Ulat sa Karapatang-tao (Hulyo 1, 2022-Disyembre 10, 2022) Sa unang mga buwan sa poder: Duguan ang kamay ni Marcos Jr

,

Ang ulat na ito ay halaw sa mga nakalap na balita ng Ang Bayan (AB) hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong ahente ng rehimeng US-Marcos Jr mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 10 ngayong taon (163 araw). Layon nito na ipakita ang lawak ng brutalidad at karahasan na dinanas ng mamamayang Pilipino sa unang mga buwan ng rehimen.

Walang pagbabago sa porma at laman ng mga kampanyang panunupil ng rehimeng Duterte ang ipinatupad ni Ferdinand Marcos Jr. Walang awat ang gerang kontra-insurhensya sa kanayunan sa anyo ng nakapokus na mga operasyong militar, okupasyon ng mga sundalo sa mga baryo, pambobomba at sapilitang pagpapasurender sa mga sibilyan. Sa aktwal, pinatindi ni Marcos ang pananalasa ng AFP sa namana niyang layunin na “durugin” ang rebolusyonaryong kilusan sa katapusan ng 2022.

Patuloy na namamayagpag ang AFP sa tabing ng National Task Force-Elcac. Sa kanayunan, sinasakop nito ang mga komunidad ng mga magsasaka at minoryang mamamayan, at kinubabawan ang mga lokal na sibilyang burukrasya para pasunurin sa lahat ng utos at patakaran ng militar. Sa kalunsuran, walang lubay ang pangre-red-tag nito para bigyan-katwiran ang marahas na pang-aatake sa mga aktibista, kalaban sa pulitika at maging sa ordinaryong mamamayan.

Tulad ng kanyang amang diktador, walang ipinakitang interes si Marcos Jr sa pagkamit ng kapayapaan sa bansa sa pamamagitan ng pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng National Democratic Front of the Philippines. Pinayagan niyang mamayagpag ang ambisyosang si Sara Duterte na nagtutulak ng “lokalisadong usapang pangkapayapaan” na walang iba kundi matinding panggigipit sa mga magsasaka at katutubo para agawin ang kanilang mga sakahan at lupang ninuno.

Sa talaan ng AB, 47,017 o 288 kada araw sa abereyds ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa unang anim na buwan ni Marcos. Sa kabuuan, 379 kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao ang naitala ng AB. Halos tatlong ulit na mas malaki ang bilang ng mga kaso kumpara sa naitalang kaso (137) sa unang hati ng taong 2022, patunay na tumitindi ang paninibasib ng AFP at PNP. Mga magsasaka at minoryang mamamayan ang pangunahing tinarget ng mga pasistang atake ng estado. Malaking porsyento (47.2%) ng mga biktima ay mula sa isla ng Negros ayon sa mga ulat.

Sa abereyds, hindi bababa sa pito ang biktima ng pampulitikang pamamaslang kada buwan. Kada linggo, halos tatlo ang biktima ng tortyur habang mayroon isang biktima ng pagdukot. Tinatayang 126 ang biktima ng pagbabanta, pananakot at intimidasyon kada araw. Hindi bababa sa 37,144 ang naging biktima ng sapilitang pagbabakwit at dislokasyon dulot ng malawakang militarisasyon at okupasyong militar sa kanayunan.

 

Marami pang kaso sa kanayunan ang hindi naiulat dulot ng tindi ng mga operasyong militar. Hindi isinali sa taalang ito ang mga pinaslang sa ngalan ng “gera kontra droga” na ipinagpatuloy ng rehimen. Hindi rin matamang nasaklaw sa kasalukuyang ulat na ito ng Ang Bayan ang maraming paglabag sa karapatan ng mamamayang Moro.

Sa ulat na ito, sinikap ng AB na isa-isahin at tukuyin ang bawat paglabag sa isang kulumpon ng mga insidente. Ginamit nito ang internasyunal na pamantayan sa pagtaya ng bilang ng mga biktima ng ebakwasyon at militarisasyon, at ang posibleng bilang ng mga batang apektado.

Pagpaslang at bigong pagpaslang

Hindi bababa sa 45 ang naging biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa sa ilalim ng rehimeng Marcos. Mas marami ito kumpara sa rekord ng biktima ng pagpaslang sa unang hati ng 2022 (40). Walo sa mga pinaslang ay inaresto at ikinulong bago walang-pakundangang pinatay. Apat sa mga biktima ang dumanas ng tortyur bago pinatay.

