(Hun­yo 30, 2022 – Hun­yo 30, 2023) Unang taon sa poder ni Marcos Jr: 954 kaso ng paglabag
 sa karapatang-tao

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya

Pambungad

Ang ulat na ito ay halaw sa impormasyong tinipon at sinuri ng Ang Bayan (AB) hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong ahente ng rehimeng US-Marcos mula Hunyo 30, 2022 hanggang Hunyo 30 ngayong taon. Makikita sa ulat na ito ang tindi ng brutalidad at karahasan na dinanas ng mamamayang Pilipino sa unang taon ng rehimen, sa ilalim ng nagpapatuloy na kampanya ng pampulitikang panunupil na ipinag-utos ni Marcos.

Nais ipabatid ng AB sa mga mambabasa na marami pang kaso sa kanayunan ang hindi naiulat dulot ng tindi ng mga operasyong militar. Hindi na rin nito isinali ang tala ang mga pinaslang sa ngalan ng “gera kontra droga” na ipinagpatuloy ng rehimen. Hindi rin matamang nasaklaw sa kasalukuyang ulat na ito ang maraming paglabag sa karapatan-tao ng mamamayang Moro na karaniwang hindi naiuulat sa midya.

Sa ulat na ito, inisa-isa ng AB at tinukoy ang iba’t ibang paglabag sa karapatang-tao sa kada insidente. Ginamit nito ang internasyunal na pamantayan sa pagtaya ng bilang ng mga biktima ng ebakwasyon at militarisasyon, at ang bilang ng mga batang apektado.

Patakaran ng panunupil

Walang pagbabago sa porma at laman ng mga kampanyang panunupil ng nagdaang mga rehimen ang ipinatutupad ni Ferdinand Marcos Jr. Sa kanyang unang taon, walang awat ang gerang kontra-insurhensya sa kanayunan sa anyo ng nakapokus na mga operasyong militar, okupasyon ng mga sundalo sa mga baryo, pambobomba at sapilitang pagpapasurender sa mga sibilyan. Sa aktwal, pinatindi ni Marcos ang pananalasa ng AFP sa idineklara nitong layuning tuluyang “durugin” ang sinasabi nitong nalalabing mga larangan ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa.

Patuloy na namamayagpag ang AFP gamit ang National Task Force-Elcac para patuloy na kubabawan ng mga makinaryang militar ang sibilyang burukrasya at kontrolin ang lahat ng aktibidad ng sibilyang mga ahensya, sa antas pambansa hanggang barangay.

Sa kanayunan, sinasakop nito ang mga komunidad ng magsasaka at minoryang mamamayan, at nagpapataw ng paghaharing militar. Sa kalunsuran, walang lubay rin ang pangre-red-tag nito para bigyang katwiran ang marahas na pang-aatake sa mga aktibista, kalaban sa pulitika at maging sa ordinaryong mamamayan.

Walang pakundangan ang mga pwersa ng reaksyunaryong estado sa paglapastangan sa mga internasyunal na makataong batas at iba pang internasyunal na kasunduan na nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at hindi kombatant saan man may armadong sigalot.

Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Anito “…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation (pagputol sa anumang bahagi ng katawan) …kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”

Sa Pilipinas, pinagtibay ang katulad na mga alituntunin ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan noong 1998 ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Mga paglabag sa karapatang-tao

Sa talaan ng Ang Bayan, 94,448 ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa unang taon ng rehimeng Marcos Jr. Naitala ng AB ang aabot sa 954 kaso (o higit dalawang kaso kada araw) ng mga paglabag sa karapatang-tao sa buong bansa. Pinakamaraming kaso ang naitala sa buwan ng Oktubre 2022 (117 kaso).

Sa abereyds, halos siyam ang biktima ng pampulitikang pama­maslang kada buwan. Kada linggo, halos dalawa ang biktima ng tortyur habang umaabot ng dalawa ang dinudukot. Naka­pag­tala ng 72 biktima ng pagbabanta, pana­na­­kot at intimidasyon kada araw. Hindi ba­ba­ba sa 45,266 ang naging biktima ng sa­pi­litang pagbabakwit at dislokasyon dulot ng okupasyong militar sa kanayunan.

 

Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur

Hindi bababa sa 103 ang naging biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa sa unang taon ni Marcos Jr. Ang 47 biktima ay pinatay habang nasa kustodiya ng militar. Bakas sa mga labi ng karamihan ng mga biktima ang palatandaan ng tortyur. Labing-isa naman sa mga biktima ang napatay dahil sa walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo.

