Inutang na dugo ng tirano: Ulat sa Karapatang-tao sa huling mga buwan sa pwesto ni Rodrigo Duterte

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Nagtapos ang rehimen ni Rodrigo Duterte na tigmak ang bayan sa dugo ng laksang libong biktima ng bigong todo-gera ng tirano. Napakahaba ng listahan ng mga kaso ng abusadong mga sundalo at pulis na ginahis at dinahas ang sambayanan sa utos ng kriminal sa digma. Sa huling bigwas ng buktot na gera ni Duterte nitong unang hati ng 2022, libu-libo pang sibilyan at walang-laban na mga rebolusyonaryo ang sinaklot ng mga paglabag sa karapatang-tao.

Naitala ng Ang Bayan (AB) ang di bababa sa 137 kaso ng iba’t ibang anyo ng paglabag mula Enero hanggang Hunyo 2022. Umaabot sa 5,843 ang naging biktima ng mga kasong ito, kung saan mahigit 91% ay biktima ng mga atake sa komunidad. May 166 biktima naman ng mga pag-aresto at detensyon. Samantala, 40 indibidwal ang ekstrahudisyal na pinaslang, at may pitong iba pang nakaligtas na tinarget din ng mga pagpatay. (Tingnan: Talahanayan 1. Mga Paglabag)

 

Huling inilabas ng AB ang tinipong mga ulat sa karapatang-tao noong unang linggo ng Disyembre 2021. Matapos ang nasabing ulat, nakapagtala pa ng sampung biktima ng pagpaslang sa loob lamang ng buwang iyon. Mayroong 1,560 residente rin sa limang barangay sa Palimbang, Sultan Kudarat ang pwersahang pinagbakwit noong Disyembre 9, at 160 naman sa Capiz at Iloilo sa dalawang linggong militarisasyon noong Disyembre 14-27. Aabot din sa 100 residente ang lumikas dahil sa panganganyon sa Lagonoy, Camarines Sur noong Disyembre 28.

Hindi mga numero lamang ang libu-libong biktima ng gerang panunupil ni Duterte. Bawat marka sa talaan ng mga berdugo ng rehimen ay may katumbas na pangalan ng magsasaka, katutubo, manggagawa at iba pang naghihirap at aping uri at sektor. Sa simula’t sapul, sila ang dumanas ng pinakamatitinding atake. Binubusalan maging ang kanilang mga sigaw para sa katarungan.

Mula Enero hanggang Hunyo, nangunguna sa listahan ng mga biktima ay mga katutubo (2,206), manggagawa (2,000) at magsasaka (1,514). (Tingnan: Talahanayan 2. Ang mga Biktima) Kasunod nila sa listahan ng mga biktima ay ang kanilang mga kauri at tagapagtaguyod ng kanilang kapakanan mula sa mga progresibo at militanteng organisasyon, at mga kritiko ng gubyerno. Umabot sa 78 ang mga biktimang kasapi ng mga samahang pangmasa sa ilalim ng Makabayan at Bayan.

 

 

Ang mga nanggahis: ang mga mersenaryo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), kapwa mga unipormado o nagbihis-sibilyan. Ang mga pamamaraan sa pagsakop sa mga komunidad, pagbabansag na “terorista” na kalauna’y walang mintis na humahantong sa asasinasyon, pagdukot, pag-aresto at tortyur, ay ilan lamang sa mga natutunan nila mula sa mga tagapayo- at tagasanay-militar ng US. Mula sa indoktrinasyon, pondo, armas at taunang mga pagsasanay, epektibo silang nagiging bisig ng militar ng US sa todo-gerang kontra-insurhensya sa bansa.

Maramihan ang target

Nitong 2022, umaabot na sa 166 ang bilang ng mga batalyong pangkombat ng AFP at PNP, na mas marami kesa nagdaang taon. At dumaluhong nga ang mga ito sa mga baryo at komunidad. Sa panahong saklaw nitong ulat, nangunguna pa rin sa dami ng sinaklot na biktima ay ang mga paglabag na tumatarget sa mga komunidad. Partikular dito ang pwersahang pagpapabakwit at dislokasyon na nagtala ng mahigit 4,340 biktima. Aabot din sa 1,000 ang biktima ng blokeyo sa pagkain at ekonomya.

