Operasyong pagparusa kay Aguinaldo Walang muog ang mga reaksyunaryo na di mabubuwag ng rebolusyon
AB August 2001
Pinatutunayan ng matagumpay na operasyong pagparusa kay Colonel Aguinaldo na kahit gaano pa kakapal ang bakal na ipambabalot ng mga kaaway ng bayan sa kanilang sarili, mayroong paraan upang punitin ito ng punglo ng rebolusyonaryong hustisya.
Kaya nga’t ang paggawad ng kaparusahan kay Aguinaldo ay naghahatid ng malawakang takot sa mga reaksyunaryo at pasistang may pinakamabibigat na kasalanan sa mamamayan. Hindi na sila kailanman makatutulog nang mahimbing. Walang muog ang mga reaksyunaryo na di mabubuwag ng rebolusyon.
Ang matagumpay na operasyon ng Fortunato Camus Command ay inspirasyon sa lahat ng mga rebolusyonaryo, laluna para sa mga mandirigma ng BHB. May espesyal na kabuluhang pag-aralan at halawan ng aral ang operasyong paggawad ng kaparusahan kay Aguinaldo upang maisakatuparan ang katarungan sa iba pang may mabibigat na kasalanan sa mamamayan.
Ang muog ni Aguinaldo
Batid ni Aguinaldo na marami siyang mabigat na krimen, laluna sa masa at sa rebolusyonaryong kilusan, na alam din niyang buhay niya mismo ang katumbas. Kaya naging lagi siyang maingat sa kanyang personal na kaligtasan at pagkilos.
Saan man siya magpunta, hindi nawawala ang kanyang mga personal na badigard, kasama ang armadong pulis at militar. Sa panahon ng eleksyon noong Abril-Mayo, walong armadong goons na galing sa Bataan, limang tauhan ng SWAT na armado ng M14 at M16, maliban pa sa isang tim ng pulis, ang laging nakabantay sa kanya kahit sa loob ng kanyang bahay. Bihira siyang pumunta sa mga baryo para mangampanya. Ang mga tauhan niyang bayaran ang kanyang pinakilos. Minsan, sumaglit siya sa miting sa isang baryo ng Tuguegarao City sa kasagsagan ng kampanya, pero nagsalita lamang nang ilang sandali sa harap. Dali-dali siyang umalis dahil sa pangambang bibirahin ng kanyang kalaban.
Sa mga nakaraang eleksyon, nangampanya si Aguinaldo sa mga baryo habang sakay ng armored personnel carrier (APC), kasama ang ilang kumpanyang tropa ng AFP, PNP at CAFGU dahil takot na parusahan ng isparo yunit, maambus o maisnayp ng BHB o ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
Nagpalipat-lipat siya ng tirahan sa Maynila, Ilocos at Cagayan. Kahit sa Cagayan, hindi sa iisang bahay nakatira si Aguinaldo. Lagi siyang may nakabantay na mga armadong badigard, kahit hanggang sa pagpasok- labas sa pintuan niya.
Pumwesto siya sa apartment na halos katabi ng kwartel ng pulisya sa Tuguegarao City Hall (nasa malapit na dulo ng kalye ang hedkwarters ng 111th PNP Company, 200 metro ang layo sa apartment). Wala nang ibang pasukan at lusutan sa mga apartment doon kundi sa maliit na iskinita, na laging sarado ang gate at laging binabantayan ng kanyang mga badigard (tingnan ang dibuho sa pahina 9). Sa pintuan, dalawang malaking aso ang bubungaran kapag bubuksan ang maliit na bakod papasok sa apartment ni Aguinaldo sa dulo ng iskinita. Hindi siya gaanong lumalabas. Ngunit, hindi rin naman tumatagal nang isang linggo ay lumilipat muli siya ng bahay.
Mayroon siyang mga bayarang paniktik na nakakalat sa kanyang paligid at nanghaharas sa mga nagagawi doon na “bagong mukha”. Pati ang dalawang matandang babaeng taga-Tuao na naka-bag at dumalaw sa kababayan nilang may-ari ng isang apartment sa iskinitang iyon ay mismong si Aguinaldo ang nangharas. Pinaghahalughog ang dala nilang bag at pinagbintangang “paniktik” ng kalaban niyang pulitiko na si Manuel Mamba ng Tuao. Lagi siyang nambubulyaw at nang-haharas sa mga kapitbahay, kaya galit sa kanya ang mga naninirahan sa iskinitang iyon. Hinamon nga ni Mamba, na hindi iboboto si Aguinaldo kahit mismo ng mga nakatira sa katabing-apartment niya.
Ipinalaganap din ni Aguinaldo sa matagal na panahon ang psywar at paghahambog na siya’y hindi kailanman matatalo ng kanyang mga kalaban, maging ng rebolusyonaryong pwersa, na siya raw ay “mahal ng masa”, na “kaibigan niya” ang BHB, na mayroon daw siyang “agimat”.
Malaking butas ng “karayom”
Gaano man kaingat at kalakas si Aguinaldo ay may kahinaan pa rin siya. Ito ay madaling napagaralan ng mga pwersang nagkahon sa kanya, na mga Marxistang gumamit ng materyalismong diyalektikong pagsusuri.
Sa kanyang rekord, walang karanasan si Aguinaldo sa malapitang pakikipaglaban (close quarter combat) at ang nakakaharap lamang niyang mga mandirigma ng BHB at kadre ng Partido sa malapitan ay iyong nakaposas o sumuko na sa kanya. Mahusay siya sa psywar, pero hindi sa kombat. Minsan noong dumaan siya na nakakotse sa Baybayog, Alcala sa araw ng palengke at sandaling tumigil doon, nahimatay ang “Agila ng Cagayan” dahil may nakalapit sa kotse niyang isang magsasakang may bitbit na bayong. Inakala niyang kabilang ito sa isparo yunit ng BHB na maggagawad sa kanya ng kaparusahan.
Sa pagtatangka niyang iba-ibahin ang tirahan at sa kanyang di pagtagal sa iisang lugar, mas madaling napadrunan ang kanyang mga pagkilos. Sa ilang panahong pagsubaybay, natuklasan ang padron ng kanyang pag-alis at pagbalik, kung anong araw at anong oras ito, sino ang kasama, sino ang inuuwian, sino ang badigard, ano ang dalang baril, paano ang lakad palabas at papasok, saan pumaparada ang sasakyan, gaano kalayo ang mga gwardya at ano ang layunin ng kanilang panghaharas sa mga bagong mukha sa paligid. Natantya na kung ilang metro ang magiging layo sa kanya ng mandirigmang operatiba, ilang segundo ang maaaring itagal ng labanan.
Isang matibay na matibay na lungga niya ang kanyang apartment sa kalyeng Magallanes dahil malapit ito sa mga kampo ng kaaway, iisa ang pasukan at labasan at makipot ang daanan. Dito na siya nagtagal nang mahigit 10 taon dahil tiwala siya sa kanyang seguridad doon. Hinaharas, minamanmanan at inaalam pa rin nila ang mga pumapasok na tao at hindi nawawala ang mga badigard ni Aguinaldo sa loob at paligid ng apartment. Pero, hindi nila nagawang pigilan ang paninirahan ng mga tao sa mga katabing apartment. Doon pumwesto ang tim ng Fortunato Camus Command.
Matapos siyang pag-aralan at ikahon, naging madali ang pagkasa ng isang operasyon na isasagawa ng isang maliit na yunit. Sa loob lamang ng 24 oras na itinakdang paghihintay, naparusahan ng tim ng BHB si Aguinaldo habang papasok ito sa bakod ng kanyang apartment. Sa loob lamang ng ilang segundong aksyon, nabulagta si Col. Rodolfo Aguinaldo, pati ang kanyang alalay na nagtangkang manlaban. Sumaklolo ang dalawa pang armadong tauhan niya sa labas ng bakod. Pero, agad silang nalusutan ng mga kasama sa pamamagitan ng panlalansi at bilis ng paglayo sa lugar.
Sa loob ng ilang sandali, nawalan na ng saysay ang napakaraming tsekpoynt na inilagay ng kaaway sa mga daanan.
Batay sa mahusay na pagpadron sa target, detalyadong impormasyon, at mabilis na pagsubaybay at pagsusuri sa mga bagong datos, madaling naitakda at tuluy-tuloy na napino ang konsepto ng operasyon, taktika sa kombat at rehersal ng pwersa. Tiniyak ang panahon at lugar kung saan matatamo ang sorpresa, lokal na superyoridad, at presiso’t mabilis na pagkilos ng mga operatiba para sa opensa at ganap na tagumpay sa pagpaparusa kay “Agui” hanggang sa ligtas na pag-atrás ng buong pwersa mula sa bunganga ng kaaway.
Samantala, lahat din ng kakayaning iambag ng masa at mga pwersang nakaugnayan ay nagpuno sa mga kakulangan, at naging salalayan silang tim mula umpisa hanggang matapos ang operasyon.
Naipakita muli ng BHB ang kakayahan nitong “lumusot sa butas ng karayom” o “pumasok at lumabas sa bunganga ng buwaya” para ipatupad ang mga tungkulin nito sa masa at rebolusyon.
Nagsisilbing maningning na tagumpay ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at sa buong bansa ang pagparusa kay Aguinaldo.
Gayunman, marami pang katulad niyang sagad-saring pasista ang kailangan pang singilin sa kanilang marami ring utang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan, dulot ng mga ginawa nilang pagpapahirap, pagsasalbeyds, pananakot at iba pang paglabag sa mga karapatang-tao mula pa noong panahon ng diktadurang Marcos. Nangunguna na rito ang mga Marcos. Kabilang na rin dito ang iba pa ring mga kasama niya sa PC/PNP, AFP, NICA/NISA (National Intelligence Coordinating Agency/ National Intelligence Security Agency), DND at iba pang bahagi ng reaksyunaryong sandatahang pwersa, mga yunit-paniktik at grupong paramilitar ng mga ito.
Walang ginawang anumang mapagpasyang hakbangin ang sunud-sunod na reaksyunaryong rehimeng pumalit sa diktadurang Marcos para positibong tugunan ang matagal nang mga karaingan ng mamamayan para maiwasto ang mga karumal-dumal na pasistang krimen at panagutin ang mga maysala. Tanging ang Bagong Hukbong Bayan at ang rebolusyonaryong kilusan ang nakapagbibigay at patuloy na umaako ng responsabilidad para sa paggagawad ng hustisya sa ganitong mga krimen sa rebolusyon at sa mamamayan