Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

III. Ang Proseso ng Kapitalistang Pagpapanumbalik

Ang Ikatlo at Huling Yugto: Ang Rehimeng Gorbachov, 1985-91

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Ang rehimeng Gorbachov mula 1985-1991 ang naging tanda ng ikatlo at huling yugto ng anti-Marxista at antisosyalistang rebisyunistang kontrarebolusyon upang ibalik ang kapitalismo at ang diktadurang burges.

Kinapalooban ito ng naunang paglusaw ng mga naghaharing rebisyunistang partido at rehimen sa Silangang Europa, ang paghigop ng Kanlurang Alemanya sa Silangang Alemanya at sa huli, ang pagbabawal at pagkumpiska sa mga pag-aari ng CPSU at ang paglalansag ng Unyong Sobyet mismo, matapos ang kaduda-dudang pagtatangkang kudeta ng mga hinirang ni Gorbachov sa mga pinakamatataas na pusisyon sa estado at partido na pumapangalawa lamang sa kanya.

Ang kontrarebolusyon ay naisakatuparan sa relatibong mapayapang paraan. Kunsabagay, ang pag-urong mula sa sosyalismo pabalik ng kapitalismo ay inabot ng 38 taon upang maisakatuparan. Sa loob ng huling anim na taon ang mga tiwaling burukratang nagbabalatkayong mga Komunista ay handa nang tanggalin ang kanilang mga maskara, ideklara ang kanilang mga sarili bilang mga dating-komunista at kahit mga anti-komunista sa loob lamang ng isang magdamag at makipagtulungan sa mga matatagal ng mga antikomunista sa hanay ng intelihensya at ng mga naghihirap na malawak na masa ng sambayanan sa pagtatayo ng mga rehimeng lantad na mga burges at antisosyalista.

Dahil sa sila'y ginamit at pinamunuan ng malaking burgesya at ng antikomunistang intelihensya, ang mga pag-aalsang masa sa Silangang Europa noong 1989 ay hindi maaaring lubusang isalarawan na demokratiko bagamat hindi rin mapapasubalian na ang malawak na masa ng sambayanan, kabilang na ang uring manggagawa at ang intelihensya, ay talagang naghihirap at nag-alsa. Kung magkakaganito, ang mas malalaking aksyong masa na nagluklok kina Mussolini at Hitler sa kapangyarihan o ang mga masang pinakawalan ng mga pasistang Indones upang i-masaker ang mga komunista noong 1965 ay dapat ituring na demokratiko. Sa pagtukoy ng katangian ng isang kilusang masa, ating binibigyang pansin hindi lamang ang lawak ng pangmasang partisipasyon ngunit ang uri din ng pamumuno na sangkot. Kung magkakaganito, ang mga rali sa pana-panahong halalan ng mga reaksyunaryong partido na ipinupwera ang mga manggagawa at magsasaka sa kapangyarihan o kahit na ang pag-aalsang masa sa EDSA kaalinsabay ng rebelyong militar noong 1986 ay maituturing na ganap na demokratiko, nang wala ang kinakailangang kwalipikasyon tungkol sa makauring pamumunong sangkot.

Ang mga di-marahas na pag-aalsang masa ay posible kung talagang walang pundamental na pagbabago sa mapagsamantalang sistemang panlipunan, kapag ang isang grupo ng mga burukrata ay simpleng pinalitan ng katulad na grupo at kapag ang mga nanunungkulang grupo ng mga burukrata ay hindi pinapansin ang pagbabago ng administrasyon. Sa Romania lamang nagkaroon ng karahasan dahil hindi ito ganap na nakapaloob sa pagrereorganisang isinagawa ng mga Gorbachovista noong 1987 hanggang 1989 sa Silangang Europa. Tinanggihan ni Ceaucescu ang pagbabago, gayundin ni Honecker bagamat sa mas mababang saklaw. Sa paglusaw ng CPSU at ng Unyong Sobyet, ang antikomunistang kombinasyon nina Gorbachov at Yeltsin ay simpleng naglabas na lamang ng mga dekreto at hindi na nag-abala pang gumawa ng anumang may itsurang popular na kahilingan sa anyo ng mga pag-aalsang masa.

Bilang pinakahuling nagharing rebisyunista ng Unyong Sobyet, napabilis ni Gorbachov ang pagwasak sa CPSU at sa Unyong Sobyet dahil sa mga nauna nang mga ginawa nina Khrushchov at Brezhnev. Sa pangunahin, ang ginawa na lamang ng kanyang panandaliang rehimen ay ang maglunsad ng isang sistematikong kampanya ng panlilinlang. Isinalarawan niya ang kanyang rehimen bilang isang rehimeng naglulunsad ng sosyalistang pagpapanibagong-sigla at kaalinsabay nito'y hinikayat ang mga pwersa ng kapitalistang pagpapanumbalik na gawin ang kanilang trabaho sa ilalim ng mga islogan ng demokrasya at reporma sa ekonomya.

Sa pana-panahon, ay nagkukunwari siyang nananalig pa sa Marxismo-Leninismo at sosyalismo at laging nagsasabing siya ay isang tunay na komunista. Subalit sa bandang huli, siya ay lumantad na bilang isang antikomunista. Sa kanyang huling mensahe bilang Pangulo ng Unyong Sobyet noong ika-25 ng Disyembre, 1991, ginamit niya ang lenggwahe ng mga imperyalista sa Cold War upang isalarawan ang kanyang prinsipal na tagumpay, ang "pagbibigay ng kalayaan" sa mga mamamayan mula sa "totalitaryanismo" at ang "pagsisibilisa" sa kanyang ipinahiwatig na "di-sibilisadong" estado at mamamayang Sobyet.

Sa paglalatag ng mga pang-ideolohiyang tuntungan ng kanyang rehimen, bumalik si Gorbachov sa sagadsaring anti-Stalinismo ni Khrushchov at isinalarawan ang panahon ni Brezhnev bilang isang pagpapatigil ng mga sinimulang gawin ni Khrushchov. Pinawalang-sala niya si Bukharin at ginawa siyang bukal ng mga karunungan para sa mga "repormang pang-ekonomya".

Naging uso para kina Gorbachov at ng kanyang mga kakutsaba sa iba't ibang antas ng CPSU at ng estado ang paglalarawan sa kanilang mga sarili bilang "mga komunistang liberal" at ang pag-atake sa buong kurso ng kasaysayang Sobyet sa ilalim ng balatkayo bilang ganap na anti-Stalin at inilalarawan si Stalin bilang mas masahol pa kaysa kay Hitler. Nagpalaganap sila ng mga proposisyon sa pamamagitan ng mga abstraktong terminong "supraclass" (nakaibabaw sa mga uri), unibersalistiko, humanistiko at di-istorikal. Ginamit nila ang sosyal demokrasya at liberalismong burges upang lumihis at siraan ang Marxista-Leninistang teorya at ang proletaryong rebolusyonaryong paninindigan.

Sistematikong inalagaan ni Gorbachov at ng kanyang mga kakutsaba ang mga lantad na antikomunistang "tagapayo" at iniluklok ang mga antikomunista sa iba't ibang sangay ng pamahalaan, sa Kongreso ng mga Diputado ng Bayan, sa mga institusyon at masmidya upang tumiyak sa pamalagiang daloy ng antikomunistang propaganda. Pinangunahan mismo ni Gorbachov ang pangungutya sa proletaryong rebolusyonaryong paninindigan bilang laos na at ang Marxismo-Leninismo bilang walang monopolyo sa katotohanan. Tumanggap siya ng mga papuri sa mga upisyal, ideologo at publisista ng Estados Unidos at iba pang mga kapitalistang bansa habang ipinangangalandakan niya ang lenggwahe ng sosyal demokrasya at liberalismong burges at sa kalaunan ay ang mga terminolohiya ng Cold War ng US.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.