Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Insureksyong lunsod at Adbenturismong Militar
Malubha ang kasalatan ng pag-unawa sa teorya ng digmang bayan at sa
estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan. Ang
estratehikong linyang ito ay hindi isang abritraryong kautusan para sa
isang permanenteng kundisyon. Nangangahulugan lang ito na kung hindi pa
kakayaning agawin ng hukbong bayan ang mga syudad, ang mga
rebolusyonaryong pwersa ay kailangang mag-ipon muna ng lakas sa
kanayunan kung saan ang reaksyunaryong kapangyarihan at kontrol ay
relatibong mas mahina at may malawak na lugar sa pagmamaniobra ng
hukbong bayan para sa pagbubunsod ng mga opensibang taktikal, pag-iipon
ng armadong lakas at paglahok sa gawaing masa.
Lilitaw sa hinaharap ang mga kundisyong magpapahintulot sa
hukbong bayan at sa mamamayang nag-aalsa sa pamumuno ng Partido na
mapagpasyang agawin ang mga sentrong bayan, kabisera, menor na syudad
at mayor na lunsod sa ganitong malamang na pagkakasunud-sunod. Pero
pagpapadalus-dalos ang paniniwala na maaaring bumagsak ang Metro Manila
sa isang pag-aalsa sa pamumuno ng Partido nang mas maaga sa panahong
nabali na sa kanayunan ang gulugod ng mga pwersa ng kaaway o bago sila
tumungo sa proseso ng katapusang pagkalansag.
Sangkot kapwa sa pag-aalsang EDSA noong 1986 ang isang
rebelyong militar at isang pag-aalsang anti-Marcos o antipasista, pero
ang US, ang mga reaksyunaryong uri, ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas
at ang Simbahang Katoliko ay nasa pusisyon pa rin para magtakda sa
kahihinatnan ng pag-aalsa. Batid nila ang balanse ng mga pwersa na
pabor sa kanila. Layunin lang nilang palitan ang isang reaksyunaryong
naghaharing pangkatin ng isa pa, kahit pa may popular na pag-aalsa.
Ang yugtu-yugtong pagbubuo ng hukbong bayan ay ginagawang
katatawanan ng ilang elementong hindi naman talaga nakapag-aral sa
teorya ng digmang bayan at malinaw na hindi naniniwala na kailangang
wasakin ng BHB ang mga sandatahang pwersang reaksyunaryo at palitan
nito ang huli sa kalaunan. Nakita natin kung paanong nagsimula sa halos
wala noong 1969 ang BHB at lumaki. Ang digmang bayan ay tiyak na dadaan
sa isang panggitnang yugto ng pag-unlad bago lubusan at mapagpasyang
matalo nito at mapalitan ang mga pwersa ng kaaway.
Ang panimula, panggitna at panghuling yugto ng digmang bayan
ay hindi pwedeng isantabi bilang mga konseptong walang-katuturan ng mga
tumatangan sa oportunistang ideya na ang insureksyong lunsod at mga
imported na mabibigat na armas ay uubrang makapalit sa ganap na
pag-unlad ng digmang bayan. Kapag sa pagtukoy sa mga yugto ng digmang
bayan ay ginagamit ang katagang malamang (mas malapit sa katuparan
kaysa sa katagang posible) sa halip na tiyak, binibigyang-puwang ang
di-pagkatupad o pagkagapi bunga ng mga paglihis at kamaliang tulad ng
nagawa ng Komisyon sa Mindanaw laban sa linya ng digmang bayan o bunga
di kaya ng sapilitang pag-atras sa harap ng dayuhang agresyon.
