Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Bilang mga proletaryong rebolusyonaryo, nakikinabang tayo sa
dakilang kabang-yaman ng teoryang Marxista-Leninista at humahango mula
doon ng mga saligang prinsipyong gumagabay sa ating rebolusyonaryong
adhikain sa mga yugto ng bagong demokratikong rebolusyon, sosyalistang
rebolusyon at komunismo. Dapat nating ipagpatuloy ito, kung hindi,
lalasapin natin ang kinahinatnan ng mga rebisyunistang naghaharing
partido (kabilang ang mga tagasunod sa kampo nila) na nagsimulang
magrebisa at lumayo sa mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo mahigit
tatlong dekada na ang lumipas at humantong sa pagkalansag nitong ilang
taong nagdaan.
Kung walang rebolusyonaryong teorya, hindi maaaring magkaroon
ng rebolusyonaryong kilusan. Kung mayroon lamang tayong matatag na
salalayan sa ideolohiya at saka tayo maaaring makapagpunyagi sa
rebolusyonaryong pakikibaka, makapagtaguyod sa mga karapatan at
kapakanan ng mamamayan, makapagpursigi sa wastong linya at makapagkamit
ng higit pang mga tagumpay. Kailangang seryusohin natin kung gayon ang
mga teoretikong pag-aaral.
Ang mga pag-aaral at ang aktibismong pampulitika ay lubos na
kinakailangan para pukawin, organisahin at pakilusin ang masa. Subalit
hindi sapat ang mga ito. Hindi tayo dapat magkasya sa mga panapanahong
pag-aaral sa pambansang sitwasyon. Hindi rin tayo dapat
magpabaling-baling na tangay ng mga kasalukuyang pakulo sa burgis na
masmidya o mga paggigiit ng mga mabuway at di-mapagkakatiwalaang
alyado. Kailangang laging malinaw sa atin ang ating teorya at mga
ideya. Kailangang laging malinaw sa atin ang mga interes ng
proletaryado at ng aping mamamayan sa sarili nating bayan at sa buong
daigdig.
Kailangang panatilihin at higit pang paunlarin ang ating
Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaran. Dapat laging
pahusayin ang ating kaalaman tungkol sa materyalistang pilosopiya,
materyalismong istoriko, ekonomyang pampulitika, siyentipikong
sosyalismo, bagong demokratikong rebolusyon, pagbubuo ng partido,
digmang bayan at pagbubuo ng nagkakaisang prente.
Mula ng muling itatag ang Partido, ang pag-aaral sa teorya ay
mayroong tatlong antas: ang batayang antas na nakapokus sa kasaysayan,
lipunan at rebolusyong Pilipino at mga batayang dokumento natin; ang
intermedyang antas, tungkol sa pag-aaral na may paghahambing ng
rebolusyong Pilipino sa rebolusyong Tsino at iba pang rebolusyonaryong
kilusan, na ginagamitan ng pitong-librong seleksyon mula sa mga akda ni
Mao; at ang abanteng antas, tungkol sa mga saligang prinsipyo ng
teoryang Marxista-Leninista, na gumagamit sa mga pinakamahalagang akda
nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao para sa pagbabasa at pag-aaral
ng mga sangay at indibidwal na kasapi ng Partido.
Ngunit mula huling bahagi ng mga taong 1970, lumayo nang
lumayo tayo sa naturang istruktura ng edukasyong teoretikal at nagbawas
ng pansing inilalaan sa mga akda ni Mao. Ang mga sulating hindi
kasinghalaga at mas maliit ang kabuluhan sa ating rebolusyonaryong
pakikibaka ang kumuha ng mas malaking pansin ng mga kasapi ng Partido
pero sa paraang napakababaw.
Mula huling bahagi rin ng mga taong 1970, may malalang kawalan
ng mga kurso sa pag-aaral at mga materyal para sa edukasyong teoretikal
sa intermedya at abanteng antas. Ang mga kolektibong pag-aaral ay
nalimita sa batayang kurso at panaka-nakang bugso ng mga kursong
limitado ang saklaw. Noong 1981-82 may nagawa at naipamahaging mga
bagong salin sa Pilipino ng mga saligang dokumento ng muling pagtatatag
ng Partido at iba pang mahalagang saligang sulatin, pero sa limitadong
bilang lamang. Ang mga akda ng mga dakilang teorista at lider komunista
ay naging madalang na at hindi nakakarating sa hanay ng mga karaniwang
kasapi ng Partido.
