Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Ang Pasyang Boykot ng 1978 at 1986
Ang kamaliang boykot ng 1986 ay naiwasto na pero nangangailangan pa
ng kaunting pansin sa talakayang ito sa layong ikumpara o iugnay ito sa
iba pang pagkakamali. Masyado nang napalaki at napatampok ito hanggang
natatabunan ang di hamak na mas malaki at mas mapaminsalang linya ng
armadong insureksyong lunsod at adbenturismong militar. Naririto ang
isang malinaw na kaso ng suhetibismo, isang malubhang kabiguang makita
ang lahat ng malaking pagkakamali at matimbang nang tama ang mga ito.
Bago at mula ng muling itatag ang Partido, ang mga
proletaryong rebolusyonaryong kadre ay nagkaroon na ng malawak na
karanasan sa pagtatrabaho sa loob ng mga reaksyunaryong institusyon,
organisasyon at proseso. Maaari at kinakailangang magtalaga ng mga
kadre at grupo ng Partido para magtrabaho sa loob ng mga reaksyunaryong
unyon, simbahan, hukbo ng kaaway, at iba pa.
At, syempre, may ilang ligal na organisasyong masa, kahit
makabayan at progresibo, na pwedeng makakilos at magsagawa ng mga ligal
na pakikibakang pulitikal sa pamamagitan ng pagsunod sa mga rekisito ng
ligalidad. Halimbawa, hindi nila pwedeng ideklara sa kanilang mga
dokumento na sila ay para sa armadong rebolusyon. Pero hindi rin tama
para sa kanila na boluntaryong magdeklara ng paglaban sa rebolusyon. Sa
katunayan, maaari nilang igiit lagi ang soberanyang karapatan ng
mamamayan na magpasya kung ano ang nararapat upang ipagtanggol ang
kanilang kalayaan.
Hindi labag sa prinsipyo na ang isang kasapi ng Partido ay
magkaroon ng ligal na trabaho at magdala ng mga ligal na dokumento.
Hindi rin labag sa prinsipyo na ang isang kasapi ng Partido o isang
Pulang mandirigmang nadakip ay kumuha ng tulong ng abugado at pumasok
sa labanang ligal para ipagtanggol ang kanyang mga karapatan at pigilan
ang kaaway na gawan siya ng mas masama.
Pero ang usapin tungkol sa mga kadre ng Partido at mga grupo
ng Partido na kumikilos sa mga ligal na partidong pulitikal at sa mga
reaksyunaryong prosesong elektoral ay lumikha ng matitinding debate sa
nakaraan. Ang mga debateng ito ay tungkol sa eleksyong 1978 at 1986, na
ipinatawag ng pasistang rehimeng Marcos. Sa bawat pagkakataon, ang
isang panig ay para sa boykot at ang kabila ay para sa paglahok.
Ang terminong boykot ay ginamit ng pinakamalawak na hanay ng
oposisyong antipasista, kabilang ang Partido at mga reaksyunaryong
anti-Marcos, para ihiwalay ang rehimeng Marcos noong eleksyong 1981. Sa
eleksyong 1984, muling tinaguriang boykot ng pamunuan ng Partido ang
pusisyon nito at umayon naman ito sa pusisyong boykot ng malawak na
antipasistang kilusan ng mamamayan at ng malaking bilang ng mga
reaksyunaryong anti-Marcos. Sa eleksyong 1981 at 1984, animo'y
napatunayang tama ang pasyang boykot ng Partido noong 1978. Pero noong
1986 naging problema ang pusisyong boykot dahil sa pagkakataong iyon,
kritikal na partisipasyon ang ipinusisyon ng panggitna at nahuhuling
seksyon ng antipasistang kilusan. May malaking oposisyon sa linyang
boykot kahit sa mga sulong na seksyon ng masa.
Pinakainteresado tayo sa mga matinding panloob na tunggalian
tungkol sa eleksyong 1978 at 1986. Ang pag-unawa sa mga ito ay
tumutungo sa isang pangkalahatang pag-unawa sa mga reaksyunaryong
prosesong elektoral at sa wastong tindig at pakikitungo ng Partido.
Kailanman ang isyu sa debate ay inihahapag bilang pamimili sa
pagitan ng boykot at partisipasyon, laging nakalalamang na manalo sa
debate ang mga nasa panig ng boykot sa simpleng batayang, unang-una,
ang Partido ay iligal at hindi makalalahok at sa anu't anuman, ang
prosesong elektoral ay reaksyunaryo sa kalahatan, kung hindi man
lubusan.