Ang kasabihang Kaliwang oportunismo ay angkop kapag tumutukoy
sa panggagatong at pagsakay sa natural na paghahangad sa mabilisan at
madaliang tagumpay pero dinadala naman ng mga rebolusyonaryong pwersa
sa kabiguan at pagwasak sa sarili. Ang insureksyunismong lunsod at
adbenturismong militar ang pinakamalalang anyo ng Kaliwang oportunismo
sa kasaysayan ng Partido mula 1968 hanggang ngayon. Ang mga ito ay
pag-urong sa linya ng pakikidigmang gerilya sa lunsod (Carlos
Marighela) at sa teoryang foco (itinaguyod ni Regis Debray), na
tinangkang ipalaganap ng ilang elemento sa loob ng Partido noong
maagang bahagi ng mga taong 1970 pero epektibong nabaka ng Partido.
Bago pa man muling maitatag ang Partido noong 1968, may halos
isang dekada na ng kalakha'y gawaing lunsod sa hanay ng mga manggagawa
at estudyante, na isinagawa ng bagong-sibol na mga proletaryong kadre
kasama ng ilang beterano ng rebolusyonaryong kilusan. Nang muling
itatag ang Partido, mas marami ang proletaryong kadre sa kalunsuran
kaysa sa kanayunan. Produkto sila ng pagpapanibagong-lakas ng
anti-imperyalista at antipyudal na kilusang masa na nakabase sa Metro
Manila.
Di nagtagal pagkatapos ng muling pagtatatag ng Partido, nang
wala pang 200 ang kasapi ng Partido na nakakonsentra sa Metro Manila,
naisagawa ng Partido ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at iba pang
aksyong masa noong panahong 1970-72. Mula sa mga aksyong masang ito
lumitaw ang ilang libong aktibistang masang naging mga kasapi ng
Partido.
Karangalan ng Partido na mula pa nang muling itatag nito,
tuluy-tuloy na itinaguyod nito ang pangkalahatang linya ng bagong
demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan. Sa gayong
paraan, namulat at nahikayat ang mga proletaryong kadre mula Metro
Manila na sumanib sa mahuhusay na labi ng lumang hukbong bayan para
buuin ang Bagong Hukbong Bayan sa kanayunan noong 1969. At nang ipataw
ang batas militar at pasistang diktadura, handa ang isip ng mga kasapi
ng Partido at mga aktibista sa kalunsuran, maramihan silang tumungo sa
kanayunan noong 1972 at pagkatapos ay lumahok sa masikhay na paglalatag
at pagbubuo doon ng mga pwersang armado at rebolusyonaryong kilusang
masa na nagsilbing tuntungan at gulugod ng mabilis na pagsulong noong
mga taong 1980.
Ang kalakaran ay ang pagpunta sa kanayunan ng mga kadreng
produkto ng kilusang masang nakabase sa kalunsuran. Kung wala ang
ganitong kalakarang hinihikayat at inoorganisa ng Partido, wala o
kulang na kulang ang kadre para sa pagbubuo ng hukbong bayan, mga
organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa
kanayunan. Itinaguyod ng kalakarang ito ang digmang bayan.
Pero mula maagang bahagi ng mga taong 1980, may papalalang
pagpihit sa nasabing kalakaran. Inumpisahan ito ng sentral na pamunuan
sa konsepto ng timbangang 60-40 ng gawaing kanayunan at gawaing lunsod
at pagbibigay-diin sa masaklaw na kilusang pampulitika at malawak na
gawaing alyansa na nakabase sa kalunsuran, batay sa itinakdang taktikal
na prayoridad na ihabol ang gawaing lunsod at malawak na alyansa sa mas
sulong na gawaing kanayunan at saligang alyansa, gayundin sa ilang
pananaw na ang gayong timbangan ang akma sa antas ng urbanisasyon ng
bansa. Mula 1981 natigil na ang pagpapadala sa kanayunan ng
makabuluhang bilang ng kadre at aktibista mula kalunsuran. Nagsimula at
lumala din ang tunguhin sa pagbabase sa syudad ng mga sentral at
pambansang organo at bandang huli, maging ng maraming namumunong komite
at organong istap sa mga rehiyon.
