625 kaso ng sapilitang pagkawala, pinatatanggal ni Duterte sa UN
PORMAL NA HININGI ng rehimeng US-Duterte noong Pebrero 13 sa United Nations Working Group on Enforced or Involuntary Disappearances (UN WGEID) na tanggalin sa listahan nito ang 625 kaso ng sapilitang pagkawala sa bansa.
Saklaw ng listahan ang mga pangalan ng mga dinukot ng reaksyunaryong estado mula 1975 hanggang 2012. Layunin ng pakanang ito ng rehimen na pagtakpan ang pananagutan ng pangunahing mga responsable sa mga krimen.
Tahasang pag-alipusta ang hakbang na ito sa pagsisikap ng mga kaanak ng mga biktima para makamtan ang hustisya na matagal nang ipinagkakait sa kanila. Sa ulat ng mga grupo ng karapatang-tao, 759 indibidwal ang dinukot at hindi na inilitaw sa panahon ng diktadurang US-Marcos. Mayroon namang 821 kaso ng sapilitang pagkawala sa panahon ng rehimen ni Corazon Aquino, 39 sa panahon ng rehimeng Ramos, 26 sa rehimeng Estrada, 206 sa rehimeng Arroyo, 29 sa panahon ng rehimen ni Benigno Aquino, at walo sa ilalim ni Rodrigo Duterte.
Ayon sa Karapatan, kriminal na kapabayaan ng rehimeng Duterte ang kawalang-pananagutan sa mga kaso ng sapilitang pagkawala, sa kabila ng mga batas tulad ng Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Law of 2012 at ang Human Rights Victims Recognition and Reparation Act of 2013.
Maging ang naging hatol kay dating Army General Jovito Palparan ay hindi bunga ng pagtalima ng rehimen sa ligal na mga balangkas, kundi dahil sa matiyagang pagsisikap ng pamilya ng mga biktima, katuwang ng mga grupo ng tagapagtaguyod ng karapatang-tao, na panagutin ang maysala.