Mababang Antas ng Edukasyong Teoretikal
Di-maipagkakailang ang resulta ng ganitong kapabayaan sa edukasyong
teoretikal ay ang laganap na mababang antas ng kaalamang teoretikal sa
hanay ng mga kadre at kasapi ng Partido. Papalubha ang kabiguan sa
ebalwasyon ng rebolusyonaryong karanasan ng ating sariling Partido at
sambayanan, gayundin ng mga rebolusyonaryong karanasan sa ibayong-dagat
sa nakaraan at kasalukuyan. Papalubha rin ang kabiguang tukuyin,
punahin at bakahin ang mga ideya at impluwensyang petiburgis na
lumilitaw sa loob at labas ng Partido at nagliligaw sa mga kasapi ng
Partido at sa rebolusyonaryong masa. Naiaangat sa mas matataas na
katungkulan sa organisasyon ang mga kadreng mababa ang antas ng
kaalamang teoretikal at malamang na makagawa ng mga seryosong paglihis
at pagkakamali hindi lamang sa ideolohiya kundi sa kalauna'y maging sa
gawain sa pulitika at organisasyon.
Napakalaki ng puwang para sa paglitaw sa loob ng Partido ng
suhetibismo, kabilang ang mga tunguhing dogmatista, empirisista at
rebisyunista. Sa halip na kumprehensibo, buo at lahatang-panig na
pananaw sa mga bagay at pag-unlad sa teorya mula sa proletaryong
rebolusyonaryong paninindigan, umiiral ang makitid, makaisang-panig at
pira-pirasong pananaw sa mga iyon, depende kung anong paglihis ang nais
ituguyod ng mga partikular na elemento.
Halimbawa, may mga elementong labis na nagpapalaki sa
kasalukuyang papel ng kalunsurang kanilang kinikilusan at eklektikong
kumukuha nang hiwalay sa kontekstong istoriko ng ilang dramatikong
pangyayari, tulad ng mga pag-aalsa sa Petrograd at Moscow, pag-aalsang
1945 sa Byetnam, opensibang Tet ng 1968 at katapusang opensiba ng 1979
sa Nicaragua— upang maggiit ng "sariling dinamismo ng pakikibakang
lunsod" (nang hiwalay sa kabuuang estratehiya) at bumuo ng "bagong
estratehiya" ng armadong insureksyong lunsod na dogmatikong isinasaklob
o ibinabangga sa buong teorya at praktika ng digmang bayan.
Hindi ipinupwera ng digmang bayan ang armadong insureksyon sa
tamang panahon, tulad ng mga malawak na rebolusyonaryong pag-aalsa sa
maraming probinsya ng Pilipinas noong 1896-98 at 1898-99 laban sa
kolonyal na paghaharing Espanyol at sunod, laban sa gerang pananalakay
ng US at iyong sa Gitnang Luson noong papatapos ang 1944 at maagang
bahagi ng 1945 laban sa gumuguhong pwersang Hapones. Sa kani-kanilang
panahon, ang rebolusyonaryong hukbong Pilipino at ang Hukbalahap ay
nagsilbing pantipon sa masang organisado at ispontanyo.
Ang matagumpay na insureksyong popular ay nakasalalay sa
disintegrasyon ng kontra-rebolusyonaryong hukbo at pag-iral ng bagong
armadong pwersang rebolusyonaryo bukod sa iba pang salik. Ang pagtanggi
sa pangangailangan ng yugtu-yugtong pagsulong ng digmang bayan at
pagtatayo ng hukbong bayan o di kaya'y paghahangad na lumaktaw sa mga
kinakailangang yugto ng pagsulong ng digmang bayan—sa kalagayang buo pa
at hindi pa nalalansag ang pwersa ng kaaway—ay hindi lamang dogmatikong
pagsangkalan sa natural na paghahangad ng mabilisang tagumpay kundi
pag-upat din ng pagwasak ng mga rebolusyonaryong pwersa sa sarili.
