Ika-100 taong anibersaryo ng Comintern, ginunita
GINUNITA NG PANDAIGDIGANG uring proletaryado ang ika-100 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Third International o Communist International (Comintern) ng Unang Kongreso nito sa Moscow noong Marso 2-6, 1919. Ang Comintern ay resulta ng matagumpay na Dakilang Proletaryong Rebolusyong Oktubre na nagtatag ng diktadura ng proletaryo sa Russia at nagbukas ng pitong dekadang matatagumpay na sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa sangkatlo ng buong daigdig. Matagumpay na itinaguyod ng Comintern ang pagsusulong ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon at ang pagtulong sa pagtatatag ng mga Partido Komunista sa iba’t ibang dako ng daigdig. Nagkaroon ito ng masaklaw na rebolusyonaryong impluwensya at mga bunga hanggang sa pormal na pagbuwag nito noong 1943.
Noong Marso 1, naglabas si Jose Maria Sison, pangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng isang artikulo kung saan binaybay ang makasaysayang papel ng Comintern sa pagtulong sa pagpapatatag ng Communist Party of the Philippine Islands (CPPI), ang lumang Partido Komunista ng Pilipinas, mula nang itatag ito noong 1930. Mababasa sa website ng PKP sa www.philippinerevolution.info ang buong artikulo.