Mayorya sa mga kaso ay naitala sa panahong naglulunsad ng mga focused military operation (FMO) at Retooled Community Support Program (RCSP) ang mga sundalo at pulis sa mga komunidad. Halos lahat ng mga pagpaslang ay pinalalabas ng AFP na mga pekeng engkwentro o gawa-gawang labanan, na kagyat na pinabubulaanan ng pamilya, kapitbahay at maging ng mga lokal na upisyal ng barangay. Para pagmukhaing napatay sa engkwentro, binibihisan, nilalagyan ng mga armas, bala at iba pang gamit militar ang kanilang mga bangkay, kinukunan ng litrato at ipinakakalat sa social media ang mga larawan para pagpyestahan ng mga troll ng militar.

Sa mga pinaslang, 58 ay magsasaka at isa ay katutubong minorya. Pito sa mga biktima ay menor-de-edad, kung saan 9 na taong gulang ang pinakabata. Pinatay din ng mga pwersa ng estado ang isang 5-buwang buntis. Sa kabuuan, 14 na babae ang pinatay ng mga sundalo at pulis. Sa mga biktima, 26 ang mga hors de combat (mga kombatant na walang kakayahang lumaban dahil sugatan o maysakit), hindi kombatant at mga retirado ng rebolusyonaryong kilusan.

Sa nagdaang taon, nakapagtala ang AB ng limang kaso ng masaker at isang tangkang masaker.

Sa kabuuan, 29 ang biktima ng tangkang pagpaslang at 95 ang biktima ng tortyur. Malaking mayorya (60) sa mga biktima ng tortyur ay mga magsasaka sa kanayunan na sinasaklaw ng militarisasyon ng AFP. Marami sa mga kaso ng tortyur ay pawang mga napag-initan ng sundalo o nakasalubong habang nag-ooperasyon at binalingan ng pasistang bangis ng mga ito. Sila rin ay pinararatangang tumutulong sa hukbong bayan.

Pag-aresto, pagdukot, at pagbabanta, panggigipit, at intimidasyon

Nakapagtala ang AB ng 100 kaso ng arbitraryong pag-aresto at detensyon sa nagdaang taon. Hindi bababa sa 202 ang biktima sa mga kasong ito kung saan higit kalahati ay mga magsasaka (109). Pinakamarami ang inaresto at idinetine sa Negros Occidental (35), kasunod ang Quezon (25), Negros Oriental (21), Kalinga (12) at Oriental Mindoro at Surigao del Sur (tig-9).

Marami sa mga biktima ang pinalabas na kasapi ng hukbong bayan at sinampahan ng gawa-gawang mga kasong illegal possession of firearms and explosives, pagpaslang at bigong pagpaslang para matagalang ikulong at pagkaitan ng pagkakataong makapagpyansa.

Pokus: Pagkasangkapan sa Anti-Terrorism Law

Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, sinasagad ang pagkasangkapan sa Anti-Terrorism Law para arbitraryo at kabi-kabilang italagang “terorista” o “may kaugnayan sa terorismo” ang mga progresibong indibidwal o mga kritiko ng gubyerno. Hawak ng Anti-Terrorism Council ang labis-labis na kapangyarihan na magsakdal at maghusga. Ginagamit ito para paigtingin ang pampulitikang panunupil sa taumbayan.

Hindi bababa sa 67 indibidwal ang tinuran na “terorista” ng Anti-Terorrism Council (ATC), kung saan pito ay isinali sa panahon ni Marcos Jr. Ang pito ay kinilala bilang sina Dr. Maria Natividad Castro, isang duktor at tagapagtanggol ng karapatang-tao at katutubo sa Mindanao; mga lider ng Cordillera People’s Alliance na sina Sarah Abellon-Alikes, Jennifer Awingan, Windel Bolinget at Stephen Tauli; at sina Jovencio Tangbawan at May Vargas-Casilao.

Sa bisa ng “teroristang designasyon”, inatasan ng ATC ang Anti-Money Laundering Council na imbestigahan at i-freeze ang salapi at mga ari-arian ng mga inakusahan at kanilang organisasyong kinabibilangan.

Liban dito, ginagamit din ang malupit na batas para kasuhan ng “terorismo” ang kung sinu-sino. Sa Southern Tagalog, 15 indibidwal ang kinasuhan ng paglabag sa ATL. Pinakahuli sa kanila ang dalawang tagapagtanggol ng karapatang-tao na kinasuhan noong Hunyo 26 ng 59th IB ng “pagbigay ng materyal na suporta” sa mga “teroristatng organisasyon.” Pinalalabas na lumabag sa Section 12 ng naturang batas sina Ken Rementilla at Jasmin Rubia. Napakalaking kabalintunaan na kinasuhan sila ng “pagtulong sa terorismo” dahil sa paglahok sa fact-finding mission (FFM) noong Hulyo 2022 para imbestigahan ang pagpaslang ng AFP sa batang si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas. Ipinakikita ng kasong ito na malaking kabulastugan ang ATL at ginagamit lamang para tabingan ang tunay na terorismo ng estado.

Idinawit din sa kaso si Hailey Pecayo, tagapagsalita ng grupong Tanggol Batangan, na pinalalabas bilang isa sa mga naka-engkwentrong Pulang mandirigma ng mga sundalo noong Hulyo 18, 2022. Noong Hunyo 29, natanggap naman ni Rev. Edwin Egar, Interim Officer ng Karapatan-Southern Tagalog, ang isang subpeona na nagsasaad ng umano’y paglabag ng pari sa naturang batas.

Naitala rin ng AB ang 97 na biktima ng pagdukot sa 18 prubinsya. Ang mga kaso ng pagdukot ay kinatatangian ng malinaw na intensyon ng estado na sadyang itago ang biktima at itanggi na nasa kostudiya ang mga ito.

Ang iba sa mga biktima ay inilitaw ng estado na patay na, o kung hindi ay nakulong sa gawa-gawang mga kaso. Sa huling tala ng AB, 27 sa mga dinukot ay pinatay ng mga pwersa ng estado habang walo ang hindi pa rin natatagpuan.

Pokus: Ilitaw sina Dexter at Bazoo!

Inatasan ng Court of Appeals noong Hulyo 14 ang mga kumander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na iharap sa korte sina Dexter Capuyan at Gene Roz de Jesus (kilalang Bazoo ng kanyang mga kaibigan), mga aktibistang dinukot noong Abril 28. Ang atas ay pagpabor sa petisyon para sa writ of habeas corpus ng mga kaanak ng dalawa na isinampa noong Hulyo 5.

Sina Capuyan at de Jesus ay dinukot ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Golden City, SM Hypermarket sa Taytay, Rizal. Huli silang nakita na sapilitang pinasasakay sa dalawang van.

Labis ang pag-aalala ng mga kaanak at grupo ng karapatang-tao sa kalagayan at kaligtasan ng dalawa dahil si Capuyan ay inakusahan ng AFP na lider BHB sa rehiyong Ilocos-Cordillera at may patong sa ulo na ₱1,850,000. Idinadawit siya sa mga kaso ng pagpatay, bigong pagpatay at tangkang pagpatay. Samantala, si de Jesus ay upisyal sa impormasyon ng Philippine Task Force for Indigenous Peoples. Ang dalawa ay parehong alumni o dating estudyante ng University of the Philippines-Baguio.

La Castellana 3. Hindi pa rin inililitaw ng mga pwersa ng estado sina Lyngrace Marturillas, at mga drayber ng habal-habal na sina Renel de los Santos at Denald Mialen, na dinukot noong Abril 19 sa Aranda-La Castellana Road sa Hinigaran, Negros Occidental. Ang tatlo ay kasama ni Rogelio Posadas, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), nang damputin ng militar. Ayon sa mga saksi, ang dalawang magkasunod na motor ay hinarang ng mga van bago sapilitang isinakay sina Marturillas.

Labis ang pag-aalala ng mga kaanak at grupo sa karapatang-tao sa tatlo dahil si Posadas ay pinalabas na napatay sa isang engkwentrong militar noong Abril 20 sa Barangay Santol, Binalbagan.

Kaugnay nito, dumulog noong Mayo ang bilanggong pulitikal na ina ni Marturillas na si Rossine Enyong sa International Committee of the Red Cross (ICRC) para sa posibleng tulong at karampatang aksyon na kaya nitong ipagkaloob sa mga biktima. Sumulat din siya sa Commission on Human Rights.

