Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
July 1992
Hinggil sa Isyu ng Negosasyong Pangkapayapaan
Noong panahong 1983-86, ang mga kilalang lider at pwersang nasa
alyansa laban sa pasistang rehimen ay publikong nagpahayag ng mga
panukala para sa mga pag-uusap pangkapayapaan at pambansang pagkakaisa
sa pagitan ng mga rebolusyonaryong pwersa at isang bagong pamahalaang
kapalit ng rehimeng Marcos. Ang mga panukalang ito ay nagsilbi sa
pagpapalawak at pagpapatibay ng nagkakaisang prente, kapwa sa paraang
pormal at impormal.
Sa pagluklok niya sa kapangyarihan, si Aquino ay nagpalaya ng
mga bilanggong pulitikal tulad ng kanyang ipinangako sa pagsisikap na
kunin ang suporta ng pambansa-demokratikong kilusan; at nanawagan ng
isang tigil-putukan tulad ng ipinahayag niyang interes dito bago pa man
siya naging presidente.
Wasto para sa Partido na magdeklara ng kahandaang lumahok sa
mga pag-uusap pangkapayapaan o, gaya ng mas gustong itawag dito ng
rehimeng Aquino, pag-uusap para sa tigil-putukan. Kung hindi,
magmumukhang tutol tayo sa kapayapaan sa harap ng alok ni Aquino para
sa pag-uusap para sa tigil-putukan. Unang-una na, ang
pambansa-demokratikong linya ng Partido ang linya para sa isang
makatarungan at matagalang kapayapaan. Sa gayon, napagpasyahang isang
lupon sa negosasyon ng NDF ang kakatawan sa lahat ng rebolusyonaryong
pwersa.
Pero bago pumayag na pumasok sa pormal na negosasyong
dalawahang-panig o pumirma sa isang kasunduang tigil-putukan, dapat
sanang ginamit muna ng NDF ang lahat ng panahon para sa mga pag-uusap
tungkol sa pag-uusap pangkapayapaan hanggang ang adyenda ng mga
pangunahing usapin at iba pang kundisyon ay mapagkasunduan nang
kasiya-siya kapwa sa magkabilang panig. Pwede namang nagkusa ang NDF sa
pagsasagawa ng propaganda kahit bago ang kasunduan para sa 60-araw na
tigil-putukan. Pwedeng inilantad din nito ang kabilang panig na siyang
ayaw makipagkompromiso, laluna kaugnay ng mga pangunahing isyu. Pwedeng
binatikos ng NDF ang kabilang panig tuwing magbabantang itigil ang mga
pag-uusap pangkapayapaan.
Maling pumayag, sa kabilang banda, na idaos lamang sa Metro
Manila ang mga pag-uusap bago ang tigil-putukan. Ang mahinang kalusugan
ng isa sa mga negosyador ng reaksyunaryong pamahalaan, si Senador Jose
W. Diokno, na taos-pusong nirespeto ng NDF, ang nagdikta ng palagiang
sa Metro Manila ang lugar ng mga pag-uusap bago ang tigil-putukan. Mali
rin ang pagsang-ayon sa isang kasunduan para sa 60-araw na
tigil-putukan nang walang anumang kasunduan sa adyenda ng mga
pangunahing usapin para sa seryosong negosasyong pangkapayapaan. Ang
dineklarang layunin ng kasunduang tigil-putukan ay para lamang lumikha
ng klima para sa di-malinaw na diyalogo sa mga pangunahing usapin sa
panahon ng tigil-putukan.
Isang katwirang ibinigay para sa kasunduang tigil-putukan ay
maghahawan daw iyon ng daan para sa adyenda ng mga pangunahing usapin
at para sa pormal na mga pag-uusap pangkapayapaan. Isa pang dahilang
ibinigay ng ilang elemento sa Partido para sa kasunduang tigil-putukan
ay ang paggamit sa pagkakataong maipakita ng mga pwersang
rebolusyonaryo ang kanilang "mukhang tao" at makapagpropaganda sa
pambansang saklaw sa pamamagitan ng namamayaning burgis na masmidya,
para maimpluwensyahan ang mga panggitnang pwersa at ang malawak na
masa.