Ang mga namumunong komite at kadre ng Partido ay nahatak nang
nahatak sa mga usapin at tungkuling nakasentro sa kalunsuran at palayo
nang palayo sa mahihigpit na usapin at tungkulin sa lahatang-panig na
pagpapaunlad ng hukbong bayan, baseng masa at organisasyon ng Partido
sa kanayunan, na dati nang hindi sapat na naaasikaso. Ang mga kadre ay
nahatak sa mga organong namumuno at istap na nakabase sa kalunsuran,
mga ligal na organisasyong masa at mga ligal na institusyon o di kaya'y
sumanib sa mga armadong partisano sa syudad, sa halip na pumunta sa
kanayunan. Hindi nila nababatid na ang masang magsasaka sa sarili nila
ay hindi makapagluluwal ng tipo ng kadre at iba pang tauhang
napalilitaw ng kalunsuran at kinakailangan ng kanayunan.
Sa gabay diumano ng tatlong estratehikong koordinasyon (na
itrinansporma nila sa tatlong estratehikong kumbinasyon) at ng
timbangang 60-40, ang mga namumunong kadre ng Komisyon sa Mindanaw ay
pumwesto sa maliliit na lunsod sa Mindanaw (mga sentrong lunsod at
kanugnog na mga nayon), nagtaguyod ng linya ng pagpapatindi ng
pakikibakang pulitiko-militar sa puting purok, at sa kalauna'y
nagsistematisa nito sa isang buong linya ng armadong insureksyong
lunsod na impluwensyado ng tagumpay ng mga Sandinista. Kinumbina nila
ito sa adbenturistang linya ng maramihang pagbubuo ng mga pormasyong
kumpanya at pagpapaigting ng mga operasyong laking-kumpanya sa
kanayunan na nagpapagunita sa kapusukan ng pamunuang Jose Lava sa
pagbubuo ng mga kumpanya at batalyon noong 1949 at 1950 nang walang
kaukulang pansin sa pagbubuo ng partido at ng baseng masa, ibig
sabihin, mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong
masa, nang ibinaling ang pangkalahatang tungkulin mula pagpapalawak ng
pakikidigmang gerilya tungo sa pagpapatindi at pagkatapos sa pagtataas
ng antas nito.
Likas sa linya ng paghahangad na umagaw ng kapangyarihan sa
pamamagitan ng mga pag-aalsang lunsod, sa tulong ng ilang adelantadong
pinalaking yunit ng BHB na hindi nagtatamasa ng malawak at malalim na
baseng masa, ang pagpapahina at pagpapaliit ng interes ng mga kasapi ng
Partido at mga aktibistang masa na pumunta sa kanayunan para doon
magsagawa ng rebolusyonaryong gawain. Sa kalaunan, laluna mula 1983
hanggang pagkatapos bumagsak si Marcos, hindi lamang tumigil ang
pagpapadala ng kadre sa kanayunan kundi marami-raming kadreng
nakatalaga sa kanayunan ang nahila pa patungong kalunsuran.
Kaakibat ng linya ng insureksyong lunsod, ang linya ng
pagpapatindi at pagtataas ng antas ng pakikidigma ay naging linya halos
ng mabilisang tagumpay militar. Dinagdagan ang mga suson ng kumand at
istap ng hukbo at itinayo ang mga kumpanya nang hindi iniintindi ang
kinakailangang balanse at ugnayan ng pormasyong militar at ng baseng
masa. Binuo ang mas malalaking pormasyong militar at dagdag na suson ng
istap at kumuha ng mga kadre at mga rekursong materyal palayo sa mga
yunit na namamahala sa iba't ibang anyo ng gawaing masa, gawaing
militar at gawaing partido sa mga lokalidad, na masyado nang manipis,
salat sa tauhan, kulang sa pagsasanay at kulang sa sandata. Noong 1984
at 1985, nang ilarga na ang pagbubuo ng mga kumpanya at pagpapatindi ng
mga operasyong kumpanya, saka pa lamang ihinahabol ang pagbubuo ng mga
seksyon mula sa bagong rekrut na mga kadre at kasapi ng Partido na
salat na salat sa kaalaman at kakayahang pulitikal at militar. Dagdag
pa ang pang-uudyok ng ilang namumunong kadre sa Komisyon sa Mindanaw sa
pagpapaliit ng pansin sa edukasyon, propaganda at pakikibakang
antipyudal at pagpapalaganap sa kilusang masa sa kanayunan ng linyang
halos puro antipasista. Napako sa relatibong mababang antas o di kaya'y
bumaba pa ang kalidad ng baseng masa, gawaing partido at gawaing
militar sa maraming lokalidad.
