Panawagang puspusin ang kilusang pagwawasto, ipinaalingawngaw Ika-55 anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang ng Kabataang Makabayan-TK sa sonang gerilya
Hindi nagpatinag sa kaliwa’t kanang operasyon ng mga berdugong militar ang Kabataang Makabayan – Timog Katagalugan (KM-TK) nang mapangahas nitong ipagdiwang ang ika-55 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) kasama ang mga pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga masang katutubo’t magsasaka sa loob ng isang sonang gerilya sa rehiyon.
Bilang bahagi ng programa, tinalakay ng mga dumalo ang mga pahayag ng Komite Sentral ng PKP at Komiteng Rehiyon ng Timog Katagalugan na siyang pinagmulan ng tema ng selebrasyon na “Puspusin ang kilusang pagwawasto! Palakasin ang partido! Likhain ang pinakamahigpit na ugnay sa masa at pamunuan silang dalhin sa bago at mas mataas na antas ang rebolusyong pambansa-demokratiko!”
Matatandaang nanawagan ang Komite Sentral noong anibersaryo ng PKP ng paglulunsad ng kilusang pagwawasto upang pangibabawan ang mga kahinaan nito at humakbang nang mas malaki pa ngayong panibagong taon.
Tinanggap at ipinaalingawngaw naman ng KM-TK ang hamong ito sa hanay ng mga rebolusyonaryong kabataan at estudyante. Ayon kay Karina Mabini, tagapagsalita ng KM-TK, marapat lamang na balik-aralan kapwa ang mga tagumpay at kahinaan upang patuloy na dumaluyong kasama ang sambayanan.
“Gagap ng mga kabataang makabayan ang kahalagahan ng determinadong pakikibaka upang tuldukan ang mga kondisyon at kronikong krisis na ito [imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo],” ani Karina Mabini sa kaniyang pahayag hinggil sa anibersaryo ng PKP.
Ayon sa datos ng KM-TK, daan-daang mga kabataan sa rehiyon ang aktibong kumilos upang ipagdiwang ang ika-59 anibersaryo ng KM noong Nobyembre 30 at ika-55 anibersaryo naman ng PKP noong Disyembre 26.
Sa gitna ng kasalukuyang kilusang pagwawasto, tiwala ang KM-TK na mahusay na magagampanan ng PKP ang makauring pamumuno nito sa lahatang-panig na pagsusulong ng rebolusyon.
“Ilang dekada man ang lumipas, tiyak pa rin ang tagumpay ng ating pambansa-demokratikong rebolusyon na makauring pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo,” dagdag ni Karina Mabini.
Nag-alay din ng pinakamataas na pagpupugay at parangal ang mga dumalo para sa mga martir na pulang mandirigmang mula sa South-Quezon-Bondoc Peninsula, Mindoro, at Batangas. Samantala, natatanging pagpupugay at pinakamataas na pagpupugay din ang ibinigay kay Josephine “Ka Sandy” Mendoza na tumayong kagawad ng Komite Sentral at ikalawang pangalawang kalihim ng Komite ng Partido sa rehiyong Timog Katagalugan bago siya pumanaw dahil sa sakit.
Naniniwala at itinataguyod ng KM ang makauring pamumuno ng proletaryado sa rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng PKP simula noong Disyembre 26, 1968 nang muli itong itatag upang magsilbing Partido at abanteng destakamento ng mga proletaryado.###