Pinakamataas na Pulang pagpupugay kay Kasamang Ferdinand "Ka Islaw" Poblacion Jr: Makabayang Guro, Artista, at Mabuting Anak ng Bayan.
Artikulo mula sa Kalayaan-Gitnang Luzon Special Issue, March 2021
Download full issue here: PDF
Pinagpupugayan ng Kabataang Makabayan – Gitnang Luson ang makabuluhang buhay na inalay ni Kasamang Ferdinand “Ka Islaw” Poblacion, Jr. para sa pagsusulong ng digmang bayan sa rehiyon. Inalay niya ang sikhay ng kanyang kabataan sa pagpapalakas ng kilusang masa sa urban, naging pangunahing kadre sa hanay ng mga kabataan at estudyante, kalaunan ay matiyagang nag-organisa sa hanay naman ng mga manggagawa, hanggang sa buong-pusong naglingkod sa mga magsasaka’t katutubo bilang isang pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
Mula sa tinutungtungang tore ng pagiging petiburges ay nagpasya siyang lumubog sa mga pabrika, hasyenda, malawak na kapatagan, at mga kabundukan ng Gitnang Luson. Sa loob ng deka-dekada niyang pagkilos bilang isang rebolusyonaryo, malalim nang nakatatak ang kasaysayan ng kanyang ginintuang pag-aambag sa puso ng saan mang larangan at sa buong mamamayang api na kanyang pinagsilbihan.
Isang tropeyo para sa kaaway ang pagkapaslang nila kay Ka Islaw noong December 04, 2020 sa Barangay Moriones, San Jose, Tarlac. At kagaya rin ng iba pang mga biktima ng pasismo ng estado, pilit pinapalabas na siya’y nanlaban habang hinahainan ng warrant of arrest ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Tarlac, 2nd Provincial Mobile Force Company, 3rd Mechanized Battalion, at 7th Infantry Division. Ngunit lagi’t lagi, ang naratibo ng kaaway ay naratibo ng paglulubid sa katotohanan.
Si Ka Islaw ay isang isang makabayang guro, mahusay na artista, at mabuting anak ng bayan. Katulad ng kanyang ama at ina, kumuha siya ng kursong Bachelor in Secondary Education sa isang Unibersidad sa kanyang probinsya sa Tarlac at nagtapos noong 1999. Habang nasa kolehiyo, naging artist siya ng kanilang pahayagang pangkampus, mabilis din siyang namulat at sumapi sa LFS noong 1995.
Bilang aktibistang estudyante, nanguna si Ka Islaw sa kampanyang itigil ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskwela, naging bahagi rin siya ng panawagang patalsikin ang Presidente ng kanilang Unibersidad dahil sa mga alegasyon ng harassment at rape sa ilang mga estudyante. Malaki rin ang ginampanan niya para pagkaisahin at itatag ang Association of Fraternities at Sororities (AFSO) sa loob ng kanyang Unibersidad, napakilos niya ang mga ito para isulong ang mga kampanyang masa hinggil sa edukasyon.
Bilang organisador ng kabataan sa rehiyon ay lumahok din siya sa kampanya para ibasura ang Visiting Forces Agreement, naging instrumental si Ka Islaw sa pagbubuo ng muti-sektoral na alyansang anti-VFA. Gayundin, pinangunahan niya ang Estrada Resign Movement sa Tarlac taong 2000 na nagpakilos ng daan-daang mga kabataan sa lansangan hanggang sa matagumpay ngang napatalsik ang dating Pangulong US-Estrada.
Dahil sa mga nilahukang pakikibaka, napalalim ang pag-unawa at pagyakap ni Ka Islaw sa rebolusyanaryong gawain bilang aktibista ng Kabataang Makabayan. ‘Di nagtagal ay naging kasapi siya ng Partido Komunista ng Pilipinas at Kalihim ng Kabataan sa Tarlac. Sa ilalim niya bilang kalihim ay sumibol ang mga organisasyong kabataang progresibo at makabayan sa probinsya. Sa kabilang banda, sa panahon ng matinding disoryentasyon sa organisasyon, isa si Ka Islaw sa mga kabataang kadre na nagtaguyod sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) o ang sustenidong kampanya sa edukasyon para punahin, iwasto, at itakwil ang mga mayor na kamalian sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon sa loob ng Partido.
