Glyphosate na sanhi ng kanser sa mga maisan sa Capiz
Hiniling kamakailan ng mga magsasaka sa Capiz na ipagbawal ang paggamit ng Round Up Ready na herbisidyo sa mga maisan. Ito ay matapos mapatunayan na nanuot na ang kemikal na glyphosate sa lupa, katubigan, at maging sa katawan ng mga residente.
Batay ito sa inilunsad na pananaliksik ng mga siyentista sa Barangay Guinbialan, Maayon, Capiz hinggil sa epekto ng sampung taong paggamit ng Round Up at GM Corn ng kumpanyang Monsanto.
Sa mga kinuhang sample ng lupa, tubig, luma at bagong ani na mais at ihi ng tatlong residente, napag-alaman na kontaminado ang mga ito ng kemikal na glyphosate. Ang glyphosate ay kemikal na nagdudulot ng kanser. Ayon sa mga magsasaka sa naturang barangay, simula nang magtanim sila ng mga hybrid na mais, 16 na residente na ang nagkaroon ng kanser. Sa 16, lima na ang namatay. Nakita rin mataas na ang bilang ng may mga sakit sa kidney.
Ang glyphosate ay isang kemikal na karaniwang sangkap ng mga herbicide (pamatay ng damo katulad ng Round Up) at 70 iba pang produkto na karaniwang ginagamit sa mga taniman ng palay, mais, tubo, oil palm, saging, pinya, kape at goma.