Monopolyo ng Meralco sa serbisyong kuryente, perwisyo sa mga konsyumer nito

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Ngayong Hunyo, inianunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) na magtataas ito ng higit ₱0.10 kada kilowatthour (kWh) sa singil ng kuryente bunsod diumano ng kakulangan ng suplay. Pansampu na itong pagtaas sa singil sa nakaraang 12 na buwan. Kahit may ilang buwan na may maliit na pagbaba sa electricity rates, tinatayang aabot na sa ₱11.50 ang karaniwang singil sa kada kWh ng kuryente ng Meralco sa nagdaang taon. Ibig sabihin, para sa isang pamilyang kumokonsumo ng abereyds na 200 kWh kada buwan, ang karaniwang singil sa isang buwan ay naglalaro sa ₱2,300, na malaking bahagi ng sahod o sweldo ng mga ordinaryong manggagawa at empleyado.

Napalalaki ng Meralco ang kita sa kuryente sa walang habas at deregularisadong pagtataas nito ng singil halos buwan-buwan. Nitong nakaraang taon, nag-ulat ito ng kita na umabot sa ₱38 bilyon, na hamak na mas malaki kung ikukumpara sa kabuuang kita ng kumpanya mula 1994 hanggang 2001, na umaabot lamang sa ₱28 bilyon.

Ipinagkikibit-balikat lamang ng mga upisyal ng reaksyunaryong gubyerno ang taas-singil sa kuryente at idinadahilan ang tag-init at tumataas na konsumo. Pero mauugat sa higit dalawang dekada nang patakaran ng deregulasyon at pribatisasyon ang ganitong sitwasyon.

Sa bisa ng Republic Act 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), binuksan nang todo-todo ang industriya sa enerhiya hindi lamang sa pribatisasyon kundi sa monopolisasyon. Nakasaad sa batas na layunin ng ganitong pagbuyangyang ng pampublikong serbisyo ng kuryente sa pribadong pamumuhunan na mapababa ang singil sa kuryente. Pero kabaligtaran ang nangyari. Noong 2017, ang singil ng Meralco sa kada kilowatthour ng kuryente ay naglalaro sa ₱8.03. Umakyat ito sa ₱9.24 noong 2022, at ₱11.50 ngayong taon.

Bunsod ng EPIRA, ang lahat ng bahagi ng sektor ng kuryente—mula generation o paglikha ng kuryente, transmission o ang pagpapadaloy ng malalaking boltahe ng kuryente mula sa planta ng kuryente tungong mga substation, distribution o ang paghahatid ng kuryente sa mga konsyumer, at suplay—ay nakopo na ng iilang kumpanya at pamilya, kabilang ang San Miguel Corporation ni Ramon Ang, Metro Pacific Investments ni Manny V. Pangilinan, at OneTaipan Holdings ng pamilyang Sy.

Nilikha rin ng EPIRA ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) na nagsisilbing palengke kung saan ibinibenta ng mga kumpanyang lumilikha ng kuryente sa mga kumpanyang nagtitingi nito (o mga distributor o kooperatiba). Batay sa EPIRA, ibabatay dapat ng WESM ang presyo ng kuryente sa suplay at demand sa punto ng pagbili.

Matagal nang naungkat ang sabwatan ng iilang kumpanya ng kuryente para manipulahin ang presyo ng kuryente. Nangyayari ito kapag inanunsyo ng isang kumpanya sa distribusyon (tulad ng Meralco) na kulang ang suplay mula sa regular nitong pinagkukuhanan ng kuryente at kinakailangang bumili sa WESM. Ang WESM naman, mabilis na nagtataas ng presyo kapag umano’y humihigpit ang suplay.

Hindi kagulat-gulat ang ganitong sabwatan dahil ang mga kumpanya at mga pamilyang may kontrol sa Meralco at iba pang mga kumpanya sa distribusyon, nagmamay-ari din ng ilan pang bahagi ng sektor ng kuryente. Halimbawa, pagmamay-ari din nina Pangilinan, Ang, at ng mga Aboitiz ang mga kumpanyang nagpapatakbo sa Ilijan Power Plant sa Batangas, na isa sa malaking pinagkukunan ng Meralco ng suplay ng kuryente.

Ito ang dahilan kung bakit marami ang nananawagang imbestigahan ang mga serye ng “red alert” at “yellow alert” na inilalabas ng National Grid Corporation of the Philippines dahil maaaring artipisyal lamang ang kakulangan ng suplay para mapataas ang singil.

Pagmamadali sa franchise renewal

May apat na taon pa bago mapaso ang prangkisa ng Meralco sa bisa ng Republic Act No. 9209 na pinirmahan ni Gloria Arroyo noong Hunyo 2003. Pero ngayon pa lamang, inihaharap na sa Kongreso ang pagpapasa ng batas na magpapalawig nito.

Ang paliwanag ng ilang mambabatas ng reaksyunaryong kongreso, masusuyo daw ng ganitong hakbang ang mga posibleng mamumuhunan sa power industry, na magdudulot naman umano ng pagsasaayos sa serbisyo ng nasabing industriya.

Pero ang totoong dahilan? Paggarantiya sa supertubo ng Meralco, at ng mga pamilyang burgesya kumprador sa likod nito—pangunahin si Pangilinan ng Metro Pacific Investments at ang pamilya Gokongwei ng JG Summit Holdings.

Gusto ring pabilisin ng Meralco ang pagpasa ng bagong prangkisa nito para hindi mabusisi, maungkat, at maimbestigahan ang marami nang naiulat na anomalya at manipulasyon.

Hindi unang beses na tumampok ang Meralco sa ganitong mga pakana. Noong 2002, ipinag-utos ng Korte Suprema sa Meralco na ibalik sa mga konsyumer ang aabot sa ₱28.15 bilyong siningil nito dahil ipinasa nito ang ilang gastusin gaya ng buwis sa mga konsyumer.

Sa prangkisang iginawad sa Meralco noong 2003, pinayagan itong magbenta ng kuryente sa 39 na syudad at 72 bayan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at ilang bahagi ng Batangas, Laguna, Quezon, at Pampanga. Sineserbisyuhan nito ang 7.8 milyong kabahayan sa nasabing mga prubinsya.

Monopolyo ng Meralco sa serbisyong kuryente, perwisyo sa mga konsyumer nito