Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Muling Pagtibayin Ang Ating Mga Saligang Prinsipyo At Iwasto Ang Mga Pagkakamali

Internal



Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 Next>

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Hulyo 1992


[NOTA: Ito ang pinal na dokumentong sinusugan at pinagtibay ng Komite Sentral ng Partido. Hinahalinhan nito ang burador na sinulat ni Tagapangulong Armando Liwanag at ang bersyong inamyendahan at inaprubahan ng Komiteng Tagapagpaganap.

Ito ay isang internal na dokumento ng Partido. Walang sinumang kadre ng Partido na makatatanggap ng kopya ang maaaring magparami nito nang walang pagtitibay mula sa nakatataas na organo.

Ang dokumentong ito ay dokumento ng paglalagom at kaalinsabay, dokumento ng kilusang pagwawasto. Kaya nakahihigit ang mga pahayag na kritikal kaysa mga deklarasyong nagpupugay sa mga tagumpay ng Partido.

Ang bago at di pa nailalathalang mga datos na ihinahapag sa dokumentong ito ay hindi maaaring ilathala nang walang pahintulot at pagtitibay mula sa nakatataas na organo ng Partido.]

Muli nating pagtibayin ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo ng Partido. Ang mga ito ang tanglaw na patnubay sa pagtatasa at pagpupugay sa mga tagumpay ng Partido, gayundin sa pakikitungo sa mga suliranin at mga pag-atras na walang katumbas sa nakaraan.

Ang ating mga prinsipyo ay nakasaad sa mga dokumento ng muling pagtatatag, tulad ng "Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Buuin ang Partido", Saligang Batas at Programa ng Partido. Bilang mga proletaryong rebolusyonaryo, dapat laging sinusukat natin ang ating sarili ayon sa mga prinsipyong ito.

Kabilang sa mga prinsipyong ito ang mga sumusunod: pagtalima sa teorya ng Marxismo-Leninismo, pagtatakwil sa modernong rebisyunismo, makauring pagsusuri sa lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal, pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon, namumunong papel ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido, teorya ng digmang bayan at estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan, nagkakaisang prente ayon sa rebolusyonaryong linya sa uri, demokratikong sentralismo, sosyalistang perspektiba at proletaryong internasyunalismo.

Sa mga taong nagdaan, ang malaking mayorya ng kadre at kasapi ng Partido ay kumapit sa mga saligang prinsipyong ito at nagkamit ng malalaking tagumpay sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Sa matagal na pakikibaka sa pasistang diktadurang US-Marcos, ang Partido ay gumanap ng namumukod-tanging papel hanggang katapusan at masaklaw at malalimang nakapagsulong ng rebolusyong Pilipino sa antas na mas mataas kaysa kailanman sa nakaraan.

Sa patnubay ng pangkalahatang linya ng Partido, wastong mga taktika laban sa pasistang diktadurang US-Marcos, at patakaran sa hakbang-hakbang, lahatang-panig at tuluy-tuloy na pagsusulong ng armadong rebolusyon, at sa pamamagitan ng magiting na pakikibaka at mga sakripisyo ng mga kadre at kasapi ng Partido at ng rebolusyonaryong masa—naabot ng Partido, hukbong bayan, kilusang masa at rebolusyonaryong nagkakaisang prente noong unang hati ng dekada 1980 ang lawak at lakas na wala pang katulad sa kasaysayan ng muling-tatag na Partido at nakalampas sa latag at lakas na inabot ng kasukdulan ng armadong rebolusyon sa pamumuno ng lumang partidong pinagsanib.

