Northeastern Syria, muling sinalakay ng Turkey

,

Muling sumiklab ang matinding armadong labanan sa hilagang-silangang Syria (tinaguriang Rojava) nang salakayin ito ng mga armadong pwersa ng Turkey noong Oktubre 9. Sa ngalan ng “Operation Peace Spring,” isang kampanyang diumano’y kontra-terorismo, walang patumanggang binomba ng Turkey ang mga bayan sa hangganan nito at ng Syria na pinangangasiwaan ng Kurdish Democratic Union Party (PYD). Nagresulta ito sa sapilitang pagbabakwit ng 300,000 residenteng Kurd.

Target ng opensiba ang Syrian Democratic Forces (SDF) ang armadong nagsisilbing pwersang panseguridad ng Rojava. Ito ay pangunahing binubuo ng People’s Protection Unit (kilala bilang YPG) na armadong pwersang pananggol-sa-sarili ng mga Kurd. Itinatag ng mga Kurd ang nagsasariling gubyerno ng Rojava noong 2012 bilang baseng teritoryo ng kanilang pakikibaka para itatag ang estadong Kurdistan sa mga rehiyon sa hangganan ng Turkey, Syria, Iran at Iraq kung saan mayorya ng mga residente ay Kurd.

Pagdadahilan ng Turkey, “terorista” ang SDF dahil alyado umano ito ng Kurdistan Workers’ Party o PKK. Matagal nang lumalaban para sa pagtatatag ng estadong Kurdistan ang PKK.

Plano ni Erdogan na ilagak sa mga bayan ng Rojava ang 3.6 milyong bakwit na Syrian na kasalukuyang nakatigil sa Turkey. Bahagi ang mga bakwit na ito sa milyun-milyong Syrian na napalayas sa bansa dulot ng limang taong gera na nilikha at sinulsulan ng US. Para magawa ito, kailangang palayasin, kundiman lipulin, ni Erdogan ang mga Kurd sa Rojava para maagaw ang kanilang mga teritoryo. Katuwang ng Turkey sa pang-aatake ang Free Syrian Army, isang milisyang binuo, inarmasan at pinopondohan ng US laban sa nakaupong presidente ng Syria na si Bashar Al-Assad. Ayon kay Erdogan, kontrolado na ng Turkey ang aabot sa 1,220 kilometro-kwadradong erya sa nasabing teritoryo.

Relatibong mas mahina ang lakas-pamutok at mas maliit ang bilang ng mga tropa ng mamamayang Kurd kumpara sa Turkey.

Nakipagkasundo kamakailan ang SDF sa gubyerno ni Assad para kontrahin ang atake ng Turkey. Dating kalaban ng SDF ang gubyernong ito dahil sa mga pagsalakay sa teritoryong Rojava mula noong 2012. Noong Oktubre 14, nagsimula nang magdeploy ang Syria at ang alyado nitong Russia ng mga tropa sa rehiyon.

Palabas ng US

Taong 2015, nagkasundo ang US at mga Kurd sa ngalan ng paglaban sa ISIS. Sa kasunduang ito, nagpakat ng 1,000 tropang Amerikano sa Rojava. Gayunpamn, ang tunay na estratehikong pakay ng US ay ang pabagsakin ang gubyernong Assad sa Syria

Idineklarang “nagapi” na ang ISIS noong 2017, matapos pulbusin ng Russia ang mga base ng teroristang grupo sa Iraq at Syria. Dahil dito, nawalan ng katwiran ang presensya ng US sa Rojava. Pagsapit ng Disyembre 2018, inanunsyo ni Trump na iaatras ang 1,000 tropa nito sa Rojava, na itinuturing ng iba na pagtanggap ng pagkatalo sa layon nitong saklutin ang Syria. Nitong Oktubre 6, tuluyang inatras ang natitirang tropa sa erya, matapos makipagkasundo kay Erdogan. Ilan araw matapos nito, sinalakay ng Turkey ang Rojava.

Naging matindi at malawak ang pagkundena sa kunwa’y pag-abandona ni Trump sa “alyado” nitong Kurd. Dahil dito, kunwa’y nagpataw ng sangksyon sa ekonomya ang US sa Turkey. Pero agad din itong binawi ni Trump kapalit ng pagsang-ayon ng Turkey sa 120-oras na tigil-putukan. Ginamit ng Turkey ang panahong ito para paatrasin ang mga Kurd sa matatatag na muog nito sa hangganan ng dalawang bansa.

Sa sumunod na mga araw, tumampok ang pakikipagkasundo ng US sa Turkey, ng Turkey at Russia, at ng Russia at Syria kaugnay sa paghahatian nila sa mga teritoryo ng Kurd. Lumalabas na sang-ayon ang US at Russia na okupahin ng Turkey ang target nitong mga teritoryo ng Kurd sa hangganan nito. Ang natitirang bahagi ng Rojava at buong North Syria na dating okupado ng ISIS ay muli nang ipapailalim sa gubyerno ni Assad. Sa gitna ng mga kasunduang ito, walang matitira sa mamamayang Kurd.

Pinag-aagawang mga rekurso

Pinag-iinteresan ng Turkey, Syria at mga imperyalistang bansa ang Rojava dahil sa reserbang langis, rekursong tubig at matabang lupa nito. Bago magdeklara ng awtonomya, halos dalawangkatlo ng produksyon ng langis ng Syria (251,000 sa 387,000 bariles/araw) ay mula sa mga planta ng Rojava. Nang humiwalay ito sa Syria, nakakapagprodyus ito sa abereyds ng 15,000 bariles/araw na ginagamit para magsuplay ng kuryente sa rehiyon at nagsisilbing pangunahing eksport nito sa Syria.

Tumatagos din dito ang ilog ng Euphrates na pinakamahaba at isa sa pinakamahalagang ilog sa Western Asia. Ito ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig-inumin at ginagamit para sa irigasyon sa Rojava. Mayroon ding mga mayor na dam at imbakan ng tubig dito na maaaring gamitin para magsuplay ng kuryente. Sa kasalukuyan, ang tubig ay dalawang beses na mas mahal kumpara sa langis sa Rojava dahil sa kakulangan ng suplay nito.

Malaki rin ang potensyal ng Rojava sa larangan ng agrikultura. Bago ang deklarasyon ng awtonomiya, itinuring itong “food basket” o pangunahing pinagkukunan ng pagkain ng Syria. Dito nagmula ang 43% sa kabuuang produksyon nito ng mga butil gaya ng trigo at palay na pangunahing konsumo ng mga Syrian. Dito rin nagmula ang 80% sa kabuuang produksyon ng bulak na karaniwang ginagamit sa paggawa ng damit.

Northeastern Syria, muling sinalakay ng Turkey