Koresponsal "Malinis" na enerhiya sa Batangas, maruming pagkukunan ng kwarta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Dahil sa likas na yaman ng prubinsya ng Batangas at bentaheng pwesto nito sa bansa at rehiyon, pinaglalawayan ito ng malalaking negosyante at dayuhan.

Ilan taon nang bukambibig ng reaksyunaryong estado ang pagbabawas ng pagsandig sa fossil fuel (langis at karbon) bilang pinagkukunan ng enerhiya ng bansa. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, nagsimulang ibukas ang bansa sa dayuhang pamumuhunan sa enerhiyang renewable (hindi nakabatay sa langis at karbon) at malinis (hindi lumilikha ng polusyon o dumi). Sa ilalim ng rehimeng Marcos, pinahintulutan nito ang 100% dayuhang pagmamay-ari ng gayong mga pasilidad.

Wasto at makatarungan ang giit ng maraming sektor ng lipunan para sa malinis na enerhiya para mapangalagaan ang kalikasan at masalba ang mundo mula sa climate change. Pero hindi ito ang layunin ng mga dayuhang kumpanya at kasosyo nilang mga burgesyang kumprador, pati na mga burukrata-kapitalista, na mabilis nakisakay sa tulak para sa enerhiyang renewable.

Sa buong bansa, iilang pamilya at kumpanya lamang ang nagmamay-ari sa mga plantang lumilikha at nagsusuplay ng kuryente, gamit ang hangin, tubig, karbon at liquefied natural gas (LNG). Sa Batangas, may mga pasilidad ang mga Ayala at mga Aboitiz at mga negosyanteng sina Manny V. Pangilinan (MVP), Ramon Ang at Enrique Razon Jr. Dito rin nakabase ang anak ni Sen. Loren Legarda na si Leandro Leviste na nagmamay-ari ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (SPPPHI). Pamilyang Tan naman ang may hawak ng Citicore Solar Power Plant sa Tuy na nagsusuplay ng kuryente sa Emperador at Tanduay Distillery sa Balayan at Lian.

Noong 2016, inilatag ni Leviste sa 160 ektaryang lupang kapatagan sa Calatagan ang pinakaunang solar farm ng SPPPHI. Noong 2023, binili nina Razon at Leviste ang dalawa pang solar farm sa Batangas. Balak nilang itayo ang pinakamalawak na solar farm na sasaklaw sa prubinsya, Nueva Ecija at Bulacan.

Noon ding Disyembre 2023, ibinalita ni Pangilinan ang pagkalugi ng Roxaco Land Corporation sa Nasugbu. Kasabay nito, bahaging isinara ang Central Azucarera Don Pedro Inc (CADPI)—ang isa sa dalawang asukarera sa prubinsya at pangalawa sa pinakamalaki sa bansa.

Pagsapit ng taong 2024, nalantad ang dahilan sa desisyon ni Pangilinan na yumanig sa kabuhayan ng libu-libong Batangueñong magtutubo. Inianunsyo niya noong Marso na binili niya ang Solar Phil New Energy Corporation (SPNEC), isang kumpanya sa ilalim ng SPPPHI ni Leviste. Kapalit nito, ibinenta niya kay Leviste ang ROXACO. Paborable kay Leviste ang malawak at patag na tubuhan ng Hacienda Roxas para sa kanyang solar farms.

Bukambibig ng mga burgesyang ito ang hangaring lumikha ng murang kuryente para sa bansa subalit kabaliktaran ang reyalidad nito. Lalong tumataas ang presyo ng kuryente dahil monopolisado ng iilan ang merkado. Ang may kontrol sa suplay ay sila ding may kontrol sa distribusyon.

Libu-libo ang mga magsasaka at mangingisdang mapapalayas mula sa kanilang mga lugar para lamang sa kanilang planta at pasilidad. Kabilang dito ang 26,000-ektaryang geothermal powerplant ng Abotiz sa San Juan, Lobo, Rosario at Taysan, ang 10,000-ektaryang solar farm ni Leviste at Razon sa kanlurang bahagi ng Batangas.

Papasok pa sa eksena ang planong wind powerplant ng Basic Energy na sasaklaw sa 2,835-ektaryang lupa sa tabing dagat ng Balayan at Calatagan na pagmamay-ari ni Ramon Villavicencio. Ganito ring planta ang planong itayo sa gitna mismo ng dagat ng Mabini ng Philippine National Oil Company.

Sa pag-uunahan ng mga kumpanyang ito na itayo ang kani-kanilang mga pasilidad, niyuyurakan nila ang kagalingan ng napakaraming mamamayang Batangueño na napalalayas sa kanilang mga tirahan, lupa at kabuhayan. Dagdag pa ang pagkawasak ng kalikasan dahil sa iresponsableng pagbakbak ng tabing dagat at pagkalason ng mga yamang tubig sa Verde Island Passage.

"Malinis" na enerhiya sa Batangas, maruming pagkukunan ng kwarta