Kaalinsabay, may mga malubhang paglihis at kamaliang nagdulot ng malulubhang pinsala sa Partido at rebolusyonaryong kilusang masa, gayundin ang iba pang mga pagkakamali at kakulangang kahit hindi kasinseryoso ay nakalikha rin ng mga pinsala at naging balakid sa pagsulong ng rebolusyon. Dala ng petiburgis na kapusukan at suhetibismo at sa harap ng masiglang pagsulong ng rebolusyon at mabilis na paghina ng pasistang diktadurang US-Marcos, lumitaw sa loob ng Partido ang mga konsepto ng pagsulong na lumilihis sa mga saligang prinsipyo at sa teorya't linya ng digmang bayan, lumilipad palayo sa mga konkretong kundisyon at aktwal na lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa, labis na nagmamadali, at naghahangad lumaktaw sa mga yugtong kailangang daanan sa pagsulong ng rebolusyon.

Pinakamalala sa mga ito ang linyang nagkukumbina ng pag-aasam sa armadong insureksyong lunsod at "regularisasyon" ng hukbo, na nagpalaganap sa kanayunan ng mga gawing adbenturistang militar at pananaw na lantay militar at sa kalunsuran, ng mga ideya at aksyong putsista at sumasamba sa ispontanyong masa. Bunga ng obsesyon sa insureksyong lunsod at adelantadong pagbubuo ng mga mas mataas at hindi pa kayang isustineng pormasyong militar (mga kumpanya at batalyon) at mga istrukturang istap na labis na mabigat sa itaas, napagkakaitan ng mga kadreng kailangang-kailangan ang gawaing masa sa kanayunan. Pinalilitaw na ito ay pag-aangkop o pagpipino sa teorya at praktika ng digmang bayan o di kaya'y isang superyor na teorya o estratehiya. Tuloy, binabagabag tayo ngayon ng pagkabawas ng baseng masa at kaakibat na iba pang mga suliranin, na sa lubha'y wala pa ring katumbas sa nakaraang karanasan ng muling-tatag na Partido.

Ang mga malalang paglihis at pagkakamali ay matagal na hindi natukoy, napuna at naiwaksi. Ang mga ito ay napabayaang lumaganap at makaimpluwensya sa malalaking bahagi ng organisasyon ng Partido, lumikha ng malaking disoryentasyon at pinsala, tumigas hanggang tahasang tumatanggi sa pagpuna at pagwawasto, at umabot na ngayon sa kalubhaang naglalagay ng mismong buhay ng Partido at rebolusyonaryong kilusang masa sa peligro.

Gayunman, ang wastong linya at mga nagtataguyod dito ay nananaig pa rin sa loob ng Partido at may kakayahang patuloy na manaig sa maling linya. Dapat linawing mas malakas pa rin tayo ngayon kaysa noong 1968, 1977 o 1980 sa maraming bagay. Ang kabuuang lakas ng Partido, hukbong bayan at kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran ay humigit-kumulang nasa antas noong 1983 o 1984. Kapag naituwid ang mga paglihis at pagkakamali at mas napatatag ang pagtahak sa wastong landas, ang lakas na naipundar at hawak natin hanggang ngayon ay sapat para ipagpatuloy ang pagpapalakas at pagpapaunlad sa hinog na antas ng estratehikong depensiba. Matibay ang batayan para patuloy na pamunuan ang masa (mulatin, organisahin at pakilusin sila) at ibunsod ang mga opensibang kakayanin natin (mga aksyung masa at armadong opensibang taktikal).

Ang kaaway ay nananaginip nang gising sa pagmamayabang na magagapi ang Partido at sambayanan sa 1992 at 1993. Ang naghaharing sistema ay binabayo ng papalalang krisis sa pulitika at ekonomya. Papatindi ang karahasan sa pagitan ng mga paksyung pulitikal ng mga mapagsamantalang uri. Ang di pa industriyalisadong ekonomyang malakolonyal at malapyudal ay patuloy na hinuhuthot ng mga lokal na mapagsamantalang uri at mga empresa at bangkong multinasyunal. Ang krisis ay nagtutulak sa paghihimagsik ng mamamayan at nagsisilbing matabang lupa para sa armadong rebolusyon at ligal na kilusang demokratiko.