Sa maikling panahon, mula 1983 hanggang 1984, naging epektibo
sa Mindanaw ang mga opensibang militar ng mga kumpanya, pinalaking
kumpanya at mga kumpanyang koordinado. Taun-taon mabilis na nakarekrut
ng mga mandirigma at nakakumpiska mula sa kaaway ng daan-daang ripleng
mataas ang kalibre. Pero nang ibayong dumami ang pwersang militar ng
kaaway at naitayo ang mga pwersang paramilitar at mga anti-komunistang
sektang panatiko sa papalawak nang papalawak na lugar, hindi na
nakayanan ng mga yunit sa gawaing masa at mga lokal na yunit gerilya
ang pagpapatuloy ng gawaing masa at gawaing militar sa paparaming
baryo. Sa panahong iyon, ang baseng masang lubhang bago pa, tigil ang
pag-unlad o di kaya'y mayroon nang pagdausdos bunga ng mga kakulangan
ay isinabak pa sa mas maigting na sitwasyong militar at tuloy, mas
mabilis na kumitid at bumuhaghag. Noong 1985-87 malalaking tipak ng
baseng masa at ng mga larangang gerilya ang buu-buong nawala sa harap
ng patung-patong na hambalos ng malakihang opensibang militar ng
kaaway, mga pinsala at demoralisasyong gawa ng Kampanyang AHOS,
disoryentasyon sa kagyat na sitwasyon pagkabagsak ni Marcos, at
malubhang pagkukulang sa paggabay at pagsuporta ng mga nakatataas na
komite ng Partido.
Malinaw ang layunin ng kaaway: wasakin ang rebolusyonaryong
baseng masa, gipitin ang mga kumpanya at pinalaking kumpanya ng hukbong
bayan sa isang sitwasyong lantay-militar kung saan magagamit ng mga
pwersa ng kaaway sa kanilang pabor ang kalamangan nila sa militar.
Pinakamabisang magagamit ng hukbong bayan ang prinsipyo ng
konsentrasyon sa mga opensiba kapag mayroon itong malawak at malalim na
baseng masa at maraming kadre ng Partido at mga pwersang gerilya sa mga
lokalidad. Pero sa isang sitwasyong lantay-militar, nasa bentahe at
mananalo syempre ang pwersang militar na tunay na mas malaki.
Dahil sa malubhang pagkabawas ng baseng masa bunga ng maling
linya at pamiminsala ng Kampanyang AHOS, gayundin dulot ng mga opensiba
ng kaaway, marami sa maliliit at mahihinang yunit sa gawaing masa at
yunit gerilya sa mga lokalidad ang labis na naging bulnerable at
nadurog ng kaaway. Habang lumalaon, maging ang mga kumpanya ay nalagay
sa pusisyong pasibo at peligroso at hindi na gaanong makapagbunsod o
makapagpanalo ng mga opensibang taktikal. Nagkapatung-patong ang mga
suliranin sa pagrerekrut, moral, pagmamaniobra, koordinasyon,
paniniktik at suplay. Bunga ng mga suliraning ito at bilang tugon sa
kitang-kitang pangangailangang asikasuhin muna ang baseng masa sa
maraming lugar, nag-inisyatiba ang mga komite ng Partido sa mga rehiyon
na sadyang paliitin o hayaang lumiit sa laking-platun o pinalaking
platun ang mga kumpanya. Noong 1987 ang bilang ng kumpanya sa buong
isla ay bumaba sa lima.