Ang mga bilang na ito ay bahagyang larawan lamang ng laksa-laksang biktima. Partikular sa kaso ng pagblokeyo, ang naitalang bilang ng mga biktima ay sa isang bayan lamang sa isla ng Mindoro. May apat na bayan pa sa naturang isla, at isa sa Lanao del Sur ang hindi nakapagtala ng mga biktima.

Malawakan at walang pagtatangi ang mga atakeng ito, na tahasang nagwawalang-bahala sa kapakanan ng mga bulnerableng sektor tulad ng matatanda, kababaihan at mga bata. Kalimitan, ang mga paglabag na ito ay may kakumbinang matagalang okupasyon, panganganyon, at pambobomba at istraping mula sa ere. (Basahin ang kaugnay na ulat sa cpp.ph.)

Mula 2020, tuluy-tuloy na nagtala ng pinakamaraming biktima ang mga atake sa komunidad, kahit pa ang paglabag na ito ay hindi nagtala ng pinakamaraming bilang ng insidente. Batay sa nagdaang mga ulat, ang pinagkumbinang bilang ng mga biktima sa mga kaso ng pwersahang pagpapabakwit at blokeyo ay mahigit 37,000 (51 kaso) noong 2020 at mahigit 23,000 (27 kaso) noong 2021. (Tingnan: Talahanayan 3. Taun-taong teror)

 

Maihahanay din bilang atake sa komunidad ang maramihang pagdakip at pagkulong noong Hunyo 9 sa tinaguriang Tinang 94. Ito ang tawag sa grupo ng mga magsasaka at kanilang mga tagasuporta na naglunsad ng kolektibong pagsasaka sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac. Ang bilang na ito ay nagpalaki sa bilang ng mga biktima (166) ng pag-aresto at detensyon kumpara sa nagdaang kalahating taon (135), kahit pa lumiit ang bilang ng mga kaso kumpara sa parehong panahon (49 tungong 31).

Binalingan ang ibang prubinsya

Sa huling sikad ng pasismo ni Duterte, kapansin-pansin ang pagdami ng mga biktima sa mga prubinsya ng Agusan del Norte, Occidental Mindoro, Maguindanao, Ifugao at Tarlac. (Tingnan: Talahanayan 4. Pinuntiryang mga prubinsya)

Tumaas din ang bilang ng mga biktima sa Negros Occidental, na nagtala ng pinakamaraming kaso ng paglabag (21) sa loob ng panahong saklaw. Sinusundan ito ng Sorsogon na may 15 kaso, at Metro Manila (12 kaso). Mula 2020, ang huling tatlong nabanggit na lugar ay dumanas ng tuluy-tuloy na mga paglabag sa karapatang-tao.

Masasabing naging pokus ng mga atake ng papatapos na rehimeng Duterte ang mga prubinsyang nabanggit. Sa kabilang banda, maaaring hindi naiuulat ang matitindi pa ring paglabag sa ibang prubinsya dulot ng mas limitadong mga paraan para maipaabot ng taumbaryo ang mga atake sa kanila. Halimbawa, mula 2020 ay palaging kabilang ang Northern Samar sa may mga pinakamaraming paglabag. Mula naman sa 78 na kaso noong huling kwarto ng 2021 ay nagtala lamang ng dalawang kaso sa prubinsya. Gayunman, malimit na laman ng mga balita ang mga labanan sa pagitan ng BHB at mga sundalo at pulis, na tanda ng matinding operasyong militar sa prubinsya.

Asal-hayop sa mga rebolusyonaryo

Palibhasa’y walang batas ng digma na kinikilala at nirerespeto, kaya’t mga barbaro kung lumaban ang armadong mga alagad ng nagdaang rehimen. Sa panahong saklaw nitong ulat, di bababa sa 15 Pulang mandirigma at lider ng Partido Komunista ng Pilipinas na wala sa katayuang lumaban ang pinatay ng mga tauhan ng AFP at PNP. Naging bahagi ng maruming taktika ng rehimen ang paglikida sa nadadakip na rebolusyonaryo upang pagtakpan ang mga paglabag sa mga alituntuning sumasaklaw sa mga kalahok sa gera.

