Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Ang mga Suliranin sa Seguridad sa Kalunsuran
Hawak ang mga aral na natutunan sa mahabang karanasan sa gawaing
lihim sa kalunsuran sapul ng pag-uumpisa ng kasalukuyang armadong
rebolusyon at partikular na nasa isip ang mga presisong reyd at
pang-aaresto ng kaaway noong 1988 at pagkatapos, ang sentral na
pamunuan ay naglabas noong 1989 ng kumprehensibong kalipunan ng mga
gabay at instruksyon tungkol sa seguridad para sa lahat ng kadre at
kasapi ng Partido.
Kabilang sa mga suliraning kinilala sa mga gabay at intruksyong iyon ang mga sumusunod:
- Ang mga kadre at kasapi ng Partido ay higit na mas bulnerable sa kalunsuran kaysa sa kanayunan.
- Umiral ang ilang taon ng pagluluwag sa
seguridad, na lumala noong panahon 1983 hanggang 1986, higit pang
lumala noong panahon ng tigil-putukan ng 1986-87 at pagkatapos at
ngayon ay patuloy pang laganap at malubha.
- Nagkukumpol sa mga kalunsuran ang mga kadre
ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway at naglalagay ng
kanilang sarili at iba pa sa panganib dala ng pagmamantini ng ugnay sa
mga dating detenidong pulitikal, gayundin sa mga personalidad,
organisasyon at institusyong saklaw ng malamang at tiyak na pagmamanman
ng kaaway.
- Ang mga kadre ng Partido na nasa listahan ng
mga hinahanap ng kaaway at ang mga taong kinokontak nila at ang mga
lugar at pasilidad na ginagamit nila ay minamanmanan at kung tutuusi'y
naikahon na ng mga ahensyang paniktik ng kaaway.
- Ang presisong pagkakadakip ng mahahalagang
kadre ng Partido, dokumento, kagamitan at iba pang bagay ay naglalagay
sa peligro ng kaligtasan at seguridad ng mga tao at rekurso at
naghahawan ng daan para sa higit pang pagmamanman at aksyon ng kaaway.
- Ang mga modernong kagamitan at pasilidad
(mga telepono, kompyuter, radyo at iba pa) ay nakapagpapadali sa ating
gawain pero kung hindi masinop na ginagamit ay mas nakakatulong sa
kaaway kapag namamanmanan o nakukumpiska ang mga ito.
- Ang impormasyong naiipon ng kaaway mula sa
mga nakumpiskang dokumento sa mga disket ng kompyuter at sa papel,
gayundin mula sa taktikal na pagmamanman sa mga nakapirming target (mga
tao, bahay, gusali at publikong lugar) na ginagamit ng Partido at mga
kaugnay na tauhan ay nagbibigay sa kaaway ng batayan para sa kumpiyansa
nito sa matagalang pagmamanman.
- Hindi dinadakip ng kaaway ang lahat ng kadre
at bagay na tukoy na niya; nangangahulugang humuhuli siya ng ilan at
nag-iiwan ng ibang ginagamit na pantunton sa mas marami pang kadre at
bahay.
Sa mga praktikal na instruksyong ipinalabas para pangalagaan
ang kaligtasan ng Partido at mga kaugnay na tauhan, ang pinakamahalaga
ay ang pag-alis sa Metro Manila at iba pang lunsod ng mga kadre ng
Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway at paglilipat sa
kanila sa kanayunan, para mahadlangan ang kaaway. Ang ibang kadre at
di-kasapi ng Partido na makakakilos pa nang ligal sa mga lunsod ay
maaaring katagpuin nila sa kanayunan tuwing kinakailangan.
Ang pagkadakip sa kalunsuran laluna sa Metro-Manila ang
dahilan ng pinakamalaking bilang ng pinsala sa mga kadre sa matataas na
antas. Mula 1988 mahigit 100 kadre sa antas rehiyon at pambansa ang
nadakip ng kaaway sa mga reyd at pag-aresto sa kalunsuran. Ngunit
maraming kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway
ang naggugumiit na manatili sa Metro Manila liban sa maiikling panahon
ng kunwa o pakitang-taong pagsunod sa mga gabay at instruksyon sa
seguridad.
Ang mga kumprehensibong gabay at instruksyon ay binabalewala
at nilalabag. Ang pinakamatibay na patunay nito ay ang patuloy na
pagkadakip ng ganitong mga kadre ng Partido at ng bultu-bultong mga
disket ng kompyuter at dokumentong nasa pangangalaga nila.
Kailangan ang isang mas pundamental na pagpuna sa pananatili
sa Metro Maynila at iba pang lunsod ng mga sentral na organong istap at
mga kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway.