Mayroong nabilang na 27 indibidwal na inilitaw na ng estado ngunit ang iba ay ikinulong sa gawa-gawang mga kaso. Bagaman natunton ang lokasyon ng ilan sa mga dinukot, patuloy silang pinagkakaitan ng karapatan sa ligal na representasyon at mabisita ng kanilang mga kaanak.

Pokus: Kaso ng mga inkomunikado

Magtatatlong buwan nang nasa ilalim ng kustodiya ng militar sina Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado matapos dukutin ng mga sundalo noong Abril 26 sa Barangay Sta. Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro at ilitaw noong Abril 28 sa Camp Capinpin, Taytay, Rizal. Ang dalawa ay boluntir at organisador ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan o BALATIK.

Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pinahihintulutang makita o mabisita ng kanilang mga kaanak at abugado. Sila ay nananatiling nasa kustodiya ng 2nd ID sa Camp Capinpin imbes na ilipat sa regular na kulungan para harapin ang kanilang mga kaso.

Dalawang beses, noong Hunyo 3 at 28, nang tumanggi ang militar na makausap ng kanilang mga kamag-anak at abugado ang mga biktima, taliwas sa karapatan nila para sa ligal na representasyon at makita ng kanilang mga kapamilya. Ayon sa kanilang mga abugado, ang pagpapanatiling inkomunikado (hindi pinahihintulutang makausap o maka-ugnayan) sa kanila ay labag maging sa reaksyunaryong konstitusyong 1987 ng Pilipinas at Republic Act No. 11479 (Rights of Persons Arrested, Detained, or Under Custodial Investigation).

Balayan 3. Ganito rin ang sinapit ng tatlong indibidwal na dinukot ng 59th IB malapit sa Medical Center-Western Batangas, Balayan, Batangas noong Marso 26. Dinukot ng militar sina Lloyd Descallar at Alfred Manalo, kapwa boluntir ng Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR)-Batangas, at si Angelito Balistostos.

Sina Descallar at Manalo ay dinampot ng mga ahenteng militar habang naghihintay sa labas ng ospital. Nagkataon lamang na dumadaan si Balitostos, 65 anyos, habang dinudukot ang naunang dalawa pero isinama siya ng militar.

Sina Descellar at Manalo ay naglulunsad ng konsultasyon sa mga magtatapas at maliliit na plantador ng tubo sa Balayan matapos ang pagsasara ng Central Azucarera Don Pedro Incorporated (CADPI) na makaaapekto sa kanilang kabuhayan.

Matapos ang ilang araw na paghahanap at paggigiit ng mga grupo sa karapatang-tao, inamin 2nd ID nasa kustodiya nila ang tatlo. Sa kabila nito, pinagkakaitan ang mga kaanak at abugado ng tatlo na mabisita sila.

Dagdag pa sa panggigipit at panghaharas ng militar, naghain ng patung-patong na reklamo ang 59th IB sa Commission on Human Rights Region IV-A laban sa mga abugado sa alegasyong “harasment.”

Nakapagtala rin ang AB ng hindi bababa sa 26,240 biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Naging tampok sa mga kaso ng panggigipit at pananakot ang pag-atake sa karapatan sa paggawa at malayang asosasyon at unyonismo. Liban dito, higit na mas malaki ang bilang ng mga biktima kung ibibilang ang libu-libong iba pang ipinarada at sapilitang “pinasurender” ng militar bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB sa kalunsuran at kanayunan.

Atake sa mga manggagawa

Sa 2023 Global Rights Index ng International Trade Union Confederation (ITUC), bagsak ang grado ng Pilipinas sa pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa. Sa ika-walong pagkakataon, kabilang ang Pilipinas sa nangungunang 10 bansa (sa 149 bansa na sinuri) na pinakamasahol na lugar para sa mga manggagawa.

Patunay dito, naitala ng AB sa nagdaang taon ang pagpatay, arbitraryong pag-aresto at paulit-ulit na pagbabahay-bahay at paniniktik ng mga ahente ng estado, sa pangunguna ng NTF-Elcac, laban sa mga lider-manggagawa at myembro ng mga unyon. Naitala rin ang mga kaso ng pagpapakalas ng mga pwersa ng estado sa mga manggagawa mula sa mga militanteng sentrong unyon at pederasyon.

Noong Agosto 2022, ginipit ng mga armadong pwersa ng gubyerno, NTF-Elcac at kumpanyang Technol Eight Phils. ang lider-unyonistang si Mario Fernandez. Sa panahong ito, nakatakdang pumasok ang Technol Eight Phils. Workers Union (TEPWU) sa negosasyon para sa kanilang collective bargaining agreement (CBA).

