“Fishing ban” ng China sa West PH Sea, hinamon ng mangingisdang Pilipino

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Nagdaos ng kolektibo o sama-samang pangingisda ang Panatag Fisherfolks Association at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa karagatang malapit sa Masinloc, Zambales noong Mayo 30 hanggang Mayo 31 bilang paghamon sa ipinataw na “fishing ban” o pagbabawal na mangisda ng China. Ipinataw nito ang pagbabawal, mula Mayo hanggang Setyembre 16, sa mga erya ng South China Sea na “hilaga ng 12 degrees North latitude” kung saan bahagi ang Panatag Shoal (Scarborough), na 124-nautical miles (224 kilometro) mula sa Zambales.

Liban sa mga mangingisda, sumama rin sa paglalayag ang mga lider ng Bagong Alyansang Makabayan, Pilipinong Nagkakaisa Para sa Soberanya, League of Filipino Students, at Alliance of Concerned Teachers. Sumama rin ang mga kinatawan ng Makabayan bloc na sina Kabataan Rep. Raoul Manuel at ACT Teachers Rep. France Castro.

Liban sa pagsuway sa “fishing ban” ng China, ipinanawagan din ng ekspedisyon ang “ganap na demilitarisasyon” ng West Philippine Sea. Pinatutungkulan ng grupo ang pagtatayo ng China ng mga isla at ang agresyong militar ng imperyalistang US sa tabing ng mga operasyong “freedom of navigation” sa karagatan.

Binatikos din nila ang kamakailang isinagawang pambobomba ng US sa karagatan ng Zambales na bahagi ng Balikatan war games. Mula nang ilunsad ito, bumaba ang nahuhuling isda at kita sa bawat pagpalaot.

Sa desisyon nito noong 2016 sa The Hague, pinawalangsaysay ng Permanent Court of Arbitraton ang sinasabing 9-dash line ng China na sumasakop sa buong South China Sea. Tinukoy nito ang teritoryong pandagat ng Pilipinas na sumasakop sa 12-nautical miles (22 kilometro) mula sa mga baybayin nito, at ang 200-nautical miles na exclusive economic zone at mga extended continental shelf. Kinilala nitong tradisyunal na pangisdaan ng mga mangingisdang Pilipino, Vietnamese at Chinese ang Panatag Shoal at hinusgahang paglabag ang pagpigil ng China na makapangisda sa bahura ang mga mangingisdang Pilipino.

“Fishing ban” ng China sa West PH Sea, hinamon ng mangingisdang Pilipino