Sa mga syudad ng Mindanaw na maliliit at madaling manmanan
(Ang Lunsod ng Davao ay hindi naman talaga pinakamalaking lunsod sa
daigdig; kanayunan ito pagkalampas sa isang kilometro kwadradong
komersyal na gitna nito), ang mga namumunong kadreng kabilang ang mga
nasa listahan ng pinaghahahanap ng kaaway ay natangay ng kanilang
kaisipang "insureksyunaryo" at naglantad ng kanilang sarili sa mga
lugar na pampubliko sa panahon ng mga aksyong masa at naging abala sa
pagkontak sa mga alyado at pagkoordina ng mga aksyong masa sa halip na
magpatupad at gumabay sa solidong gawaing pang-organisasyon. Kalaparan,
mabilis na pagsugod sa mga kumprontasyon at mabilis na pagpapaigting
ang tuntunin at sukatang naging importante sa lahat.
Ang mga welgang bayan ay itinuring na "isang prosesong
tumutungo sa popular na pag-aalsa" na nagsisilbi sa pagpapabilis ng
polarisasyon sa pulitika, paglalantad sa kainutilan ng gubyerno,
paghahasa sa masa, at pagpapasambulat sa kabuuang sitwasyon. Sa
praktika, ang mga ito ay higit na paralisasyon ng transportasyon sa
halip na mga higanteng rali ng mamamayan. Sa mga okasyong ito, ang mga
armadong yunit ay nagtatayo ng mga "tsekpoynt" para harangan ang mga
haywey at sa mga pook ng pagtitipong masa iilang daan hanggang iilang
libong tao lamang ang napagtatagpu-tagpo. Sa mga panahon ding iyon,
pinaiinit ng mga armadong partisano ang maliliit na lunsod na ito nang
lampas sa kapasidad ng mga kadreng hinahanap ng kaaway na itago ang
kanilang sarili. Noong 1984 ang mga namumunong kadre ng Komisyong
Mindanaw ay halatang labis na nahirapan nang manatili sa Mindanaw at
napilitang lumipat sa Lunsod ng Cebu, na labas sa kanilang saklaw. Nang
tambakan ng kaaway ang tukoy na mga base at larangang partisano,
patindihin ang paniniktik sa kilusang lihim, sinsinin ang mga tsekpoynt
at pagsosona at militarisahin ang mga target na komunidad at syudad,
mabilis na lumaki ang pinsala sa hanay ng mga pwersa sa puting purok at
nahirapang mantinihin ang mga gawain sa paparaming lugar.
Sa kalagayang may mga kabiguan sa mga puting purok at lumalaki
ang kahirapan sa mga larangang gerilya bunga ng tumitinding atake ng
kaaway, at mayroong paabot mula sa sentral na pamunuan tungkol sa
pag-aalerto sa impiltrasyon ng kaaway, ang mga namumunong kadre sa
antas ng larangan, rehiyon at teritoryo ng Mindanaw ay madaling
kinapitan at natangay ng labis na pagdududa at pagkasindak sa
posibilidad na maraming ahente ng kaaway sa kanilang hanay na
nagkakanulo sa kanila. Naging madali ang pagkiling sa mga panlabas na
dahilang tulad ng impiltrasyon at pananalakay ng kaaway para ipaliwanag
ang mga pinsalang natamo, sa kalagayang akala nila'y tumpak at
matagumpay ang kanilang linya at hindi nila nakikita ang kamalian at
mga tunay na epekto nito.
Batay sa ulat ng isang dating bilanggong pulitikal at mga di
beripikadong impormasyon na napiga sa pamamagitan ng tortyur sa ilang
pinaghihinalaang impiltrador na sinimulang arestuhin sa isang larangang
gerilya noong maagang bahagi ng 1985, madali silang naniwala na may mga
deep penetration agents (DPA) ng kaaway sa loob ng Partido, hukbong
bayan, mga organisasyong masa at mga ligal na institusyon. Nang-aresto
ng iba pang pinaghihinalaang mga mananabotahe at impiltrador at
pinadaan sila sa tortyur para makapiga ng mga pahayag na nagdadawit sa
sarili at umaamin tungkol sa kanilang mga krimen at kasabwat.
