Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

III. Ang Proseso ng Kapitalistang Pagpapanumbalik

Ang Ikatlo at Huling Yugto: Ang Rehimeng Gorbachov, 1985-91

Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


"Perestroika"

Sa praktika, ang perestroika ay nangangahulugan ng kapitalistang pagrereistruktura at pagkawasak ng organisasyon ng produksyon. Ito ay sa kabila ng mga pangakong pagpapanibagong-sigla ng sosyalismo at pagpapaunlad ng produksyon sa pamamagitan ng mas mahusay na pangangasiwa, isang kampanya laban sa alkoholismo at katamaran, mas mataas na sahod at ang laging pagkakaroon ng mga lokal at inangkat na mga produktong pangkonsumo, mas mataas na tubo para sa mga pribadong negosyante, ang pagpapalawak at muling pagsasangkap ng mga kasangkapan sa produksyon at ang kumbersyon ng mga empresang militar para sa mga sibilyang paggamit.

Ang pangunahing linya ng perestroika ay ang pagsasapribado at pagsasapamilihan ng ekonomya ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan. Ang magkakasunod na plano (ang 500-araw na Planong Shatalin, ang Grand Bargain, at iba pa) ay itinuring at ginawang palaasa sa mga tuwirang pamumuhunan ng dayuhan at sa mga utang dahil sa pagkawala ng mga lokal na puhunan at ang tunay na kita ng mga mamamayan ay pinababa ng implasyon dulot ng walang pakundangang pag-iimprenta ng salapi ng Moscow at ang pandaraya ng presyo sa malayang pamilihan. Ang mga nagmamay-ari sa malayang pamilihan ay bumibili ng mura at nagnanakaw mula sa mga empresang estado at inuubos ang mga tindahang estado. Sa ganito, ang mga mamamayan ay napipilitang bumili sa malayang pamilihan.

Ang binibigyan ng pinakamataas na pabor sa hanay ng mga pribadong negosyo ay ang mga sosyohan (mga kompanyang may sosyong puhunan) sa mga dayuhang mamumuhunan at sa mga pribadong kooperatiba. Ang mga sosyohan sa mga dayuhang mamumuhunan ay pangunahin sa pag-angkat ng mga produktong pangkonsumo at sa muling pagpapakete at pag-asembol ng mga ito. Sa ganitong paraan ang mga mataas na burukrata ng naghaharing partido at ng estado at ang kanilang mga kamag-anak ay inangkin ang mga pag-aari ng estado at nagnakaw mula sa mga dayuhang pautang na maituturing na isa sa pinakamalaking operasyon ng pagnanakaw mula sa loob sa buong kasaysayan ng kapitalismo. Ang mga sosyohang ito ay walang ipinagkaiba sa mga operasyong malaking komprador ng matataas na burukrata sa Pilipinas at sa maraming mga bansa ng ikatlong daigdig.

Gayunman, ang pinakalaganap na porma ng negosyo ay ang mga pribadong kooperatiba na iba't iba ang saklaw sa industriya, agrikultura at mga serbisyo. Ang kanilang mga operasyon ay kinapapalooban ng pagdadala ng mga produkto at serbisyo mula sa estado patungong pribadong sektor, maliit at katamtamang pribadong manupaktura at ang pribadong eksport ng kahit anong produktong Sobyet, kabilang na ang langis at mga sandata, at ang pag-aangkat ng mga mataas-ang-kalidad na produktong pangkonsumo tulad ng mga kotse, kompyuter, mga videorecorder, at iba pa. Aabot sa 50 milyong katao mula sa populasyong 290 milyon ang nakarehistro bilang mga kasapi ng maliliit, katamtaman at malalaking mga pribadong kooperatiba. Maraming tao ang sumasapi sa mga pribadong kooperatibang ito upang magkaroon lamang ng karapatang makabili ng mga saligang bilihin na nawala sa mga tindahang estado na mas mababa sana ang presyo.

Ang kapitalistang pagrereistruktura o mga repormang pang-ekonomya ay hindi nakapagpasigla ng produksyon at nakapagpaunlad ng kalidad ng mga produkto. Nakapagpalubha pa ito sa pagkawasak ng produksyon at nagdulot ng pagkawala ng mga pinakaesensyal na produkto. At ang matagal nang namayapang si Stalin ang binuntunan ng sisi ng mga propagandang rebisyunista at imperyalista sa kaguluhang pang-ekonomyang dulot ng perestroika. Ang mga tiwaling burukrata na patuloy na tinatawag ang kanilang mga sarili na komunista ay nakipagkutsabahan sa mga pribadong negosyante nang mas iskandaloso pa kaysa dati sa pangungurakot sa ekonomya.