Kahit na malinaw na nababatid ang kabuuan ng isang bagay o
proseso at kahit na nakikita ang dalawang aspetong magkatunggali,
mayroon pa ring mga pagkakamali sa pagtukoy kung alin ang mga aspetong
prinsipal at alin ang sekundaryo sa mga partikular na kundisyon sa
isang takdang panahon; o di kaya, pagkaraang matukoy ang aspetong
prinsipal, ang pagbale-wala naman nang lubos o sa esensya sa
sekundaryong aspeto.
Tingnan halimbawa ang takbo ng pag-iisip na humantong sa
kamaliang boykot noong 1986. Tumpak ang sentrong pamunuan na ideklarang
hungkag ang biglaang eleksyong presidensyal ng 1986 at si Marcos ay
mandadaya at mananalo sa bilangan sa COMELEC. Sa gayon, hanggang sa
isang takdang kalipunan ng mga sirkunstansya at sa loob ng isang
takdang panahon, malinaw na ang prinsipal na aspeto ay ang pananatili
ni Marcos sa kapangyarihan. "Mananalo" nga naman si Marcos ayon sa
pagbilang ng COMELEC at proklamasyon ng Batasang Pambansa.
Ngunit ang sekundaryong aspeto ay pwedeng umakyat sa pusisyong
prinsipal, kapag may pagbabago sa mga sirkunstansya, gaya ng rebelyong
militar na itinulak ng US at pag-aalsang popular na naganap bunga ng
pagtatagpo kapwa ng mga organisadong pwersang reaksyunaryo (kabilang
ang Simbahang Katoliko) at mga pwersang progresibo. Nobyembre 1985 pa
lamang, nakikinita na ang malaking potensyal ng pag-akyat ng
sekundaryong aspeto sa pusisyong prinsipal.
Sa pakikitungo sa mga magkatunggaling aspeto, maaari ding
magmula ang pagkakamali sa pagtatangkang isanib o ibagay ang aspetong
prinsipal sa aspetong sekundaryo. Itinatakda ng materyalismong
diyalektiko na ang isang buong bagay o proseso ay mauunawaan sa
pamamagitan ng pag-alam kapwa sa prinsipal at sekundaryong mga aspeto,
o sa isang masalimuot na bagay o proseso, kapwa sa pangunahin at
sekundaryong mga kontradiksyon.
Halimbawa, ang isang linya ay wasto, tulad ng estratehikong
linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan, sang-ayon sa teorya
ng digmang bayan. Ang isa pang linya ay mali, tulad ng paghahangad ng
ganap na tagumpay o pakikipaghatian ng kapangyarihan sa burgesya sa
malapit na hinaharap, nang hindi obligadong binubuo nang yugtu-yugto
ang hukbong bayan hanggang sapat ang lakas nito para wasakin ang
makinaryang burukratiko-militar ng reaksyunaryong estado sa kalunsuran.
Kaya ang mga kadre ng Partido, kabilang ang mga nasa listahan ng mga
hinahanap ng kaaway, ay nagkukumpol sa mga organong istap na nakabase
sa kalunsuran para sa "paghahanda" sa armadong insureksyon; at ang
hukbong bayan ay itinutulak sa adelantado at di-masusustining pagtatayo
ng mas malalaking pormasyong panagupa at mga istap militar na sobra ang
bigat sa itaas.
Ang maling linya ay hindi tinutukoy na mali dahil may
pabalat-bungang pagsang-ayon sa teorya ng digmang bayan at sa pamumuno
ng Partido at dahil ito'y nagtataglay din ng ilang elementong may
panandaliang kinang tulad ng mas epektibong mga opensiba ng mas
malalaking pormasyon bago malakihang mabawas o mawala ang baseng masa.
Ang mga panukala na tahasang lumilipat sa istratehiyang
insureksyunaryo o nagmamaliit sa pagbubuo ng base at pakikibakang
antipyudal ay tinanggihan, pero hindi mahigpit na pinuna. Mas masahol
pa, hinayaan silang manatili sa ibang anyo, gaya ng paghahangad ng
mapagpasyang tagumpay ng rebolusyon sa pamamagitan ng "estratehikong
kontra-opensiba" sa loob ng estratehikong depensiba o di kaya, postura
ng "pagsunggab ng mga oportunidad" sa pamamagitan ng insureksyong
lunsod kakumbina ang mga malakihang kampanya't operasyon ng mga
pormasyong panagupa.