Nakumbinse sila na malaking bilang ng DPA ng kaaway ang nakapasok sa
Partido sa loob ng mahabang panahon sa pamamagitan ng mga organisasyon
sa puting purok at pinakikilos na para pabagsakin at wasakin ang
rebolusyonaryong kilusan sa mga huling bahagi ng 1985 o maagang bahagi
ng 1986. Ang mga organisasyon ng Partido na labis na lumawak at
kumaligta sa konsolidasyon sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ay
lubhang madaling mabuyo sa pagdududahan sa pagitan ng mga kadre at
kasapi nito. Sa gayon, noong 1985 at pagkatapos, nagsimula at rumagasa
sa Mindanaw ang isteryang anti-impiltrador.
Walang katumbas sa buong kasaysayan ng rebolusyong Pilipino
ang pagkawasak na idinulot niyon. Kailanma'y hindi nakapaminsala nang
gayong kalaki ang kaaway sa mga pwersang rebolusyonaryo sa gayong
kaikling panahon. Ang maling linyang pampulitika ay nagbunga ng mga
kabiguan at suliraning nagsimula nang maramdaman noong 1984. Sa gayong
sitwasyon, mabilis na kumapit ang isteryang anti-impiltrador na
humantong sa pangwawasak sa sarili noong 1985 at pagkatapos. Sa batayan
ng simpleng duda, halos isang libong tao (kabilang ang mga kadre at
kasapi ng Partido at mga aktibistang masa) ang naging biktima ng mga
paglabag sa mga karapatang sibil at matinding pagpaparusa. Lubusang
isinantabi ang karampatang proseso habang namamayani ang sindak at
kahibangan. Bumagsak ang kasapian ng Partido mula 9,000 hanggang 3,000.
Ang baseng masa na mababaw at buhaghag pa sa kalakhang bahagi ay lumiit
nang 50 porsyento. Ang 15 kumpanya at 30 platun ay naging 2 kumpanya at
17 platun na lang.
Ang mga namumunong kadre ng Komisyon sa Mindanaw ay tumutukoy
sa "unang burador ng Kalayaan (Hangganang Quezon-Bikol)" na kanilang
sinangguni bilang gabay at may ilang panahong nagdeklara ng
rebolusyonaryong tagumpay sa pagpawi ng mga ahente ng kaaway kapalit ng
nadamay na maraming ulit na mas malaking bilang ng inosenteng kasama at
indibidwal sa loob ng Partido at rebolusyonaryong kilusan. Sa tantos at
absolutong bilang, ang pangwawasak na nagawa ng kampanya ay hindi
kailanman nagawa ng kaaway sa harapang labanan sa gayong kaikling
panahon. Niyurakan ang mga saligang karapatang sibil na
ginagarantiyahan ng Lista ng mga Karapatan sa mga Tuntunin ng
Probisyunal ng rebolusyonaryong gubyerno na inilabas noong 1972 at ng
Konstitusyon ng Partido at ng Mga Tuntunin ng Bagong Hukbong Bayan. Ang
naganap ay malinaw na isang malubhang paglapastangan sa mga indibidwal
na biktima, sa sambayanan, sa Partido at sa rebolusyonaryong kilusan.
Marami sa may responsabilidad sa naganap na pagkawasak at
pambibiktima sa mga kasama at karaniwang mamamayan sa Mindanaw ay
taimtim na nagsisisi sa nangyaring kahibangan at nagsikap managot sa
kani-kanilang bahagi. Pero ang nagawa nang pagtutuos sa mga
pananagutan, sa pinakamahusay, ay parsyal pa lamang. Ang ilan sa mga
hindi pa nananagot o hindi pa nahaharap upang managot sa kanilang
responsabilidad ay naiangat pa sa mga katungkulang pambansa sa loob ng
Partido at nakapagpalaganap ng kanilang maling linya sa mas malawak
pang saklaw.