Ganito rin ang naranasan ng pangulo ng Malayang Unyon ng Daiwa-Seiko Philippines (MUDSP) na si Arvin Mendoza noong Hunyo. Pinuntahan siya ng mga sundalo sa kanyang bahay at gusto umanong kausapin ng mga ito. Batid niya na ang panggigipit ay dahil sa nakatakdang negosasyon para sa CBA ng unyon at maneydsment.

Sa nagdaang taon, nakaranas din ng “pagbisita” mula sa mga pulis, sundalo at pwersa ng estado ang mga unyonista ng Gardenia Bakeries Phils, Philfoods Fresh Bake Products, Wyeth Philippines, at NXP Philippines, mga pagawaan sa Southern Tagalog. Karaniwang tumitindi ang panggigipit tuwing mayroong pakikibakang manggagawang inilulunsad ang mga unyon. Kinakasabwat din ng estado ang mga maneydsment ng naturang mga kumpanya.

Atake sa kawani. Naiulat naman noong Agosto 10, 2022 ang sapilitang “pagpapakalas” ng unyon ng mga kawani sa Department of Agrarian Reform Employees Association (DAREA-Cagayan de Oro Chapter) mula sa pambansang unyon ng mga kawani na Courage. Inianunsyo ito ng 4th ID at NTF-Elcac sa Region 10 sa press conference na ipinatawag nito sa Cagayan de Oro City noong Agosto 2022. Ang pagbaklas ng mga kawani sa pederasyon ay bahagi ng panggigipit ng estado na pinroyekto mismo ni dating national security adviser Hermogenes Esperon. Noong Marso 2022, “napabaklas” ni Esperon ang pambansang unyon ng DAREA mula sa Courage.

Atake sa guro. Noong Hunyo, naglabas ng memorandum ang kalihim ng Department of Education na si Sara Duterte para likumin at isumite sa sentral na pamunuan ng ahensya ang pangalan ng mga myembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT). Labag ito sa ginagarantiyahang karapatan sa pribasiya ng mga guro, karapatan nilang mag-unyon at magpahayag ng saloobin. Katulad lamang ito sa naunang iskema ng profiling na isinagawa ng Philippine National Police noong 2019. Ang profiling na ito ay nagbunga sa mga “pagbisita” ng pulis sa mga eskwelahan at bahay ng mga myembro ng ACT, at interogasyon at sarbeylans sa kanila.

Pag-aresto. Kabilang sa mga arbitraryong inaresto na mga lider-manggagawa si Roel Duyag, koordineytor ng Kilusang Mayo Uno sa rehiyon ng Caraga, noong Nobyembre 25, 2022. Liban kay Duyag, inaresto rin ang mga lider-manggagawa at tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa na sina Kara Taggaoa, Larry Valbuena, at Banjo Cordero sa Maynila.

Pagpatay. Pinaslang ng hindi pa natutukoy na elemento si Alex Dolorosa sa Bacolod City noong Abril 23. Si Dolorosa ay isang paralegal at unyonista-organisdor ng BPO Industry Employees Network (BIEN) Philippines sa Bacolod City. Bahagi din siya ng Pambansang Konseho ng BIEN Philippines at susi sa pagbubuo nito sa Bacolod.

Lagim ng militar sa mga komunidad

Sa ngalan ng imbing layunin na tuluyan nang “durugin” ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan o di kaya ay “panatilihin” ang nakamit nang tagumpay at deklarasyong “insurgency-free” sa ilang mga prubinsya, sinasaklot ng mga operasyong kombat ng AFP at PNP ang maraming komunidad sa kanayunan. Ginagamit nito ang mahigit 166 batalyong pangkombat ng militar at pulis sa mga focused military operation, pati na ang ilampung libong pwersang paramilitar.

Dulot ng mga ito, naitala ang mahigit 45,255 biktima ng pwersahang pagpapabakwit at dislokasyon. Higit-kumulang 27,870 ang biktima ng blokeyo sa pagkain at ekonomya. Iligal na ginagamit ng mga sundalo ng AFP ang mga sibilyang istruktura sa mga sentro ng populasyon kung saan apektado ang 18,027 residente. Naitala ang mga kasong okupasyon sa 14 na prubinsya.

