Labanan ang operasyon ng Makilala Mines Corporation Inc sa Kalinga

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Nanawagan ang Cordillera People’s Democratic Front (CPDF)-Kalinga sa mga pambansang minorya at magsasaka na sama-samang labanan ang operasyon ng Makilala Mines Corporation Inc (MMCI) sa bayan ng Pasil, Kalinga. Ang kumpanyang ito ay subsidyaryo ng Celsius Resources ng Australia.

Ang pamumuhunan ng MMCI sa Kalinga ay kasunod ng ginawang pagsusubasta ni Ferdinand Marcos Jr sa mga rekurso ng bansa sa pagbisita niya kamakailan sa Australia. Iginawad ng kanyang rehimen ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) sa kumpanya noong Marso. May bisang 25 hanggang 50 taon ang ibinigay na MPSA sa kumpanya.

Ang malawak na lupain na sasaklawin ng MMCI ay bahagi ng lupang ninuno ng katutubong Balatoc. Dadambungin ng mga operasyon nito ang may 2,500 ektarya ng lupang ninuno.

Miminahin ng MMCI ang Maalinao-Caigutan-Biyog (MCB) mining deposit ng ginto at tanso na nasa tabi ng Pasil River. Bubuhusan ng kumpanya ng ₱13 bilyon ang MCB Copper Mining Project para simulan ang operasyon nito ngayong taon. Inaasahang magsimulang kumita ang minahan sa ikalawang taon ng operasyon nito. Ang MCB deposit ay katabi ng Dickson deposit na unang namina ng Batong-Buhay Gold Mines Inc at ng iba’t ibang kasosyo nito.

Alinsunod sa MPSA, makatatanggap ang pambansang gubyerno ng bahagdan sa produksyon kabilang ang kakarampot na excise tax sa produktong mineral at royalty na 4%, gayundin ng ilang buwis at bayarin. Magbabayad lamang ang MMCI ng baryang ₱183,000 kada taon sa lokal na gubyerno ng Pasil. Samantala, inaasahang makapagmimina ang MMCI ng 2.25 milyong toneladang ore o batong mineral sa simula ng operasyon, at doble nito sa susunod na mga taon.

Iluluwas sa ibang bansa ang produktong ginto at copper na mamimina ng MMCI sa Kalinga. Isusuplay ito sa mga imperyalistang bayan para sa automation at nauusong “green technology.”

Delikado at mapangwasak

Walang ibang idudulot sa mamamayan ng Kalinga ang pagmimina kundi perwisyo at malawakang pangwawasak sa lupa at kabundukan. Gagamitin ng MMCI ang paraang sub-level open stoping (SLOS) kung saan maghuhukay ng mga tunnel na may lalim na hanggang 600 metro. Gagamitin ang mga tunnel na ito para sa sabay-sabay na pagkuha ng ore.

Itatambak sa mga tunnel na ito ang 78% ng “mine tailings” o basura ng naprosesong ore kapag matapos na ang operasyon ng mina. Ang ibang matitirang basura ay balak nitong iproseso para umano tanggalin ang nakalalasong kemikal at gawing lupang taniman o pantambak kontra-baha at sa konstruksyon. Hiwalay na itatayo naman ang dam na pag-iimbakan ng tubig mula sa mga tunnel at pagproseso ng ore na maglalaman ng tanso, asido at iba’t ibang nakalalasong kemikal.

Aagaw sa suplay ng tubig at kuryente ang minahan. Itatayo nito ang isang malaking dam para pag-ipunan ng malinis na tubig mula sa Kafacrutan Creek. Aagaw ito ng tubig mula sa Pasil River na pangunahin daluyan ng tubig sa Kalinga.

Tatamaan din ang suplay ng kuryente sa Cordillera dahil kukuha ng 12 megawatts ang MMCI para sa mga operasyon nito. Liban sa pagkuha sa National Grid, kukuha ang kumpanya ng kuryente sa apat pang itinatayong proyektong pangkuryente sa Kalinga.

Sa ibabaw ng lupa, 31.83 ektarya naman ang sasakupin ng mga upisina, planta at iba pang pasilidad.

Itatayo ng estado ang Lubuagan-Batong Buhay-Abra Road na may habang 85.5 kilometro para sa kapakinabangan ng MMCI. Dito idadaan ang naiprosesong tanso na dadalhin sa mga daungan ng Salomague, Cabugao at San Esteban, mga bayan sa Ilocos Sur.

Kasabwat ng MMCI ang reaksyunaryong gubyerno sa pagpapabilis sa proseso para mabuksan na ang minahan. Katuwang ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), hinahati nito at pinag-aaway ang mga pambansang minorya at pinipigilan silang magkaisa para labanan ang minahan. Tulad sa maraming kaso sa buong bansa, minanipula ng NCIP ang mga katutubo upang ikutan ang hinihingi ng batas na “Free, Prior, and Informed Consent” o permiso ng komunidad bago makapag-opereyt ang mga kumpanya sa mina.

Nagsisilbing gwardya ng minahan ang mga yunit ng militar at pulis. Inilulunsad sa mga kabundukan ng Kalinga ang malawakang operasyong kombat sa tabing ng kontra-insurhensya para supilin ang pagtutol ng mamamayan sa proyekto.

___
Halaw sa primer ng CPDF-Kalinga hinggil sa MMCI.

Labanan ang operasyon ng Makilala Mines Corporation Inc sa Kalinga