Sa katunayan, pinaghahalo ang wasto at maling linya, bagay na
nagpapaubayang makalarga ang huli hanggang magising ang Partido na
malala na ang mga pinsala.
Ang pinakamasahol na halimbawa ng pagkabigong kumilala sa
prinsipal at sekundaryong mga aspeto ng isang bagay o proseso ay
nauukol sa Kampanyang AHOS (ang isteryang anti-impiltrador sa
Mindanaw). Nagdudumilat ang mga malubhang paglabag sa mga karapatang
sibil, ang di-makatarungang pagpatay sa mga kasama at iba pang
indibidwal at ang mga kaakibat na pinsala sa mga rebolusyonaryong
pwersa na gawa ng kampanyang ito. Ngunit may ilang panahong itinuring
na wasto ang kampanya dahil diumano'y malamang na may nasugpong mga
tunay na deep penetration agents (DPA) kahit pa daan-daang mahusay na
kadre at inosenteng tao ang nabiktima at napatay.
Iba't ibang dahilang labas sa daloy ng mga pangyayaring saklaw
ng responsabilidad ng Komisyon sa Mindanaw mula maagang bahagi ng
dekada 1980 hanggang huling bahagi ng 1986 ang higit na binabanggit,
bagay na nagbubunton ng sisi sa mga panlabas na salik at pumuputol sa
kuneksyon ng isteryang anti-impiltrador sa mga panloob na pagkakamali
at kahinaan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ang pinakamasamang
panukalang ihinapag ng ilang elemento ay ang kilalaning isang
rebolusyonaryong tagumpay ang Kampanyang AHOS.
Ang Digmang Bayan at ang Rebolusyong Dalawang-Yugto
Hindi usapin ng arbitraryong kagustuhan na ang malaking bahagi sa
istruktura ng edukasyong teoretikal ay dapat ilaan sa pag-aaral sa mga
akda ni Mao at sa rebolusyong Tsino. Kinakatawan ni Mao ang isang yugto
ng teorya at praktika na bumubuo ng mahalagang pag-unlad sa Marxismo -
Leninismo. Ang kanyang mga akda ay mas malalim na naghahatid ng
Marxismo - Leninismo sa Silangan. At ang mga iyon ay bunga ng mga
kalagayang malakolonyal at malapyudal na sa saliga'y katulad ng sa
Pilipinas.
Ang mga halimbawa ng digmang bayan ng Tsina at Byetnam ay mas
malapit na katulad ng kasalukuyang digmang bayan sa Pilipinas kaysa
alinmang armadong rebolusyon sa ibang bayan. Ipinakikita ng mga
halimbawang ito na ang palagiang krisis ng mga kundisyong malapyudal ay
nagsisilbing batayan ng digmang bayan at hanggang ngayon, ang mga
halimbawang ito ang pinakamahusay sa lahat ng naririyan na at
pinakaangkop sa ating pakikibaka.
Natuto tayo ng mga saligang prinsipyo mula sa rebolusyong
Tsino at mga akda ni Mao, tulad ng ginawa rin noon ng mga
rebolusyonaryong Byetnames. Inilapat natin ang mga ito ayon sa sariling
mga kundisyon natin, at hindi kailanman dogmatiko o mekanikal na
kumopya ng anumang padron ng mga karanasan. Banggitin natin ang ilang
mahalagang pagkakaiba sa karanasan ng Tsina sa digmang bayan:
- Bilang karagdagan sa paggamit ng kanayunan
para hati-hatiin at pahinain ang pwersa ng kaaway, ginagamit natin ang
pulu-pulong katangian ng bayan para lalo pang hatiin at pahinain ang
kaaway.
- Ang hukbong bayang Tsino ay gumamit ng
regular na pakikidigmang makilos at nagtatag ng malalawak na base sa
panahon ng estratehikong depensiba. Tulad ng mga Byetnames, ang
ginagamit natin ay pakikidigmang gerilya at mga base at sonang gerilya.
