Pambobomba, pag-aresto at karahasang militar at pulis

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa nagdaang mga linggo, walang-puknat ang terorismo ng estado sa ilalim ng rehimeng Marcos. Naitala ang mga kaso ng pambobomba, iligal na pag-aresto at panggigipit sa pagkakaso ng “terrorism financing” laban sa mga demokratikong organisasyon at sektor.

Pambobomba. Naghulog ng 10 bomba ang mga jet fighter ng Philippine Air Force sa mga barangay ng Peñablanca, Cagayan noong Mayo 10 ng alas-2 ng madaling araw. Bumagsak ito sa Sityo Ebi, Lapi at kalapit na mga barangay. Narinig ang nakagigimbal na mga pagsabog, istraping at paglipad ng jet fighter hanggang sa mga bayan ng Baggao, Enrile, Amulung at sa Tuguegarao City. Hindi bababa sa 690 pamilya ang napilitang lumikas dahil sa teroristang pag-atake ng militar sa mga komunidad.

Pag-aresto. Inaresto noong Abril 21 ng mga sundalo ang 4-buwang buntis na Dumagat-Remontado na si Manilyn dela Cruz. Pinaratangan siyang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), at sinampahan ng patung-patong na kasong kriminal. Bago dakpin, natamaan siya ng bala mula sa walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo sa kubo na kanyang tinutuluyan kasama ang pamilya sa Sityo Pinamaypayan, Barangay Umiray, Dingalan, Aurora.

Sa Taguig City, hinatulan at ikinulong noong Mayo 16 sa kasong rebelyon ang NGO worker na si Maria Salome Crisostomo-Ujano, edad 67. Idinawit si Ujano sa isang engkwentro ng BHB at mga sundalo sa Quezon na naganap noong Nobyembre 2005.

Sa Cebu City, ipinaaresto noong Mayo 13 ang 26 na kasalukuyan at dating tauhan ng Community Empowerment Resource Network (Cernet) Inc (kabilang ang tatlong patay na) at isang lider-manggagawa sa kasong “terrorism financing.” Pinagbibintangan ang organisasyon ng pagpopondo sa BHB-South East Negros. Nagpyansa ang mga biktima para pansamantalang makalaya.

Pagpapaulan ng bala. Nagpaulan ng bala ang 94th IB sa Barangay Carol-an, Kabankalan City, Negros Occidental noong Mayo 6 na pinalalabas nitong isang engkwentro. Dahil sa pamamaril, nagbakwit ang higit 480 residente ng Sityo Tagoc, Bobon, at Matampa ng Barangay Carol-an. Kabilang sa napilitang magbakwit ang 146 bata at 14 matatanda.

Karahasan sa kababaihan. Pinaghubo’t hubad ang mga asawang babae ng mga detenidong pulitikal na bumisita sa National Bilibid Prison noong Abril 21. Isa sa kanila ay 10 beses na pinatuwad ng isang upisyal ng bilangguan. Sa pagdadahilang paghahanap ng iligal na droga, karaniwang pinatutuwad at sinisilipan ang pribadong bahagi ng mga babaeng bumibisita sa kulungan.

Panggigipit. Tinakot at ginipit ng mga ahente ng 10th ID si Ricardo Baron, 71, organisador ng Transmision-Piston noong Mayo 9 sa Agdao, Davao City. Dalawang oras siyang “kinausap” ng mga ito at “pinasusuko.”

Sa Ilocos Norte, arbitraryong kinumpiska ng lokal na pulis ang mga questionnaire ng Alyansa ng mga Magsasaka sa Ilocos Norte (AMIN) na nag-aalam sa kalagayan ng komunidad ngayong panahon ng El Niño sa Barangay Puzol, Pinili noong Mayo 10. Ayon sa AMIN, nagpunta ang mga upisyal ng pulis sa bahay ng isang residente ng barangay kung saan kinumpiska ang mga dokumento.

Pambobomba, pag-aresto at karahasang militar at pulis