Mga minero sa Benguet, nagbarikada

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Nagbarikada ang mga minero ng Dontog-Manganese Pocket Miners Association (DOMAPMA) laban sa malaking kumpanya sa mina na Benguet Corporation, Inc. (BCI) sa Sityo Dalicno, Barangay Ampucao, Itogon, Benguet noong Mayo 13. Ang barikada ay bahagi ng kanilang pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan laban sa sapilitang pang-aagaw ng BCI sa mga pocket mine ng DOMAPMA at hindi makatuwirang pagtataas ng upa sa mga kagamitang pangmina.

Sa utos ng BCI, pinagbawalan ng lokal na mga ahensya ng gubyerno ang maliitang operasyong mina ng DOMAPMA dahil sa usapin ng “regulasyon” at “isyung pangkalikasan” na dulot umano ng operasyon. Naniniwala ang mga minero na pagdadahilan lamang ito para makapanghimasok ang BCI sa lugar.

Nasa 500 hanggang 1,000 manggagawa ang mawawalan ng kabuhayan sa iligal na pagpapatigil ng kanilang kabuhayan. Apektado rin ang paghahanapbuhay ng mga katutubo sa komunidad at mga kalapit na barangay, at maging sa ibang prubinsya sa Cordillera at Cagayan Valley na dito nagtatrabaho.

Bago pa man ipatigil ang operasyon ng maliitang pagmimina, sinubukan na ng BCI na ilusot ang kanilang operasyon sa erya ng DOMAPMA kasama ang ilang bahagi ng mga barangay ng Ampucao at Virac. Kinasabwat ng kumpanya ang National Commission on Indigenous Peoples para iratsada at dayain ang mga dokumento para sa espesyal na permit. Nilayon nilang ikutan ang proseso ng pagkuha ng Free, Prior, and Informed Consent mula sa mga katutubo sa lugar.

Bago pa nito, nagsagawa na ng barikada laban sa mapang-abuso at mapandambong na BCI ang iba pang mga residente ng Barangay Ampucao noong Abril. Giit nilang gawing mas mura ang halaga ng mga kagamitang pangmina na ipinauupa sa kanila.

Mga minero sa Benguet, nagbarikada