Isa pang katwirang ibinigay ng iba pang elemento sa Partido
ang pangangailangan ng hukbong bayan sa Mindanaw ng tigil-putukan para
makapagpahinga sa presyur ng sobra-sobrang pagtatambak ng mga pwersang
militar ng kaaway. Sa katunayan, ang mga pwersa ng kaaway sa Mindanaw
ay nagkakagulo noon bunga ng malaking hidwaan sa pagitan ng mga kampong
Marcos-Ver at Enrile-Ramos. Sa anu't anuman, pumasok na sa lokalisadong
pag-uusap pangkapayapaan at tigil-putukan ang ilang kadre sa Mindanaw
nang walang pagsangguni sa sentral na pamunuan ng Partido. Nasa mahirap
na kalagayan sila, hindi lamang dahil sa presyur ng kaaway, kundi at
mas esensyal, dahil sa pangwawasak na ginawa ng maling linya at ng
isteryang anti-impiltrador.
Ang ilang elemento sa Komisyon sa Mindanaw ay dating nagdala
ng lokalistang kaisipan na pwede silang umabante nang napakalayo sa
ibang bahagi ng bansa sa pagpapalaya ng Mindanaw sa pamamagitan ng
kumbinasyon ng mga opensiba ng mga pinalaking "regularisadong"
pormasyon ng BHB at armadong insureksyong lunsod. Sa kalagayan ng
pangwawasak sa sarili na likha ng isteryang anti-impiltrador at ng
matitinding pagsalakay ng kaaway, nag-isip silang maghanap ng
malulusutan sa pamamagitan ng mga lokalisadong tigil-putukan, na hindi
naisip na pwedeng magtulak ang mga iyon ng pagwawatak-watak ng
pambansang rebolusyonaryong kilusan at bukod pa'y hindi tunay na
makalulutas sa mga suliraning dulot ng maling linya. Saanman tingnan,
may pagbaling mula sa sobrang-Kaliwa tungo sa pusisyong Kanan.
May ilang namumunong kadre ng Partido na nagdala ng pananaw na
ang ating armadong pakikibaka ay nalagay sa depensibang pusisyon sa
pulitika matapos ang pag-aalsang EDSA. Iginiit nilang kailangan natin
ng tigil-putukan para "irepusisyon" ang ating armadong pakikibaka sa
bagong sitwasyon. Para sa kanila, ang tigil-putukan ang pangunahin sa
lahat at ito'y isang mabuting bagay na nagsilbi sa ating layunin, sa
kabila ng mga seryosong kahinaan ng kasunduang tigil-putukan at ibayong
paglala ng mga suliranin natin sa seguridad sa kalunsuran at kanayunan.
Mayroon pang ilang naniwala na ang tigil-putukan at pag-uusap
pangkapayapaan ay posibleng tumungo sa isa pang polarisasyon ng mga
pwersa, kung saan si Aquino at iba pang "panggitnang pwersa" (kabilang
ang mga pro-Aquinong malaking kumprador-burgis at panginoong maylupa)
ay makakabig sa panig ng mga rebolusyonaryong pwersa laban sa US, AFP
at iba pang sagadsaring pwersang reaksyunaryo na diumano'y pawang tutol
sa tigil-putukan.
Sa proseso ng mga pag-uusap bago ang tigil-putukan, ang mga
negosyador ng NDF ay naging bulnerable sa pagmamanman ng kaaway. Naging
madali para sa ahensyang paniktik ng kaaway na manmanan ang mga
negosyador ng reaksyunaryong pamahalaan at sundan ang mga negosyador ng
NDF. Sa panahon ng mga pag-uusap bago ang tigil-putukan, naaresto ang
isa mismong kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral.
Sa panahon ng tigil-putukan, ang lupon sa negosasyon at ang
mga kinatawan ng NDF ay nakapagdaos ng mga pangmasang aktibidad na
nagpakita sa suportang popular at simpatya para sa NDF. Pero
kaalinsabay, may mga lihim na kadre, Pulang mandirigma,
mapagkakatiwalaang alyado at matatag na baryo at iba pang erya na
nalantad sa mga ahensyang paniktik ng kaaway.
Kung ihahambing sa nakaraan, nakakuha nga ang NDF ng higit sa
karaniwang atensyon sa burgis na masmidya. Pero pagkaraan ng dalawang
linggo, ang mga upisyal na sibil at militar ng reaksyunaryong
pamahalaan ay kumuha ng di hamak na mas malaking ispasyo at mas
nakapagpatampok nang husto sa kanilang tipo ng mensahe.
