War games ng US at Australia sa Pilipinas, nagpapatuloy

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Upisyal nang natapos ang Balikatan 39-24 noong Mayo 10, pero nasa Pilipinas pa rin ang libu-libong sundalong Amerikano para sa pangalawang serye ng Salaknib-24 na unang inilunsad Abril. Marami pang kasunod na mga war games ang “tahimik” na ilulunsad ng US sa bansa. Nasa bansa pa rin ang mga sundalong Australian para sa Kasangga exercise.

Noong Mayo 11, isinagawa ang Salaknib sa bayan ng Basco, Batanes. Sa tabing ng “port improvement project” sinimulan ng US Army at Philippine Army ang paghahakot ng bato mula sa Basco Port. Inilalakong “civilian port” ang nasabing pantalan na sa katunayan ay magsisilbing daungan ng mga barkong pandigma ng US. Dagdag ang daungan sa iba pang pasilidad na itinayo ng US sa Chadpidan, Basco at sa San Rafael, Itbayat at Mavulis Island.

Kasabay nito, sinimulan ang Kasangga war games sa pagitan ng Philippine Army at Australian Defense Force (ADF) na nilahukan ng 100 tropang Pilipino at 50 sundalong Australian noong Mayo 13 sa hedkwarters ng 5th ID sa Gamu, Isabela, na magtatagal hanggang Hunyo 21.

Bahagi ng war games na ito ang pagpapakawala ng mga mortar at drone operations na nagdudulot ng ligalig sa mga pamayanan, at “paglaban sa terorismo” na pangunahing nakatuon sa pandarahas sa mga magsasaka at aktibista.

Samantala, ilulunsad ng US ang RimPac war games sa iba’t ibang bahagi ng Asia at US mula Hunyo 29 hanggang Agosto 4. Tinaguriang “pinakamalaking naval war games” sa buong mundo ang RimPac (Rim of the Pacific). Lalahok dito ang Pilipinas.

Kontra-Balikatan 39-24

Sa pagtatapos ng Balikatan noong Mayo 10, nagsunog ng bandila ng imperyalistang US ang mga iba’t ibang grupo sa harap ng hedkwarters ng AFP sa Camp Aguinaldo, Quezon City. Binatikos nila ang paglapastangan ng US sa soberanya ng Pilipinas, mga paglabag sa karapatang-tao nito, at pagkaladkad sa Pilipinas sa inuupatang gera sa katunggaling imperyalistang China. Nagsabit naman ng mga balatengga ang mga grupo sa Ilocos Norte noong Mayo 6.

Samantala, inilunsad ng Kabataang Makabayan (KM) sa bansang Australia at Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) ang kani-kanilang mga aktibidad para batikusin ang Balikatan. Pinintahan ng KM ang konsulado ng US sa Melbourne noong unang linggo ng Mayo.

Samantala, nagsabit ng malaking balatengga ang mga kasapi ng Kaguma sa isang tulay sa Malibay, Pasay noong Mayo 10. Nakasulat dito ang “Labanan ang imperyalistang giyera! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!”

War games ng US at Australia sa Pilipinas, nagpapatuloy