- Ipinatupad muna sa Tsina ang isang buong
yugto ng rebolusyong agraryo na kinapalooban ng mga pag-aalsang
magsasaka at pagkumpiska ng mga lupain, bago ang mas matagumpay na
kampanya ng pagpapababa ng upa sa lupa at pagpawi ng usura noong
panahon ng pakikibaka sa mga Hapones. Tayo nama'y nagtataguyod ng
tinatawag nating minimum na programa ng rebolusyong agraryo bago ang
maksimum.
Dahil sa mga obhetibong kundisyon at mga suhetibong pwersa ng
rebolusyong Pilipino sa kasalukuyan, maaaring tupdin ang rebolusyong
dalawang-yugto (bagong demokratiko at sosyalista) na unang nilinaw ni
Lenin at pinalawig ni Mao. Ang rebolusyong Pilipino, kung gayon, ay
katulad ng rebolusyong Tsino, Byetnames, Koreano, Cubano at iba pang
rebolusyon na maaaring tumuloy mula sa bagong demokratiko tungo sa
sosyalistang yugto. Sa ganitong pakahulugan, ang ating rebolusyon ay
nasa antas na mas mataas sa mga rebolusyong iniluwal ng mas atrasadong
kolonyal at maging rasistang dominasyong pulitikal at ekonomiko (tulad
sa kalakhan ng Aprika) o di kaya'y doon sa ang rebolusyonaryong
pamunuan ay hindi naman determinadong magsagawa ng rebolusyong
sosyalista (tulad sa Nicaragua).
Ang pinakamasahol na tipo ng dogmatismong nagdulot ng
pinakamalaking pinsala sa Partido ay ang pagsasaklob sa matagumpay na
praktika natin sa digmang bayan ng modelong Sandinista o di kaya'y ng
ilang aspeto o pangyayari sa rebolusyong Byetnames na ihiniwalay sa
istorikong konteksto upang magtulak ng insureksyunismo at ang
di-namamalayang pagbuhay muli sa ideya ng mabilisang tagumpay militar
ni Jose Lava upang magtulak ng pananaw na lantay militar at
adbenturistang militar. Ang mga ideyang binhi ng mga ito ay nagsimulang
lumitaw at umimpluwensya pati sa mga elemento sa loob ng sentral na
pamunuan noong maagang bahagi ng mga taong 1980, nabuo bilang malinaw
na linyang insureksyunista sa Mindanaw noong 1983, at lumaganap sa
pambansang saklaw mula kalagitnaan ng mga taong 1980 sa loob ng
balangkas ng programa para sa "estratehikong kontra-opensiba".
Sa mga dokumento ng muling pagtatatag ng Partido, lubos na
isinaalang-alang ang pinakamahalaga at pinakaesensyal na mga datos sa
kasaysayan at mga sirkunstansya ng Pilipinas, sa tunggalian ng mga uri
at rebolusyonaryong kilusan sa ating bayan. Sa larangan ng ideolohiya,
ang pinakatampok na tagumpay ng Partido ay ang paglalapat ng teoryang
Marxista-Leninista sa kongkretong kundisyon ng Pilipinas. Lakip dito
ang pagtukoy sa mga saligang kundisyon at kasalukuyang katangian ng
rebolusyong Pilipino, mga motibong pwersa at kaaway, estratehiya at mga
taktika, mga tungkulin at sosyalistang perspektiba nito.
Pinuna ng Partido ang iba't ibang kamaliang suhetibista,
maging dogmatista, empirisista o rebisyunista man, at ang "Kaliwa" o
Kanang oportunismo, ng mga pamunuan ng unang Partido Komunista
(1930-38) at ng partidong pagsasanib ng partidong Sosyalista at
Komunista (1938 at pagkatapos).
Kabilang sa mga suhetibista at oportunistang kamaliang pinuna
at itinakwil ang adbenturistang linya ng mabilisang tagumpay militar ni
Jose Lava, ang pagtatayo ng mga batalyon at kumpanya nang hindi
itinatayo ang pundasyon ng malawak at malalim na baseng masa (sa
pamamagitan ng masikhay na gawaing masa). Kapag kinakalimutan natin ang
mga aral sa sarili nating kasaysayan, uulitin at uulitin natin ang mga
pagkakamali.
