"Ligtas na lugar" sa Gaza, binomba ng Israel

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Magkakasunod na pambobomba at pag-atake ang inilunsad ng Zionistang Israel sa nauna nitong tinukoy na “ligtas na lugar” ng Rafah, sa timog na bahagi ng Gaza, simula noong huling linggo ng Mayo. Isinagawa ito ng Israel sa kabila ng panibagong desisyon ng International Court of Justice, pangunahing korte ng United Nations, noong Mayo 24 na nag-aatas na “kaagad itigil ang opensibang militar, at kahit ano pang ibang aksyon sa Rafah.”

Noong Mayo 26, hindi bababa sa 49 katao ang napaslang at 250 ang nasugatan sa airstrike ng Israel sa “tent camp” (temporaryong lugar ng ebakwasyon) sa Al-Sultan sa Rafah. Dalawang araw pagkalipas, binomba naman ng mga pwersang Israeli ang tent camp sa Al-Masawi sa Rafah na pumatay sa 21 Palestino at nakasugat sa 64 katao. Kalahati sa mga biktima ay bata, babae at matatanda. Naabo ang temporaryong kampo na tinutuluyan ng mga lumikas sa Rafah na pawang gawa sa mga trapal.

Ang Rafah ay kasalukuyang kumakanlong sa higit 1.5 milyong Palestino mula nang atakehin ng Israel ang Gaza noong nakaraang taon. Nagtayo sila dito ng mga barung-barong at tumutuloy sa mga tent kung saan kulang na kulang sa pagkain at gamot, at kalunus-lunos ang kalagayan ng mga lumikas.

Noong Hunyo 4, umabot na ng 36,550 ang napaslang, kabilang ang 15,000 bata, sa henosidyo ng Zionistang Israel habang 82,959 ang nasugatan. Daan-daanlibong Palestino na ang nataboy at napalayas sa kanilang mga tahanan.

Pilipino para sa Palestine

Nagpapatuloy ang suporta ng mga Pilipino sa mga Palestino sa harap ng walang-tigil na mga paga-atake dito ng Zionistang Israel.

Noong Mayo 30, nagsama-sama ang iba’t-ibang organisasyong masa sa University of the Philippines (UP)-Los Baños para suportahan ang pakikibaka ng mga Palestino. Nagkaroon din ng martsa at pagtitipon sa UP Diliman noong Mayo 19.

Samantala, nanawagan ang PUP for Palestine kay Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang Negrenses for Palestine kay Negros Occidental Governor Eugenio Lacson na putulin ang pakikipag-ugnayan nila sa mga upisyal ng Israel. Kasunod ito ng mga pulong ni Belmonte at Lacson sa mga upisyal ng Israel.

Sa Canada, nakiisa ang mga grupong Pilipino sa protesta noong Mayo 29 sa Ottawa para ipanawagan ang imbestigasyon sa pagbebenta ng armas ng estado ng Canada sa Zionistang rehimen ng Israel. Panawagan din nilang ipasara ang CANSEC, ang taunang arms show o bentahan ng armas ng Canadian Association of Defence and Security Industries, na nagbukas sa Ottawa sa araw na iyon.

"Ligtas na lugar" sa Gaza, binomba ng Israel