Kailangang lubos na pawiin ang mga ugat sa ideolohiya at pulitika ng
pagkukumpulan sa kalunsuran ng mga sentral na organong istap (kabilang
na ang pangkalahatang kumand ng BHB) at mga tauhan ng Partido na nasa
listahan ng mga hinahanap ng kaaway. Para sa sarilli nilang kapakanan
at sa kapakanan ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan, lahat ng
hindi na angkop sa gawaing Partido sa kalunsuran ay kailangang atasang
pumunta sa kanayunan para tumulong sa pagpapalawak at pagkokonsolida ng
baseng masa doon. Ang mga organong istap na nakabase sa kalunsuran pero
mas nararapat na nakabase sa kanayunan ay dapat bumase na doon.
Totoong sapul ng pag-uumpisa ng armadong rebolusyon,
kinikilala natin ang pangangailangang magtalaga ng mga kadre ng Partido
sa kalunsuran para mag-ayos ng komunikasyon sa pagitan ng mga rehiyon
at sentral na paumunuan at sa loob ng mga rehiyon, bunga ng partikular
na pulu-pulong katangian ng Pilipinas, Pero bakit, kahit naitayo na
muli ang mga ligal na organisasyong masa at higit na lumawak ang
nagkakaisang prente mula ng mga taong 1980, mga kadre ng Partido na
nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway pa rin ang nangangasiwa sa
gawain at sa komunikasyon sa kalunsuran sa halip na mga kadreng
makakakilos doon nang ligal at mas maigi? At bakit bumabase at
pinalolobo pa sa kalunsuran ang mga organong namumuno o istap na
pinakamahusay na nakapuwesto sa kanayunan?
Bakit kailangang nakabase sa Metro Manila ang pangkalahatang
kumand ng BHB at mga sentral na organong istap nito, na nararapat at
wasto lamang na nakabase sa kanayunan? Bakit, sa panahong sinasabing
saklaw na ng hukbong bayan ang lahat ng estratehikong lugar sa bayan,
na sapat na ang bilang ng mga larangang gerilya at ang pangunahing
layunin ay ang pagtatayo ng mga kumpanya at batalyon, pinili ng
pangkalahatang kumand na ibase ang sarili sa Metro Manila?
Mapanganib ngayon ang sitwasyong bunga ng pagkukumpulan ng mga
kadre at kasapi ng Partido sa mga istrukturang administratibo na
nakabase sa kalunsuran, tulad ng mga sentral na organong istap at mga
grupo ng Partido sa mga pambansang organisasyong masa na napakarami ang
mga antas. Ang mga istrukturang administratibo sa kalunsuran ay lubhang
bulnerable sa isang pamatay na dagok sa isang pangkalahatang panunupil
ng kaaway o sa walang tigil na paunti-unting pag-aresto.
Alang-alang sa matagalang mahusay na pag-unlad ng armadong
rebolusyon, kailangang kagyat na alisin ng Partido sa mga lunsod ang
lahat ng kadre ng Partido na nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway,
pasimplehin ang mga sentral na organong istap sa ikalalakas ng gawain
sa batayang antas, at ilipat sa kanayunan ang mga kadre at organong
nararapat doon.
Pero, hindi sapat na ilipat sa kanayunan ang mga kadreng nasa
listahan ng mga hinahanap ng kaaway. Kailangang ilunsad ang isang
kampanyang pagwawasto at reedukasyon sa hanay nila. Kailangang muling
pagtibayin nila ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo, linya at
estratehiya at taktika ng Partido. Kailangang ipamata sa kanila ang
kamalian ng anumang kaginhawahan, gawi, kaisipan at ilusyong
nagpanatili sa kanila sa kalunsuran. Dapat nilang tanggapin na
kailangang manatili sila nang matagalan sa kanayunan para makapag-ambag
sa pagbawi ng mga nawalang saklaw at sa pagpapalawak at pagkokonsolida
ng rebolusyonaryong kilusan.
Kung pupunta sila sa kanayunan nang walang sapat na pagwawasto
at reedukasyon, sasama ang loob nila sa pagkakatalaga doon, hahawahan
nila ang iba ng mga maling ideya at sama ng loob na dala-dala nila at
di magtatagal, babalik sila sa kalunsuran pagkatapos ng isa uling
maikling paggawa ng pakitang-taong pagsunod sa atas na pumunta sa
kanayunan. Ang kailangan ng kanayunan ngayon ay mas maraming kadreng
determinado sa paglilingkod sa sambayanan at pagsusulong ng
rebolusyonaryong adhikain.