Mukhang bago at nasa uso ang linya ng ispontanyong pag-aalsang
masa at armadong insureksyong lunsod dahil ipinangangalandakan nito ang
modelong Sandinista o di kaya ang ilang pariralang pinulot sa mga
sulating Byetnames. Pero, sa katunayan, ang linyang ito ay isa ring di
inaaming muling pagbuhay sa konseptong alsa-puto ng mga Sakdalista na
wastong pinuna at itinakwil mula pa noong panahon ni Kasamang Crisanto
Evangelista. Bilang mga proletaryong rebolusyonaryo, kailangang matuto
tayo mula sa iba't ibang rebolusyonaryong karanasan sa ibayong-dagat,
ngunit kailangang matuto rin tayong kumilatis sa kanila ayon sa
kanilang kabuluhang pandaigdig, pambansang konteksto at kaangkupan sa
sariling pakikibakang bayan natin. Tanda ng mababang pag-unawang
teoretikal, suhetibismo at oportunismo ang iranggo na mas makabuluhan o
mas mahalaga ang sinumang lider Sandinista kaysa kay Mao sa usapin ng
pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika at pagsasagawa ng rebolusyong
panlipunan. Dapat nating basahin ang pagpuna sa sarili ng FSLN
pagkaraang sa loob lamang ng sampung taon ay maalis na ito sa
kapangyarihan.
Kailangang lubos na sapulin natin ang katotohanan na hindi
pipitsugin ang imperyalismong US at mga reaksyunaryong uri sa
Pilipinas. Ang pagrerebolusyon ay hindi lang simpleng pamimili mula sa
mga dayuhang modelo ng pinakamadaling paraan ng pag-agaw sa
kapangyarihan. Disin sana, ang kudetang ginawa ng mga progresibong
upisyal ng hukbo sa Upper Volta (ngayo'y Burkina Faso) ang tatayong
pinakamagaling na modelo. Mula 1969 kinailangang magpunyagi tayo sa
matagalang digmang bayan upang makapag-ipon ng lakas at makapagtayo ng
mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Ang pag-apura sa
prosesong sa katapusa'y aagaw sa mga syudad, sa pamamagitan ng ideya ng
ispontanyong pag-aalsang masa at mabilisang tagumpay militar ay
pagpapalamon ng maliit na isda sa pating, pagsuong sa mga kapahamakan
at kabiguan.
Mula kalagitnaan ng mga taong 1970 at pagkatapos, may mga
kadreng nahilig sa pag-aaral ng kasaysayang Bolshevik at mga akda ni
Lenin. Ito mismo ay isang mainam na bagay. Mas mabuti pa sana kung
ginagawa ito sa loob ng kumprehensibong edukasyong teoretikal natin.
Ngunit ang pagsisikap na ilapat ang modelong Bolshevik sa rebolusyong
Pilipino at paliitin kaalinsabay ang halaga ng mga akda ni Mao
Zedong—na higit namang akma sa mga kundisyon sa Pilipinas—ay
nag-engganyo sa tunguhing lumihis sa kumprehensibong istruktura ng
batayan, intermedya at abanteng antas ng edukasyong teoretikal.
Sa kalaunan ang animo'y mga masugid na estudyante ni Lenin at
ng kasaysayang Bolshevik ay labis na nagpokus sa isyu ng eleksyong 1978
at 1986 at nagkahati-hati sa debate na walang ibang pinagpipilian kundi
ang panig ng boykot o di kaya partisipasyon. Dahil ang Partido ay
pinagbabawalan ng kaaway na lumahok, laging panalo sa mga dibateng
panloob ang panig ng boykot. Iginiit ng sentro ng Partido ang boykot sa
kabila ng mga pagtutol sa pormulasyon ng isyu at mga praktikal na
mungkahi na nanggagaling sa mga kadre ng Partido at nang hindi lubos na
naisaalang-alang ang mga positibong karanasan sa pakikitungo ng Partido
sa eleksyong 1969 at 1971, gayundin ang mga karanasan sa pagkilos sa
mga institusyon at organisasyong reaksyunaryo, at kung paano
inalisang-bisa ng mga kasamang Byetnames ang mga eleksyong pakana ng
rehimeng Saigon noong gyera sa Byetnam.
Noong huling bahagi ng 1986 at noong 1987, ipinalaganap ang
isang taktikal na kurso sa "pamumunong pampulitika" na nagkonsentra sa
kasaysayan at estratehiya't taktikang Bolshevik at mga akda ni Lenin.
