Paggunita sa ika-70 taon ng Rebolusyong China
Marapat na alalahanin at gunitain ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ang ika-70 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng People’s Republic of China (PRC) sa darating na Oktubre 1.
Ang pagkakatatag ng demokratikong republika ay tagumpay ng demokratikong rebolusyong Chinese, isang rebolusyong hinahalawan ng inspirasyon at estratehikong mga aral ng demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Ang pagpundar ng sosyalismo sa China noong 1949-1977 ay isa sa pinakamaningning na tagumpay ng internasyunal na proletaryo. Ibinunsod nito ang pangalawang serye ng demokratiko at sosyalistang mga rebolusyon sa buong daigdig at naghudyat ng pangalawang pangkalahatang krisis ng imperyalismo.
Sa pagkakatatag ng PRC, napailalim ang halos sangkatlo ng mamamayan sa buong daigdig, kasama ang nasa noo’y Union of Soviet Socialist Republics (USSR), sa abante at progresibong sistema ng sosyalismo sa naturang panahon.
Idineklara ni Mao Zedong, noo’y tagapagpangulo ng Partido Komunista ng China, sa Tiananmen Square sa Beijing ang pagkabuo ng PRC. Simula ito ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon na nagtagal nang halos tatlong dekada. Sa sumunod na mga taon, nilubos nito ang demokratisasyon ng China. Itinatag nito ang demokratikong gubyernong bayan, kung saan lahat ng mga demokratikong sektor—manggagawa, magsasaka, petiburgesya at pambansang burgesya—ay pinagbuklod at pinakilos para buuin ang isang malayang lipunan.
Itinatag sa China sa lahat ng antas ang mga kongreso ng mamamayan at mga kumperensyang konsultatibo para umusbong at dumaloy ang buhay at tunay na demokrasya. Dito, buong tinamasa ng masang anakpawis ang kalayaan at benepisyo ng bagong sistema, kung saan namamayani ang kapangyarihan ng kanilang uri at gipit ang dating mapang-api at mapagsamantalang kapangyarihan ng malalaking burgesya at panginoong maylupa.
Sa ilalim ng Patido Komunista, nilubos ang reporma sa lupa sa loob lamang ng 10 taon, at pinalaya ang daan-milyong magsasaka sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Itinaas nito ang produktibidad ng lupa at ng sektor ng agrikultura, at nagbunsod ng pag-unlad sa mga batayang industriya. Itinulak nito ang pagtatatag ng mabibigat na industriya, batay sa pag-unlad ng agrikultura at paglago ng industriyang magagaan.
Tinransporma nito ang agrikultura sa pamamagitan ng kolektibisasyon ng lupa, mekanisasyon ng produksyon at pagtatayo ng mga pabrika ng pagkain at iba pang produktong pangkonsumo. Mabilis ang naging pag-unlad ng produksyon at pagdami ng mga produktong sapat na nakatugon sa batayang pangangailangan ng mamamayang Chinese tulad ng pagkain, damit, pabahay at iba pa. Tinamasa ng milyun-milyon ang pagtaas ng antas ng kabuhayan at higit na napaunlad ang kanilang pangkalahatang kalagayan.
Hakbang-hakbang na pinaunlad ang ekonomya sa sistematiko at pinag-isang paraan sa mga planong may limang-taon ang haba. Itinayo ang mga kalsada at tulay, gamit ang lakas ng milyun-milyong manggagawa, para itransporma ang China mula sa isang pyudal at atrasadong bansa tungo sa isang moderno at demokratikong lipunan.
Sa gitna nito, ipinanawagan ni Chairman Mao sa mamamayan at proletaryong Chinese ang pagpapatuloy ng rebolusyonaryong pakikibaka laban sa mga elemento ng burgesya sa loob mismo ng Partido Komunista na walang awat sa pagtatangkang idiskaril ang pagsulong ng sosyalismo sa China at ilagay sa landas ng kapitalistang pagpapanumbalik ang bansa.
Pinakilos nito ang mamamayan, laluna ang kabataang Chinese, noong 1966 hanggang 1976, sa isang rebolusyong pangkultura, laban sa mga pagtatangkang ito. Ang praktikang ito ang nagluwal ng teorya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryo para ikonsolida ang sosyalismo at pigilan ang panunumbalik ng kapitalismo. Ito ang isa sa pinakamahalagang kontribusyon ni Mao sa pag-unlad ng teorya at praktika ng proletaryo.