Ngunit dapat lagi bang ang isyu ay ihinahapag bilang pamimili
sa pagitan ng boykot at partisipasyon? Hindi ba maaaring ang isyung
ihapag sa loob ng Partido ay sa pagitan ng pagtatalaga o hindi ng mga
kadre at grupo ng Partido na hindi lantad sa iba para kumilos sa
reaksyunaryong prosesong elektoral, magtaguyod sa linyang
pambansa-demokratiko, tumuligsa sa kaaway at sumuporta sa progresibong
panig, partido, alyansa o kandidato? Ang Partido mismo ay hindi
lumalahok dahil hindi uubra sa usapin ng rebolusyonaryong prinsipyo at
sakaling gustuhin man nito, hindi pa rin maaari dahil sa pagbabawal ng
kaaway sa Partido. Ang mismong linya ng Partido para sa armadong
rebolusyon ay nagtuturing na hungkag ang mga reaksyunaryong eleksyon.
Pero tunay na may magagawa naman ang Partido sa paggamit ng
rebolusyonaryong dalawahang taktika sa pamamagitan ng mga kadre at
grupo ng Partidong hindi kilalang gayon sa publiko.
Ginagamit ng Partido ang rebolusyonaryong dalawahang taktika
para abutin ang mas malawak na bilang ng mamamayan at salungatin ang
kontra-rebolusyonaryong dalawahang taktika ng kaaway na pinalalabas na
demokratiko ang ritwal ng eleksyon, kahit sa katunaya'y monopolisado ng
naghaharing pangkating reaksyunaryo o di kaya'y ng lahat ng
mapagsamantalang uri sa pamamagitan ng sari-saring reaksyunaryong
partidong burgis at sinadya para linlangin ang mamamayan sa
pag-aakalang lumalahok sila sa isang demokratikong proseso.
Sa eleksyon ng 1969 at 1971, hinawakan ng Partido ang
anti-rebisyunistang linyang hindi tumatanaw sa mga reaksyunaryong
eleksyon bilang tangi o pangunahing paraan ng pagkakamit ng mga
rebolusyonaryong pagbabago o mga saligang reporma, at tinukoy ang mga
ito na hungkag sa kalahatan at sa esensya. Pero nagawa din ng Partido
na maglabas ng mga pahayag tungkol sa kung ano ang tunay na demokrasya
o ano ang kinakailangan sa isang tunay ng demokratikong proseso,
magtaguyod sa linyang pambansa-demokratiko at humikayat sa mga ligal na
progresibong pwersa at kandidato na magdala ng linyang makabayan at
progresibo.
Nagpasya ang sentral na pamunuan na iboykot ang eleksyong
1978. Sa paggawa ng naturang pasya, ipinagtanggol ng pamunuan ng
organisasyon ng Partido sa Maynila-Rizal ang partisipasyon pero natalo
ito sa botohan at obligadong sumunod sa desisyon. Pero hindi nito
sinunod ang mga instruksyon sa pagpapatupad ng boykot. At sa sumunod na
todong pakikitunggali sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral,
humantong ito sa mga sikretong pagpupulong kung saan hindi imbitado ang
mga kagawad ng komite na hindi sumasang-ayon sa kanila, patuloy na
tumangging sumunod sa mga instruksyon tungkol sa mga pagsasaayos
pang-organisasyon, nagpakalat ng mga iresponsableng pag-uusap para
siraan ang kredibilidad ng sentral na pamunuan at lumabag sa tuntunin
sa paglilihim ng identidad ng mga kagawad ng Komite Sentral. Dahil sa
mga ito, pinatawan ng aksyong pandisiplina ang pamunuan sa rehiyon.
Nagpasya ang sentral na pamunuang reorganisahin ang
organisasyon ng Partido sa Maynila-Rizal. Pero isang probisyunal na
komiteng tagapagpaganap lamang ang binuo bilang kapalit ng Komite ng
Partido sa Maynila-Rizal. Marami sa mga kagawad nito ang isinuspinde o
inilipat. Madalas na naobliga ang Komiteng Tagapagpaganap ng Komite
Sentral na pangasiwaan ang organisasyon ng Partido at ang kilusang masa
sa Maynila-Rizal sa pamamagitan ng mga sentral na organong istap
hanggang tuluyang inalis ang pamunuan sa rehiyon noong 1982.
Dahil walang isang epektibong pamunuan sa rehiyon, ang mga
komiteng distrito ng Partido, mga lokal na sangay ng Partido at mga
organisasyong masang nakabase sa komunidad ay nakaligtaan at nasadlak
sa kaguluhan. Bunga ng kaguluhan sa organisasyon ng Partido sa
Maynila-Rizal, ang Partido ay naalisan ng kakayahang likhain ang bugso
ng kilusang masa na nilalahukan ng malawak na saklaw ng mga pwersang
pulitikal. Ang bugsong ito ay malinaw nang ihinudyat sana ng tinawag na
"noise barrage" noong bisperas ng hungkag na eleksyong IBP ng 1978 (na
bukod sa pag-iingay ay sinaniban ng iba't ibang aksyong masa sa mga
lansangan).