Kailangang matatag tayong manindigan bilang mga proletaryong rebolusyonaryo, tulad ng mga Bolshevik noong mabilis na lumawak ang kapitalismo patungong modernong imperyalismo sa kapanahunan ng Ikalawang Internasyunal at tulad rin ng mga Komunistang lumaban sa pasismo sa isa pang panahon bago, noong kapanahunan at pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kailangang matatag tayong manindigan at lumaban ngayon sa isa pang madilim na yugto, sa kalagayang mistulang walang humahamon ni may kakayahang gumapi sa kapitalismo bunga ng pagguho ng Unyong Sobyet at mga naghaharing partido at rehimeng rebisyunista at paghalili sa kanila ng lantad na makauring diktadurang burgis at mga rehimeng kapitalista.

Ang palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan ay patuloy na lumalala at lumilikha ng mga kundisyon para sa pagsulong ng ating matagalang armadong rebolusyon. Namamasdan natin ang papalaki nang papalaking mga kontradiksyon sa hanay ng mga kapitalistang kapangyarihan, sa pagitan nila at ng dumaraming malakolonyang lubog sa utang, sa pagitan ng mga lokal na naghaharing uri at ng kanilang mga dayuhang amo sa isang banda at ng mga api't pinagsasamantalahang mamamayan at bansa sa kabilang banda, at sa pagitan ng burgesya at proletaryado.

Lahat ng kontra-rebolusyonaryong kampanya ng karahasan at panlilinlang ay mabibigo basta't ang Partido ay mahusay na naglalagom ng mga karanasan, pumupuna, nagtatakwil at nagwawasto sa malalaking pagkakamali at paglihis na seryosong puminsala sa Partido at sa rebolusyonaryong kilusang masa. Kayang patuloy na palakasin ng Partido ang sarili sa pamamagitan ng pagsandig sa mga tagumpay sa nakaraan at kasalukuyan, pagsasagawa ng pagpuna at pagpupuna-sa-sarili sa isang lahatang-panig na kilusang pagwawasto at tumpak na pagtatakda ng mga bagong tungkulin.

Sa harap ng mga pagsalakay ng kaaway at ng mga paglihis at kamaliang seryosong nakapinsala sa mga rebolusyonaryong pwersa at sa sambayanan, kami ay nananawagan sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido na pagtibaying muli ang mga saligang prinsipyo, tukuyin at iwasto ang mga mayor na paglihis, pagkakamali at pagkukulang, at palakasin ang ating Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Sa kabila ng malakihang pagkabawas sa lakas natin sa ilang lugar, may ilang elementong naggugumiit sa kanilang kapusukan. Mayroon namang bumabaling mula sa sobrang-Kaliwa tungo sa Kanang pusisyon. Lubhang mahalagang matukoy ang mga ugat sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng mga mayor na pagkakamali at pagkukulang, malaman ang mga sirkunstansyang pinagsulputan ng mga ito at makilala ang pinsalang likha nila, nang wastong maitakda ang landas ng pagsulong at mapalakas ang Partido at rebolusyonaryong kilusang masa.

Maaaring bumanggit ng hindi mabilang na mga partikular na tagumpay at mga partikular na suliranin. Pero sa dokumentong ito, pangunahing layunin ang tukuyin, punahin at iwasto ang mga mayor na paglihis, pagkakamali at pagkukulang na may pinakamalaking kabuluhan sa kasalukuyang kalagayan at patuloy na pag-unlad ng ating Partido at rebolusyonaryong kilusan. Samantalang dito'y masaklaw na nirerepaso at pinag-aaralan ang ating nakaraang praktika at mga kasalukuyang sirkunstansya, kinakailangan pa rin ang mga pagtatasa at paglalagom na dapat isagawa sa iba't ibang saklaw.

Sa kabuuan, ang Partido ay may sapat na lakas at sigla para lutasin ang mga problemang matagal nang umiiral at pangibabawan ang mga kabiguang walang kapantay sa nakaraan. Higit pa nating mapalalakas ang ating sarili at maisusulong ang rebolusyon.


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.