Mula noong 1988 hanggang 1990, dinagdagan ni Gorbachov ang suplay ng salapi ng mahigit 50 porsyento kahit na ang produksyon sa taun-taon ay bumabagsak ng 10 hanggang 20 porsyento o mas malubha pa. Noong 1991 lamang ay dinagdagan niya ang suplay ng salapi ng mahigit sa 100 porsyento sa gitna ng pagbagsak ng produksyon ng mahigit sa 20 porsyento. Ang rehimeng Gorbachov ay kinailangang laging mag-imprenta ng salapi upang mapanatili ang sentral na burukrasya at ang militar sa gitna ng implasyon, katiwalian, ng nasyunalistang pagtanggi ng mga republikang magpadala ng salapi sa sentro, ang mga etnikong labanan at mga makatarungang welga ng mga manggagawa.

Sa simula ng rehimeng Gorbachov, ang dayuhang utang ng Unyong Sobyet ay US$30 bilyon lamang. Ang mga naunang rehimen ay hindi nakautang ng mas marami pa dito dahil sa ribalan sa pagitan ng U.S. at Unyong Sobyet sa Cold War. Ngunit sa loob lamang ng anim na taon, ang rehimeng Gorbachov ay nagawang itaas ang dayuhang utang hanggang sa US$ 81 bilyon (ayon sa ulat ng Bangko Sentral ng Sobyet sa Pandaigdigang Pondong Pananalapi=IMF) o sa US$100 bilyon (ayon sa ulat ng Bangko Sentral ng Sobyet sa Group of Seven). Sa huling taon ng 1991, ang Unyong Sobyet ay nangutang ng US$44 bilyon.

Sa kalagayang may pagbagsak ng produksyon, ang mga dayuhang pondo ay pangunahing ginamit upang tustusan ang pag-angkat ng mga produktong pangkonsumo at ang mga natatanging burukratikong pagnanakaw na nakatago sa ilalim ng mga sosyohan. Ang Unyong Sobyet sa praktika ay naging bagong kolonya ng Alemanya na siyang naging pangunahing tagapautang at tagasuplay sa kanya. Ang Alemanya ang may pinakamalaking bulto ng dayuhang pamumuhunan (di-bababa sa 30 porsyento noong 1991) sa Unyong Sobyet at Silangang Europa. Ang multo ni Hitler ay walang pagsisidlan sa tuwa sa tagumpay ng malaking burgesyang Aleman.

Nagkaroon ng sunud-sunod at magkakawing na pagsasara ng mga empresang estado dulot ng kawalan ng panggatong, mga pyesa at hilaw na materyales; ng paglilipat ng mga pondo upang makapag-angkat ng mga dayuhang produkto; ng kawalan ng mga order sa pagbili; at ng pribadong pagkuha ng mga pag-aaring estado at pondo sa pamamagitan ng tunay at huwad na sosyohan. Ang agrikultura ay dumanas din ng kawalan ng mga pangangailangan sa produksyon at transportasyon. Ang kumbersyon ng mga empresang militar sa empresang sibilyan ay napakaliit. Ang industriyang militar ay patuloy na lumamon ng malalaking halaga ng mga rekurso. Tulad din ng sa Silangang Europa, ang ekonomya ng Unyong Sobyet ay nagkahiwa-hiwalay, na ang bawat bahagi ay nagwawaksi sa mga nakaraang bentahe sa kooperasyon at nagsisikap na pumasok sa mga disbentaheng kasunduan sa mga burgesya sa labas ng bansa.

Lumitaw ang malawakang kawalang-hanapbuhay. Ang super-implasyon ay umabot sa mahigit 200 porsyento bago ang paglansag ng Unyong Sobyet at inaasahan pang lalong tataas matapos ang pag-aalis ng kontrol sa presyo na itinakda ni Yeltsin noong ika-2 ng Enero, 1992. Kahit noon pa lamang ay mahigit nang 100 milyong mamamayang Sobyet ay namumuhay nang mas mababa pa sa linya ng kahirapan. Ang mga pangunahing nabiktima ay ang mga pensyonado, mga bata, kabataan, kababaihan, mga walang hanapbuhay at ang mga mamamayang mababa ang sahod. Ang kasalatan o kawalan ng mga saligang pangangailangan ay laganap. Tulad noong 1990, ang mga lider ng kapitalistang pagpapanumbalik ay walang-kahihiyang namalimos ng ayudang pagkain mula sa labas ng bansa noong 1991. Sa bawat okasyon, ang pangangasiwa sa ayudang pagkain ay punung-puno ng katiwalian sa pagdadala sa pagkain sa malayang pamilihan.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.