Pinakamalaking kaso ng pwersahang pagbabakwit ang naganap noong Oktubre 2022 sa Himamaylan City, Negros Occidental, kung saan tinatayang 18,000 residente ng Barangay Carabalan at katabing Barangay Mahalang ang pinalikas ng mga sundalo mula sa kanilang mga bahay, at dinala at isiniksik sa sentro ng bayan. Sa loob ng ilang araw, naging “no man’s land” ang kanilang mga barangay at ginawang target ng tuluy-tuloy na panganganyon at pambobomba.

Tampok din ang kaso ng malawakang pagbabakwit sa prubinsya ng Rizal, katabi ng pambansang kabisera. Noong Abril 6, lumikas ang mga residente ng ilang barangay sa Montalban, Rizal dahil sa bantang aerial bombing ng 80th IB sa Sityo Lubog, Barangay Mascap. Iniulat ng mga residente ang sapilitang pagpapalikas sa kanila at pagbabanta na “walang makakapasok o makakalabas sa kanilang lugar” dahil sa planong aerial bombing.

Simula pa Marso 31 ay naglunsad ng matinding operasyong kombat ang 80th IB sa Montalban at kalapit na mga bayan dahil sa serye ng sagupaan ng mga yunit nito at ng BHB-Rizal. Dulot ng operasyong kombat, tinatayang 80 pamilya ang napilitang lumikas sa sentro ng Barangay Mascap at 75 pamilya sa Barangay Puray. Kabilang sa kanila ang 150 maliit na bata. Liban dito, apektado ng mga operasyon ng AFP ang hindi bababa sa 90 pamilya sa Barangay San Rafael.

Pokus: Operasyong kombat sa Cagayan para sa EDCA

Sa Cagayan, inilunsad ang focused military operations noong Pebrero hanggang Mayo sa kumpas ng 5th ID at Task Force Tala gamit ang 2,000 pinagsanib na pwersang militar, paramilitar at pulis.

Layunin ng operasyon ang “ubusin” ang “natitirang Pulang mandirigma” sa prubinsya sa unang hati ng taon, gayundin bilang suportang panseguridad sa Balikatan 2023, ang pinakamalaki sa kasaysayan na war game ng US sa Pilipinas, na inilunsad noong Abril 11-28. Bahagi din ito ng estratehiya para gawing lunsaran ng gera ng US ang Northeast Luzon at tuluyang hilahin ang bansa sa pinaghahandaan nitong gera laban sa China.

Pangunahing ibinuhos ang pwersang militar sa bayan ng Baggao kung saan may militanteng pagkilos ang masa laban sa usura, gayundin sa mga laylayan ng Northeast Cagayan kung saan itatayo ang sinasabing radar base ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ginamit ang mga batalyon ng 501st IBde sa paghahasik ng lagim sa mga bayan ng Lal-lo, Buguey, Sta. Teresita, Gonzaga at Sta. Ana.

Sa loob ng tatlong buwan, hindi bababa sa 30 bomba, rocket at kanyon ang pinakawalan malapit sa mga komunidad at sakahan. Nagresulta ito sa pagkawasak sa kabuhayan ng mga mamamayan at takot lalo na sa mga bata at matatanda na hindi na nakatutulog dulot ng troma.

Sa tala ng AB, hindi bababa sa 1,158 indibidwal o 213 pamilya ang napalikas sa dalawang serye ng pag-istraping at pambobombang militar.

Sa kabuuan, naitala ng AB ang 16 kaso ng aerial bombing sa Abra, Samar, Northern Samar, Cagayan, Bukidnon, Kalinga, Oriental Mindoro, Aurora at Agusan del Norte. Mayroon ding 70 kaso ng walang patumanggang pagpapaputok ng baril (kabilang ang 13 kaso ng istraping mula sa himpapawid) ng mga sundalo at 16 kaso ng panganganyon.

Atake sa mga bata at kababaihan

Walang sinasanto ang AFP at PNP sa maruming gerang kontra-insurhensya nito laban sa rebolusyonaryong kilusan. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, maraming mga bata at kababaihan ang apektado ng operasyong militar at tahasang tinatarget ng mga armadong galamay ng estado.

Higit na mas mabigat ang paglapastangan sa karapatang-bata at ng kababaihan. Partikular na tinukoy ng Declaration on the Protection of Women and Children in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974 na isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa ng mga pwersang nakikidigma sa takbo ng operasyong militar nito (Bilang 5).”