Bukod sa pagiging mahusay na guro ng masa, ginamit din niya ang kanyang talento sa pagguhit para mapalaganap ang panawagan ng mga mamamayan. Ilang mural ang tinatiyaga niyang gawin tuwing may mga rally o pagkilos. At sa bawat pagkakataon ay binigay niya ang buo niyang lakas at husay para makapagluwal ng isang sining na mapagpalaya. Mahalaga para kay Ka Islaw ang rebolusyonaryong sining sa pag-abot ng kamalayan ng masa. Bukod sa paghihikayat sa mga kabataan na lumahok sa mga isyu ng mangagagawa at magsasaka, hinikayat din niya ang mga ito sa pagbubuo ng mga kultural na grupo na galing sa iba’t ibang sektor ng probinsya.
Kalaunan ay naging organisador siya sa hanay ng mga manggagawa. Mahalaga ang ginampanang papel ni Ka Islaw sa pampulitikang edukasyung ng mga unyonista, lalo na’t sunud-sunod noon ang mga strike na naipanalo ng mga manggagawa sa Tarlac kabilang na dito ang unyon sa IWS, Rabbit, Cindys, at ng Blooming. Ngunit taong 2006, kasama siya sa mga organisador ng PISTON na inaresto sa Pampangga habang nasa gitna ng isang pagpupulong, dito siya unang nakaranas ng torture sa kamay ng kaaway, subalit hindi nagapi ng karanasang ito ang mahigpit na pagtangan ni Ka Islaw sa kanyang rebolusyonaryong tungkulin.
Kaya naman, noong 2008 ay nagpasya na siyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Isa si Ka Islaw sa mga kadre na tumuwang sa pagbubuo ng larangang gerilya sa Zambales Mountain Ranges. Puspusan siyang gumampan ng mga gawain at naging mahusay na politiko-militar. Matiyaga rin siya sa gawaing konsolidasyon, walang kapaguran sa pagtuturo ng pagkwenta’t literasiya sa kasama at masa, masikhay sa gawaing pag-aaral at pagsusulat.
Malaki ang inambag niya sa gawaing propaganda sa pamamagitan ng kanyang mga likhang sining. Sa katunayan, isa siya sa mga nagtaguyod sa pagpapalabas ng Himagsik, ang pangrehiyong rebolusyonaryong publikasyon ng Gitnang Luson. Masigasig at nagpursigi rin siya para buuin ang Bigwas-Kanlurang Gitnang Luson, ang panlarangang publikasyon at produksyong multi-media sa Zambales mountain ranges.
Mahal na mahal si Ka Islaw ng kaniyang pamilya, ng mga nakasalamuhang kapwa aktibista, ng mga masang pinag-alayan niya ng buhay hanggang sa kanyang huling hininga. Ang kanyang kasaysayan ay isang maningning na halimbawa sa buhay na ‘di-makasarili at makatwiran. Makailang beses man yanigin ng pasismo, bumangon muli’t nagpatuloy sa paglalakbay si Ka Islaw. Kagaya ng lagi niyang sinasabi, hindi tayo dapat magpagapi sa takot, kumilos ng may pag-iingat subalit huwag hayaang paralisahin tayo ng ating mga pangamba at mga kinakatukan.
Kagaya ng iba pang mga martir ng rebolusyon, ang kanyang buhay na ipinuhunan ay tulad ng binhing palay na hinahasik sa mga kabukiran. Tumutubo at yumayabong ang pag-asa sa puso ng sambayanan – tagumpay ng sosyalistang lipunan ay makakamit!
PULANG SALUDO KAY KASAMANG FERDINAND “KA ISLAW” POBLACION JR!
BAYANI NG REBOLUSYONG PILIPINO!