Pagbabayad-utang, inuuna kaysa kapakanan ng mamamayan

BINATIKOS NG PARTIDO Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Duterte sa pagtanggi nitong kanselahin ang pagbabayad-utang ng bansa sa mga imperyalistang institusyong pampinansya sa harap ng pandemyang Covid-19.
Pagmamatigas ni Department of Finance Sec. Sonny Dominguez, hindi man lang sumagi sa isip nila na gawin ito. Ito ay kahit pa palpak ang kanilang mga programa at walang inilalaan na sapat na ayuda para sa mamamayan. Ipinahayag niya ito matapos suspendihin ng International Monetary Fund ang pagbabayad-utang ng 25 bansang apektado ng pandemya.
Anang PKP, ang pusisyon ni Dominguez ay nagpapatunay sa kontra-mamamayang mga patakaran at prayoridad ng rehimen. Imbes na unahin ang pangangailangan at kapakanan ng mamamayan na ngayo’y sadlak sa krisis, mas inuuna ng rehimen na panatilihin ang mataas na tiwala ng mga institusyong nagpapautang nang sa gayo’y patuloy pa itong maka-utang sa hinaharap. Ngayong taon, naglaan ang rehimen ng P285.8 bilyon bilang pambayad sa mga dayong utang nito. Pinakamalaki rito ang mapupunta sa Asian Development Bank (P37.7 bilyon) at World Bank (P23.8 bilyon), at sa mga gubyerno ng Japan (P22.4 bilyon), China (P1.2 bilyon), at US (P950 milyon).