Habang hinihiling ng lupon ng NDF sa negosasyon na maisagawa
ang mas makabuluhang mga pag-uusap, higit na nagiging malinaw na ang
bagong reaksyunaryong pamahalaang pro-US ay interesado lang sa
tigil-putukan sa sumusunod na mga dahilan:
- Makakuha ng dagdag na panahon sa
pagsasaayos ng reaksyunaryong sandatahang lakas dahil sa malaking
pagkakahati sa pagitan ng kampong pro-Marcos at kampong anti-Marcos;
- Magpanggap na kampyon ng demokrasya, karapatang tao at kapayapaan;
- Hingin ang pagpapailalim ng mga
rebolusyonaryong pwersa sa saligang batas ng reaksyunaryong pamahalaan
at ang pagsuko ng Bagong Hukbong Bayan kapalit ng pangako ng
pangkalahatang amnestiya at rehabilitasyon;
- Patigilin ang momentum ng armadong rebolusyon at hatiin kung posible ang mga pwersang rebolusyonaryo; at
- Dagdagan ang natipong datos sa pagmamanman ng mga serbisyong paniktik.
Ang bugso ng antipasistang kilusan at ang panghihina ng
rehimeng Marcos noong panahong 1983-86 ay nag-udyok sa pagluluwag sa
seguridad ng mga kadre ng Partido na nasa mga sentral na organong istap
at nasa listahan ng mga hinahanap ng kaaway. Ang tigil-putukan ay
nag-udyok sa kanila ng higit pang kabulagsakan at pagluluwag sa
seguridad na nagpatuloy kahit pagkatapos ng tigil-putukan. Nagpista ang
kaaway sa dagsa ng datos sa paniktik.
Noong Marso 29, 1988, inumpisahan ng kaaway ang mga presisong
reyd sa mga bahay ng sentral na pamunuan. Nakadakip sila ng mga pinuno
ng Partido, mga upisyal ng pangkalahatang kumand ng BHB, dokumento,
kagamitan at salapi. Sa loob ng taon ding iyon, nagpatuloy ang kaaway
sa pagreyd sa mga lihim na bahay ng NDF at pagdakip ng iba pang tauhan
ng kilusang lihim at mga istak ng dokumento.
Sa panahon ding iyon, humigit-kumulang, may laganap nang
pangamba sa hanay ng mga namumunong kadre ng Partido tungkol sa "lambat
ng mga DPA ng kaaway". Tinanggap na nang walang gaanong pagsusuri ang
kongklusyon ng KAHOS na may malawak at matagal nang impiltrasyon ng
kaaway sa Mindanaw at malamang sa iba pang mga rehiyon. Ito'y dagdag pa
sa dating alerto laban sa pakanang impiltrasyon ng kaaway. At
pagkatapos, naririyan ang matinding pagkabahala sa sunud-sunod na
matagumpay na reyd ng kaaway at lumalaking pinsala sa iba pang
pananalakay ng kaaway, na hindi masaklaw at malalim na nasusuri ang mga
internal na batayan at dahilan at marami'y hindi maipirmi ang mga
kagyat na sanhi. Kaya madaling inalihan ng sindak ang ilang kagawad ng
Komite Sentral at ilang komite sa rehiyon noong 1988; mabilis na
pinaniwalaan ang mga diumanong breyktru sa imbestigasyon. Sa gayon,
namuo ang isteryang anti-impiltrador sa ilang rehiyon, laluna sa Metro
Manila at Timog Katagalugan, at ilang sentral na organong istap, at
bumiktima ng ilampung tao. Dala ng isteryang ito, nalagay sa panganib
ang buhay ng Partido. Sa isang panahon ang sentral na pamunuan ng
Partido mismo ay nasangkot sa kampanya sa Metro Manila, hanggang sa
nakapagsagawa ito ng sariling imbestigasyon, natauhan sa malulubhang
pagkakamali, at gumawa ng mga matatag na hakbang para pahintuin at
iwasto ang kabaliwan sa pamamagitan ng malinaw na mga gabay sa wastong
mga prinsipyo at pamamaraan sa karampatang proseso, pagsisiyasat,
paglilitis at ebalwasyon ng ebidensya.
Dapat linawin sa puntong ito na ang isteryang anti-impiltrador
ay maaaring mangyari buhat sa mga epektibong dagok ng kaaway na resulta
ng naunang sobrang-Kaliwang pagkakamali o di kaya'y Kanang pagkakamali.