Noon pang 1974, natantya na ng Partido ang bugsong ito batay
sa nakamit na mga pagsulong sa hanay ng mga manggagawa at kabataan
noong taon ding iyon. Tinatantyang magbabangon sa wala pang katulad na
paraan ang mga manggagawa at mga komunidad sa kalunsuran sa mga
katapusang taon ng dekadang 1970 sa pinakahuli, sa kabila ng tunguhin
ng ilang namumunong kadre sa Maynila-Rizal na labis na diinan ang
antipasistang pakikibaka at painitin sa artipisyal na paraan ang mga
aksyon sa lansangan. Naunsyami ang mga inaasam na ito bunga ng
pagkakamaling boykot ng 1978 at mga aksyong pandisiplina noong 1979.
Ang mga sentral na organong istap, lalo na ang Pambansang
Komisyon sa mga Kilusang Masa, ay nagtaguyod sa mga pambansang samahang
masa na nakabase sa Metro Manila na mahihina pa noon. Pero hindi sila
nagbigay ng sapat na pansin sa pag-unlad ng mga organisasyon sa mga
komunidad at sa saligang buhay Partido sa batayang antas. Ang pansin at
pagsisikap nila ay natuon nang natuon sa propagandang masaklaw,
pagtatayo ng mga istrukturang administratibo kaakibat ng mga
organisasyong masang nakabase sa kalunsuran at pagkokoordina ng mga ito
para sa mga mobilisasyong masa. Nailatag sa gayon ang kalagayan para sa
burukratismo.
Sa tipong ito ng burukratismo, ang mga sentral na organong
istap ay naghahati-hati sa mga bahagi ng gawaing ukol sa mga
organisasyong masa, nagtatamasa ng labis na karapatang magpasya sa mga
usapin sa pulitika at nagpapalakas ng sistemang kumand na iisa ang
direksyon ng daloy, mula itaas pababa. Sa praktika, ang mga organong
istap na ito ay naging mga sentro ng pampulitikang awtoridad at may
tendensyang magtambak ng mga kadre at kasapi ng Partido sa mga
istrukturang administratibo ng mga organisasyong masa at sa mga ligal
na institusyon at upisina. Tuloy, pagdating ng 1986, ang mga kasapi ng
Partido ay naging kritikal na sa pag-iral ng "dalawa hanggang tatlong
sentro ng Partido", liban pa sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite
Sentral.
Nakaligtaan sa mahabang panahon ang saligang buhay Partido sa
mga komunidad, pabrika at iba pang lugar ng paggawa. Ang mga kadre at
kasapi ng Partido ay nagkukumpulan sa mga pusisyong administratibo, sa
mga ligal na institusyon at upisina, at sa mga grupo ng Partido sa
iba't ibang antas ng mga organisasyong masa at salat na salat sa gawain
at buhay Partido sa batayang antas at pakikisalamuha sa masa sa ibaba.
Kaya, hanggang ngayon nananatiling mahina ang lahatang-panig na buhay
Partido—sa ideolohiya, pulitika at organisasyon—sa batayang antas.
Noong 1983-86 muling sumulong nang malaki ang Partido at mga
progresibong organisasyong masa sa kalunsuran bunga ng makapangyarihang
antipasistang popular na agos na pinakawalan ng asasinasyon kay Aquino.
Ang kilusang masa sa kalunsuran ay nahasa sa mga aksyon sa lansangan,
mga koordinadong kampanya, masaklaw na propaganda at mga malapad na
koalisyon at alyansa. Sa kabilang banda, mayroon itong mga palya sa
solidong pag-oorganisa at masinsing gawain sa batayang antas, sa
sustinidong suyod ng pampulitikang edukasyon, propaganda at ahitasyon
sa hanay ng masa, at sa pagbubuo ng matigas at malalim na lakas sa mga
pabrika, eskwelahan at komunidad. Kahit sa kasagsagan ng hayag na
kilusan at pakikibaka noong 1983-86 umabot lamang sa iilang libo ang
mga aktibista at kasapi ng Partido sa hanay ng mga manggagawa at
estudyante at sila ay manipis na nakakalat sa maliliit na lihim na
grupo at hayag na bag-as at balangay ng mga ligal na pampulitikang
samahang masa.
Ang desisyong boykot ng 1978 ay nagbunga ng pinsalang
kasing-laki kundi man mas malaki pa kaysa kamaliang boykot ng 1986.
Pero ang huli ay sobrang pinalalaki ng mga elementong matapat na
naghahabol ng pagwawasto sa desisyong boykot ng 1978, gayundin ng iba
pang elementong matagal nang nagtatakip sa di hamak na mas
nakapaminsalang kamalian sa Mindanaw at patuloy na nagtataguyod sa
maling linyang sanhi ng mas malaking pagkakamali at panghihina ng mga
pwersang rebolusyonaryo doon mula pa noong 1984, at lumikha ng mga
kalagayang pinagsimulan ng isteryang anti-impiltrador ng 1985-86.
