Wala pa ring hustisya sa Marawi City

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Ilang linggo bago ang ika-7 taong anibersaryo ng pambobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marawi City, nagsagawa ng kilos protesta ang mga residente rito para igiit ang labis nang nabalam na hustisya. Noong Mayo 13, nagtipon sa Rizal Park sa syudad ang mga residente na hanggang ngayon ay hindi pa nakababalik sa kanilang mga komunidad.

Binatikos nila ang pambabarat ng Marawi Compensation Board (MCB) sa nararapat nilang matanggap na kumpensasyon o bayad danyos para muling itayo ang nawasak nilang mga bahay at ari-arian. Sa halip na ibigay sa kanila ang sapat na pondo, naglabas ng bagong “pamamaraan” ng pagkwenta ng pinsala ang MCB kung saan ibinawas ang “depreciation cost” (nabawas na halaga ng ari-arian dahil sa paglipas ng panahon o pagkasira) ng mga ari-arian. Mas luma ang istruktura, mas malaki ang bawas at sa gayon mas maliit ang kumpensasyon. Sa ilalim nito, awtomatikong babawasan nang 60% hanggang 85% ang itinakdang kumpensasyon ng isang claimant kung minimum na 10 taon na itong nakatayo bago bombahin ng AFP.

Taliwas ito sa unang itinakdang proseso ng Implementing Rules at Regulations (IRR) ng Marawi Siege Victims Compensation Act. Itinakda sa batas na ito ang kumpensasyon batay sa “fair market value” (o presyo sa pamilihan) na resulta ng mga konsultasyon sa mga claimant, o sa “replacement cost” o “repair cost” ng mga lubos na nawasak o may bahaging nasirang mga bahay o gusaling pang-kultura at komersyal. Walang awtoridad ang MCB na baguhin ang mga istandard ng pagkwenta na nakasaad na sa batas, ayon sa mga nagprotesta.

Tinatayang kailangang maglaan ang pambasang gubyerno ng di bababa sa ₱5 bilyon kada taon para mabayaran ang lahat ng pininsala ng AFP. Limang taon lamang iiral ang MCB, at pagkatapos nito ay wala nang matatanggap ang mga biktima.

Wala pa ring hustisya sa Marawi City