Sa mga pinaslang, 22 ang mga hors de combat (mga kombatant na wala nang kakayahang lumaban dahil sugatan o maysakit), hindi kombatant at mga retirado ng rebolusyonaryong kilusan. Labag sa internasyunal na makataong batas at alintuntunin ng digma ang sadyang pagpaslang sa kanila. Labinglima (15) naman sa mga pinaslang ay mga magsasaka. Tatlo sa mga biktima ay mga bata at isa ay buntis.

Lahat ng mga magsasakang pinatay ay pinalabas ng AFP na mga armadong kombatant ng BHB na napaslang sa gawa-gawang mga engkwentro. Nilagyan ng mga armas, bala at iba pang gamit militar ang kanilang mga patay na katawan, kinuhaan ng litrato at ipinakalat sa social media para pagpyestahan ng mga troll ng militar.

Isa sa mga nagtala ng malaking bilang ng mga biktima ang rehiyon ng Negros kung saan 17 ang pinatay. Kabilang dito ang tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa isla na si Romeo Nanta (Ka Juanito Magbanua) at kilalang makata at konsultant ng NDFP na si Ericson Acosta. Saklaw ng operasyon ng 3rd ID ng Philippine Army ang isla ng Negros na dating pinamumunan ni Major General Benedict Arevalo. Si Arevalo ay itinalaga nang kumander ng AFP Visayas Command noong Nobyembre 14.

Nakapagtala ang AB ng tatlong kaso ng masaker sa parehong panahon. Kabilang dito ang kahindik-hindik na pagpaslang ng 62nd IB sa 16-anyos na si Everly Kee Jacolbe kasama ang kanyang 5-buwang buntis na inang si Cristina Jacolbe at kaanak na si Rodan Montero sa Sityo Banderahan, Barangay Trinidad, Guihulngan City noong Hulyo 26. Malaon nang tinutugis ng militar ang nakatatandang Jacolbe sa paratang na sumusuporta sa hukbong bayan.

Sa kabuuan, lima ang biktima ng tangkang pagpaslang at 62 ang biktima ng tortyur. Malaking mayorya (56) sa mga biktima ng tortyur ay mga magsasaka sa kanayunan na sinasaklaw ng militarisasyon ng AFP. Marami sa mga kaso ng tortyur ay pawang mga napag-initan ng sundalo o nakasalubong habang nag-ooperasyon at binalingan ng pasistang bangis ng mga ito.

Pokus: Pagtoryur sa buu-buong pamilya

Sa Surigao Del Sur, dinakip at 13 oras na tinortyur ng mga tropa ng 75th IB ang pitong magkakamag-anak na magsasaka sa Sityo Katabadan, Barangay San Roque, San Miguel noong Setyembre 18. Kinuha sila ng mga sundalo habang nagtatrabaho sa kanilang abakahan kahit pa nagpaalam sila sa mismong mga sundalo na sila’y magtatrabaho, bagay na labag din sa kanilang karapatan sa malayang pagkilos. Dinampot at pinahirapan ng mga sundalo si Leboy Montenegro, kanyang asawang na si Etshell at kamag-anak na sina Erlyn at John Paul. Tinortyur kahit ang dalawang menor-de-edad na sina Archie at Dennis. Kasama ng pamilyang Montenegro noon si Raffy Arcinal na binugbog din ng mga sundalo. Binalot si John Paul sa trapal at pinagtatadyakan. Si Leboy naman ay nilagyan ng plastik na supot sa ulo at pinagapang sa harap ng kanyang pamilya.

Sa Negros Occidental, higit apat na oras na ikinulong ng 94th IB ang mag-asawang Gamay at Orillo Carpentero kasama ang kanilang 1-taong gulang na anak, at si Dodong Carpentero, sa kampo militar sa Barangay Camingawan, Kabankalan City noong Setyembre 20. Ipinailalim sila sa matinding sikolohikal na tortyur. Kumukuha ng gulay ang magkapatid na Gamay at Dodong nang dakpin sila ng higit 20 sundalo. Nginudngod ang mukha ni Gamay sa lupa nang magtangka siyang sumigaw at humingi ng tulong. Alas-9 na ng gabi sila pinakawalan.