Ang boykot ng 1986 ay isang mayor na kamaliang taktikal, bagay
na wastong tinukoy ng sentral na pamunuan. Sa maikling panahon ng
kampanyang elektoral, ibinukod at ihiniwalay nito ang abanteng seksyon
ng masa mula sa ibang mga seksyong nagdala ng linyang antipasista at
anti-Marcos. Hindi naisip na ang pandaraya ni Marcos sa eleksyon ay
mag-uudyok sa mamamayan sa isang pag-aalsang noon pa lang mangyayari,
pati ng matinding pagkakahati sa reaksyunaryong sandatahang lakas.
Gumastos at nagsikap ang Partido para ipataw ang sektaryong kagustuhan
nito sa mga organisasyon at alyansang may katangiang pangmasa at
nagkakaisang prente noong panahon ng kampanya para sa biglaang
eleksyong presidensyal.
Gayunman, nabawi rin ng pamunuan ng Partido ang kontrol at
inisyatiba nang manawagan ito ng pambansang paglaban ng mamamayan, sa
pakikipagtulungan sa lahat ng pwersang antipasista at anti-Marcos
pagkatapos na pagkatapos ng hungkag na eleksyon.
Sa kabila nito, mayroong mga nasa labas ng Partido na pumupuna
sa kamaliang boykot ng 1986 na labis na nagpapalaki nito hanggang
ngayon para mailako ang sarili nilang maling linya at adyenda, ngunit
hindi nasasansala nang maige ng Partido. May mga naggigiit—taliwas sa
di-maipagkakailang datos—na ang Partido at mga progresibong
organisasyong masa at alyansa, bunga ng pagkakamaling boykot ng 1986,
ay hindi kalahok sa pag-aalsang masa sa EDSA na nagpabagsak kay Marcos
at umaabot pa hanggang sa tuluyang pagbura sa naging papel ng Partido
at rebolusyonaryong kilusan sa mga aksyong masa ng 1983-86 at sa mas
mahabang proseso ng paghihiwalay at pagpapahina sa pasistang rehimen.
Kasabay ng labis na pagdidiin sa papel ng ispontanyong masa at
sa diumanong kawalan ng partisipasyon ng mga rebolusyonaryo at ligal na
progresibong pwersa, mayroong mga nagpapalaki sa papel ng sarili nilang
mumunting organisasyong petiburgis at nagpapalabo sa naging papel ng
mga upisyal ng US at Simbahang Katoliko at ng mga reaksyunaryong uri sa
paghahanda ng pag-aalsang kakumbina ang relatibong di-madugong
rebelyong militar. Sa katunayan, nagkaroon ng pagpapanagpo ng mga
magkakatunggaling organisadong pwersa at ng ispontanyong masa laban sa
pasistang rehimeng kinamumuhian ng marami.
Pero ang pinakapantastikong palagay ay iyong iginigiit ng
ilang promotor ng insureksyunismong lunsod. Sinasabi nilang kung hindi
sa pagkakamaling boykot, pwede daw sanang naibagsak ng mga pwersang
rebolusyonaryo ang naghaharing sistema, kasama ni Marcos, kung
napamunuan ang ispontanyong masa tungo sa tagumpay gaya sa Nicaragua
noong 1979, o di kaya, sa pinakamenos ay nakabahagi daw sana sa
kapangyarihan ang mga rebolusyonaryo, kasama ang pangkating Aquino, ang
Reform the AFP Movement (RAM) at mga katulad. Kaya kanilang itinuturing
na ang pagkakamaling boykot ng 1986 ang siya nang pinakamalaking
kamalian ng Partido.
Ang tunay na mas malaking pagkakamali sa ideolohiya, pulitika
at organisasyon ay ang maling linya at ang isteryang anti-impiltrador
na sumira sa Partido at kilusang masa sa Mindanaw noong 1985 at
pagkatapos. Paano maaasahang makaagaw ang Partido sa kapangyarihan
gayong isang taon bago ang pag-aalsang EDSA, ang mga pwersang
rebolusyonaryo at mamamayan sa Mindanaw ay niraragasa na ng lohikal at
aktwal na mga resulta ng maling linya ng insureksyong lunsod na
kakumbina ng adbenturismong militar? Sinadya man o hindi, mayroong
ilang responsable sa kapahamakan sa Mindanaw na patuloy na
nakapagtaguyod sa maling linya at sa kanilang sarili sa loob ng Partido
sa pamamagitan ng labis na pagpapalaki sa kamaliang boykot ng 1986 at
pagpapalabo sa sarili nilang higit na malalaking kamalian.