Sa loob ng sampung taon, nagawa ng proletaryong Chinese na pigilan ang panunumbalik ng burgesya sa kapangyarihan. Gayunpaman, nagapi ang proletaryo sa pag-agaw ni Deng Xiaoping at kanyang pangkatin sa kapangyarihan ng estado at pamunuan ng Partido Komunista noong 1977. Winasak ang demokratikong kapangyarihan ng mga manggagawa at magsasaka at binigyan ng bagong kapangyarihan ang mga upisyal, mga manedyer at kapitalista na magpasya ukol sa produksyon, pamumuhunan, pagbebenta, pag-eempleyo at iba pang mga usapin sa ekonomya.
Sa pagpapalaganap ng “maka-merkadong” mga reporma noong 1978, ilang panahon lamang matapos mamatay si Chairman Mao, unti-unting nabaliktad at nabawi ang mga tagumpay ng mamamayang Chinese. Ikinawing ang ekonomya ng China sa pandaigdigang sistemang kapitalista sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga espesyal na sonang pang-ekonomya sa apat na baybaying bayan, at sa kalauna’y sa kalapit pang mga bayan. Inengganyo niya ang pagpasok ng dayuhang kapital hanggang sa mga interyor na bayan sa pamamagitan ng napakababang pasahod sa mga manggagawang Chinese. Nagresulta ito sa pagkawasak ng sistemang komunal na produksyon, at malawakang kumbersyon ng lupang agrikultural tungo sa mga industriyal na engklabong nakatuon sa eksport. Ginamit ng mga kapitalistang Chinese ang mga daan, pantalan, paliparan, pabrika at komunidad ng mga manggagawa na itinayo sa panahon ng sosyalistang konstruksyon para sa kanilang pribadong akumulasyon ng tubo.
Tinahak ng China ang kapitalistang landas, na hungkag na tinawag ni Deng na “sosyalismong may katangiang Chinese” at isinadlak ang lipunan at ekonomyang Chinese sa mga krisis na likas sa sistemang ito. Nangibabaw ang kapangyarihan ng mga monopolyong burukrata kapitalista at ang kasosyo nilang mga monopolyo kapitalistang lokal at dayuhan. Natapos ang ilang dekadang walang kapantay na kapitalistang paglawak ng ekonomya dulot ng liberalisasyon ng kapital, serbisyo at kalakalan, malawakang kumbersyon ng lupa, walang kapantay na pagpiga ng tubo sa sarili nitong mga manggagawa, ispekulasyon sa kapital at sa real estate.
Itinuturing na ngayong pangalawang pinakamalaki ang ekonomya ng China at tinatayang uungusan ang ekonomya ng US sa darating na mga taon. Gayunman, sadlak ngayon ang ekonomya ng China sa krisis ng sobrang produksyon, laluna sa asero, semento, mga kagamitang elektroniko at iba pa. Mula 2018, bumagal na ang lokal na produksyon nito matapos ang mahigit isang dekadang mataas na tantos.
Ang China ngayon ay isang malaking imperyalistang bansa. Ang China na ang pinakamalaking nag-eeksport ng sobrang mga produkto at sobrang kapital sa buong mundo. Noong 2007, itinatag nito ang China Investment Corporation na may $200-bilyong kapital (pinakamalaking kumpanyang pamumuhunan sa mundo). Itinatag din ng China ang Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) at ang bangko ng BRICS (Brazil, Russia, India, China at South Africa) upang padaluyin ang pag-eksport ng kapital.
Isa sa malaking pinopondohan ng China ang Belt and Road Initiative (kilala rin bilang One Belt, One Road), ang proyektong pang-imprastruktura na magdudugtong ng mga bansa sa Asia, Europe at Africa sa China. Pakay ng China na higupin dito ang sobra-sobrang kapital at mga produkto ng China. Kapag nabuo, babaguhin nito ang kondukta ng kalakalan at produksyon sa tatlong malalaking rehiyon, at ilalagay ang China bilang sentro.
Sa harap ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo, itinutulak ng China ang bagong imperyalistang hatian sa mundo. Hinahamon nito ang dominasyon ng US at nangangarap na maging isa kundi man man solong maghahari sa mabubuong bagong kaayusang internasyunal. Itinutulak nito ngayon ang “reporma sa sistema ng pandaigdigang pamamahala,” na dating solong itinatakda at dinidiktahan ng US.
Itutuloy sa susunod na isyu…