang mga anihilatibo at atritibong
taktikal na aksyong gerilya at mga mobilisasyong masa para labanan at
pahirapan siya sa mga lugar na kanyang kinokonsentrahan.
Ang ginagawa ng mga nagpapanukala ng mabilisang tagumpay
militar at ng linyang "regularisasyon" ay ang adelantadong pagtatayo ng
mga malaki at di-masusustineng yunit na humihigop ng mga kadre mula sa
gawaing masa at nag-iiwan ng malalaking bahagi ng mga larangang gerilya
na walang epektibong armadong yunit sa mahahabang panahon. Bunga nito,
sa loob ng kulang sa dalawang taong "pangkalahatang opensiba" ng
kaaway, nakatapyas siya ng malalaking bahagi ng mga larangang gerilya
natin at malawakang nakapagtayo ng mga yunit paramilitar, na sa
maraming lugar, bahagya lamang o halos walang paghadlang ng
di-konsolidadong baseng masa at mahihinang lokal na yunit gerilya at
yunit sa gawaing masa. Ininda natin ang mga atake ng kaaway noong 1988
at 1989 dahil may ilan taon nang pinahina natin ang ating mga pwersang
lokal at napabayaan ang gawaing masa at konsolidasyon sa maraming lugar
-- nang higit na pasinsinin naman ng kaaway ang pagsuyod sa ating mga
larangan at panggigitgit sa mga baryo at lokalidad; liban pa sa
pagkaantala ng pag-aaral at pagbibigay ng karampatang gabay sa
pambansang antas. Kung hindi nating iwawasto ang mga pagkakamaling ito,
mapupwersa tayo ng kaaway na lumaban sa sitwasyong lantay militar sa
paparami nang paparaming lugar at dadanas ng mas mabibigat pang pinsala
ang mga rebolusyonaryong pwersa.
Mula 1990, bilang tugon sa panawagan ng sentral na pamunuan,
ang mga komite ng Partido at kumand ng hukbo sa mga rehiyon ay
nagbigay-diin sa gawaing masa, pagpigil sa pagkabawas ng baseng masa at
pagpapalakas sa mga pwersa sa mga lokalidad. Marami sa mga kumpanya ang
itinalaga sa gawaing masa, sa pagpapalawak, pagbawi at konsolidasyon ng
baseng masa at mabilis na naramdaman ang positibong epekto sa
unti-unting pangingibabaw sa tunguhing paatras noong mas naunang mga
taon. Gayunman, nag-uumpisa pa lamang at malaki pa ang dapat gawin sa
pangingibabaw sa mga masamang epekto ng maling linya at pagbawi sa
matatag, tuluy-tuloy at lahatang-panig na pagsulong. Una sa lahat,
kailangang puspusang punahin, iwaksi at iwasto ang maling linya at
magpunyagi sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya habang
pinalalawak at pinatatatag ang baseng masa sa pamamagitan ng tamang
disposisyon ng mga kadre at pwersang gerilya.
Ang adelantadong pagtatayo ng di-masusustineng kumpanya at
batalyon ay nag-anak ng iba pang tunguhin at mga aksyong adbenturistang
militar, tulad ng hilig sa pagbira sa mga matigas na pusisyon ng
kaaway; mga opensibang taktikal na padalus-dalos ang pagkakaplano at
masyadong tumatagal, gumagasta ng sobrang daming bala at nagbubunga ng
maraming kaswalti; at mga aksyong militar na hindi lubos na
isinasaalang-alang ang malamang at posibleng mga negatibong epekto sa
pagbubuo ng baseng masa, kabutihan ng masa at iba pang mga implikasyong
pulitikal.
Sa hanay ng maraming kadre, laluna sa mga rehiyon at mga
organong malapit na nakaaalam sa araw-araw na gawain sa hanay ng masa
at pagkilos ng mga yunit ng hukbo, malakas ang paniniwala na ang
adelantadong pagtatayo ng malalaking pormasyon ay hindi magbubunga ng
mabilisang tagumpay militar kundi ng pagkakabaon sa mga
pangangailangang lohistikal, pagkakahiwalay sa masa at pagkapasibo, mga
kabiguan at iba pang anyo ng pinsala.
Isang halimbawa ang karanasan sa Samar. Noong maagang bahagi
ng mga taong 1980, nagbuhos doon ang kaaway ng siyam na batalyon. Ang
BHB ay walang masasabing batalyon noon, ngunit sa proseso ng
pakikidigmang gerilya, lumaki ang BHB at ang mga pwersang
rebolusyonaryo. Sa nakaraang mahigit apat na taon, kung kailan ang
kaaway ay may tatlo o apat na batalyon sa isla at ang BHB ay may sarili
nang batalyon, nagkaroon ng ilang wala pang kapantay na pinsala sa
buong Partido, hukbong bayan at baseng masa. Ang "batalyon" ay natatali
sa mga pasaning lohistikal at ang mga tropa at istap nito ay nabawasan
nang 50 porsyento noong 1990 mula sa 500 mandirigmang rurok ng lakas
nito. Ang istap ng batalyon ay bumubuo ng malaking porsyento ng
kabuuang bilang ng mga Pulang mandirigma. Kapuna-puna ang naging
pagnipis at pagbuhaghag ng baseng masa sa malaking bahagi ng isla.
Ang iba't ibang departamento at suson ng istap ay umaagaw ng
mga kadre at rekurso mula sa gawaing masa. Bagamat ang ilan sa mga ito,
gaya ng istap sa pagsasanay, ordnans at medikal sa ilang antas, ay
kailangan at nakaambag na ng malaki sa pagpapaunlad ng hukbo at teknik
ng hukbo, may binuong di kinakailangang suson ng istap at mga yunit ng
istap na wala pa sa panahon o di kaya'y gumagawa ng mga tungkuling
tinutupad na o mas kumbinyenteng tupdin pa ng ibang yunit ng Partido o
mga organisasyong masa. Bago pa nito, sa karamihan ng mga rehiyon, may
nauna nang serye ng pagnipis at pagbaba ng kalidad ng kadre at armadong
lakas na nakatalaga sa mga lokalidad. Una muna ang mga redispusisyon ng
mga kadre at tauhan para sa pagpapalawak at pagtulong sa mga nahuhuling
larangang gerilya o rehiyon. Sumunod ang mga promosyon ng mga kadre
para sa pagbubuo at pagpapalakas ng mga komite ng Partido sa mga
distrito at mas matataas pang antas. Sumunod pa ang pagbubuo ng mga
ganap na yunit gerilyang nagbigay-diin sa gawaing militar at nagbawas
ng paglahok sa gawaing masa at mga gawaing lokal. At kaalinsabay, may
malubhang kapabayaan sa teoretikal na edukasyon at pagsasanay ng mga
kadre.
Ang kabuuang resulta ay pagkabawas ng baseng masa. At ang
kasunod ay ang paglitaw ng tendensyang maghanap ng suporta sa lohistika
mula sa itaas at sa labas, kapag ang suplay ng pagkain at ang
kontribusyon mula sa masa at buwis mula sa mga lokal na negosyante at
panginoong maylupa ay hindi nakasasapat sa mga pangangailangan ng mga
kumpanya at batalyon. Malakas din ang tentasyong gamitin ang sandata sa
pangangalap ng pinansya sa pamamagitan ng mga pamamaraang gangster na
may masamang epekto sa pulitika at lumilikha ng matinding
disoryentasyon sa ideolohiya at pulitika sa hanay ng mga upisyal at
mandirigma.
Tulad ng nararapat, ang ilang kumpanya at batalyon ay
lumalahok sa gawaing masa at sa produksyon kapag uubra. Pero umaangal
ang mga Pulang mandirigma kung bakit sila mananatili sa malalaking
konsentradong pormasyon kahit hindi na sila nakikipaglaban sa kaaway
nang kasindalas noong dati nilang inaakala. Pero, syempre, mas masahol
pa ang mangyayari sa kanila sa pakikidigma kapag nakipaglaban sila nang
mas madalas nang walang baseng masa at pagkukunan ng suportang
materyal. Mayroon ding mga nasa pormasyong kumpanya na ginagamit na
katwiran ang mismong laki ng kanilang pormasyon para umiwas sa gawaing
masa at produksyon o pagtulong sa masa, kung saan kinakailangang
maghiwa-hiwalay sila sa mas maliliit na yunit. Sinasabi nila na
kailangang maging alerto sila lagi at mag-ispesyalisa sa paglaban, gaya
ng isang pirmihang hukbo, dahil baka maabutan sila ng kaaway na walang
kamalay-malay kapag nakakalat.
Gawa ng mga suliranin sa pagrerekrut na dala ng papaliit na
baseng masa, maraming kumpanya ang humantong sa pagrekrut ng mga lumpen
at iba pang elementong hindi dumaan sa edukasyon at pagpapanday sa mga
organisasyong masa. Sa maraming erya mayroon pa ngang sadyang
pagpapababa ng mga pamantayan sa pagrerekrut sa mga kumpanya para
mapunuan ang mataas na tantos ng pagpapalit ng mga mandirigma. Ito,
dagdag pa ang kapabayaan sa panloob na edukasyong pulitikal at
pagkakahiwalay sa gawaing masa at produksyon, ay nauwi sa pagbaba ng
pampulitikang kalidad at disiplina ng hukbong bayan. Sa hanay ng mga
upisyal at mandirigma, humina nang humina ang mga dating kasanayan at
kaalaman sa gawaing masa, gayundin ang mabubuting aktitud na napauunlad
at kinakailangan sa pakikisalamuha sa masa. Lumaganap at lumala ang mga
problema sa kagaspangan, kakulangan sa disiplina, mga gawing lumpen,
arogansya at komandismo. Madalas, nababanggit ng mga taong-baryo ang
tinatawag na unang henerasyon ng BHB sa mga iskwad at platun bilang mga
tunay na BHB samantalang iyong marami sa mga sumunod pa laluna nitong
nakaraang ilang taon bilang palsipikado dahil hindi lumalahok sa
gawaing masa at produksyon, hindi tumutulong sa mamamayan at magaspang
kumilos. Ang "regularisasyon" ay nangahulugan ng pagkakahiwalay sa
masa.
May panahong nagmamalaki tayo na mayroong ilang dosenang
kumpanya at ilang batalyon. Pero napakababa ng bilang ng mga opensibang
laking-kumpanya kung ihahambing sa bilang ng kumpanya. Dapat matapat na
harapin natin ang katanungan kung bakit ang mas malalaki pero mas
kakaunting yunit militar ay nagbunga ng mas kaunting opensibang
taktikal, mas marami pang bigong opensibang taktikal at pagliit ng
armadong lakas, partikular sa tauhan.