Ang US sa likod ng gera kontra-insurhensya ng AFP

,

Bumisita ang punong kumander ng Philippine Army First Scout Ranger Regiment sa Indonesia noong Marso 29 hanggang Abril 1 upang planuhin ang gaganaping pagsasanay ng mga militar ng Pilipinas at Indonesia sa Hunyo nitong taon. Layunin ng naturang pagsasanay ang magbahaginan ng kaalaman, taktika at teknika, at mga paraan sa pagsagawa ng mga operasyong kontra-insurhensya.

Mistula mang nagsasarili ang magkaratig-bansa, ang totoo’y nakapaloob ang kanilang mga kampanyang kontra-insurhensya sa “pandaigdigang gera kontra-terorismo” ng US. Matapos ang serye ng mga pagsasanay sa mga pwersa ng mga bansang ito tulad ng “Balikatan” sa Pilipinas at “Gandura Shield” sa Indonesia, nagsisilbi na silang mga galamay ng militar ng US upang labanan ang mga rebolusyonaryo at karibal na imperyalistang bansa.

Sa Pilipinas, magbagu-bago man ang mga naghaharing rehimen ay nanatiling matapat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsunod sa kumpas ng US sa kontra-insurhensya. Ngayon nga’t upisyal nang magtatapos ang termino ni Rodrigo Duterte sa Hunyo, ang malupit na kontra-insurhensyang gera nila ng US ay patuloy na liligalig sa mga komunidad ng magsasaka’t katutubo. Hahamon ito sa pakikidigmang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) upang ipagtanggol ang mamamayan.

Dagdag-pwersa laban sa “mahinang kalaban”

Sa gitna ng gasgas na hambog na madudurog ang BHB bago magtapos ang termino ni Duterte, nagdagdag ang AFP at Philippine National Police (PNP) noong 2021 ng 21 bagong mga yunit pangkombat laban sa hukbong bayan. Sa ngayon, 166 batalyong pangkombat ng Army, Air Force, Marines, Scout Rangers, PNP Special Action Force at iba pang yunit ng militar at pulis ang nakatutok sa BHB.

Dahil sa kalabisang ito, nagagawang magpakat ang AFP at PNP ng lima hanggang anim na batalyon laban sa prayoridad nilang mga eryang subrehiyon o larangang gerilya ng BHB. Dalawa hanggang tatlo naman ang itinatalaga sa mga di-prayoridad na subrehiyon at larangang gerilya.

Tinatayang 60% ng kabuuang bilang ng mga batalyong pangkombat laban sa BHB ay nakatutok sa mga rehiyon ng Southern Tagalog, Eastern Visayas, Southern Mindanao, Bicol at North Central Mindanao. Kapansin-pansin din ang pagdami ng reaksyunaryong hukbong idineploy sa Far South Mindanao at Negros.

Samantala, nasa Cagayan ang pinakabagong-buong 102nd IB na kumukumpleto sa limang batalyon sa prubinsya, liban pa sa mga pwersang pangkombat ng PNP. Layunin nito na gapiin ang BHB sa lugar upang mapokusan ng US at AFP ang pagharap sa China, na halos 840 kilometro lamang ang distansya mula sa prubinsya. Sa baybayin ng Claveria, Cagayan isinagawa ang pagsasanay ng 3rd Marine Littoral Regiment ng US na binuo para sa tiyak na misyong lusubin ang China. (Tingnan ang kaugnay na artikulo: Balikatan 2022: Pagpapaigting ng giriang US-China at gera kontra-insurhensya)

Pwersang pang-golpe de gulat

Mula 2017 ay ipinatupad ng kaaway ang mga Joint Operations (pinagsanib na mga operasyon) ayon sa doktrinang Combined Arms Operations ng US Army. Layunin umano nitong pangibabawan ang hiwa-hiwalay na koordinasyon sa mga sangay ng militar para sa tuluy-tuloy na atake.

Dito ay pinag-iisa ang kumand ng mga patrulya, kanyon at tangke, pandigmang eroplano at helikopter at pwersang nabal bilang isang koordinadong golpe de gulat laban sa mga pwersang gerilya. Alinsunod dito ay binuo sa mga rehiyon ang mga Joint Task Force na pinamumunuan ng heneral ng Infantry Division. Kakabit nito ang pagsuporta ng US sa kapasidad ng AFP sa cyberwarfare (o paggamit ng mga sistema ng kompyuter para sa gera) upang palakasin ang internal na sistemang pangkomunikasyon ng AFP para sa pagmando sa mga labanan.

Lalupang dumarami ang umaatake sa mga komunidad dahil isinasanib na rin sa operasyon maging ang mga pwersang pulis.

Sa ganitong direksyon din binuo ang Brigade Combat Team na may sariling kumbinasyon ng mga armas at tuluy-tuloy na sinasanay ng US. Idineploy ito sa 11th ID na binuo noong 2018 at pinondohan ng di bababa sa ₱900 milyon. Saklaw ng operasyon ng 11th ID ang mga prubinsya ng Sulu at Tawi-Tawi, kung saan nakabase ang mga pwersang militar ng US.

Ang tila napakalaking kalamangang ito sa militar, kabilang ang daan-daang bilyong pisong pondo sa panahon ni Duterte, ay hindi tanda ng kalakasan kundi tanda ng pagsandig ng naghaharing sistema sa armadong pagsupil upang makapanatili sa kapangyarihan.

Ang US sa likod ng gera kontra-insurhensya ng AFP