Naiulat sa Oriental Mindoro noong Setyembre 22 ang pambubugbog sa Mangyan-Hanunuo na si G. Kitot at kanyang anak sa Sityo Gaang, Barangay Panaytayan, Mansalay. Nagkakaong ang mag-ama nang biglang lumusob ang berdugong militar. Binastos pa ng militar ang maybahay ni G. Kitot at niyayang magsiping habang binubugbog ang asawa niya. Dinukot si G. Kitot ng mga sundalo matapos nito. Wala pang ulat kung inilitaw na siya ng mga sundalo.

Pag-aresto, pagdukot, at pagbabanta, panggigipit, at intimidasyon

Nakapagtala ang AB ng 45 kaso ng arbitraryong pag-aresto at detensyon sa huling hati ng taon. Hindi bababa sa 90 ang biktima sa mga kasong ito kung saan pinakamarami ay mga magsasaka (52). Dalawampung kaso ang naitala sa Negros Occidental, 13 sa Oriental Mindoro at siyam sa Surigao del Sur.

Marami sa mga biktima ang pinalalabas ng pwersa ng estado na mga kasapi ng hukbong bayan. Karaniwan nang ginagawa ng estado ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kasong illegal possession of firearms and explosives, pagpaslang at bigong pagpaslang para ikulong ang mga biktima.

Pokus: Adora Faye de Vera

Inaresto ng mga pwersa ng estado si Adora Faye de Vera, 66, isang senior na may sakit na chronic asthma at iniindang mga kumplikasyon. Dinakip siya ng mga pulis sa isang bahay sa Teachers Village East, Quezon City noong Agosto 24. Si de Vera ay isang makata at beteranang aktibistang kontra-diktadura. Kabilang siya sa libu-libong aktibista at sibilyan na dumanas ng pagkakakulong, tortyur at panggagahasa noong panahon ng batas militar. Sinisimbolo niya ang brutalidad ng batas militar sa mga kababaihang detenidong pulitikal. Noong 1976, dinukot siya ng mga ahenteng militar at siyam na buwan siyang itinago at paulit-ulit na ginahasa ng mga berdugo bago siya nakatakas.

Kabilang ang kaso ni de Vera sa mga idinulog ng mga grupo sa karapatang-tao sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland nito lamang dumaan na Nobyembre.

Liban dito, naitala rin ng AB ang 26 na biktima ng pagdukot sa 12 prubinsya. Kabilang sa mga ito sina Elgene Mungcal ng grupong Gabriela at Ma. Elena “Cha” Cortez Pampoza ng Anakpawis na dinukot ng pinaghihinalaang pwersa ng militar sa Moncada, Tarlac noong Hulyo 3 at hanggang ngayon ay hindi pa rin inililitaw.

Kaugnay ng kaso ng dalawa, kinatigan ng Korte Suprema noong Nobyembre 29 ang inihaing “writ of amparo” ng kanilang mga kaanak para obligahin ang AFP, pulis at iba pang upisyal ng gubyerno na magpaliwanag kaugnay ng pagkawala ng mga aktibista.

Dagdag pa rito, nakapagtala ang AB ng hindi bababa sa 20,584 biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Higit na mas malaki ang bilang na ito kung maidadagdag ang libu-libong iba pang ipinarada at sapilitang “pinasurender” ng militar bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB sa kanayunan.

Lagim ng militar sa mga komunidad

Gamit ang higit 166 batalyong pangkombat ng AFP at PNP, sinasaklot ng mga operasyong kombat nito ang maraming komunidad sa kanayunan. Dulot ng mga ito, naitala ang mahigit 41,114 biktima ng pwersahang pagpapabakwit at dislokasyon. Higit-kumulang 26,660 naman ang biktima ng blokeyo sa pagkain at ekonomya. Ang mga bilang na ito ay bahagi lamang ng laksa-laksang biktima ng pananalasa ng militar.

Pinakamalaking kaso ng pwersahang pagbabakwit na naiulat ang naganap sa Himamaylan City noong Oktubre (tingnan ang Talahanayan 3).

Sa Occidental Mindoro, labis-labis ang brutalidad ng AFP sa pwersang pagpapalayas, dislokasyon at paggambala sa kabuhayan ng halos 8,600 katao na nanunuluyan sa mga barangay ng Rizal, Aguas, Pitogo at Manoot sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro noong Nobyembre 6 hanggang 7. Kinanyon at inistraping ng mga sundalo ng 203rd Ibde ang naturang mga lugar.