Sa tala ng AB, pitong bata ang pinaslang ng mga sundalo sa nagdaang taon. Lak­sang kabataan ang naging biktima ng sapilitang pagba­bak­wit at dislokasyon dulot ng walang pa­tu­­manggang pama­ma­ril, panganganyon at pambobomba ma­lapit sa kanilang mga komunidad.

Maging ang mga bun­tis ay hindi pina­ligtas ng maruming gera. Liban sa pagpatay sa 5-buwang buntis na si Cristina Jacolbe, lima ang dinukot ng mga sundalo at mata­gal na ikinukulong sa mga hindi tinukoy na lugar o safehouse. Sila ay pinararatangang kasapi at tagasuporta ng hukbong bayan at ginagamit na hostage para pwersahing sumuko ang kanilang mga asawa o kaanak na myembro ng BHB.

Isa dito si Roselle Polinar, 41, na dinampot ng militar noong Agosto 26, 2022 sa Surigao City. Kasama niya noon ang kanyang live-in partner na kinilalang si JR at ang buntis na si Cherilyn Rebita at si Jackilyn Egtob. Itinago sila ng 402nd IBde sa safehouse ng militar sa Ata-atahon, Nasipit, Agusan del Norte. Liban dito, dinukot din ng militar noong Nobyembre 3, 2022 ang noo’y mga buntis na sina Aurily Havana (Ka Lyza) at Jennifer Binungkasan (Ka Laile) sa haywey sa Barangay Libertad, Butuan City.

Sina Rebita at Egtob ay “pinalaya” ng mga ahente ng militar noong Nobyembre 3, 2022 para magsagawa ng isang “misyon” laban sa BHB. Hinosteyds ang anak ni Rebita na si Baby Rhea para matiyak ang kanyang pagtalima sa misyon. Sa halip na sundin ang utos ng militar, nag-ulat sila sa kanilang yunit. Nagpaskil sila ng bidyo sa Facebook noong Disyembre 28, 2022 na naglalahad ng karanasan at pag-apela nila sa AFP na palayain si Baby Rhea, anak ni Rebita at noo’y dalawang buwan pa lamang, at iba pang hosteyds. Dahil ramdam ang presyur ng publiko, ibinalik ng mga ahente ng militar si Baby Rhea sa pamilyang Rebita noong Disyembre 29, 2022.

Matapos malantad sa publiko ang kanilang maruruming operasyon, iniharap noong Enero 7 ng AFP Eastern Mindanao Command sina Havana, Binungkasan, Polinar at isang nagngangalang Cesar Corella bilang mga “sumukong BHB.” Lihim na dinetine ng 134 araw sina Polinar at kanyang asawa; sina Rebita at Egtob, ng 69 araw; at sina Havana at Binungkasan, 65 ng araw.

Naitala naman ng AB ang dalawang kaso ng panggagahasa at sekswal na pang-aabuso laban sa kababaihan.

Sa Oriental Mindoro, minolestya ng mga sundalo ng 4th IB ang isang katutubong Mangyan-Hanunuo sa Sityo Gaang, Barangay Panaytayan, Mansalay noong Setyembre 22, 2022. Kasabay ito ng ginawang pagransak sa bahay ng pamilya ng biktima at pambubugbog sa asawa at anak nito.

Sa Batangas, kinuha ng mga sundalo ng 59th IB ang selpon number ni Jasmin Putoy noong Abril 22. Tinatawagan siya ng mga sundalo at niyayayang makipag-inuman. Tinatawag siyang “baby girl” at niyayang makipagkita para makipagtalik. Labis na takot ang idinulot ng mga tawag at panghaharas ng mga sundalo kay Jasmin.

Pagkamuhi sa kapayapaan

Litaw ang patakarang kontra-kapayapaan ng rehimeng Marcos Jr sa walang-awang kampanyang likidasyon at pag-aresto sa mga konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Kasabay nito, lantarang hinaharang ng rehimen ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at ng NDFP.

Ang mga paglabag na ito sa karapatan ng mga konsultant ay lantarang paglabag sa pinirmahang kasunduan ng GRP at NDFP na Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees na nangangalaga sa karapatan ng mga lumalahok sa negosasyong pangkapayapaan at maging sa internasyunal na makataong batas.