Kabilang dito ang maysakit na konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Pedro Codaste (Ka Gonyong) at kapwa nagpapagaling na Pulang mandirigma na si Ka Sandro. Dinukot ang dalawa sa tinutuluyan nilang bahay sa Cagayan de Oro noong ikatlong linggo ng Enero at ilang araw na pinahirapan. Inilitaw ng 4th ID ang kanilang mga bangkay sa masukal na bahagi ng Barangay Kalabugao, Impasug-ong sa katabing prubinsya ng Bukidnon at pinalabas na kapwa namatay sa labanan.

Kahalintulad nito ang paraan ng pagpatay noong Disyembre 2021 sa mga lider ng Partido na sina Menandro Villanueva at Sandra Reyes. Kapwa nadakip nang buhay ang dalawang kasama, tinortyur at pinatay sa gawa-gawang labanan. Samantala, hindi pa rin inililitaw ang mga konsultant ng NDFP na sina Ezequiel Daguman at Edwin Alcid na magkasunod na dinukot sa magkahiwalay na prubinsya noong unang linggo ng Enero. Isa pang sibilyan na kasama ni Alcid ang idinamay sa pagdukot.

Tuminding teror sa panahon ng eleksyon

Tampok na yugto ng huling mga buwan ni Rodrigo Duterte sa poder ay ang panahon ng eleksyon, kung saan ikinumbina sa malakihang elektronikong pandaraya ang mga atake laban sa mga pangmasang organisasyon. Iniluklok ng gayong pandaraya at pandarahas si Marcos Jr at si Sara Duterte na nagpanumbalik sa kinamumuhiang pamilyang Marcos, at nagtiyak ng pananatili sa kapangyarihan ng pamilya ng tiranong Duterte. Umaasa si Rodrigo Duterte na sa gayon ay makaiiwas siya sa pang-uusig ng mga biktima ng kanyang kriminal na mga gera.

Sinala sa kabuuang ulat ang mga kasong maituturing na tuwirang kaugnay ng eleksyon, at nakapagtala ng di bababa sa 44 iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Pinakamarami dito (24) ay mga kaso ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon na nakapuntirya sa mga organisador at tagasuporta ng Makabayan. Karugtong ito ng 77 kaso ng parehong mga paglabag sa naunang kalahating buwan, na nagpapakita ng sustenidong atake sa mga nabanggit. (Tingnan: Talahanayan 5. Teror sa Eleksyon)

Pinakamarami ang naging biktima sa Cavite, matapos buu-buong idawit ni Rep. Jesus Crispin Remulla (ngayo’y Kalihim ng Department of Justice) sa armadong rebolusyonaryong kilusan ang 47,000 na dumalo sa raling pangkampanya ng tambalang Robredo-Pangilinan noong Marso 4. Ilang araw matapos nito, 11 organisador at myembro ng Makabayan ang inaresto sa Silang sa naturang prubinsya.

Mayroon ding pitong naitalang biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay, at anim na dinukot.

May mga araw ng paniningil

Mabigat na hamon para sa mga biktima, pamilya at mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao na kamtin ang katarungan sa malupit at maruming gera ng nagdaang rehimen, lalupa’t sa ilalim ng gubyernong Marcos 2 ay lalong nagiging buktot ang mga atake ng militar at pulis sa mamamayan.

Gaano man kalaki ang balakid, pursigido ang mamamayan sa pagpapanagot kay Rodrigo Duterte sa kanyang mga krimen sa digma, sampu ng kanyang mga berdugong kumander at heneral. Lumalakas din ang sigaw ng pagtigil sa pambobomba at panganganyon, at pagpapatakbo ng US sa kontrainsurhensyang gera sa bansa. Dagdag pa, ang mga pagsisikap ng mamamayan para sa katarungan ay tinutugunan ng BHB sa pagparusa sa berdugong mga yunit ng militar at pulis at kanilang mga kumander.

Inutang na dugo ng tirano: Ulat sa Karapatang-tao sa huling mga buwan sa pwesto ni Rodrigo Duterte