Nilayong iwasto ang mga maling paglalapat ng mga prinsipyong
estratehiko at taktikal ng rebolusyong Bolshevik sa pag-aalsang EDSA at
sa sitwasyong pampulitika matapos ang EDSA. Halos kasabay, isang
Leninistang kurso ang itinaguyod ng Komite sa Rehiyong Maynila-Rizal sa
hanay ng mga namumunong kadre nila. Dahil halos wala namang ibang
kursong isinagawa, ang mga kursong ito ay nagbunga ng lalong paggitgit
sa patuloy na pag-aaral sa teorya at praktika ng digmang bayan, lalong
pag-engganyo sa oryentasyong makalunsod at nagamit ng ilang elementong
naglalako ng konsepto ng isureksyunismo.
Noong 1981 lumitaw sa sentral na pamunuan mismo at lumaganap
sa ilang bahagi ng Partido ang palagay na kapwa hindi angkop sa
Pilipinas ang modelong Bolshevik at modelong Tsino. Lalong inudyukan
niyon ang tunguhing magbawas sa pagbabasa at pag-aaral sa mga akda ni
Mao at lumihis sa wastong istruktura ng edukasyong teoretikal.
Dagdag na nakaimpluwensya rin ang mga atake kay Mao Zedong sa
Tsina kaugnay ng "malaking igpaw pasulong" at dakilang proletaryong
rebolusyong pangkultura, gayundin ng pagbaba ng militansya ng partidong
Tsino sa pandaigdig na kilusang anti-imperyalista. Iyon ay sa kabila ng
hindi pag-atake ng Partido Komunistang Tsino kay Mao dahil sa mga turo
niya ukol sa bagong demoratikong rebolusyon at sosyalistang
transpormasyon ng lipunang Tsino. Ang mga turong ito ay nananatiling
tumpak at nagbibigay-liwanag sa rebolusyonaryong kilusang Pilipino.
Ang nahadlangan ng dogmatismo ay hindi lamang ang angkop na
istruktura ng ating edukasyong teoretikal kundi maging ang nararapat na
pagsisikap na lagumin ang ating sariling mayamang karanasan sa digmang
bayan at itaas ito sa antas ng teorya. Sa halip, mas pinagkakaabalahan
pa ang paghahanap ng iisang dayuhang modelo o bahagi niyon sa
pagtatangkang maendorso ang isang maling linya—ang linya ng
insureksyunismong lunsod—at isaklob iyon sa ating buhay na praktika sa
digmang bayan.
Hindi pa man ganap na naipagtatagumpay ang bagong
demokratikong yugto ng rebolusyong Pilipino, ang Partido ay
nakapagkakamit na ng maraming karanasang maaaring mapag-aralan at
maitaas sa antas ng teorya. Nakabuo ito ng iba't ibang anyo ng pwersang
rebolusyonaryo. Nakapagtatag ito ng Pulang kapangyarihang pampulitika
sa malaki-laking bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Nakalikha ito ng mga
makabuluhang sulatin. Pero ang mga petiburgis na mahilig sa uso ay
naiinip sa linya ng Partido at walang nakikitang malaking nakakamit
hangga't hindi naaagaw ang mga lunsod.
Maging sa kasalukuyang yugto, ang rebolusyonaryong kilusang
Pilipino ay nakarating na sa antas na mas mataas sa inabot ng ibang
rebolusyonaryong kilusang mas bantog sa prensang internasyunal dahil,
pangunahin, sa mas atrasadong anyo ng pang-aaping kaharap nila (tulad
ng tahasang kolonyalismo at rasismo) o di kaya'y dahil nakapagtamo na
ng pagkilala sa mga resolusyon ng United Nations ang kanilang
pambansang katayuan. Pero iyong mga hindi seryosong nag-aaral ng teorya
ay tumatawad sa mga tagumpay ng rebolusyong Pilipino at sobrang
nagpapalaki sa mga dayuhang modelo sa simpleng batayang mas pinapansin
ang mga ito ng masmidyang pandaigdig at hindi sa batayan ng potensyal
at aktwal na mga pagsulong sa landas ng rebolusyong dalawang-yugto.