Mga deklarasyong "kontra-BHB," pakana ng AFP
RESULTA NG PAMBABRASO at saywar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umano’y mga pagdeklara sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang “persona non grata (taong hindi tinatanggap).” Ito ang inilantad ni Ka Rigoberto F. Sanchez ng BHB-Southern Mindanao Region kasunod ng napabalitang pagkundena umano sa BHB ng mga lokal na pamahalaan at komunidad ng Lumad sa mga rehiyong saklaw ng AFP Eastern Mindanao Command.
Ayon kay Sanchez, ang kampanyang saywar at intimidasyon na ito ay resulta ng mga “peace and development outreach program” na inilulunsad sa ilalim ng “whole-of-nation approach” ng Oplan Kapayapaan. Sunud-sunod na mga “peace-building seminar” ang ipinatatawag ng militar sa Davao City, Davao Oriental, Compostela Valley, Davao del Norte, Bukidnon at Caraga. Ginamit ng AFP ang kanilang mga paramilitar tulad ng Alamara at Bagani, upang brasuhin ang mga konsehong Lumad na dumalo sa mga nasabing seminar. Matapos nito’y binubuyo silang magmartsa dala ang mga plakard na naglalaman ng mga kontra-insurhensyang panawagan.
Sa mga “seminar” na ring ito itinutulak ng militar ang batbat-sa-katiwaliang Enhanced Comprehensive Local Integration Program na mas kilala bilang mga pekeng pagpapasurender. Sa Compostela Valley noong Pebrero 20, matapos iligal na arestuhin ng 71st IB ang tatlong magsasaka sa Sityo Binogsayan, Barangay Napnapan at iprinisinta sila bilang mga “sumurender” na BHB. Ito ay sa kabila ng mariing pahayag ng mga upisyal ng lokal na pamahalaan na ang mga inarestong sina Eddie Avila, Graciano Embalsado at Pulpy Lariwan ay pawang mga sibilyang residente ng naturang baryo.
Maliban dito, sinisiraan din ng AFP at binabansagang mga prente ng PKP ang mga ligal na organisasyon, progresibong partylist at mga nongovernment institution na nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga magsasaka’t Lumad. Sa gayon, isinasapanganib ng AFP ang nasabing mga sibilyang institusyon at kanilang mga lider bilang target ng mga arbitraryong pag-aresto at pamamaslang.