Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

 

Ibalik ang 5-taong prangkisa! Nagprotesta ang ilandaang tsuper at opereytor ng dyip noong May 16 sa harap ng LTFRB sa Quezon City para kundenahin ang kautusan na hulihin ang mga hindi pumailalim sa sapilitang konsolidasyon ng mga prangkisa. Iginiit ng mga tsuper at opereytor na ibalik ang kanilang 5-taong indibidwal na prangkisa para sa kanilang kabuhayan. Noong Mayo 14, nagprotesta rin sila sa harap ng Korte Suprema para itulak ang korte na maglabas na ng tugon sa kanilang petisyon para ipahinto ang sapilitang konsolidasyon at implementasyon ng PUVMP.

Lider-manggagawa ng KMU-SMR, hinanap sa kampo-militar. Naglunsad ng search mission ang mga kaanak ni William Lariosa, dinukot na lider-manggagawa sa Southern Mindanao, noong Mayo 14. Nagpunta sila sa kampo ng 1003rd IBde sa Davao City kasunod ng isang tip na doon itinatago si Lariosa. Nagpunta rin sila sa panrehiyong upisina ng CHR at DOLE sa Davao City para idulog ang kaso ng dinukot na lider.

Araw ng Manggagawang Pangkalusugan, ginunita. Nagmartsa ang mga manggagawang pangkalusugan noong Mayo 7 sa Maynila at Baguio City. Panawagan nila ang nakabuhuhay na sweldo, seguridad sa trabaho, dagdag na mga tauhan sa ospital, mga karapatan sa paggawa at karapatan ng mamamayang Pilipino sa kalusugan. Inilunsad din nila ang mga protesta at iba pang aktibidad sa mga syudad ng Iloilo, Bacolod, at Cebu, sa Camarines Norte, at mga rehiyon ng Soccsksargen at BARMM. Pinangunahan ang mga ito ng Health Workers United for Wage Increase at Alliance of Health Workers.

Mga manggagawa ng PLDT, magwewelga. Bumoto ang 3,390 sa kabuuang 4,041 unyonisadong manggagawa ng PLDT pabor sa pagwewelga sa harap ng hindi pagtugon ng maneydsment sa panawagang buksan ang negosasyon sa CBA para sa 2024-2027. Inilunsad nila ang strike vote o pagbotong magwelga noong Mayo 14 hanggang 15 sa lahat ng sangay at upisina ng PLDT sa bansa. Tatlong buwan na nang inihain ng unyon ang pabatid para sa negosasyon ngunit walang tugon at sadyang inaantala ng kumpanya ang pagsisimula nito. Nagprotesta rin sila sa DOLE sa Intramuros, Manila noong Mayo 13.

73-ektaryang lupa sa Angeles City, ipaglaban. Nagpiket ang mga magsasaka at residente mula sa Barangay Anunas, Angeles City, Pampanga sa DAR at Kongreso noong Mayo 13 at 14. Ipinanawagan nila ang pagbawi sa 73-ektaryang lupa sa Sityo Balubad na kinamkam ng Clark Hills Properties Corporation. Nagsasampa ng resolusyon sa Kongreso para imbestigahan ang pang-aagaw ng lupa.

Mga protesta