Produksyon ng langis, kinaltasan

MATAPOS BRASUHIN AT pagbantaan ni US Pres. Donald Trump, pumayag noong Abril 12 ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), Russia at iba pang mga bansa na nagpoprodyus ng langis na paliitin ang kanilang produksyon nang 10% o 9.7 milyong bariles/araw mula Mayo hanggang Hunyo. Ang nasabing kaltas ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan.
Layunin ng pagkaltas na pigilan ang pagbulusok ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan dulot ng pandemyang Covid-19. Lalong bumagsak ang demand para sa langis kasabay ng pagtigil ng operasyon ng mga pagawaan at empresa sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Bunsod nito, bumagsak ang abereyds na presyo ng krudong langis noong Marso tungong $20.09 kada bariles, pinakamababa mula 2002. Nagreresulta ito sa pagbagsak ng kita ng dambuhalang mga kumpanya sa langis. Lugi ang mga kumpanya sa langis lalu na sa US kung mas mababa pa sa $30/bariles ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan.