Sino ang pinakamalalaking Red-tagger?

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa nakaraang mga taon hanggang sa kasalukuyan, sa pangunguna ng mga batalyon ng Armed Forces of the Philippines, mga yunit ng Philippine National Police, gayundin ng mga upisyal ng NTF-Elcac at Anti-Terrorism Council, isinagawa ang walang awat na Red-tagging, paninira at malisyosong pagdadawit ng mga sibilyan at kanilang mga organisasyon sa armadong kilusan. Malaon na itong ginagawa ng reaksyunaryong estado pero tumindi at naging sistematiko mula noong nagdaang rehimeng Duterte hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos. Bahagi ito ng maruming kontra-insurhensyang gera ng reaksyunaryong estado na nakatuon sa mga sibilyan.

Sa panahon ni Duterte, walang sektor, industriya, organisasyon o indibidwal na may hibo ng pagiging kritikal sa kanyang paghahari, kabilang ang mga kritiko sa kanyang kriminal na “gera kontra-droga,” ang iniligtas sa kanyang pambabanta. Noong 2018, sa tabing ng pagsupil sa “Red October,” na diumano’y plano para pabagsakin ang kanyang rehimen, isinagawa ni Duterte ang kampanya ng malawakang pagdadawit sa mga pwersa at organisasyong lumalaban sa kanyang rehimen. Libu-libong taong-midya, estudyante, lider at myembro ng mga pambansa-demokratikong organisasyon, atleta at artista ang pinagbantaan ni Duterte at kanyang mga upisyal militar.

Sa nakaraang mga taon hanggang sa kasalukuyan, hindi mabilang ang mga aktibidad, porum at pagkakalat ng mga paninira at Red-tagging ng iba’t ibang mga yunit militar sa midya, mga paaralan at sa kanayunan. Kahit noong kasagsagan ng pandemyang Covid-19, abala ang mga yunit na ito sa malisyosong pag-uugnay sa mga sibilyan sa armadong kilusan para sapilitan silang “pasukuin” at buwagin ang kanilang mga organisasyong masa. Ang mga yunit militar din na ito ang naglunsad ng iba’t ibang mga “youth summit” sa mga unibersidad at mga komunidad ng magsasaka na laging nakaangkla sa paninira sa mga progresibong institusyon at mga hayag na organisasyong masa.

Kinasangkapan ng rehimen ang maraming upisyal sa antas-baryo at munisipalidad para gipitin ang kanilang mga kababaryo at itanggi ang krimen ng AFP sa kani-kanilang mga saklaw.

Pinakalitaw na kumakatawan ng taktikang ito ang NTF-Elcac, na pinugaran ng pinakamasasahol na Red-tagger tulad nina Hermogenes Esperon Jr, Colonel Harold Cabunoc, Mocha Uson, Lorraine Badoy, Jeffrey Celiz, Salvador Panelo at marami pang iba. Sa Senado, kamakailan, pinangunahan ni Ronald “Bato” de la Rosa ang kaliwa’t kanang pag-red-tag kasama ang mga nagtraydor tulad nina Noel Legaspi, Joy Saguino, Kate Raca at iba pang nagpakasangkapan sa AFP. Naging daluyan ng pinakamasinsin at matitinding paninira at pambabanta ang SMNI Network na pag-aari ng tau-tauhan ni Duterte at ngayo’y puganteng si Apollo Quiboloy. Naging larangan din ng kanilang marahas at nakamamatay na paninira at pambabanta ang Facebook, Youtube at iba pang plataporma ng social media.

Banta sa buhay, kalayaan at seguridad

Sa isang desisyon na isinulat noon pang Hulyo 4, 2023, idineklara ng Korte Suprema na ang Red-tagging o ang malisyosong pag-ugnay sa mga sibilyan sa armadong kilusan, ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga biktima nito. Ang desisyon ay kaakibat sa pinaburang petisyon para sa writ of amparo ni Siegfred Deduro, dating kinatawan ng Bayan Muna Party-list. Isinapubliko ang desisyong isinulat ni Associate Justice Rodil V. Zalameda noon lamang Mayo 8.

Ito ang unang pagkakataong binigyan ng korte ng ligal na pakahulugan ang konsepto ng Red-tagging sa Pilipinas. “Ang pagtatak sa isang tao bilang “Red” o “Pula” ay kadalasang may kaakibat na masinsing sarbeylans, direktang panggigipit, at sa ilang pagkakataon, kalauna’y kamatayan. Sa pag-uugnay sa ni-red-tag na mga indibidwal sa mga komunista o terorista, nagiging target sila ng mga vigilante, grupong paramilitar o kahit ng mga ahente ng estado at dahil dito’y madaling maunawaan kung bakit maaaring matakot ang isang indibidwal na ma-red-tag na nagsasapanganib sa kanilang buhay at seguridad,” sulat ng Korte Suprema.

Ayon sa Korte Suprema, maaaring igawad ang writ of amparo sa mga biktima ng Red-tagging, gayundin sa mga biktima ng “paninira, pagtatatak, at pagturing na nagkasala sa pamamagitan ng paguugnay (guilt by association) dahil “madali lamang intindihin” ang takot na nararamdaman ng biktima dulot nito.

Sino ang pinakamalalaking Red-tagger?