Sa Basilan, nasa 1,480 pamilya ang nagbakwit noong Nobyembre 9 sa anim na barangay sa bayan ng Ungkaya Pukan dulot ng pananalakay ng 101st IBde sa mga pwersa ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sa isang bidyo na ibinahagi ng isang residente, nakatipon ang mga bakwit, na karamihan bata, sa munisipyo sa sentro ng bayan.

Ang mga kaso ng pagbabakwit ay naitala lamang sa limang prubinsya. Tiyak na higit na marami pang mga kaso nito sa iba pang bahagi ng bansa.

Samantala, naitala ng AB ang tatlong kaso ng aerial bombing sa Bukidnon at Samar. Mayroon ding 36 kaso ng walang patumanggang pagpapaputok ng baril ng mga sundalo at 11 kaso ng panganganyon.

Sa naganap na aerial bombing sa Purok 8, St. Peter, Malaybalay City, Bukidnon, nagkandarapa sa pagtakbo ang mga residente dahil napakalapit sa kanilang komunidad ibinagsak ang mga bomba noong Nobyembre 16. Nagsidapa ang mga titser at mga estudyante sa kanilang mga klasrum habang paikot-ikot ang mga helikopter sa taas ng kanilang baryo.

Militarisadong Negros

Naghasik ng lagim ang mga yunit ng 3rd ID sa 142 komunidad sa halos sangkapat o 13 sa 57 mga bayan at syudad ng isla ng Negros sa loob ng anim na buwan. Sa Negros Oriental, naitala ang 103 biktima ng paglabag sa 36 na mga kaso. Samantala sa Negros Occidental naman, 23,969 ang mga biktima sa kabuuang 53 mga kaso ng paglabag.

Pinakamalaking paglabag sa isla ang malawakang pagbabakwit at dislokasyon ng halos 18,000 residente ng Barangay Carabalan at katabing mga komunidad nito noong Oktubre 8. Idinulot ito ng pagbubuhos ng higit 500 tropang militar ng 303rd IBde at pulis matapos ang isang armadong labanan sa Barangay Carabalan. Sapilitang pinalayas ng mga sundalo ang mga residente at ipinuwesto sa mga sentrong ebakwasyon na bantay-sarado ng mga militar.

Pinakilos sa naturang operasyong kombat ang 95th IB, 62nd IB, 16th Scout Ranger Company, Special Action Forces at lokal na mga yunit ng pulis. Itinayo sa mga kalsada ang napakaraming tsekpoynt na nagpahirap sa akses ng mga magsasaka sa kanilang kabuhayan at mga hayop. Higit isang linggo ang itinagal ng mga residente sa mga sentro ng ebakwasyon.

Atake sa mga bata at buntis

Walang sinasanto ang AFP at PNP sa maruming gerang kontra-insurhensya nito laban sa rebolusyonaryong kilusan. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, maraming mga bata ang apektado ng operasyong militar at tahasang tinatarget ng armadong galamay ng estado.

Sa tala ng AB, tatlong bata ang pinaslang ng mga sundalo sa huling hati ng taon. Laksang kabataan ang naging biktima ng sapilitang pagbabakwit at ditslokasyon dulot ng walang patumanggang pamamaril, panganganyon at pambobomba malapit sa kanilang mga komunidad.

Samantala, anim na buntis ang naging biktima ng maruming gera. Liban sa pagpatay sa 5-buwang buntis na si Cristina Jacolbe, lima ang dinukot ng mga sundalo at hanggang ngayon ay ikinulong sa mga hindi tinukoy na lugar o safehouse. Pinararatangan silang kasapi at tagasuporta ng hukbong bayan at ginagamit na hostage para pwersahing sumuko ang kanilang mga asawa o kaanak na myembro ng BHB.

Isa dito si Roselle Polinar, 41, na dinampot ng militar noong Agosto 26 sa Surigao City. Kasama niya noon ang kanyang live-in partner at dalawa pang buntis na sina Cherilyn Rebita at Jackilyn Egtob. Ikinulong sila ng 402nd IBde sa safehouse ng militar sa Ata-atahon, Nasipit, Agusan del Norte.

Si Polinar ay nanganak na ngunit nananatiling nasa kostudiya ng militar. Walang anumang kaso na isinasampa sa kanya sa mga korte ng gubyerno.

Sa unang mga buwan sa poder: Duguan ang kamay ni Marcos Jr