La Niña at ang delubyong hatid ng pagwasak sa kalikasan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Habang pumapasok sa tag-ulan ang Pilipinas ngayong Hunyo, nagtatransisyon naman ang panahon mula El Niño tungong La Niña. Noong Mayo, inilagay na ng PAGASA sa 69% na malamang tatama ang La Niña sa panahon ng Hulyo-Setyembre. Kinatatangian ang La Niña ng mas madalas at mas malalakas na pag-ulan, na tiyak na maghahatid ng mas malalalang pagbaha, pagguho ng lupa at bagyo.

Ang El Niño at La Niña ay dalawang bahagi ng penomenang pangklimang tinatawag na El Niño Southern Oscillation o ENSO. Ang ENSO ay kinatatangian ng hindi regular na pagbabago sa hangin at temperatura sa dagat Pasipiko. Pinatitindi ang mga epekto nito ng pag-init ng temperatura sa buong mundo bunsod ng paggamit ng fossil fuel para sa enerhiya, transportasyon at produksyong pang-industriya.

Dumanas na ang Pilipinas ng hindi bababa sa limang siklo ng La Niña mula dekada 1980. Papaiksi ang agwat ng kada siklo at papalaki ang pinsalang idinulot nito sa bansa. Sa La Niña noong 1988-1989, umabot sa ₱900 milyon ang tinayang pinsala sa mga pananim. Dumanas ang bansa ng dalawang magkasunod na La Niña na may 10 taong pagitan—1998-2001 at 2010-2011. Bahagyang tumagal ang La Niña hanggang maagang bahagi ng 2012 na nagpatindi sa mga bagyong tumama sa bansa, laluna sa Mindanao.

Lagpas 1,000 ang iniulat na namatay, 900 ang hindi na natagpuan at puu-puong libo ang nawalan ng tirahan nang humambalos noong Disyembre 2012 ang Bagyong Pablo (internasyunal na pangalan: Bopha) sa rehiyon ng Davao. Lagpas 1,200 naman ang napatay at kasingdami ang nawala sa Region 10, partikular sa Cagayan de Oro nang tumama ang Bagyong Sendong (Washi) noong Disyembre 2011. Wala pang limang taon, muling nagkaroon ng La Niña (2016-2017). Pinatindi ng La Niña na ito ang Bagyong Niña (Nock-Ten, 2016) na tumama sa rehiyon ng Bicol.

Huling nasadlak sa La Niña ang Pilipinas noong 2020-2022. Sa taong 2020 lamang, 23 bagyo ang tumama sa Pilipinas, mas mataas sa karaniwang 20 bagyo kada taon. Pinakamatitindi rito ang Bagyong Rolly (Goni, 2020) at Ulysses (Vamco, 2020) na tumama sa Visayas at Hilagang Luzon. Tinatayang mahigit ₱40 bilyon (o ₱20 bilyon kada isa) ang pinsalang idinulot ng dalawang bagyo na ito. Halos wala nang patlang ang pumagitan sa pagtatapos ng La Niña, bago muling pumasok ang panibagong siklo ng ENSO noong Hulyo 2023.

Pagwasak ng kalikasan at ENSO

Sa mga bagyong Pablo at Sendong, malinaw na salik sa nakamamatay na mga pagbaha ang pagkakalbo ng kagubatan kung saan rumagasa ang tubig mula sa kabundukan tungo sa mas mababang lugar sa mga baybay. Pero higit rito, mas malawak ang epekto ng pagkakalbo ng kagubatan sa Pilipinas sa siklo ng ENSO sa Pasipiko.

Sa isang pag-aaral noong 2023, naipirmi ng mga syentista ang malaking papel ng pagkakalbo ng kagubatan sa tinatawag ng Maritime Continent (MC) sa pagdalas at pagtindi ng ENSO nitong nagdaang mga dekada. Ang MC ay binubuo ng Indonesia, New Guinea, Malay Peninsula, Pilipinas at ng karagatang nakapalibot sa mga ito. Anila, dahil sa pagkakalbo ng mga kagubatan sa mga bansang ito, tumaas nang 11.7% ang posibilidad ng pagkabuo ng mas kumplikado at hindi matantyang mga El Niño; at nang 14.6% ang La Niña.

Ang gayong mga pagkakalbo ay tulak pangunahin ng pagpapalit-gamit ng lupa, komersyal na pagtotroso at paglalatag ng mga komersyal na plantasyon ng kahoy, at malawakan at mapaminsalang pagmimina.

Pinaka-umiinda ng pinsala ng La Niña ang mga pambansang minorya at magsasaka, na nawawalan ng tirahan at kabuhayan tuwing rumaragasa ang mga bagyo at pagbaha. Wasto nilang sinisingil ang mga kumpanya sa mina at plantasyon na magbigay danyos sa pinsalang natamo ng kanilang mga komunidad dulot ng pandarambong at pangwawasak ng mga ito sa kalikasan.

Halimbawa nito ang paggigiit ng mga residente ng Masara, Davao de Oro (dating Compostela Valley) na kumpunihin ng Apex Mining Corporation ang nasirang mga daan at tulay sa bayan pagkatapos ng bagyong Pablo. Sa Cagayan Valley, panawagan naman ng mga magsasaka na ipagpaliban ang paniningil, kundiman tuluyang patawarin, ang kanilang mga utang sa produksyon para mabigyan sila ng pagkakataong makabawi sa susunod na siklo ng taniman. Kasabay ng mga ito, iginiit nila sa reaksyunaryong estado na maglaan ng pondong danyos para sa mga tirahan at kabuhayan na nasira.

La Niña at ang delubyong hatid ng pagwasak sa kalikasan