Para makapagmatyag laban sa muling pagsulpot ng ganitong isterya, ang
sentral na pamunuan ng Partido ay naglabas ng mga prinsipyo at
pamamaraan sa pagsisiyasat, paglilitis at ebalwasyon ng ebidensya mula
pa Nobyembre 1988. Higit na pinalalakas ng mga ito ang mga garantiya sa
mga karapatang sibil na nasa Listahan ng mga Karapatan ng Probisyunal
na Pamahalaang rebolusyonaryo at ang mga garantiya sa mga karampatang
proseso sa Saligang Batas ng Partido at mga Tuntunin ng Bagong Hukbong
Bayan. Iniatas ang puspusang pagrepaso sa lahat ng kampanyang
anti-impiltrador, kabilang na ang orihinal na kampanya sa Hangganang
Quezon-Bikol. Ang pamunuan ng Partido ay naglabas din ng
kumprehensibong gabay at nagdetalye ng mga instruksyon ukol sa
seguridad mula 1989.
Bunga ng ilang pagsisikap na itulak ang bagong serye ng mga
pag-uusap pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at ng reaksyunaryong
pamahalaan mula 1989 at pagkatapos, ang Partido at ang NDF ay patuloy
na gumawa ng isang kumprehensibong balangkas para sa negosasyong
pangkapayapaan upang mabigo ang pagsisikap ng kaaway na magkunwang
siyang kampyon ng kapayapaan at palitawing ang mga pwersang
rebolusyonaryo ang pinagmumulan ng karahasan, at makapanghati sa mga
pwersang rebolusyonaryo at sa mamamayan. Ang mga pangunahing punto sa
balangkas ay ang mga sumusunod:
- Ang estratehikong linya ay ang pagtahak sa linyang pambansa-demokratiko para makamit ang makatarungan at matagalang kapayapaan.
- Ang NDF ay isang pwersang nakikidigma
(belligerent) sa isang gyera sibil at hindi lang isang pwersang
insurekto. Hindi ito maaaring makipag-negosasyon sa reaksyunaryong
pamahalaan kung hindi magkapantay ang katayuan sa ilalim ng
internasyunal na batas.
- Ang ligal at pampulitikang balangkas ay ang
kalipunan ng mga prinsipyong katanggap-tanggap sa magkabilang panig,
mga internasyunal na pamantayan at ang mga kasunduang maaaring mabuo.
- Kabilang sa adyenda ng mga pangunahing isyu
ang mga sumusunod: pagrespeto sa mga karapatang tao at internasyunal na
makataong batas; mga repormang panlipunan at pang-ekonomya; mga
repormang konstitusyunal, pulitikal at elektoral; at ang mga armadong
pwersa.
- Kinakailangang may makatwirang tagal ng panahon at iskedyul para sa iba't ibang bahagi ng proseso.
- Kinakailangang idaos ang negosasyon sa labas ng bansa para magaan at ligtas sa magkabilang panig.
- Kinakailangang may ikatlong partido na
dayuhang estado o internasyunal para tumayo sa kapasidad na itatakda
(tagapamagitan, katulong na tanggapan o saksi) ayon sa kasunduan ng
dalawang panig.
- Ang mga lokal o dayuhang ikatlong partido na
mga di-panggubyernong tagapagtaguyod ng kapayapaan ay pwedeng
kinokonsulta at kinakatulong sa prosesong pangkapayapaan.
Ang balangkas ng reaksyunaryong pamahalaan ay absolutong
kabaligtaran ng sa NDF at hindi talaga isang balangkas para sa
negosasyong pangkapayapaan kundi para sa pagkitil sa prosesong
pangkapayapaan sa simula't simula pa lamang. Kabilang dito ang mga
sumusunod:
- Ang NDF ay dapat pumailalim sa saligang batas ng GRP.
- Dapat isuko ng BHB ang mga armas nito at lusawin ito.
- Kapalit ng dalawang puntong unang nabanggit,
ang GRP ay mag-aalok ng amnestiya at mga hakbang para sa rehabilitasyon
ng mga bibigyan ng amnestiya.
- Dapat gawin ang negosasyon sa Pilipinas.
- Kung ayaw sumang-ayon ng pamunuan ng NDF sa
alinman sa mga punto sa itaas, ang GRP at AFP ay hindi papasok sa
anumang pormal na dalawahang-panig na pakikipag-usap sa NDF, pero
maghahabol ng mga lokalisadong diyalogo at tigil-putukan para sa
pagsuko ng mga lokal na lider at pwersa ng PKP, BHB at NDF.
