IPT: US, Duterte, at Marcos Jr, napatunayang maysala sa mga krimen sa digma

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Hinatulan ng International Peoples’ Tribunal (IPT) nitong Mayo 18 na nagkasala ang rehimeng Duterte at Marcos Jr, ang gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), at ang US na kinakatawan ni Joseph Biden, sa paglabag sa mga karapatang-tao ng mga Pilipino, at sa internasyunal na makataong batas.

Ang IPT ay isang pandaigdigang hukuman na binubuo ng mga ekspertong ligal na nag-iimbestiga sa mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa iba’t ibang bansa. Itinatag ito noong 1979 at nakapagdaos na ng 46 na sesyon, kabilang ang anim tungkol sa Pilipinas.

Ayon kay Séverine de Laveleye, myembro ng Chamber of Representatives ng Belgium, at isa sa mga hurado ng IPT ngayong taon, napatunayan sa kanilang pagdinig na nagpapatuloy mula sa nagdaang rehimeng Duterte hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos ang sistematikong paglabag sa mga karapatang-tao ng mga kritiko ng pamahalaan, na suportado ng US.

Patunay dito ang mga naitalang kaso ng paniniktik, pananakot, pandurukot at sapilitang pagkawala, pagpatay at pagmamasaker ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga sibilyang kritiko ng gubyerno sa ilalim ng counterinsurgency program ng dalawang rehimen.

Ilan sa mga kasong tampok sa pagdinig ang pagmasaker ng AFP sa mga sibilyan, kabilang na ang pamilyang Fausto sa Negros, ang mga Tumandok sa Panay, at ang boluntir na mga guro ng mga eskwelahang Lumad sa Mindanao.

Bukod pa rito ang aerial bombings sa mga komunidad na idinikit ng militar sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa tala ng Karapatan, mayroong 378,203 biktima ng paglabag sa karapatang-tao na kaugnay sa mga pambobomba sa ilalim ng rehimeng Duterte, habang 22,391 naman sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Kabilang din sa dininig sa tribunal ang mga kaso ng hindi makataong pagtrato ng militar sa mga kasapi ng BHB. Napatunayan sa kanilang pagdinig na patuloy pa rin ang pagpatay ng militar sa mga mandirigma ng BHB na hors de combat o walang kakayahan lumaban. Bukod pa rito, may naisadokumento ring mga kaso ng paglapastangan ng militar sa mga bangkay ng pinaslang na mga rebolusyonaryong mandirigma.

“Ang dami at dalas ng ganitong mga kaso ay makapagpapatunay na ginagawa ito bilang bahagi ng patakaran ng GRP,” dagdag ng mga hurado.

Kaugnay nito, binigyang diin din ng IPT ang pagsuporta ng US sa programang kontra-insurhensya ng gubyerno ng Pilipinas, na anila’y halaw sa estratehiya ng US.

Matatandaang isa sa mga layunin ng Balikatan exercises ang palakasin ang anila’y kahandaan ng GRP sa counterinsurgency. Bukod pa rito, umabot na sa $1.14 bilyon ang halaga ng kagamitang pangmilitar na inilaan ng US sa Pilipinas.

Samantala, sinang-ayunan ng mga grupo sa karapatang-tao sa Pilipinas ang hatol ng IPT.

“Binigo na ng lokal na mekanismo ang paghahanap ng hustisya ng mga biktima rito sa Pilipinas, kaya napakalaking larangan ang International Peoples’ Tribunal para magkaroon ng pagkakataon ang mga biktimang dinigin ang mga kaso ng paglabag ng administrasyong Duterte at Marcos Jr sa karapatang pantao nila,” ani Atty. Sol Taule, abugado para sa grupong Karapatan sa isang press conference.

Layunin ng mga grupo sa karapatang-tao na ipalaganap ang hatol ng IPT sa mga komunidad at iba pang mga organisasyon, at dalhin ito sa Kongreso, bilang bahagi ng kanilang aksyon para mapanagot ang mga sangkot sa mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng dalawang rehimen.

“Sa pagbalik natin ng hatol ng IPT sa mga komunidad, ipapaliwanag natin sa ating mga kababayan na kailangan ng tuluy-tuloy na edukasyon at pagkilos para sa proteksyon at pagsulong ng ating mga karapatan,” ani Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan.

IPT: US, Duterte, at Marcos Jr, napatunayang maysala sa mga krimen sa digma