Hinggil sa mga batayan at espesyal na taktikal na opensiba

,

Ang Bayan Tomo XXIX Bilang 6| Nobyembre-Disyembre 1999

Pagpaparusa sa Keangnam Construction Co. sa Mulanay, Quezon noong Oktubre. Pagdakip kay Maj. Noel Buan, hepe sa paniktik ng Southern Luzon Command, noong Hulyo. Pagdakip kina Brig. Gen. Victor Obillo sa Lunsod ng Davao at Chief Insp. Roberto Bernal sa Bacun, Sorsogon noong Pebrero. Pagdakip din kay Sgt. Wivino Demol, isang operatiba sa paniktik, sa Rizal noong Enero 1998.

Ilan lamang ito sa matitingkad na espesyal na taktikal na opensibang inilunsad kamakailan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Pinarusahan ang Keangnam Construction Co., isang kumpanyang Koreano, sa di nito pagrespeto sa mga patakaran at batas ng demokratikong gubyernong bayan hinggil sa pagbubuwis. Samantala, sina Major Buan, Heneral Obillo, Chief Inspector Bernal at Sarhento Demol ay inaresto dahil sa kanilang gawaing paniktik na bahagi ng mga mapanupil na kampanyang militar ng reaksyunaryong gubyerno laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.

Bukod sa mga nabanggit, noong Hunyo 1998 ay naglabas ng direktiba sa BHB ang Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas na bumuo ng mga espesyal na yunit upang arestuhin ang mga kamag-anak ng yumaong diktador na si Marcos (laluna sina Imelda Marcos at Ferdinand Marcos Jr.) sampu ng kanilang mga alipures upang iharap ang mga ito sa hukumang bayan at papanagutin sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan.

Ang mga espesyal na taktikal na opensiba ay mga operasyong pangkombat na maaaring isagawa ng mga yunit komando o mga armadong partisanong lunsod ng BHB sa mga lugar na nasa labas ng saklaw ng mga larangang gerilya. Maaaring abutin ng mga opensibang ito ang kalunsuran, mga sistema sa transportasyon at suplay ng kaaway at ang kanyang mismong likuran (rear).

Layunin ng paglulunsad ng mga espesyal na taktikal na opensiba na:

  • bigwasan sa tuwi-tuwina ang ulo ng kaaway, ipitin ang kanyang mga pwersa sa kalunsuran at mga estratehikong kampuhan, samsamin ang armas at manabotahe ng mga pasilidad na mahalaga sa kanyang paglulunsad ng mga mapanupil na kampanyang militar, maglunsad ng pambansang propaganda sa pamamagitan ng mga opensibang dramatiko o may malaking impact at kontrahin ang propaganda ng kaaway na ang hukbong bayan ay lubhang malayo at lumiliit na;
  • targetin at parusahan ang pinakapusakal na mga kaaway ng rebolusyon, tulad ng pina-kamalalaking mangungu-rakot, pinakamasahol na tagapaglabag sa mga karapatang-tao, mga taksil na aktibong nagsisilbi sa kaaway at iba pang masasamang elemento na may utang na dugo upang sa gayo’y maligalig silang lahat, makapaglustay sila ng rekurso para sa kanilang proteksyon at paligiran nila ang kanilang mga sarili ng mga armadong badigard na siya lalong magbibigay-matwid sa armadong pananalakay;
  • * maglunsad ng pagkilos na magsisilbing halimbawa laban sa mga susing pasilidad at operasyon ng mga dayuhang monopolyong kapitalista, malalaking kumprador at malalaking panginoong maylupa na tumatangging makipagnegosasyon sa mga kinatawan ng demokratikong gubyerno ng mamamayan hinggil sa matitingkad na usapin at marahas na tumututol sa mga rebolusyonaryong patakaran at batas hinggil sa mga empresa, reporma sa lupa at pagbubuwis;
  • pigilan ang pinakareaksyunaryong mga pulitiko at mandarambong na magpakita sa publiko at manlinlang sa mamamayan tuwing may reaksyunaryong eleksyon at iba pang pampulitikang aktibidad at sa gayo’y kontrahin ang layunin ng kaaway na lumikha ng ilusyon na umiiral ang demokrasya, at palalain ang kanyang kawalang-kakayahang maghari sa dating paraan.
  • ipagbigay-alam sa lahat na ang hukbong bayan ay may pangmatagalang kakayahan at hindi maaaring salakayin ng kaaway ang mamamayan sa kanayunan at kalunsuran nang walang kaparusahan.

Ayon sa kalakaran, ang mga yunit gerilya ng BHB ay naglalaan ng 90% ng kanilang panahon at pagsisikap sa gawaing masa at 10% sa mga taktikal na opensiba. Pinalalawak at kinokonsolida ng BHB ang baseng masa sa mga larangang gerilya upang sumulong nang paalun- alon. Sa batayan ng papalawak at papalapad na baseng masa, maaaring maglunsad ang hukbong bayan ng papatinding pakikidigmang gerilya sa papalawak na saklaw sa kanayunan. Gayundin, 90% ng mga taktikal na opensibang inilulunsad ng BHB ay mga batayang taktikal na opensiba, samantalang 10% ang espesyal.

Hindi mekanikal na ipinatutupad ang mga hatiang ito; bagkus ay binibigyang-diin kung alin ang prinsipal sa pagitan ng gawaing masa at operasyong pangkombat at sa pagitan ng mga batayang taktikal na opensiba at yaong mga espesyal.

Gayunpaman, kung lilimitahan lamang ng BHB ang sarili nito sa paglulunsad ng mga batayang taktikal na opensiba sa kanayunan, maaaring maging kampante ang kaaway na lubos ang kaligtasan ng kanyang likuran at makapagtatalaga ito ng mas maraming pwersa sa mga larangang gerilya sa kanayunan. Nararapat, kung gayon, na salakayin ang kaaway sa mismong lugar na kanyang pinanggagalingan at gawin ito sa tuwi-tuwina o tuwing kakayahin at kinakailangan.

Subalit sa pagsasagawa ng mga espesyal na taktikal na opensiba, dapat tiyaking hindi nalalabag ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan. Dapat maglunsad ng mga espesyal na taktikal na opensiba sa paraan at sa dalas na hindi makapagpapabago sa ligal at depensibong katangian ng pakikibakang masa sa kalunsuran at di makasasagka sa pagpapabwelo ng mga ligal na demokratikong pwersa sa kanilang mga ligal na anyo ng pakikibaka.

Lalong nagiging imposible para sa kaaway na maghari sa dating paraan dala ng lumalalang krisis pang-ekonomya at pampulitika ng naghaharing sistema. Tiyak na ibayong lalala ang kawalang-kakayahan nitong maghari sa dating paraan dahil sa mga espesyal na taktikal na opensiba ng hukbong bayan.

Hinggil sa mga batayan at espesyal na taktikal na opensiba