Ang nagpapatuloy na teroristang paghahari ni Duterte
Kasabay ng paggunita sa International Human Rights Day noong Disyembre 10, nilagom ng Ang Bayan (AB) sa isang ulat ang mga ibinalita nitong mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong mga ahente ng rehimeng US-Duterte ngayong taon. Mababasa ang buong ulat sa cpp.ph.
Nakapagtala ang AB ng abereyds na 82 kaso ng paglabag sa karapatang tao bawat araw at kabuuang 29,869 na biktima mula Enero hanggang Disyembre 7, 2018. Aabot sa apat ang pinaslang bawat dalawang linggo habang hindi bababa sa tatlo ang iligal na inaresto at idinetine kada linggo. May 12 aktibista at progresibo naman ang pinagbantaan, ginipit at tinakot bawat araw. Ang ulat na ito ay nagpapatunay sa malubhang kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas kahit maraming ibang kaso ang hindi pa naiuulat sa AB.
Sa pagpapatupad ni Duterte ngayong taon ng National Internal Security Plan (NISP), na naglalayon umanong durugin ang rebolusyonaryong armadong kilusan, tumindi ang pasistang panunupil sa kalayaang sibil at mga demokratikong karapatan at mabagsik na mga atake laban sa mamamayan, laluna sa aping masang magsasaka, manggagawa at pambansang minorya.
Pagpaslang, tangkang pagpaslang at tortyur
Batay sa inisyal na taya ng AB, hindi bababa sa 106 sibilyan ang naging biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ngayong taon. Sa Negros Island na inihahambing sa isang bulkang nagbabadyang sumabog dahil sa matitinding tunggalian sa lupa, 23 ang pinaslang, 18 sa kanila ay mga magsasaka. Kabilang sa mga biktima ang siyam na kasapi ng National Federation of Sugar Workers na minasaker ng mga elemento ng Special Cafgu Active Auxiliary
sa Sagay City, Negros Occidental noong Oktubre 20.
Dalawampu naman ang pinaslang sa Bicol, kabilang ang limang sibilyan na minasaker ng mga elemento ng CAFGU sa Aroroy, Masbate noong Hunyo 8. Samantala, 44 sa mga biktima ang pinaslang sa Mindanao sa ilalim ng nagpapatuloy na batas militar.
Dagdag pa rito ang 47 biktima ng tangkang pagpaslang, kabilang sina Jerry Alicante at Victor Ageas, mga kasapi ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farms, na binaril ng mga di nakilalang lalaki sa Compostela Valley sa magkahiwalay na insidente noong Nobyembre 11 at Setyembre 4.
Hindi bababa sa 37 indibidwal ang tinortyur, kabilang ang limang menor-de-edad na binugbog at pinagbantaang papatayin ng 19th IB noong Nobyembre 18.
Pambobomba, istraping, atake sa mga komunidad at sapilitang pagbabakwit
Naiulat ng AB ngayong taon ang 22 insidente ng walang patumanggang pambobomba at/o istraping at 54 insidente ng okupasyong militar sa mga komunidad na nagresulta sa pagbabakwit ng 24,667 indibidwal (labas pa sa mga residente ng Marawi na nananatili pa rin sa mga evacuation center).
Apat na insidente ng pambobomba at/o istraping ang natala sa Northern Mindanao. Samantala, 11 insidente ng okupasyon at atake ang natala bawat isa sa Southern Tagalog at Caraga. Nakapagtala rin ng malakihang pagbabakwit ng mga residenteng Moro mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (12,100 bakwit) at mga residenteng magsasaka at Lumad mula sa Caraga (8,791).