Sa unang taon sa poder, hindi bababa sa limang konsultant ng NDFP ang pinatay ng armadong pwersa ng rehimen. Naitala rin ng AB ang isang kaso ng sapilitang pagkawala ng isang konsultant ng NDFP, habang dalawa ang iligal na inaresto.

Pagpatay. Kabilang sa mga kasong ito ang karumal-dumal na pagpatay sa mag-asawang Tiamzon at walong iba pa noong Agosto 21, 2022. Patung-patong ang ginawang krimen ng mga pwersang militar. Matapos na dakpin, ang mga Tiamzon at kanilang kasamahan ay pinahirapan at sadyang pinatay ng mga berdugo bago isinakay sa isang bangka at bago tuluyang pinasabog sa gitna ng dagat.

Nilikida rin ng mga pwersa ng estado ang konsultant na si Eriscon Acosta noong Nobyembre 30, 2022 habang nagpapahinga sa Barangay Camansi, Kabankalan City, Negros Occidental nang alas-2 ng madaling araw. Pinatay kasama ni Acosta si Joseph Jimenez, lokal na lider ng organisasyong magsasaka sa lugar.

Naitala rin ang kaso ng pagpatay ng militar kay Manuel Tinio (Ka Dodie) noong Abril 14. Si Tinio ay pitong beses na pinagbabaril matapos madakip habang nagmamaneho ng motorsiklo sa hangganan ng San Miguel at Ubay sa Bohol. Para pagtakpan ang krimen, nagtanim ang mga sundalo ng ebidensyang kalibre .45 sa tabi ng kanyang bangkay at pinalabas na “nanlaban.”

Dinukot at sadyang pinatay naman ng 94th IB si Rogelio Posadas, konsultant ng NDFP sa isla ng Negros noong Abril 19. Bumibiyahe noon si Posadas sa Aranda-La Castellana Road sa bayan ng Hinigaran nang harangin ng mga sundalo. Dinukot rin ang kasama niyang isang organisador ng magsasaka at dalawang drayber ng mga motorsiklong kanilang sinasakyan. Sumunod na araw ay ibinalita ng AFP na napatay si Posadas sa isang diumano’y engkwentro sa Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental.

Pagdukot. Hindi pa inililitaw ng mga pwersa ng AFP ang konsultant ng NDFP na si Ariel Badiang, 64, na dinukot sa Manolo Fortich, Bukidnon noong Pebrero 6. Malaon nang iginigiit ng kanyang pamilya at mga grupo sa karapatang-tao na ilitaw nang buhay ng militar si Badiang. Dumulog na rin ang mga kaanak ni Badiang sa mga ahensya ng gubyerno.

Pag-aresto. Iligal na inaresto ng mga sundalo at pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang konsultant ng NDFP para sa usapang pangkapayapaan na si Ruben Saluta, 75, at kanyang asawa at kapwa rebolusyonaryong si Presentacion Cordon Saluta, 63, at si Yvonne Losaria sa kanilang tinutuluyang bahay sa Doña Soledad, Barangay Labangal, General Santos City noong Enero 30. Si Ruben ay matanda na at may sakit na hypertension at chronic pulmonary disease. Si Presentacion ay mayroon ding hypertension.

Inaresto si Ruben batay sa gawa-gawang mga kaso ng pagpatay habang si Presentacion at Losaria ay sinampahan ng mga kasong rebelyon. Pinalalabas din ng mga pwersa ng estado na nakuha sa kanila ang anim na matataas na kalibre ng armas, mga bala at kagamitang militar. Ang mag-asawa ay matagal nang retirado sa aktibong pagkilos mula nang makalabas ng kulungan noong 2016 at 2019.

Samantala, inilipat sa kustodiya ng Philippine National Police si Eric Casilao noong Abril 17 matapos madakip habang tumatawid mula sa Malaysia tungong Thailand noong Abril 1. Habang kinukuha ng pulis, ipinarada siya sa midya at publiko bilang “terorista” sa Ninoy Aquino International Airport. Binatikos ito ng NDFP at sinabing hindi katanggap-tanggap dahil hindi pa siya napatutunayang maysala. Si Casilao ay kabilang sa Reciprocal Working Committee on the Comprehensive Agreement on Socioeconomic Reforms para sa Southern Mindanao. Kasalukuyang nakadetine si Casilao sa Davao de Oro.

Unang taon sa poder ni Marcos Jr: 954 kaso ng paglabag
 sa karapatang-tao