Malinaw ang magkakatunggaling balangkas. Ang mga sumisisi sa
Partido at iba pang rebolusyonaryong pwersa dahil sa kawalan ng pormal
na dalawahang-panig na pag-uusap sa pagitan ng NDF at GRP ay nakasisira
sa interes ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mga nagpoposturang nasa
ibabaw ng NDF at GRP, nagsasabing interesado lang sila sa pagpapatigil
sa mga pinsala sa tao na dulot ng gyera sibil, at labis na pinasimpleng
nagtuturing na magkapantay sa pagkamarahas ang magkabilang panig, ay
nagpapalabo sa katunayan sa makatarungan at makatwirang adhikain ng
armadong rebolusyon at sa gayo'y binibigyang-matwid ang pananatili ng
marahas na sistema ng pang-aapi at pagsasamantala.
Dapat nating tuligsain ang mga elementong hindi nakauunawa sa
singil ng matagalang tigil-putukan sa rebolusyonaryong kapasyahan at
pwersa ng bayan at labis na nagpapalaki sa halaga ng matagalang
tigil-putukan bilang paraan sa pagpapalawak ng nagkakaisang prente at
pagpapalakas ng kilusang masa para sa armadong insureksyong lunsod.
Dapat nating biguin ang reaksyunaryong pagsisikap na ipantay
ang NDF sa mga rebeldeng paksyon ng AFP at sa iba't ibang organisasyong
di-panggubyerno na sari-sari ang katangiang pampulitika (kabilang na
ang mga pinakareaksyunaryo) sa isang diumano'y prosesong pangkapayapaan
para mabuo ang isang malawak na prenteng anti-imperyalista para sa
isang "armadong insureksyon sa loob ng ilang taon". Ito ay isang musmos
na pakana.
Dapat rin nating biguin ang pagsisikap ng ilang reaksyunaryong
elementong kleriko na ipatanggap sa rebolusyonaryong kilusan ang
estratehikong hamlet sa pamamagitan ng simpleng pagpapalit ng pangalan,
tulad ng "sona ng kapayapaan" o "sona ng buhay". Ang ating
rebolusyonaryong baseng masa ay mapayapa at puno ng produktibong buhay,
liban kung nanghihimasok at naghahasik ng kamatayan at paninira ang mga
reaksyunaryong pwersa.
Dapat ipatigil ang pagpunta-punta sa Maynila ng mga kadre ng
NDF na nasa listahan ng hinahanap ng kaaway, para makipagtagpo sa mga
personalidad na malamang o tiyak na minamanmanan at doo'y makipag-usap
sa mga ito tungkol sa posibilidad ng kapayapaan. Ang paulit-ulit na
napatutunayang kabayaran ng ganitong mga pakikipagtagpo ay dapat
makakumbinse sa lahat na ang mga pag-uusap tungkol sa mga pag-uusap
pangkapayapaan ay pinakamahusay nang ipaubaya sa mga nasa kalagayang
pinakaligtas o hindi bulnerable sa lahat.
Kaugnay ng usapin ng negosasyong pangkapayapaan, dapat
tanggihan ang anumang ideyang sobrang-Kaliwa pero Kanan sa katunayan—na
kapag hindi posible ang armadong insureksyong lunsod, kailangan
maghabol tayo ng mapayapang pakikipagkasundo sa kaaway, bumitiw sa
armadong rebolusyon at umasa sa parlamentarismo. Kailangan ding
tanggihan bilang mayor na batayan ng negosasyong pangkapayapaan ang
kaisipang dapat maghabol ang NDF ng mapayapang pakikipagkasundo dahil
ito diumano ang tunguhin sa daigdig. Ang makatarungang kapayapaan sa
Pilipinas sa esensya ay isang bagay na kailangang ipaglaban ng
sambayanang Pilipino.
Kung hindi pa uubra ang negosasyong pangkapayapaan sa ngayon,
ito'y dahil sa sobrang pagmamatigas ng reaksyunaryong pamahalaan. Ang
kawalan ng negosasyong pangkapayapaan ay nangangahulugan lamang na ang
mga pwersang rebolusyonaryo at ang mamamayan sa ilalim ng pamumuno ng
Partido ay kailangang magtrabaho at lumaban nang mas matatag pa kaysa
sa nakaraan para mabago ang timbangan ng mga pwersa sa Pilipinas.