Apat na magsasaka, pinaslang ng mga pwersa ng estado

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Apat na magsasaka ang pinatay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Masbate at Negros Occidental noong Mayo. Pare-pareho silang pinalabas na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan na napatay sa “engkwentro.” Naitala rin sa nakaraang buwan ang pag-aresto sa tatlong sibilyan, kabilang ang isang sanggol.

Pagpatay. Sa Masbate, pinatay ng 96th IB ang 31-anyos na magsasakang si Erlindo Natural noong Mayo 7 sa Barangay Holjogon, Mobo. Si Natural ang ika-29 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa prubinsya sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Sa Negros Occidental, nilusob ng hindi bababa sa 24 tropa ng 62nd IB ang bahay ng pamilyang dela Peña sa Sityo Inangaw, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla noong Mayo 21 ng umaga. Pinaulanan ito ng bala bago iligal na inaresto ng mga sundalo si Richard dela Peña, inilayo sa kanyang bahay at sadyang pinatay.

Noong Mayo 22, sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 79th IB ang magsasakang si Jeje Redobles sa Sityo Manaysay, Barangay Camabayobo, Calatrava. Si Redobles ay karaniwang magsasaka ng kamote at saging.

Noon namang Mayo 30, apat na tama ng bala ang pumatay sa magsasakang si Jigger Barotolo sa Sityo Sangay, Barangay Hilub-ang, Calatrava. Siya ay ipinatawag ng mga ahente ng 79th IB mula sa pagpapastol ng kanyang kalabaw at saka pinatay.

Pag-aresto. Sa Masbate, inaresto ng mga pwersa ng estado si Tinay Ontog sa Barangay Maglambong, bayan ng Monreal noong Mayo 18.

Sa hindi natukoy na petsa, inaresto rin ng mga pwersa ng estado si Baby Arnejo at kanyang sanggol sa Barangay Madao, Uson. Sa paggigiit ng mga kababaryo, nabawi ang sanggol at nailagay sa maayos na kustodiya habang nakakulong pa rin ang kanyang ina.

Pagdukot. Higit dalawang buwan nang nawawala ang binatang si Joy Delica, 32 taong gulang, mula nang dukutin siya ng hindi bababa sa 30 sundalo ng 4th ID sa bahay na kanyang tinutuluyan sa Barangay New Compostella, Damulog, Bukidnon noong Marso 18. Itinali ang mga kamay at paa ni Delica at isinakay sa sasakyan ng mga sundalo.

Pinagbawalan ng mga sundalo ang mga residente na naggumiit na samahan si Delica para matiyak ang kanyang kaligtasan. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa natutunton ang kinaroroonan niya.

Apat na magsasaka, pinaslang ng mga pwersa ng estado