Kabilang sa mga pinakamabangis na aksyong militar ang idinirehe ng US Army Special Forces na pambobomba at panganganyon ng AFP Joint Task Force Central sa Shariff Aguak, Maguindanao noong Setyembre 5 na nagresulta sa pagkamatay ng isang sibilyan at pagkasugat ng dalawang iba pa; ang istraping at pambobomba ng Joint Task Force Ranao sa tatlong bayan ng Lanao del Sur noong Hunyo 14-17 na nagresulta sa pagbabakwit ng mahigit 11,000 indibidwal; at ang ilang ulit na pagbabakwit ng libu-libong Manobo mula sa Lianga at San Agustin, Surigao del Sur at daan-daang Dumagat mula sa Gen. Nakar, Quezon dahil sa walang puknat na pandarahas ng mga tropa ng AFP na umookupa sa kanilang mga komunidad.
Iligal na pag-aresto at detensyon
Ngayong taon, hindi bababa sa 271 ang iligal na inaresto at idinetine ng mga elemento ng AFP at PNP. Dagdag rito ang 407 biktima ng arbitraryong detensyon.
Sa Central Luzon, 50 kaso ng iligal na pag-aresto at detensyon ang naiulat. Kabilang sa mga biktima ang 42 inaresto ng PNP-Meycauayan sa NutriAsia matapos ang marahas na mga dispersal ng piket ng nagwewelgang mga manggagawa sa harap ng pagawaan sa Marilao, Bulacan noong Hunyo 14 at Hulyo 30.
Sa rehiyon ng Davao, aabot sa 45 ang iligal na inaresto at idinetine. Kabilang sa mga pinakamasahol na kaso ang iligal na pag-aresto sa 18 lider masa at aktibista na sinampahan ng gawa-gawang kaso ng kidnapping at human trafficking sa Tagum City noong Nobyembre 29. Isang araw bago nito, arbitraryong idinetine ng mga elemento ng estado ang mga biktima kasama ang 61 iba pa sa Talaingod, Davao del Norte.
Pagbabanta, panggigipit at pananakot
Hindi bababa sa 4,282 indibidwal ang pinagbantaan, ginipit at tinakot ngayong taon. Aabot sa 1,659 ang mga biktima mula sa Caraga, 1,600 sa kanila ay mga bakwit na Manobo na ginipit ng mga tropa ng 75th IB habang patungo hanggang sa pagdating nila sa evacuation center noong Hulyo 16-18.
Kabilang rin sa mga biktima ang mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines na sina Rey Casambre, Adelberto Silva, Vicente Ladlad at Rafael Baylosis na iligal na inaresto ngayong taon. Kabilang sila sa 600 pangalan ng mga aktibista at personalidad sa pulitika na inilista sa kasong proskripsyon ng rehimen.
Kamakailan, inilabas ng rehimen ang Executive Order 70, na lumikha sa National Task Force (na magpapatupad umano sa “whole-of-nation approach,” halaw sa konseptong “whole-of-government” na nakasaad sa Counterinsurgency Guide ng US State Department noong 2009), at Memorandum Order 32 (na direktang nagdeploy ng dagdag na mga batalyon sa tatlong rehiyon para umano labanan ang “karahasan at terorismo”) para iratsada ang pag-iinstitusyonalisa sa NISP. Kasangkapan ang iskemang ito para sa pagtatatag ng pasistang diktadura sa buong bansa, tiyak na higit pang titindi ang panunupil sa darating na taon.
Sa hiwalay na mga ulat, nakapagtala sa Southern Mindanao ng hindi bababa sa 90 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa bilang na ito, 21 ay naganap mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon. Labingdalawa sa mga biktima ay mula sa Compostela Valley na binansagang “lambak ng kamatayan.” Aabot naman sa 27 sibilyan ang iligal na inaresto ngayong taon, kung saan anim sa kanila ay kasalukuyan pang nasa detensyon at dagdag sa 49 na iba pang bilanggong pulitikal sa rehiyon na inaresto at idinetine sa ilalim ng rehimeng Duterte. Samantala, sa North Central Mindanao, 927 na indibidwal naman ang sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal.