Hindi natitighaw ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa

,

Matapos ang apat na dekadang pagpapatupad ng magkakasunod na rehimen ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at CARP Extension with Reforms (CARPER), nananatili ang problema sa kawalan ng lupa ng milyun-milyong magbubungkal. Ngayong buwan ng Oktubre, buwan ng magsasaka, muling dadagundong ang sigaw para ibasura ang CARP at isulong ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Sa kanayunan, malaon nang napunit ang ilusyon ng CARP. Sa ibaít ibang anyo, determinadong isinusulong ang pakikibaka para sa lupa. Sa mga lugar na sakop ng rebolusyonaryong kapangyarihan, naipatutupad ang tunay na reporma sa lupa sa ibaít ibang antas at pinakikinabangan ng milyon-milyong magsasaka.

Huwad na programa sa reporma sa lupa

Mula 1988 hanggang 2015, ipinatupad ng magkakasunod na rehimen ang CARP at CARPER para palitawin na tinutugunan ng reaksyunaryong estado ang panawagan ng masang magsasaka para sa reporma sa lupa.
Subalit sa taya mismo ng Department of Agrarian Reform noong 2016, sa kabuuang 14.1 milyong ektaryang lupang agrikultural na saklaw ng CARP, kabilang ang 9.9M ektaryang lupang sakahan, 4.7 milyong ektarya lamang ang “naigawad” sa mahigit 2.7 milyong magsasakang benepisyaryo. Mahigit limang milyong ektaryang sakahan ang nananatili sa kamay ng mga panginoong maylupa.

Sa likod ng retorika nito, ang CARP at CARPER ay pawang mga engrandeng programa lamang sa real estate. Hindi ang masang magsasaka, bagkus malalaking panginoong maylupa, ang nakinabang sa programa. Tumanggap sila ng malalaking kompensasyon o kabayaran gamit ang bilyun-bilyong pisong pondong pampubliko. Nanatiling nasa kamay ng iilan ang malalaking asyenda tulad ng Hacienda Luisita sa pamamagitan ng “ibang anyo ng paglilipat ng pag-aari ng lupa” tulad ng tinaguriang “stock distribution option.”

Natapos na lamang ang CARP at CARPER, walang lupa ang malaking mayorya ng masang magsasaka. Masahol pa, noong Setyembre 2015, natuklasan sa mga rekord ng Land Bank of the Philippines na halos 75% ng mga magsasakang “benepisyaryo” ng CARP ay hindi nakapagbayad ng mahal na amortisasyon. Dahil dito, laganap ang kaso na napipilitan ang mga magsasaka na ibenta o isangla ang kanilang mga sertipikasyon o titulo sa mga panginoong maylupa at mga komersyante-usurero.

Lumaganap din sa ilalim ng CARP ang tinaguriang mga “agribusiness venture agreement” (AVA) kung saan nangibabaw ang pasya ng mga may kapital na plantasyon o mga kasosyo nitong “planter.” Sa ilalim ng AVA, walang kontrol ang magsasaka sa kanilang lupa at naoobliga silang pumasok sa tagibang na mga kontrata kaugnay ng itatanim, gagamiting binhi at pestisidyo, presyo ng produkto at iba pa.

Sa ilalim ng CARP, naging mabilis at masaklaw ang pagpapalit-gamit sa mga lupang agrikultural. Nagresulta ito sa pagpapalayas ng mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka. Sa kasalukuyan, iniraratsada ng rehimeng US-Duterte ang pagsasabatas sa isang pambansang patakaran para sa pagpapalit-gamit ng lupa bilang pabor sa mga panginoong maylupa at malalaking negosyante.

Upa sa lupa, usura at iba pang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala

Milyun-milyong magsasaka ang dumaranas ng ibaít ibang porma ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala, pangunahin sa anyo ng pagkaltas ng mataas na upa sa lupa. May tinatawag na “tersyuhan” (70-30) kung saan obligadong magbayad ang magsasaka sa panginoong maylupa ng upa na 70% ng kanyang kabuuang kita. Laganap din ang 50-50 at may mga kaso pang hanggang 90-10 ang hatian, pabor sa panginoong maylupa.

Mayroon ding mga kasong “tersyong-baligtad” kung saan ang upa sa lupa ay 30% ng kita.

Sa mga palayan sa Kalinga, umaabot sa P24,630 mula sa kabuuang kitang P73,893 kada ektarya ng palay, ang ibinabayad ng magsasaka sa panginoong maylupa. Samakatwid, ang panginoong may lupa na walang ambag na lakas paggawa o kapital sa produksyon ay kumikita nang P205.25/araw sa bawat ektaryang lupang kanyang pag-aari.

Samantala, matapos awasin ang P44,754 na gastos sa pagbili ng mamahaling mga sangkap at pagbayad ng upa sa mga kagamitan at iba pang serbisyo, lalabas na netong kita ng magsasaka sa Kalinga ay nasa P4,508 kada ektarya bawat anihan o P37.50 kada araw. (Basahin sa Ang Bayan, Setyembre 21, 2018).

Ang ganitong kaliit na kita ang nagtutulak sa mga magsasaka na isangla ang kanilang lupa o mangutang mula sa mga panginoong maylupa at komersyante, kadalasan sa labis na mataas na interes. Sa Negros at iba pang lugar, tinatawag na “aryendo” ang sistemang pagsasanla ng mga magsasaka sa kanilang maliliit na parselang lupa nila sa mga asendero o komersyante-usurero. Kapag hindi makapagbayad ng utang, napipilitan ang mga maliliit na magsasaka na ibenta ang kanilang isinanlang lupa.

Laganap din ang labis na mabigat na kundisyon sa pagpapautang. Sa Bukidnon, sinisingil ang mga magsasaka nang 100% interes para sa inutang na binhi ng mais at 46% para sa abono kada anihan. Sa Eastern Visayas, sinisingil ang mga magsasaka nang hanggang 100% interes sa ilalim ng iskemang “palay-bayad-binhi” kung saan nagbabayad ang mga magsasaka ng dalawang sako ng palay kapalit ng bawat sako ng binhing inutang.

Malaking gastos, mababang kita

Napakalaki ng gastos sa produksyon ng mga magsasaka. Biktima sila ng mataas na presyo ng mga sangkap sa pagsasaka kabilang ang binhi, abono, pestisidyo at erbisidyo (pamatay ng damo). Ang mga ito ay karaniwang sinusuplay ng malalaking korporasyon sa agribisnes tulad ng Monsanto, Cargill at iba pa. Ang presyo ng urea (P1,041/sako), na karaniwang abono na ginagamit ng mga lokal na magsasaka, ay pinakamahal sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa.

Walang ibinibigay na subsidyo ang reaksyunaryong estado sa lokal na produksyong agrikultural. Kumpara sa ibang bansa, nasa hulihan ang Pilipinas at nag-iisang bansa na walang komprehensibong patakaran sa subsidyo para sa lokal na produksyong agrikultural. Wala ring programa para sa pagmamanupaktura ng mga makinaryang pang-agrikultura. Sa Vietnam, kung saan mas mababa nang 40% ang gastos sa produksyon, malaki ang ibinibigay na subsidyo ng gubyerno sa irigasyon, abono at pagbebenta.

Madalas na binabarat ng mga komersyante, at maging ng National Food Authority (NFA) ang mga magsasaka sa pagbili ng kanilang mga produkto. Umaabot lamang sa P21-24/kilo ang pagbili sa palay. Ang todong liberalisasyon sa importasyon ng mga produktong agrikultural mula dekada 1990 ay nagbunga sa pagbaha sa lokal na pamilihan ng bigas, sibuyas, bawang, karne at iba pang produkto mula sa ibang bansa na nagreresulta sa pagkalugi ng mga lokal na prodyuser na malaki ang gastos. Tiyak na higit pang bubulusok ang lokal na produksyong agrikultural matapos ilabas ni Duterte ang Administrative Order No. 13 noong Setyembre 21 na tuluyang nag-aalis ng restriksyon sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.

Labis na pagkalugi at pagkabaon sa utang ang karaniwang dinaranas ng mga magsasaka kapag sinasalanta ng bagyo o kahit kung may dumanas ng malubhang sakit o aksidente sa pamilya.

Pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa

Sa buong bansa, hindi natitighaw ang sigaw at pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupaóang libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal nito. Ito ay sigaw para sa katarungang panlipunan, para wakasan ang pang-aapi at pagsasamantalang pyudal sa masang magsasaka. Ito ang lulutas sa pangunahing mga problema ng masang magsasaka na bumubuo ng mayorya ng mamamayan.

Ang laganap na kahirapan at gutom sa kanayunan ang nagtutulak sa daan-daan libong magsasaka na kumilos para ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, ibaba ang presyo ng mga kagamitan sa produksyon, subsidyo ng estado sa lokal na produksyong agrikultural, makatwirang presyo para sa kanilang produkto at iba pang kagyat na kahilingan. Ipinaglalaban din nila ang karapatang magbungkal ng lupang tiwangwang para sa produksyong pampagkain at pambenta.

Buong-siglang isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan ang mga hangarin ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Malawakang ipinatutupad ang minimum na programa na binubuo ng pagpapababa ng upa sa lupa, paglaban at pagpawi sa usura, pagpapababa ng interes sa utang na mga sangkap at upa sa kagamitan, pagpapataas ng produksyon at presyo ng produkto ng mga magsasaka, pagtatatag ng mga kooperatiba, pagtutulungan at iba pa.

Ang maksimum na programa ay naipatutupad kung saan malakas ang BHB at kayang ipatupad, pangasiwaan at ipagtanggol ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal.

Sa Samar, lihim na naibaba nang 30% ang upa sa lupa noong 1978 at nang 50% nang nilunsad ang mga hayag na pakikibaka noong 1985. Higit pang naibaba ang upa sa lupa tungong 10% sa kasalukuyan. Sa mga niyugan, naibaba ang upa sa lupa mula 50-50 tungo sa hatiang umaabot sa 60-40 hanggang 66-33, pabor sa magsasaka.

Sa Echague, Isabela, naibaba ang interes sa utang na palay mula 35% tungong 25% kada anihan. Sa Baggao at Gattaran, Cagayan, nakinabang ang mga magsasaka sa pagpapataas sa presyo ng kanilang produktong mai at pagpapababa ng interes sa pautang mula 5-10% tungong 3% kada buwan.

Milyun-milyong masang magsasaka na ang kasalukuyang nakikinabang sa mga tagumpay sa rebolusyong agraryo, at puu-puong libong ektaryang lupa na ang naipamahagi sa mga pamilyang benepisyaryo sa loob ng ilang dekada ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang mga tagumpay sa mga pakikibakang antipyudal at para sa kapakinabangang pang-ekonomya ng masang magsasaka ang nag-eengganyo sa masang magsasaka na malawakang lumahok sa armadong pakikibaka para kamtin ang rebolusyonaryong pagbabago sa buong bansa.

Hindi natitighaw ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa